The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Ang Pagtakas ni David sa Adullam
22 Mula(A) sa Gat, tumakas si David at nagtago sa kuweba ng Adullam. Nabalitaan ito ng kanyang mga kapatid at ng kanyang buong pamilya kaya silang lahat ay nagpunta roon at sumama sa kanya. 2 Sumama rin sa kanya ang mga inaapi, pati ang mga nakalubog sa utang, at ang mga hindi nasisiyahan sa kanilang pamumuhay. Ang lahat ng ito'y umabot sa apatnaraang lalaki, at siya ang ginawa nilang pinuno.
3 Mula roon, nagtuloy sila sa Mizpa ng Moab. Sinabi niya sa hari doon, “Ipinapakiusap ko po na pabayaan muna ninyo rito sa Moab ang aking mga magulang hangga't hindi ko tiyak kung ano ang gagawin sa akin ng Diyos.” 4 Ipinagkatiwala nga niya ang kanyang mga magulang sa hari ng Moab at ang mga ito'y nanatili roon habang nagtatago si David sa kuweba.
5 Sinabi ni Propeta Gad kay David, “Huwag kang manatili rito, magpunta ka sa sakop ng Juda.” Sumunod naman si David at siya'y nagpunta sa kagubatan ng Heret.
6 Nabalitaan ni Saul kung saan nagtatago si David at ang mga kasama nito. Nakaupo siya noon sa ilalim ng punong tamarisko sa ibabaw ng isang burol sa Gibea; hawak niya ang kanyang sibat at nakapaligid sa kanya ang kanyang mga tauhan. 7 Sinabi niya sa mga ito, “Sagutin ninyo ako sa itatanong ko sa inyo, mga Benjaminita. Mabibigyan ba kayo ni David ng kahit isang pirasong bukid o ubasan? Gagawin ba niya kayong mga opisyal ng kanyang hukbo? 8 Bakit kayo nakikipagsabwatan sa kanya laban sa akin? Bakit isa man sa inyo'y walang nagsabi sa akin tungkol sa kasunduan ng anak kong si Jonatan at ni David? Bakit isa ma'y walang nakapagsabi sa akin tungkol sa pakikiisa ni Jonatan kay David laban sa akin?”
9 Sumagot(B) si Doeg, isa sa mga tauhan ni Saul, “Nakita ko po si David nang magpunta sa Nob, kay Ahimelec na anak ni Ahitob. 10 Sumangguni pa si Ahimelec kay Yahweh para kay David at binigyan pa ito ng pagkain; ibinigay rin dito ang espada ni Goliat.”
Ang Pagpatay sa mga Pari
11 Ipinatawag ng hari si Ahimelec at ang lahat ng kasambahay nito, na pawang mga pari sa Nob; humarap sila sa hari. 12 Tinawag ni Saul si Ahimelec at kanyang sinabi, “Ahimelec, makinig ka.”
“Nakikinig po ako, mahal na hari,” sagot ni Ahimelec.
13 Sinabi ni Saul, “Bakit ka nakipagsabwatan kay David laban sa akin? Bakit mo siya binigyan ng sandata at pagkain? Bakit mo siya isinangguni sa Diyos? Hindi mo ba alam na pinagtatangkaan niya ako ng masama?”
14 Sumagot si Ahimelec, “Hindi po ba si David ay manugang ninyo at pinakamatapat ninyong tauhan? Hindi po ba siya ang pinakapuno sa inyong mga kawal at iginagalang ng lahat sa buong kaharian? 15 At ngayon ko lamang po ba siya isinangguni sa Diyos? Huwag po kayong magalit sa amin, mahal na hari. Wala po kaming nalalaman sa ibinibintang ninyo sa amin.”
16 Sinabi ni Saul, “Mamamatay ka ngayon, Ahimelec, pati ang iyong buong angkan.” 17 At inutusan ng hari ang mga tauhan na malapit sa kanya, “Patayin ninyo ang mga pari ni Yahweh! Kasabwat sila ni David. Alam nila nang ito'y tumakas ngunit hindi sinabi sa akin.” Ngunit ayaw sumunod ang mga inutusan sapagkat natatakot silang pagbuhatan ng kamay ang mga pari ni Yahweh. 18 Kaya, si Doeg ang inutusan ni Saul, “Ikaw ang pumatay sa kanila.” Sumunod naman si Doeg at nang araw na iyon, pinatay niya ang walumpu't limang paring nakasuot ng efod. 19 At ipinapatay rin ni Saul ang lahat ng mga taga-Nob, isang lunsod ng mga pari: mga babae't lalaki, ang mga bata at mga sanggol, ang mga baka, asno at mga tupa.
20 Ngunit nakatakas si Abiatar na anak ni Ahimelec, at siya'y nagpunta kay David. 21 Ibinalita niya rito na ipinapatay ni Saul ang lahat ng mga pari ni Yahweh. 22 Sinabi ni David kay Abiatar, “Nakita ko noon si Doeg at noon pa'y alam ko nang magsusumbong siya kay Saul na ako'y nakita niya roon. Ako tuloy ang naging dahilan ng pagkalipol ng iyong angkan. 23 Ngunit huwag kang matakot. Sumama ka na sa amin dahil iisa ang nagtatangka sa buhay nating dalawa. Dito ay ligtas ka.”
Umalis si David sa Keila
23 Dumating ang araw na sinalakay ng isang pangkat ng mga Filisteo ang Keila at sinamsam ang trigo sa giikan. Nalaman ito ni David 2 kaya siya'y sumangguni kay Yahweh, “Lalabanan ko po ba ang mga Filisteong ito?”
“Oo,” sagot ni Yahweh. “Labanan mo sila at iligtas mo ang Keila.”
3 Ngunit sinabi ng mga kawal kay David, “Kung kay Saul lang ay takot tayo, kaya tayo nagtatago dito sa Juda, paano natin malalabanan ang napakaraming Filisteong ito?” 4 Kaya't muling sumangguni si David kay Yahweh.
Ang sagot naman sa kanya, “Pumunta kayo sa Keila at pagtatagumpayin ko kayo laban sa mga Filisteo.” 5 Kaya't nagpunta si David at ang kanyang mga tauhan sa Keila at nilabanan ang mga Filisteo. Marami silang napatay sa mga ito; sinamsam nila ang mga kawan at nailigtas ni David ang bayan ng Keila.
6 Nang si Abiatar ay tumakas at magpunta kay David sa Keila, dala niya ang efod.
7 Nabalitaan naman ni Saul na si David ay nasa Keila at sinabi nito, “Sa wakas, niloob din ng Diyos na mahulog sa mga kamay ko si David sapagkat pumasok siya sa isang lugar na napapaligiran ng pader at bakal ang mga pintuan.” 8 Tinipon niya ang lahat niyang tauhan at pinapunta sa Keila upang palibutan si David at ang mga tauhan nito.
9 Nalaman ito ni David kaya sinabi niya sa paring si Abiatar, “Dalhin mo rito ang efod.” 10 At sumangguni siya sa Diyos, “Yahweh, Diyos ng Israel, nabalitaan ko pong wawasakin ni Saul ang Keila sapagkat nalaman niyang narito ako. 11 Totoo po ba ito? Pababayaan po kaya ng mga taga-Keila na dakpin ako ni Saul? Isinasamo ko po, Yahweh, Diyos ng mga Israelita, na sagutin n'yo ako sa bagay na ito.”
Sumagot si Yahweh, “Oo, lulusubin nga ni Saul ang Keila.”
12 Nagtanong muli si David, “Pababayaan po ba ng mga taga-Keila na ako'y dakpin ni Saul, pati ang aking mga kasama?”
“Oo, pababayaan nila kayo,” sagot ni Yahweh.
13 Dahil dito, iniutos niya sa kanyang mga tauhan na noo'y halos animnaraang katao na umalis na doon at magpalipat-lipat ng lugar. Nang malaman ni Saul na si David ay nakatakas, hindi na niya itinuloy ang balak na pagsalakay sa Keila.
Si David sa Ilang
14 Si David ay nagtago sa ilang at maburol na lugar ng Zif. Araw-araw, hinahanap siya ni Saul, ngunit hindi itinulot ng Diyos na makita siya nito.
15 Nanatili ang pangamba ni David sapagkat alam niyang siya'y talagang gustong patayin ni Saul. Nang siya'y nasa Hores sa ilang ng Zif, 16 pinuntahan siya ni Jonatan at pinalakas ang kanyang loob sa pangalan ni Yahweh. 17 Sinabi nito, “David, huwag kang matakot at hindi ka mapapatay ng aking ama. Ikaw ay magiging hari ng Israel, magiging kanang kamay mo naman ako; alam na ito ng aking ama.” 18 At(C) ang kanilang pagiging magkaibigan ay muli nilang pinagtibay sa harapan ni Yahweh. Pagkatapos, umuwi na si Jonatan at naiwan naman sa Hores si David.
19 Ang(D) mga taga-Zif ay nagpunta kay Saul sa Gibea. Sinabi nila, “Si David po ay doon nagtatago sa lugar namin sa Hores, sa kaburulan ng Haquila sa gawing timog ng kagubatan ng Jesimon. 20 Alam po naming gustung-gusto ninyo siyang mahuli. Puntahan ninyo siya roon kung kailan ninyo gusto at tutulungan namin kayo sa paghuli sa kanya.”
21 At sinabi ni Saul, “Pagpalain nawa kayo ni Yahweh dahil sa pagmamalasakit ninyong ito sa akin. 22 Mauna kayo roon at tiyakin ninyo kung saan siya nagtatago at kung sino ang nakakita sa kanya. Alam kong mahirap siyang hulihin, 23 kaya't tiyakin ninyong mabuti kung saan siya nagtatago, saka ninyo ibalita sa akin. Kung naroon pa siya, sasama ako sa inyo para dakpin siya kahit na halughugin ko ang buong Juda.”
24 At sila'y nauna kay Saul papuntang Zif. Si David naman at ang kanyang mga kasama ay nasa ilang noon ng Maon, sa Araba, gawing timog ng Jesimon. 25 Lumakad si Saul at ang kanyang mga tauhan upang hanapin si David. Hindi lingid kay David na hinahanap siya ni Saul kaya nagtago siya sa ilang ng Maon, ngunit sinundan pa rin siya ni Saul. 26 Samantalang nasa kabilang panig ng bundok sina Saul, sina David naman ay nasa kabila at walang ibang mapuntahan. Masusukol na lamang sila nina Saul, 27 nang dumating ang isang tagabalita at sinabi kay Saul, “Magbalik na po kayo at sinasalakay tayo ng mga Filisteo.” 28 Kaya, tinigilan ni Saul ang paghabol kay David at hinarap ang mga Filisteo. Kaya't ang lugar na iyon ay tinawag na Bato ng Paghihiwalay. 29 Mula roon, si David ay nagpunta sa En-gedi at doon muna nanirahan.
Ang Tunay na Pastol
10 “Tandaan ninyo ito: ang pumapasok sa kulungan ng mga tupa nang hindi sa pinto nagdaraan, kundi umaakyat sa di dapat pagdaanan ay magnanakaw at tulisan. 2 Ngunit ang nagdaraan sa pintuan ay siyang pastol ng mga tupa. 3 Pinapapasok siya ng bantay, at pinapakinggan ng mga tupa ang kanyang tinig. Tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa kani-kanilang pangalan, at inilalabas sa kulungan. 4 Kapag nailabas na, siya'y nangunguna sa kanila at sumusunod naman ang mga ito sapagkat kilala nila ang kanyang tinig. 5 Hindi sila susunod sa iba, kundi tatakbong palayo, sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng iba.”
6 Sinabi ni Jesus ang paglalarawang ito ngunit hindi nila naunawaan ang ibig niyang sabihin.
Si Jesus ang Mabuting Pastol
7 Kaya't muling sinabi ni Jesus, “Pakatandaan ninyo: ako ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. 8 Ang mga nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan, ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. 9 Ako ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko'y maliligtas. Papasok siya't lalabas, at makakatagpo ng pastulan. 10 Dumarating ang magnanakaw para lamang magnakaw, pumatay, at manira. Naparito ako upang ang mga tupa ay magkaroon ng buhay, buhay na masaganang lubos.
11 “Ako(A) ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa. 12 Ang upahan ay tumatakas kapag may dumarating na asong-gubat. Iniiwan niya ang mga tupa, palibhasa'y hindi siya pastol at hindi kanya ang mga ito. Kaya't sinusunggaban ng asong-gubat ang mga ito at binubulabog. 13 Tumatakas siya, palibhasa'y upahan lamang at walang malasakit sa mga tupa. 14-15 Ako(B) nga ang mabuting pastol. Kung paanong kilala ako ng Ama at siya'y kilala ko, gayundin naman, kilala ko ang aking mga tupa at ako nama'y kilala nila. At iniaalay ko ang aking buhay para sa aking mga tupa. 16 Mayroon akong iba pang mga tupa na wala pa sa kulungang ito. Kinakailangang sila'y ipasok ko rin, at papakinggan nila ang aking tinig. Sa gayon, magkakaroon ng isang kawan na may isang pastol.
17 “Dahil dito'y minamahal ako ng Ama, sapagkat iniaalay ko ang aking buhay upang ito'y kunin kong muli. 18 Walang makakakuha ng aking buhay; kusa ko itong ibinibigay. Mayroon akong kapangyarihang ibigay ito at mayroon akong kapangyarihang kunin itong muli. Ang utos na ito'y tinanggap ko mula sa aking Ama.”
19 Dahil sa mga pananalitang ito, nagkabaha-bahagi muli ang mga Judio. 20 Marami sa kanila ang nagsabi, “Sinasapian siya ng demonyo! Nababaliw siya! Bakit kayo nakikinig sa kanya?” 21 Sinabi naman ng iba, “Hindi makakapagsalita nang ganoon ang isang sinasapian ng demonyo! Nakakapagpagaling ba ng bulag ang demonyo?”
Awit para sa Iisa at Tunay na Diyos
115 Tanging sa iyo lamang, Yahweh, ang dakilang karangalan,
hindi namin maaangkin, pagkat ito'y iyo lamang;
walang kupas iyong pag-ibig, natatanging katapatan.
2 Ganito ang laging tanong sa amin ng mga bansa:
“Nasaan ba ang inyong Diyos?” ang palaging winiwika.
3 Ang Diyos nami'y nasa langit, naroroon ang Diyos namin,
at ang kanyang ginagawa ay kung ano ang ibigin.
4 Ginawa(A) sa ginto't pilak ang kanilang mga diyos,
sa kanila'y mga kamay nitong tao ang nag-ayos.
5 Totoo nga at may bibig, ngunit hindi makapagsalita,
at hindi rin makakita, mga matang pinasadya;
6 di rin naman makarinig ang kanilang mga tainga,
ni hindi rin makaamoy ang ginawang ilong nila.
7 Totoo nga na may kamay ngunit walang pakiramdam,
mga paa'y mayroon din ngunit hindi maihakbang,
ni wala kang naririnig kahit munting tinig man lang.
8 Ang gumawa sa kanila at pati ang nagtiwala,
lahat sila ay katulad ng gayong diyos na ginawa.
9 Ikaw, bayan ng Israel, kay Yahweh lang magtiwala,
siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
10 Kayong mga pari, kay Yahweh ay magtiwala,
siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
11 Kay Yahweh ay magtiwala, kayong may takot sa kanya,
siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
12 Ang Diyos ay magpapala, hindi tayo lilimutin,
pagpapala'y matatamo nitong bayan ng Israel;
pati mga pari'y may pagpapalang kakamtin.
13 Sa(B) lahat ng mayro'ng takot kay Yahweh, lahat mapagpapala,
kung magpala'y pantay-pantay, sa hamak man o dakila.
14 Sana kayo'y paramihin, kayo at ang inyong angkan,
anak ninyo ay dumami, lumaki ang inyong bilang.
15 Pagpalain sana kayo, pagpalain kayong lubos,
pagpalain ng lumikha ng langit at sansinukob.
16 Si Yahweh ang may-ari ng buong sangkalangitan,
samantalang ang daigdig, sa tao niya ibinigay.
17 Di na siya mapupuri niyong mga taong patay,
niyong mga nahihimlay sa malamig na libingan.
18 Tayo ngayong nabubuhay ang dapat magpasalamat,
siya'y dapat na purihin, mula ngayon, hanggang wakas.
Purihin si Yahweh!
18 Ang mainit na ulo ay humahantong sa alitan,
ngunit pumapayapa sa kaguluhan ang mahinahong isipan.
19 Ang landas ng batugan ay punung-puno ng tinik,
ngunit patag na lansangan ang daan ng matuwid.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.