The Daily Audio Bible
Today's audio is from the VOICE. Switch to the VOICE to read along with the audio.
Muling Nagpakita kay Solomon si Yahweh(A)
9 Nang maipagawa na ni Solomon ang Templo ni Yahweh, ang palasyo ng hari, at ang lahat ng binalak niyang ipatayo, 2 nagpakita(B) muli sa kanya si Yahweh, tulad ng nangyari sa Gibeon. 3 Sinabi sa kanya, “Ibinigay ko ang lahat ng hiniling mo sa iyong panalangin. Itinatakda kong sa Templong ito na inyong ipinatayo, dito mo ako sasambahin magpakailanman. Babantayan ko at iingatan ang Templong ito habang panahon. 4 Kung ikaw naman ay mananatiling tapat sa akin, gaya ng iyong amang si David, kung gagawin mong lahat ang mga ipinagagawa ko sa iyo, at susundin mo ang aking mga utos at tuntunin, 5 pananatilihin(C) ko sa trono ng Israel ang iyong angkan. Iyan ang aking ipinangako sa iyong amang si David. 6 Ngunit kung ikaw, o ang iyong mga anak, ay tatalikod sa akin at hindi susunod sa aking mga kautusan at batas; kapag kayo'y sumamba at naglingkod sa ibang diyos, 7 palalayasin ko ang bayang Israel sa lupaing ibinigay ko sa kanila. Itatakwil ko ang Templong ito na aking itinuring na banal at itinakdang lugar na kung saan ako ay sasambahin. Ang Israel ay pagtatawanan at hahamakin ng lahat ng bansa. 8 Magigiba(D) ang Templong ito, at sinumang mapadaan dito'y mangingilabot at magtataka. Sasabihin nila, ‘Bakit ginawa ito ni Yahweh sa lupaing ito at sa Templong ito?’ 9 At ganito ang isasagot ng mga tao: ‘Sapagkat tinalikuran nila si Yahweh, ang kanilang Diyos na nagligtas sa kanilang mga ninuno mula sa pagkaalipin sa Egipto. Sumamba sila at naglingkod sa ibang mga diyos kaya pinabayaan sila ni Yahweh na mapahamak.’”
Iba pang mga Ipinagawa ni Solomon(E)
10 Dalawampung taon ang nagugol ni Solomon sa pagpapatayo ng Templo ni Yahweh at ng kanyang palasyo. 11 Si Hiram, hari ng Tiro, ang nagpadala ng mga kahoy na sedar at sipres at ginto na ginamit para doon. Dahil dito, siya'y binigyan ni Solomon ng dalawampung lunsod sa lupain ng Galilea bilang kapalit. 12 Ngunit nang dumating si Hiram mula sa Tiro upang tingnan ang mga lunsod na bigay sa kanya ni Solomon, hindi siya lubos na nasiyahan. 13 Kaya nasabi niya, “Kapatid, bakit naman ganito ang mga lunsod na ibinigay mo sa akin?” Kaya't tinawag na Lupa ng Cabul[a] ang mga lunsod na iyon hanggang ngayon. 14 Nagpadala si Hiram kay Solomon ng 4,200 kilong ginto.
15 Gumamit si Haring Solomon ng sapilitang pagtatrabaho upang maipatayo ang Templo ni Yahweh at ang kanyang palasyo, at upang patatagin ang Millo at ang mga pader ng Jerusalem, Hazor, Megido at Gezer. 16 Ang Gezer ay dating lunsod ng mga Cananeo na sinalakay at sinakop ng Faraon, hari ng Egipto. Sinunog niya ito at pinatay ang mga tagaroon. Pagkatapos, ibinigay ng Faraon ang lunsod na ito kay Solomon bilang dote ng kanyang anak na naging reyna ni Solomon. 17 Ngunit ito'y muling ipinatayo ni Solomon. Ipinagawa rin niya ang Beth-horon sa Timog, 18 ang Baalat, ang Tadmor sa ilang 19 at ang mga lunsod at bayang himpilan ng kanyang mga kabayo at karwahe. Ipinagpatuloy niya ang lahat niyang binalak ipagawa sa Jerusalem, sa Lebanon at sa lahat ng lupaing kanyang sakop. 20 Sapilitang pinapagtrabaho ni Solomon ang mga Amoreo, Heteo, Perezeo, Hivita at Jebuseo na nakatira pa sa lupain. 21 Ito ang mga anak at apo ng mga nakaligtas nang iutos ni Yahweh sa mga Israelita na lipulin ang lahat ng lahi na daratnan nila sa lupain ng Canaan. 22 Hindi niya isinama sa sapilitang paggawa ang mga Israelita. Sa halip ang mga ito'y ginawa niyang mandirigma, mga kawal at pinuno ng hukbo, ng kanyang kabayuhan, at ng kanyang mga karwahe.
23 Ang bilang ng mga tagapangasiwa ni Solomon na pinamahala niya sa mga manggagawa ay 550 katao.
24 Nang mayari na ang palasyong ipinagawa niya para sa reyna na anak ng Faraon, pinalipat niya ito mula sa Lunsod ni David. Pagkatapos, ipinagawa niya ang Millo.
25 Taun-taon,(F) tatlong beses na naghahandog si Solomon sa altar na itinayo niya para kay Yahweh. Nag-aalay siya ng mga handog na susunugin at mga handog na pinagsasaluhan, at nagsusunog din siya ng insenso para kay Yahweh. At natapos niya ang pagtatayo ng Templo.
26 Nagpagawa rin si Solomon ng maraming barko sa Ezion-geber. Ang lunsod na ito ay nasa baybayin ng Dagat na Pula,[b] sa lupain ng Edom, malapit sa Elat. 27 Upang tulungan ang mga tauhan ni Solomon, pinadalhan siya ni Hiram ng sarili niyang mga tauhan na parang mga sanay na mandaragat. 28 Pumunta sila sa Ofir, at pagbalik ay nag-uwi sila ng 14,700 kilong ginto at dinala nila kay Solomon.
Ang Pagdalaw ng Reyna ng Seba(G)
10 Nabalitaan(H) ng reyna ng Seba ang katanyagan ni Solomon.[c] Kaya't nagsadya siya upang subukin ito sa pamamagitan ng mahihirap na katanungan. 2 Dumating siya sa Jerusalem na may kasamang maraming alalay at may dalang maraming kayamanan: mga kamelyo na may kargang iba't ibang uri ng pabango, napakaraming ginto at batong hiyas. At nang makaharap na siya ni Solomon, sinabi niya ang kanyang pakay. 3 Sinagot naman ni Solomon ang lahat ng kanyang tanong at wala ni isa mang hindi nito naipaliwanag. 4 Humanga ang reyna sa karunungan ni Solomon at sa palasyong ipinagawa nito. 5 Napansin niya ang pagkain sa hapag ng hari, ang mga tirahan ng kanyang mga opisyal at ang kaayusan ng kanyang mga tauhan. Napansin din niya ang kanyang kasuotan, ang mga tagadulot niya ng inumin, ang handog na iniaalay niya sa Templo. Hangang-hanga ang reyna sa kanyang nakita.
6 Kaya't sinabi niya sa hari, “Totoo nga palang lahat ang narinig ko tungkol sa inyo at sa inyong karunungan. 7 Hindi ko mapaniwalaan ang mga sinasabi nila sa akin tungkol sa inyo. Ngunit ngayong nakita ko na ang lahat, napatunayan kong wala pa pala sa kalahati ang ibinalita nila sa akin. Sapagkat ang inyong karunungan ay talagang higit kaysa ibinalita nila. 8 Napakapalad ng inyong mga asawa. Mapalad ang inyong mga tauhan sapagkat lagi nilang naririnig ang inyong karunungan! 9 Purihin si Yahweh, ang inyong Diyos, na nagpala sa inyo at naglagay sa inyo sa trono ng Israel. Dahil sa walang katapusang pag-ibig ni Yahweh sa Israel, ginawa niya kayong hari upang mamahala dito at magpairal ng katarungan.”
10 At ang hari'y binigyan niya ng halos 4,200 kilong ginto, at napakaraming pabango at batong hiyas. Kailanma'y hindi natumbasan sa dami ang pabangong iyon na bigay ng reyna ng Seba kay Haring Solomon.
11 Bukod dito, ang mga barko ni Hiram na nagdadala ng ginto buhat sa Ofir ay may dala ring mga batong hiyas at napakaraming kahoy na algum. 12 Ito ang kahoy na ginamit sa mga upuan sa Templo at sa palasyo ng hari at sa mga lira at alpa ng mga manunugtog. Wala na muling dumating o nakita pang kahoy na tulad nito mula noon hanggang ngayon.
13 Ibinigay naman ni Haring Solomon sa reyna ng Seba ang bawat magustuhan nito, ang lahat niyang hinihingi, bukod pa sa kanyang kusang ipinagkaloob sa reyna. Pagkatapos nito'y umuwi na ang reyna pati ang kanyang mga alalay sa lupain ng Seba.
Ang mga Kayamanan ni Solomon(I)
14 Ang gintong dumarating kay Solomon taun-taon ay umaabot sa 23,310 kilo. 15 Hindi pa kabilang dito ang buwis na galing sa mga mangangalakal, ang tubo sa pangangalakal mula sa labas ng bansa, at ang buwis[d] na galing sa mga hari ng Arabia at sa mga gobernador ng mga lalawigan.
16 Nagpagawa si Haring Solomon ng 200 malalaking kalasag na balot ng ginto. Umabot sa labinlimang librang ginto ang nagamit na pambalot sa bawat isa. 17 Nagpagawa pa siya ng 300 maliliit na kalasag na may balot ding ginto. Halos apat na librang ginto ang nagamit na pambalot sa bawat isa. Ipinalagay ng hari ang mga nasabing kalasag sa palasyo, sa bulwagang tinatawag na Gubat ng Lebanon.
18 Nagpagawa rin siya ng isang malaking tronong yari sa garing ng elepante na may mga balot ding gintong lantay. 19 Anim na baytang ang paakyat sa trono. May ulo ng bisirong baka ang ulunan ng trono, at may patungan ng bisig sa dalawang tagiliran. May dalawang leon na nakatayo sa tabi nito, 20 at labindalawa naman sa magkabilang dulo ng mga baytang. Kailanma'y wala pang ginawang trono na tulad nito sa alinmang kaharian.
21 Gintong lahat ang mga inuman ng Haring Solomon, at gayundin ang mga kasangkapan sa bulwagang tinatawag na Gubat ng Lebanon. Walang kagamitang pilak dahil hindi pa ito pinahahalagahan noong panahon ni Solomon. 22 May mga malalaking barko siya sa karagatan, kasama ng mga barko ni Hiram, at tuwing ikatlong taon ay dumarating ang mga barkong ito na may dalang ginto, pilak, garing, mga unggoy at pabo real.
23 Si Haring Solomon ang pinakamarunong at pinakamayaman sa lahat ng mga hari sa buong mundo. 24 Dinadayo siya ng mga tao mula sa lahat ng panig ng daigdig upang marinig ang karunungang ibinigay sa kanya ng Diyos. 25 At ang bawat isa'y may dalang regalo sa kanya: mga sisidlang ginto at pilak, mga damit at mga sandata, mga pabango, mga kabayo, at mola. At nagpatuloy ito sa loob ng maraming taon.
Mga Sasakyan ni Solomon
26 Nagtatag(J) si Haring Solomon ng isang malaking hukbo na binubuo ng 1,400 karwahe at 12,000 mangangabayo. Ang mga ito'y inilagay niya sa mga bayang himpilan ng mga karwahe at sa Jerusalem upang bantayan ang hari. 27 Sa(K) Jerusalem, ang pilak ay naging parang bato sa dami, at ang sedar ay naging kasindami ng sikamoro sa kapatagan. 28 Galing(L) pa sa Musri at Cilicia ang mga kabayo ni Solomon. May mga mangangalakal siyang tagapamili doon sa tiyak na halaga. 29 Bumibili din sila ng mga karwahe sa Egipto sa halagang 600 pirasong pilak bawat isa at sa 150 piraso naman ang bawat kabayo. Ang mga ito'y ipinagbibili ng mga mangangalakal ni Solomon sa mga haring Heteo at Arameo.
14 Nang mabalitaan ng mga apostol sa Jerusalem na tinanggap ng mga Samaritano ang salita ng Diyos, isinugo nila roon sina Pedro at Juan. 15 Pagdating doon, ipinanalangin ng dalawang apostol ang mga Samaritano upang sila'y tumanggap din ng Espiritu Santo, 16 sapagkat hindi pa ito bumababa sa kaninuman sa kanila. Sila'y nabautismuhan pa lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus. 17 Ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang kamay sa mga Samaritano at tumanggap ang mga ito ng Espiritu Santo.
18 Nakita ni Simon na ang Espiritu'y ipinagkakaloob sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay ng mga apostol, kaya't inalok niya ng salapi sina Pedro at Juan. 19 “Bigyan din ninyo ako ng kapangyarihang ito upang ang sinumang patungan ko ng kamay ay tumanggap ng Espiritu Santo,” sabi niya.
20 Sinagot siya ni Pedro, “Nawa'y mapapahamak ka kasama ng iyong salapi, sapagkat inakala mong mabibili ng salapi ang kaloob ng Diyos! 21 Wala kang bahagi ni karapatan sa bagay na ito, sapagkat hindi tama ang iyong puso sa paningin ng Diyos. 22 Pagsisihan mo ang kasamaan mong ito at manalangin ka sa Panginoon, na nawa'y patawarin ka niya sa iyong hangarin, 23 dahil nakikita kong puno ka ng inggit at bilanggo ng kasalanan.”
24 Sumagot si Simon, “Idalangin ninyo ako sa Panginoon, para hindi ko sapitin ang alinman sa mga sinabi ninyo!”
25 Pagkatapos magpatotoo at mangaral ng salita ng Panginoon, bumalik sa Jerusalem sina Pedro at Juan. Ipinangaral nila ang Magandang Balita tungkol kay Cristo sa maraming nayon ng Samaria na kanilang dinaanan.
Si Felipe at ang Pinunong Taga-Etiopia
26 Pagkatapos, sinabi ng isang anghel ng Panginoon kay Felipe, “Pumunta ka sa gawing timog sa daang mula sa Jerusalem papuntang Gaza.” Halos hindi na iyon dinadaanan ngayon. 27 Pumunta nga doon si Felipe. Samantala, isang eunuko na pinunong taga-Etiopia, na ingat-yaman ng Candace, reyna ng Etiopia, ang nagtungo sa Jerusalem upang sumamba 28 at pauwi na noon, nakasakay sa kanyang karwahe at nagbabasa ng aklat ni Propeta Isaias. 29 “Sabayan mo ang sasakyang iyon,” utos ng Espiritu kay Felipe. 30 Kaya patakbong lumapit si Felipe at narinig niyang binabasa ng pinuno ang aklat ni Propeta Isaias. Tinanong ni Felipe ang pinuno, “Nauunawaan ba ninyo ang inyong binabasa?”
31 Sagot naman nito, “Paano ko mauunawaan ito kung walang magpapaliwanag sa akin?” At si Felipe ay inanyayahan niyang sumakay sa karwahe at umupo sa kanyang tabi. 32 Ito(A) ang bahagi ng kasulatang binabasa niya:
“Siya ay tulad ng isang tupang dinadala sa katayan;
tulad ng isang korderong hindi tumututol kahit na gupitan.
At hindi umiimik kahit kaunti man.
33 Siya'y hinamak at pinagkaitan ng katarungan.
Walang sinumang makapagsasalaysay tungkol sa kanyang angkan,
sapagkat kinitil nila ang kanyang buhay.”
34 Nagtanong kay Felipe ang pinuno, “Sabihin mo nga sa akin, sino ba ang tinutukoy dito ng propeta? Sarili ba niya o iba?”
35 Simula sa kasulatang ito ay isinalaysay sa kanya ni Felipe ang Magandang Balita tungkol kay Jesus. 36 Nagpatuloy sila sa paglalakbay, at dumating sa isang lugar na may tubig. Kaya't sinabi ng pinuno, “Tingnan mo, may tubig dito! Mayroon bang hadlang upang ako'y bautismuhan?” [37 Sinabi sa kanya ni Felipe, “Maaari, kung sumasampalataya ka nang buong puso.” Sumagot ang pinuno, “Sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ang Anak ng Diyos!”][a]
38 Pinatigil ng pinuno ang karwahe, lumusong silang dalawa sa tubig at binautismuhan siya ni Felipe. 39 Pagkaahon nila sa tubig, si Felipe ay kinuha ng Espiritu ng Panginoon at hindi na siya nakita pa ng pinuno. Ang pinuno ay tuwang-tuwang nagpatuloy sa paglalakbay. 40 Namalayan na lamang ni Felipe na siya'y nasa Azoto. Mula roon, ipinangaral niya ang Magandang Balita tungkol kay Jesus sa lahat ng bayang dinaraanan niya hanggang sa marating niya ang Cesarea.
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
130 Sa gitna ng paghihirap, kay Yahweh ay dumalangin.
2 Panginoon, ako'y dinggin kapag ako'y tumataghoy,
dinggin mo ang pagtawag ko't paghingi ng iyong tulong.
3 Kung ikaw ay may talaan nitong aming kasalanan,
lahat kami ay tatanggap ng hatol mong nakalaan.
4 Ngunit iyong pinatawad, kasalanan ay nilimot,
pinatawad mo nga kami upang sa iyo ay matakot.
5 Sabik akong naghihintay, O Yahweh, sa iyong tugon,
pagkat ako'y may tiwala sa pangako mong pagtulong.
6 Yaring aking pananabik, Panginoon, ay higit pa
sa bantay na naghihintay ng pagsapit ng umaga.
7 Magtiwala ka, Israel, magtiwala ka kay Yahweh,
matatag at di kukupas ang pag-ibig niyang dulot,
lagi siyang nakahandang sa sinuman ay tumubos.
8 Ililigtas(A) ang Israel, bansang kanyang minamahal,
ililigtas niya sila sa kanilang kasalanan.
2 Ang tusong alipin ay makakahati pa sa mamanahin,
ng anak ng kanyang amo kung ito'y inutil.
3 Dinadalisay sa apoy ang ginto at pilak,
ngunit sa puso ng tao'y si Yahweh ang sumisiyasat.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.