Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the MEV. Switch to the MEV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Hukom 13-14

Ipinanganak si Samson

13 Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita laban kay Yahweh kaya sila'y hinayaan niyang masakop ng mga Filisteo sa loob ng apatnapung taon.

Nang panahong iyon, sa bayan ng Zora ay may isang lalaking nagngangalang Manoa na kabilang sa lipi ni Dan. Ang asawa niya ay hindi magkaanak sapagkat ito'y baog. Minsan, nagpakita sa babae ang anghel ni Yahweh at sinabi, “Hindi ka pa nagkakaanak. Ngunit hindi magtatagal, maglilihi ka at manganganak. Kaya, mula ngayon ay huwag kang iinom ng anumang uri ng alak ni titikim ng anumang ipinagbabawal na pagkain. Kapag(A) naisilang mo na ang iyong anak na lalaki, huwag mo siyang puputulan ng buhok sapagkat mula pa sa kanyang pagsilang ay ilalaan na siya sa Diyos bilang isang Nazareo. Siya ang magsisimulang magligtas sa Israel mula sa mga Filisteo.”

Lumapit ang babae sa kanyang asawa at sinabi, “Nagpakita sa akin ang isang lingkod ng Diyos, at ang hitsura niya'y kakila-kilabot na parang anghel ng Diyos. Hindi ko tinanong kung saan siya galing at hindi naman niya sinabi kung sino siya. Huwag daw akong iinom ng alak ni titikim ng anumang ipinagbabawal na pagkain sapagkat ang sanggol na isisilang ko'y ilalaan sa Diyos bilang isang Nazareo.”

Dahil dito, nanalangin si Manoa, “Yahweh, kung maaari'y pabalikin ninyo sa amin ang nasabing lingkod ng Diyos upang sabihin ang lahat ng nararapat naming gawin sa magiging anak namin.” Tinugon naman ni Yahweh ang kahilingan ni Manoa. Nagpakita muli ang anghel sa asawa ni Manoa nang ito'y nag-iisang nakaupo sa bukid. 10 Dali-dali niyang hinanap ang kanyang asawa at sinabi, “Manoa, halika! Naritong muli ang lalaking nagpakita sa akin noong isang araw.”

11 Sumunod naman si Manoa. Nang makita niya ang lalaki, tinanong niya ito, “Kayo po ba ang nakausap ng aking asawa?”

“Oo,” sagot nito.

12 “Kung magkakatotoo ang sinabi ninyo, ano ang magiging buhay ng bata at ano ang dapat niyang gawin?” tanong ni Manoa.

13 Sumagot ang anghel ni Yahweh, “Kailangang sundin ng asawa mo ang lahat ng sinabi ko sa kanya. 14 Huwag siyang kakain ng anumang mula sa puno ng ubas. Huwag rin siyang iinom ng anumang uri ng alak ni titikim ng anumang ipinagbabawal na pagkain. Kailangan niyang sundin ang lahat ng sinabi ko sa kanya.”

15 “Huwag po muna kayong aalis at ipagluluto ko kayo ng isang batang kambing,” pakiusap ni Manoa.

16 “Huwag mo na akong ipaghanda at hindi ko naman kakainin. Kung gusto mo, sunugin mo na lamang ang kambing na iyon bilang handog kay Yahweh,” sagot ng anghel. Hindi alam ni Manoa na anghel pala ni Yahweh ang kausap niya.

17 Sinabi ni Manoa, “Kung gayo'y sabihin man lang ninyo sa amin ang inyong pangalan para malaman namin kung sino ang pasasalamatan namin sa sandaling magkatotoo itong sinasabi ninyo.”

18 Sinabi ng anghel ni Yahweh, “Bakit gusto pa ninyong malaman ang aking pangalan? Ito'y kamangha-manghang pangalan.”

19 Noon din, si Manoa'y kumuha ng kambing at handog na pagkaing butil. Sinunog niya ang mga ito sa ibabaw ng isang malaking bato bilang handog kay Yahweh, na gumagawa ng kababalaghan.[a] 20 Nang nagliliyab na ang apoy, nakita ng mag-asawang Manoa na ang anghel ay umakyat sa langit sa pamamagitan ng apoy. Nagpatirapa ang mag-asawa, 21 sapagkat noon nila naunawaan na ang nakausap pala nila'y isang anghel ni Yahweh. Hindi na nila muling nakita ang anghel.

22 Makalipas ang ilang sandali, sinabi ni Manoa sa kanyang asawa, “Tiyak na mamamatay tayo sapagkat nakita natin ang Diyos.”

23 Ngunit ang sagot ng kanyang asawa, “Kung papatayin tayo ni Yahweh, hindi sana niya tinanggap ang ating handog. Hindi rin sana niya pinahintulutang masaksihan natin ang lahat ng ito, ni sabihin ang mga narinig natin.”

24 Dumating ang araw at nanganak ang asawa ni Manoa. Lalaki ang sanggol at pinangalanan nilang Samson. Lumaki ang batang patuloy na pinagpapala ni Yahweh. 25 At nagsimulang udyukan ng Espiritu[b] ni Yahweh si Samson at siya'y pinakilos nito sa kampo ng Dan na nasa pagitan ng Zora at ng Estaol.

Nag-asawa si Samson ng Dalagang Taga-Timna

14 Minsan, nagpunta si Samson sa Timna at nakakita siya roon ng isang dalagang Filistea. Nang siya'y umuwi, sinabi niya sa kanyang mga magulang, “Mayroon po akong nakitang isang dalagang Filistea sa Timna. Kunin po ninyo siya para sa akin. Gusto ko siyang mapangasawa.”

“Bakit naman gusto mo pang sa angkan ng mga hindi tuling iyon ka pipili ng mapapangasawa? Wala ka bang mapili sa ating angkan, sa ating mga kababayan?” tanong ng mga ito.

Sumagot si Samson, “Basta siya po ang gusto kong mapangasawa.”

Hindi alam ng mga magulang ni Samson na ang ginagawa niya ay kalooban ni Yahweh upang bigyan ito ng pagkakataong digmain ang mga Filisteo. Ang Israel noon ay nasasakop ng mga Filisteo.

Pumunta si Samson sa Timna kasama ang kanyang mga magulang. Habang dumaraan sa isang ubasan, may isang batang leon na umungal kay Samson. Kaya't pinalakas siya ng Espiritu[c] ni Yahweh at pinatay niya sa pamamagitan lamang ng kanyang mga kamay ang leon na para lamang isang batang kambing. Ngunit hindi niya ito ipinaalam sa kanyang mga magulang.

Pagkatapos ay pinuntahan ni Samson ang dalaga at kinausap. Lalo niya itong nagustuhan. Pagkalipas ng ilang araw, nagbalik siya upang pakasalan na ang babae. Pagdating niya sa pinagpatayan niya ng leon, naisipan niyang tingnan ito. Ang nakita niya'y isang malaking bahay ng pukyutan sa loob ng katawan ng napatay niyang leon. Sinalok niya ng kanyang mga kamay ang pulot at kinain saka nagpatuloy sa kanyang lakad. Pagbalik niya, inuwian pa niya ng pulot ang kanyang mga magulang. Kinain naman nila ito, ngunit hindi alam kung saan galing. Hindi sinabi ni Samson na iyon ay galing sa bangkay ng napatay niyang leon.

10 Pumunta ang ama ni Samson sa bahay ng kanyang mapapangasawa. Tulad ng kaugalian ng mga binata noon, naghanda si Samson doon ng salu-salo. 11 Nang makita siya ng mga Filisteo, siya'y binigyan nila ng tatlumpung abay na kabataang lalaki. 12 Naisipan ni Samson na sila'y bigyan ng palaisipan. Ang sabi niya, “Mayroon akong bugtong. Kapag nahulaan ninyo bago matapos ang pitong araw na handaan, bibigyan ko kayo ng tatlumpung piraso ng pinong lino at tatlumpung magagarang damit. 13 Ngunit kung hindi ninyo ito mahulaan, ako naman ang bibigyan ninyo ng tatlumpung pinong lino at tatlumpung magagarang damit.”

Sumagot sila, “Payag kami.”

14 Sinabi ni Samson,

“Mula sa kumakain ay lumabas ang pagkain;
at mula sa malakas, matamis ay lumabas.”

Tatlong araw na ang nakararaa'y hindi pa nila ito mahulaan.

15 Nang ikaapat na araw,[d] sinabi nila sa asawa ni Samson, “Suyuin mo ang iyong asawa para malaman namin ang sagot sa bugtong niya. Kung hindi, susunugin ka namin at ang iyong pamilya. Inanyayahan ba ninyo kami para mamulubi?”

16 Kaya, lumapit ang babae kay Samson at lumuluhang sinabi, “Hindi mo ako mahal. Nagpapahula ka ng bugtong sa aking mga kaibigan ngunit hindi mo sinasabi sa akin ang sagot.”

Sumagot si Samson, “Kung sa aking mga magulang ay hindi ko ito ipinaalam, sa iyo pa?” 17 Ang babae'y patuloy sa pag-iyak at panunuyo kay Samson sa loob ng pitong araw nilang handaan. Kaya, nang ikapitong araw, sinabi rin niya ang sagot sa bugtong dahil sa kakulitan nito. Ang sinabi ni Samson ay sinabi naman nito sa kanyang mga kaibigan.

18 At bago dumilim nang ikapitong araw, ang mga taga-Timna ay nagpunta kay Samson at kanilang sinabi,

“May tatamis pa ba sa pulot-pukyutan?
At may lalakas pa ba sa leon?”

Sinabi sa kanila ni Samson,

“Kung ang aking asawa'y di ninyo tinakot,
hindi sana nalaman ang tamang sagot.”

19 At si Samson ay pinalakas ng Espiritu[e] ni Yahweh. Nagpunta siya sa Ashkelon at pumatay ng tatlumpung kalalakihan. Kinuha niya ang magagarang kasuotan ng mga ito at ibinigay sa mga nakasagot sa kanyang bugtong. Pagkatapos, umuwi siyang galit na galit dahil sa nangyari. 20 At ang asawa naman niya'y ibinigay sa pangunahing abay na lalaki.

Juan 1:29-51

Ang Kordero ng Diyos

29 Kinabukasan, nakita ni Juan si Jesus na lumalapit sa kanya. Sinabi niya, “Tingnan ninyo, siya ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan. 30 Siya ang tinutukoy ko nang sabihin kong ang dumarating na kasunod ko ay higit sa akin, sapagkat siya'y naroon na bago pa man ako ipanganak. 31 Hindi ko rin siya kilala noon subalit ako'y naparitong nagbabautismo sa tubig upang ipakilala siya sa Israel.”

32 Ganito ang patotoo ni Juan: “Nakita ko ang Espiritu na bumababa na parang isang kalapati na buhat sa langit at nanatili sa kanya. 33 Hindi ko nga siya kilala noon. Ngunit ang nagsugo sa akin upang magbautismo sa tubig ang siyang nagsabi sa akin, ‘Kung kanino mo makitang bumabâ at manatili ang Espiritu, siya ang magbabautismo sa pamamagitan ng Espiritu Santo.’ 34 Ngayon ay nakita ko siya, at pinapatotohanan kong siya ang Anak ng Diyos.”

Ang Unang Apat na Alagad ni Jesus

35 Kinabukasan, naroon muli si Juan kasama ang dalawa sa kanyang mga alagad. 36 Nang makita niya si Jesus na nagdaraan ay kanyang sinabi, “Tingnan ninyo, siya ang Kordero ng Diyos!”

37 Narinig ng dalawang alagad ang sinabi niya, kaya't sumunod sila kay Jesus. 38 Lumingon si Jesus, at nang makita niyang sumusunod sa kanya ang mga ito, sila'y tinanong niya, “Ano ang kailangan ninyo?”

Sumagot sila, “Saan po kayo nakatira, Rabi?” Ang kahulugan ng salitang ito'y Guro.

39 “Halikayo at tingnan ninyo,” sabi ni Jesus.

Sumama sila kay Jesus at nakita nila ang kanyang tinitirhan; at tumuloy sila roon nang araw na iyon. Noo'y mag-aalas kuwatro na ng hapon.

40 Ang isa sa dalawang alagad na nakarinig kay Juan at sumunod kay Jesus ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro. 41 Unang hinanap ni Andres ang kanyang kapatid na si Simon. Sinabi niya rito, “Nakita na namin ang Mesiyas!” Ang kahulugan ng salitang ito'y Cristo. 42 At isinama ni Andres si Simon kay Jesus.

Tiningnan ni Jesus si Simon at sinabi sa kanya, “Ikaw ay si Simon na anak ni Juan. Ikaw ay tatawaging Cefas”[a] (na ang katumbas ay Pedro[b]).

Ang Pagkatawag kina Felipe at Nathanael

43 Kinabukasan, minabuti ni Jesus na pumunta sa Galilea. Nakita niya roon si Felipe at sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” 44 Si Felipe ay taga-Bethsaida, tulad nina Andres at Pedro.

45 Nakita ni Felipe si Nathanael at sinabi niya dito, “Natagpuan na namin ang tinutukoy ni Moises sa kanyang isinulat sa aklat ng Kautusan at gayundin ng mga propeta. Siya'y si Jesus na taga-Nazaret, na anak ni Jose.”

46 “May mabuti bang maaaring magmula sa Nazaret?” tanong ni Nathanael.

Sumagot si Felipe, “Halika't tingnan mo.”

47 Nang malapit na si Nathanael ay sinabi ni Jesus, “Masdan ninyo ang isang tunay na Israelita. Wala siyang anumang pagkukunwari.”

48 Tinanong siya ni Nathanael, “Paano ninyo ako nakilala?”

Sumagot si Jesus, “Bago ka pa tawagin ni Felipe, nakita na kita nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos.”

49 Sumagot si Nathanael, “Rabi, kayo nga po ang Anak ng Diyos! Kayo ang Hari ng Israel!”

50 Sinabi ni Jesus, “Sumampalataya ka ba dahil sa sinabi ko sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Higit pa riyan ang masasaksihan mo.” 51 At(A) sinabi niya sa kanya, “Pakatandaan mo: makikita ninyong bukás ang langit, at ang mga anghel ng Diyos ay manhik-manaog sa kinaroroonan ng Anak ng Tao!”

Mga Awit 102

Panalangin ng Isang Nababagabag na Kabataan

Panalangin ng isang dumaranas ng hirap at humihingi ng tulong kay Yahweh.

102 Dinggin mo, O Yahweh, ang aking dalangin,
    lingapin mo ako sa aking pagdaing.
O huwag ka sanang magkubli sa akin,
    lalo sa panahong may dusa't bigatin.
Kapag ako'y tumawag, ako'y iyong dinggin
    sa sandaling iyo'y agad mong sagutin.

Nanghihina akong usok ang katulad,
    damdam ko sa init, apoy na maningas.
Katulad ko'y damong natuyo sa parang,
    pati sa pagkai'y di ako ganahan.
Kung ako'y tumaghoy ay ubod nang lakas,
    yaring katawan ko'y buto na at balat.
Tulad ko'y mailap na ibon sa ilang,
    para akong kuwago sa dakong mapanglaw;
ang aking katulad sa hindi pagtulog,
    ibon sa bubungang palaging malungkot.
Sa buong maghapon, ang kaaway ko, nililibak ako, kinukutyang todo;
    gamit sa pagsumpa'y itong pangalan ko.

Pagkain ko'y abo at hindi tinapay,
    luha'y hinahalo sa aking inuman.
10 Dahil sa galit mo, aking Panginoon,
    dinaklot mo ako't iyong itinapon.
11 Ang buhay kong taglay ay parang anino;
    katulad ko ngayo'y natuyo nang damo.

12 Ngunit ikaw, Yahweh, ay haring walang hanggan,
    di ka malilimot ng buong kinapal.
13 Ikaw ay mahabag, tulungan ang Zion,
    pagkat dumating na ang takdang panahon,
    sa kalagayan niya ay dapat tumulong.
14 Mahal pa rin siya ng iyong mga lingkod
    bagama't nawasak at gumuhong lubos.

15 Ang lahat ng bansa kay Yahweh ay takot,
    maging mga hari sa buong sinukob.
16 Itatayong muli ni Yahweh ang Zion,
    kaluwalhatian niya'y mahahayag doon.
17 Daing ng mahirap ay iyong papakinggan,
    di mo tatanggihan ang kanilang kahilingan.

18 Ito'y masusulat upang matunghayan,
    susunod na lahing di pa dumarating; ikaw nga, O Yahweh, ang siyang pupurihin.
19 Mula sa itaas, sa trono mong banal,
    ang lahat sa lupa'y iyong minamasdan.
20 Iyong dinirinig ang pagtataghuyan ng mga bilanggong ang hatol ay bitay,
    upang palayain sa hirap na taglay.
21 Anupa't ang iyong ngala'y mahahayag, sa Zion, O Yahweh, ika'y itatanyag;
    at sa Jerusalem pupurihing ganap
22     kapag ang mga bansa ay nagsasama-sama
    sa banal na lunsod upang magsisamba.

23 Ako'y pinanghina, sa aking kabataan;
    pakiramdam ko ay umikli ang buhay.
24 Itong aking hibik, O aking Diyos,
    huwag mo sanang kunin sa ganitong ayos!
Ang buhay mo, Yahweh, walang katapusan;
25     nang(A) pasimula'y nilikha mo ang sanlibutan,
    at ang mga kamay mo ang siyang lumikha sa kalangitan.
26 Maliban sa iyo, lahat ay lilipas,
    at tulad ng damit, lahat ay kukupas;
sila'y huhubaring parang kasuotan.
27 Ngunit mananatili ka't hindi magbabago,
    walang katapusan ang mga taon mo.
28 At ang mga anak ng iyong mga lingkod,
    mamumuhay namang panatag ang loob;
    magiging matatag ang kanilang angkan, sa pag-iingat mo, sila'y mananahan.

Mga Kawikaan 14:15-16

15 Pinaniniwalaan ng mangmang ang lahat niyang mapakinggan,
    ngunit sinisiyasat ng may unawa ang kanyang pupuntahan.
16 Ang taong may unawa ay lumalayo sa kasamaan,
    ngunit ang mangmang ay napapahamak dahil sa kapabayaan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.