The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NET. Switch to the NET to read along with the audio.
Ang Kasunduan ng Diyos kay David(A)
7 Si David ay panatag nang nakatira sa kanyang palasyo. Sa tulong ni Yahweh, hindi na siya ginambala ng kanyang mga kaaway. 2 Tinawag niya si Natan at sinabi, “Ang tahanan ko'y yari sa sedar, samantalang nasa isang tolda lamang ang Kaban ng Diyos.”
3 Sumagot si Natan, “Isagawa mo ang iyong iniisip, sapagkat si Yahweh ay sumasaiyo.” 4 Ngunit nang gabi ring iyon, sinabi ni Yahweh kay Natan, 5 “Pumunta ka kay David na aking lingkod at sabihin mo, ‘Ipagtatayo mo ba ako ng tahanan? 6 Mula nang ilabas ko sa Egipto ang Israel, wala pa akong bahay na masasabing akin. Hanggang ngayo'y tolda pa ang aking tahanan. 7 Kahit lagi akong kasama ng Israel, wala akong sinabing anuman sa sinumang pinuno tungkol sa tahanang sedar na dapat kong tirhan, gayong ako ang pumili sa kanila upang mamahala sa aking kawan.’ 8 Sabihin mo rin sa lingkod kong si David ang salitang ito ni Yahweh: ‘Kinuha kita mula sa pagpapastol ng tupa upang gawing pinuno ng bayang Israel. 9 Kasama mo ako saan ka man magtungo at lahat mong mga kaaway ay aking nilipol. Gagawin kong dakila ang iyong pangalan tulad ng mga dakilang tao sa daigdig. 10 Bibigyan ko ang Israel ng kanyang lupa at doon ko papatirahin. Wala nang gagambala sa kanila roon; wala nang taong mararahas na aalipin sa kanila tulad noong una, 11 buhat nang maglagay ako ng hukom nila. Magiging payapa ka sapagkat wala nang gagambala sa iyo. Bukod dito, akong si Yahweh ay nagsasabi sa iyo, papatatagin ko ang iyong sambahayan. 12 Pagkamatay(B) mo, isa sa mga anak mong lalaki ang hahalili sa iyo bilang hari, at papatatagin ko ang kanyang kaharian. 13 Siya ang magtatayo ng templo para sa akin, at sa kanyang angkan magmumula ang maghahari sa aking bayan magpakailanman. 14 Ako'y(C) kanyang magiging ama at siya'y aking magiging anak. Kung siya'y magkasala, paparusahan ko siya tulad ng pagpaparusa ng ama sa nagkakasalang anak. 15 Ngunit ang paglingap ko sa kanya'y hindi magbabago, di tulad ng nangyari kay Saul. 16 Magiging(D) matatag ang iyong sambahayan, ang iyong kaharia'y hindi mawawaglit sa aking paningin at mananatili ang iyong trono magpakailanman.’” 17 Isinaysay nga ni Natan kay David ang lahat ng sinabi sa kanya ni Yahweh.
Ang Panalangin ni David(E)
18 Pagkatapos nito, pumasok sa tolda si Haring David, umupo at nanalangin. Sinabi niya, “Ako po at ang aking pamilya ay hindi karapat-dapat sa lahat ng kabutihang ginawa ninyo sa akin, Panginoong Yahweh. 19 Maaaring maliit na bagay lamang ito sa inyong paningin, O Panginoong Yahweh, subalit napakalaki para sa amin sapagkat tiniyak na ninyo ang magandang kalagayan ng sambahayan ko para sa hinaharap. 20 Wala na akong masasabi sapagkat kilala ninyo ang inyong lingkod. 21 Ayon sa inyong pangako, niloob ninyong maging dakila ang inyong lingkod. 22 Napakadakila mo, O Panginoong Yahweh. Wala pa kaming nababalitaang Diyos na tulad ninyo. Ikaw lamang ang Diyos. 23 Walang(F) bansang maitutulad sa Israel. Ito'y hinango ninyo sa pagkaalipin upang maging inyong bayan. Ito lamang ang bansang pinagpakitaan ninyo ng mga kakila-kilabot at dakilang bagay para sila'y matulungan. Itinaboy ninyo ang ibang mga bansa at inalis ang kanilang mga diyus-diyosan pagdating nila. 24 Yahweh, itinatag ninyo ang bansang Israel upang maging inyo magpakailanman at kayo po ang kanilang naging Diyos.
25 “At ngayon Panginoong Yahweh, gawin ninyo ang inyong pangako sa inyong alipin at sa kanyang sambahayan. 26 Pararangalan ang inyong pangalan ng lahat ng bansa at sasabihin nila, ‘Si Yahweh, ang Makapangyarihan, ay Diyos ng Israel!’ Sa gayon, magiging matatag sa harapan ninyo ang sambahayan ni David na inyong lingkod. 27 Yahweh, Makapangyarihang Diyos ng Israel, nagkaroon ako ng lakas ng loob na manalangin ng ganito sapagkat kayo na rin ang nagsabi sa inyong lingkod na paghahariin ninyo sa Israel ang aking angkan.
28 “Panginoong Yahweh, kayo'y tapat at tumutupad sa mga pangako ninyo sa akin. 29 Ngayo'y pagpalain ninyo ang sambahayan ng inyong lingkod upang ito'y magpatuloy. Panginoong Yahweh, ikaw rin ang nangako nito kaya manatili nawa sa aking angkan ang iyong pagpapala.”
Lumawak ang Kaharian ni David(G)
8 Pagkatapos nito, nilusob at nilupig ni David ang mga Filisteo kaya't natapos ang paghahari ng mga ito sa lupaing iyon.[a]
2 Nilupig din niya ang mga Moabita. Pinahilera niya nang pahiga ang mga ito at sa pamamagitan ng isang panukat, nagpapasya siya kung sino ang dapat patayin. Bawat dalawang sukat ay ipinapapatay at ang pangatlong sukat ay pinaliligtas at pinagbabayad ng buwis.
3 Tinalo rin niya si Hadadezer, ang anak ng Haring Rehob ng Soba. Si Hadadezer ay papunta noon sa mga lupain sa baybayin ng Ilog Eufrates upang bawiin ang mga lupaing iyon. 4 Sa labanang ito'y 1,700 kawal na nakakabayo at 20,000 kawal na lakad ang nabihag ni David. Pinilayan niya ang mga kabayo, maliban sa itinira niyang sapat na bilang para humila ng sandaang karwahe. 5 Ang napatay nilang tumulong kay Hadadezer na mga taga-Siria buhat sa Damasco ay dalawampu't dalawang libo. 6 Nasakop din niya ang lugar na ito, kaya nagtayo siya ng mga himpilan sa Aram, malapit sa Damasco, at pinagbuwis niya ang mga tagaroon. Sa tulong ni Yahweh, si David ay nagtatagumpay saanman siya magpunta. 7 Ang mga pananggang ginto ni Hadadezer na dala ng kanyang mga alipin ay sinamsam ni David at dinala sa Jerusalem. 8 Marami rin siyang nasamsam na tanso sa Beta at Berotai, mga lunsod ni Hadadezer.
9 Nang mabalitaan ni Haring Toi ng Hamat na tinalo ni David ang buong hukbo ni Hadadezer, 10 isinugo niya ang kanyang anak na si Joram upang batiin si David, sapagkat si Hadadezer ay matagal nang kaaway ni Toi. Dinalhan siya ni Joram ng mga sisidlang pilak, ginto at tanso. 11 Inilaan ni David ang mga ito para sa pagsamba kay Yahweh, kasama ng ginto at pilak na sinamsam niya sa mga bansang kanyang nilupig— 12 sa Edom,[b] sa Moab, sa Ammon, sa Filistia at sa Amalek—at bahagi ng kanyang nasamsam kay Hadadezer, anak ni Rehob na hari ng Soba.
13 Si(H) David ay lalong natanyag nang mapatay niya ang labingwalong libong Edomita[c] sa Libis ng Asin. 14 At bago siya bumalik, nagtayo muna siya ng mga himpilan sa buong Edom at naging alipin niya ang lahat ng mamamayan doon. Pinagtagumpay ni Yahweh si David saanman siya magpunta.
Ang mga Opisyal ni David(I)
15 Naghari si David sa buong Israel. Ipinatupad niya ang batas at pinairal ang katarungan. 16 Ginawa niyang pinuno ng hukbo si Joab, anak ni Zeruias. Si Jehoshafat naman na anak ni Alihud ang kalihim ng pamahalaan. 17 Si Zadok namang anak ni Ahitub at si Ahimelec na anak ni Abiatar ang mga pari. Ang tagapagtala at nag-iingat ng lahat ng kasulatan ay si Seraya. 18 Si Benaias na anak ni Joiada ang pinamahala niya[d] sa mga bantay na Kereteo at Peleteo. Ang mga lalaking anak ni David ay nagsilbi ring mga pari.
Ang Pangako tungkol sa Espiritu Santo
15 “Kung(A) iniibig ninyo ako, tutuparin[a] ninyo ang aking mga utos. 16 Dadalangin ako sa Ama, upang kayo'y bigyan niya ng isa pang Patnubay na magiging kasama ninyo magpakailanman. 17 Siya ang Espiritu ng katotohanan, na hindi matanggap ng sanlibutan sapagkat siya ay hindi nakikita ni nakikilala ng sanlibutan. Ngunit nakikilala ninyo siya, sapagkat siya'y nasa inyo at siya'y mananatili[b] sa inyo.
18 “Hindi ko kayo iiwang mga ulila; babalik ako sa inyo. 19 Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng sanlibutang ito. Ngunit ako'y makikita ninyo; sapagkat buháy ako, mabubuhay rin kayo. 20 Sa araw na iyon ay malalaman ninyong ako'y nasa Ama, at kayo nama'y nasa akin at ako'y nasa inyo.
21 “Ang(B) tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad sa mga ito ang siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya at ako'y lubusang magpapakilala sa kanya.”
22 Tinanong siya ni Judas (hindi si Judas Iscariote), “Panginoon, bakit po sa amin lamang kayo magpapakilala nang lubusan at hindi sa sanlibutan?”
23 Sumagot si Jesus, “Ang umiibig sa akin ay tumutupad ng aking salita; iibigin siya ng aking Ama, at kami'y pupunta at mananahan sa kanya. 24 Ang hindi tumutupad sa aking mga salita ay hindi umiibig sa akin. Ang salitang narinig ninyo ay hindi sa akin, kundi sa Ama na nagsugo sa akin.
25 “Sinabi ko na sa inyo ang mga bagay na ito habang kasama pa ninyo ako. 26 Ngunit ang Patnubay, ang Espiritu Santo na isusugo ng Ama sa pangalan ko, ang siyang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalala ng lahat ng sinabi ko sa inyo.
27 “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag mabagabag ang inyong kalooban at huwag kayong matakot. 28 Sinabi ko na sa inyo, ‘Ako'y aalis, ngunit ako'y babalik.’ Kung iniibig ninyo ako, ikagagalak ninyo ang pagpunta ko sa Ama, sapagkat higit na dakila ang Ama kaysa sa akin. 29 Sinasabi ko na ito sa inyo bago pa mangyari, upang kung mangyari na ay sumampalataya kayo sa akin. 30 Hindi na magtatagal ang pakikipag-usap ko sa inyo dahil dumarating na ang pinuno ng sanlibutang ito. Wala siyang kapangyarihan sa akin, 31 subalit ginagawa ko ang iniutos sa akin ng Ama upang malaman ng sanlibutang ito na iniibig ko ang Ama. Tayo na! Lumakad na tayo!”
Panalangin Upang Makaunawa
(He)
33 Ituro mo, O Yahweh, layunin ng kautusan,
at iyon ang susundin ko habang ako'y nabubuhay.
34 Ituro mo ang batas mo't sisikapin kong masunod,
buong pusong iingatan at susundin ko nang lubos.
35 Sa pagsunod sa utos mo, ako'y iyong pangunahan,
pagkat dito nakakamtan ang ligayang inaasam.
36 Itulot mong hangarin ko na sundin ang iyong utos,
higit pa sa paghahangad na yumaman akong lubos.
37 Ilayo mo ang pansin ko sa bagay na walang saysay;
at ayon sa pangako mo'y pagpalain akong tunay.
38 Tuparin mo ang pangakong ginawa sa iyong lingkod,
ang pangako sa lahat ng sa iyo ay natatakot.
39 Iligtas mo ang lingkod mo sa sinumang mapang-uyam,
sa mabuting tuntunin mo, humahanga akong tunay!
40 Ang lahat ng tuntunin mo, ang hangad ko'y aking sundin,
pagkat ikaw ay matuwid, kaya ako'y pagpalain.
Pagtitiwala sa Kautusan ni Yahweh
(Vav)
41 Sa akin ay ipadama ang dakilang pag-ibig mo,
ayon sa pangako, Yahweh, iligtas mo ako;
42 upang yaong nanlalait sa akin ay masagot ko,
yamang ako'y may tiwala sa lahat ng salita mo.
43 Tulungan mong ihayag ang mga katotohanan,
pagkat ako'y may tiwala sa tapat mong kahatulan.
44 Lagi akong tatalima sa bigay mong kautusan,
susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay.
45 Ako nama'y mamumuhay nang payapa at malaya,
yamang ako sa utos mo'y sumusunod namang kusa.
46 At maging sa mga hari, ang utos mo'y babanggitin,
hindi ako mahihiya na ito ay aking gawin.
47 Sa pagsunod sa utos mo nalulugod akong labis,
di masukat ang galak ko, pagkat aking iniibig.
48 Mahal ko ang iyong utos, ito'y aking ginagalang,
sa aral mo at tuntunin ako'y magbubulay-bulay.
33 Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay nagtuturo ng karunungan,
at ang pagpapakumbaba ay nagbubunga ng karangalan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.