The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
5 Nagtatagumpay si David kahit saang labanan siya ipadala ni Saul, kaya siya'y ginawa nitong pinuno ng mga kawal. Ang pagkataas niya sa tungkulin ay ikinagalak ng buong Israel, mula sa pangkaraniwang mamamayan hanggang sa mga opisyal sa palasyo.
Nainggit si Saul kay David
6 Matapos mapatay ni David si Goliat, nagbalik na si Haring Saul at ang kanyang mga tauhan. Sa bawat bayang madaanan nila, sinasalubong sila ng mga kababaihang umaawit at sumasayaw sa saliw ng mga tamburin at alpa. 7 Ganito(A) ang kanilang awit:
“Pumatay si Saul ng libu-libo,
si David nama'y sampu-sampung libo.”
8 Hindi nagustuhan ni Saul ang sinasabi sa awit. Labis niya itong ikinagalit at sinabi niya, “Kung sinasabi nilang sampu-sampung libo ang pinatay ni David at ako'y libu-libo lang, kulang na lamang na siya'y kilalanin nilang hari.” 9 At mula noon ay naging masama ang kanyang pagtingin kay David.
10 Kinabukasan, si Saul ay muling ginambala ng masamang espiritu at naging parang baliw. Kaya, tinugtog ni David ang kanyang alpa, tulad ng ginagawa niya araw-araw. Hawak noon ni Saul ang kanyang sibat at 11 dalawang beses niyang sinibat si David sapagkat gusto niya itong patayin, ngunit parehong nailagan iyon ni David.
12 Si Saul ay natakot kay David sapagkat si David na ang pinapatnubayan ni Yahweh at hindi na siya. 13 Kaya, para mapalayo ito sa kanya, ginawa niya itong pinuno ng sanlibong kawal. Pinangunahan ni David ang kanyang mga tauhan 14 at anuman ang kanyang gawin ay nagtatagumpay siya sapagkat pinapatnubayan siya ni Yahweh. 15 Dahil dito, lalong natakot sa kanya si Saul. 16 Sa kabilang dako, si David ay lalong napamahal sa buong Israel at Juda dahil sa kanyang matagumpay na pamumuno.
Napangasawa ni David ang Anak ni Saul
17 Minsa'y sinabi ni Saul kay David, “Ipakakasal ko sa iyo ang anak kong si Merab kung maglilingkod ka sa akin nang tapat at buong giting mong ipagtatanggol ang bayan ng Diyos.” Ngunit ang talagang nais niya ay mapatay ng mga Filisteo si David upang mawala na ito sa kanyang landas.
18 Sumagot si David, “Sino ang aking mga magulang at sino ako upang maging manugang ng hari?” 19 Ngunit nang dumating ang araw na dapat tuparin ni Saul ang pangako niya kay David, ipinakasal niya si Merab kay Adriel na taga-Meholat.
20 Si Saul ay may isa pang anak na babae, si Mical. Umiibig siya kay David at natuwa si Saul nang malaman ito. 21 Sa loob-loob niya, “Si Mical ang gagamitin ko upang maipapatay ko si David sa mga Filisteo.” Kaya't muli niyang sinabi kay David, “Ngayo'y talagang magiging manugang na kita.” 22 Kinausap pa ni Saul ang kanyang mga tauhan sa palasyo upang hikayatin si David. Ipinasabi niya, “Gustung-gusto ka ng hari, pati ng kanyang mga tauhan, kaya pumayag ka nang maging manugang niya.”
23 Nang marinig ito ni David, sumagot siya, “Maaari ba akong maging manugang ng hari gayong ako'y mahirap lamang at walang maipagmamalaki?”
24 Sinabi nila kay Saul ang sagot ni David. 25 Ipinasabi naman uli ni Saul, “Sabihin ninyo na wala akong hihinging dote kundi sandaang balat na pinagtulian ng mga Filisteo bilang paghihiganti sa kaaway.” Iniisip ni Saul na ito na ang pagkakataong mapatay ng mga Filisteo si David. 26 Nang marinig niya ito, natuwa siya sapagkat kung magawâ niya ito ay maaari na siyang maging manugang ng hari. At bago dumating ang takdang araw, 27 nilusob niya at ng kanyang mga tauhan ang mga Filisteo at nakapatay sila ng dalawandaan. Ang mga balat na pinagtulian ng mga ito'y dinala niya sa hari. Dahil dito, ipinakasal sa kanya si Mical.
28 Lalong naniwala si Saul na si David ay pinapatnubayan ni Yahweh at nakita niya kung gaano ito kamahal ng anak niyang si Mical. 29 Kaya't lalong natakot si Saul kay David. Mula noon, itinuring na niya itong kaaway.
30 Si David ay nagtatagumpay tuwing makikipaglaban sa mga Filisteo. At sa lahat ng tauhan ni Saul, siya ang nagkamit ng pinakamaraming tagumpay. Kaya, lalo siyang napatanyag.
Namagitan si Jonatan kay Saul para kay David
19 Minsan, nasabi ni Saul sa anak niyang si Jonatan at sa kanyang mga tauhan ang balak niyang pagpatay kay David. Ngunit mahal ni Jonatan si David, kaya sinabi niya rito ang balak ng kanyang ama. 2 Ang sabi niya, “Pinagbabalakan kang patayin ng aking ama. Bukas ng umaga, magtago ka sa isang lihim na lugar. 3 Yayayain ko naman ang aking ama sa may pinagtataguan mo at kakausapin ko tungkol sa iyo. Pagkatapos naming mag-usap sasabihin ko agad sa iyo ang anumang sasabihin niya.”
4 Kinausap nga ni Jonatan ang kanyang ama tungkol kay David. “Ama, huwag po sana ninyong gawan ng masama si David sapagkat wala naman siyang ginagawang masama sa inyo. Sa halip, malaki nga ang pakinabang ninyo sa kanya. 5 Itinaya niya ang kanyang buhay nang harapin niya si Goliat at niloob naman ni Yahweh na magtagumpay siya para sa Israel. Alam ninyo ito at inyo pang ipinagdiwang. Bakit ninyo gustong patayin ang isang taong walang kasalanan? Bakit gusto ninyong patayin si David nang wala namang sapat na dahilan?”
6 Dahil dito, nagbago ng isip si Saul. Sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[a] hindi ko na siya papatayin.” 7 Ang sagot na ito ng hari ay sinabi naman ni Jonatan kay David. Isinama pa siya ni Jonatan sa hari, at tulad ng dati, pinaglingkuran niya ito.
Iniligtas ni Mical si David
8 Muling nagkaroon ng labanan ang mga Israelita at mga Filisteo. Sinalakay ni David ang mga Filisteo at natalo niya ang mga ito, kaya ang mga natirang buháy ay nagsitakas.
9 Minsan, muling nilukuban si Saul ng isang masamang espiritu mula kay Yahweh. Nakaupo si Saul noon at hawak ang kanyang sibat samantalang si David ay tumutugtog ng alpa. 10 Walang anu-ano'y sinibat niya si David ngunit nakailag ito at ang sibat ay tumusok sa dingding. Dahil dito, patakbong tumakas si David.
11 Kinagabihan,(B) (C) pinabantayan ni Saul ang bahay ni David dahil balak niyang patayin ito kinabukasan. Kaya't sinabi ni Mical, “David, tumakas ka ngayong gabi, kung hindi'y papatayin ka nila bukas.” 12 At pinaraan niya ito sa bintana para makatakas. 13 Pagkatapos, kinuha ni Mical ang isang rebultong nasa bahay at siyang inihiga sa kanilang higaan. Ang ulo nito'y binalutan niya ng balahibo ng kambing, saka kinumutan.
14 Nang dumating ang mga inutusan ni Saul upang kunin si David, sinabi ni Mical, “May sakit siya.”
15 Pinabalik ni Saul ang kanyang mga sugo at pinagbilinan ng ganito, “Buhatin ninyo pati higaan niya at ako ang papatay sa kanya.” 16 Nagbalik nga ang mga sugo ni Saul ngunit ang nakita nila sa higaan ay ang rebultong may buhok na balahibo ng kambing. 17 Tinawag ni Saul si Mical, “Bakit mo ako nilinlang? Bakit mo pinatakas ang aking kaaway?”
Sumagot si Mical, “Papatayin niya ako kung hindi ko siya pinabayaang tumakas.”
18 Tumakas nga si David at nagpunta kay Samuel sa Rama. Sinabi niya rito ang lahat ng ginawa sa kanya ni Saul. Sumama siyang umuwi kay Samuel sa Nayot at doon nanirahan. 19 May nagsabi kay Saul, “Si David ay nasa Nayot sa Rama.” 20 Muling nagsugo ito ng mga tauhan upang hulihin si David. Ngunit nang makita ng mga sugo ni Saul ang mga propetang nagsisigawan at nagsasayawan sa pangunguna ni Samuel, nilukuban din sila ng Espiritu[b] ng Diyos at sila'y nagsipagsigawan at nagsipagsayawan na tulad din ng mga propeta. 21 Nang mabalitaan ito ni Saul, nagsugo siya ng isa pang pangkat ngunit natulad rin ito sa una. Nang magsugo naman siya ng pangatlong pangkat, ganoon din ang nangyari. 22 Nang magkagayon, siya na mismo ang nagpunta sa Rama. Pagdating niya sa may malaking balon sa Secu, ipinagtanong niya kung saan makikita sina Samuel at David. Sinabi ng napagtanungan na sila'y nasa Nayot ng Rama. 23 Kaya't nagpunta siya sa Rama. Subalit habang siya'y naglalakbay papuntang Nayot, nilukuban siya ng Espiritu[c] ng Diyos. At siya'y nagsasayaw at nagsisigaw na tulad ng propeta hanggang sa makarating ng Nayot. 24 Pagdating doon, hinubad niya ang kanyang kasuotan, nagsisigaw at nagsasayaw sa harapan ni Samuel. Dahil dito, nagsimula ang kasabihang, “Propeta na rin ba si Saul?”
Ang Katotohanan ang Magpapalaya sa Inyo
31 Sinabi naman ni Jesus sa mga Judiong naniniwala sa kanya, “Kung patuloy kayong susunod sa aking turo, kayo nga'y tunay na mga alagad ko. 32 Makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.”
33 Sumagot(A) sila, “Kami ay mula sa lahi ni Abraham, at kailanma'y hindi kami naalipin ninuman. Paano mo masasabing palalayain kami?”
34 Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: ang gumagawa ng kasalanan ay alipin ng kasalanan. 35 Ang alipin ay hindi kabilang sa pamilya sa habang panahon, subalit ang anak ay kabilang magpakailanman. 36 Kung ang Anak ang magpalaya sa inyo, kayo nga'y magiging tunay na malaya. 37 Alam kong kayo'y mula sa lahi ni Abraham, gayunma'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, sapagkat ayaw ninyong tanggapin ang aking turo. 38 Ang nakita ko sa aking Ama ang siya kong sinasabi sa inyo, at ang narinig ninyo sa inyong ama ang siya namang ginagawa ninyo.”
Ang Diyablo ang Inyong Ama
39 Sumagot sila, “Si Abraham ang aming ama.”
Sinabi sa kanila ni Jesus, “Kung kayo'y tunay na mga anak ni Abraham, gagawin sana ninyo ang kanyang ginawa. 40 Sinasabi ko lang ang katotohanang narinig ko mula sa Diyos ngunit pinagsisikapan ninyong ako'y patayin. Hindi ganoon ang ginawa ni Abraham. 41 Ang ginagawa ninyo'y tulad ng ginawa ng inyong ama.”
Sumagot sila, “Hindi kami mga anak sa labas. Iisa ang aming Ama, ang Diyos.”
42 Sinabi ni Jesus, “Kung talagang ang Diyos ang inyong Ama, inibig sana ninyo ako, sapagkat sa Diyos ako nanggaling. Hindi ako naparito sa sarili kong kagustuhan, kundi isinugo niya ako. 43 Bakit di ninyo maunawaan ang sinasabi ko? Hindi ba't ito'y dahil sa ayaw ninyong tanggapin ang itinuturo ko? 44 Ang(B) diyablo ang inyong ama! At ang gusto ninyong gawin ay kung ano ang gusto niya. Sa simula pa lang ay mamamatay-tao na siya. Hindi siya pumanig sa katotohanan kailanman, sapagkat walang puwang sa kanya ang katotohanan. Kapag nagsasalita siya ng kasinungalingan, nagsasalita siya ayon sa kanyang kalikasan sapagkat siya'y sinungaling, at siya ang ama ng kasinungalingan. 45 Ayaw ninyong maniwala sa akin sapagkat katotohanan ang sinasabi ko sa inyo. 46 Sino sa inyo ang maaaring magpatunay na ako'y nagkasala? At kung katotohanan ang sinasabi ko, bakit ayaw ninyong maniwala sa akin? 47 Ang mula sa Diyos ay nakikinig sa mga salita ng Diyos, subalit ayaw ninyong makinig sa akin sapagkat kayo'y hindi mula sa Diyos.”
Si Jesus at si Abraham
48 Sinabi ng mga Judio kay Jesus, “Hindi ba tama ang sinabi naming ikaw ay Samaritano at sinasapian ng demonyo?”
49 Sumagot si Jesus, “Hindi ako sinasapian ng demonyo. Pinaparangalan ko ang aking Ama ngunit ako'y nilalapastangan ninyo. 50 Hindi ako naghahangad na ako'y parangalan; may isang nagsisikap na ako'y parangalan, at siya ang hahatol. 51 Pakatandaan ninyo: ang tumutupad ng aking salita ay hindi mamamatay kailanman.”
52 Sinabi ng mga Judio, “Ngayo'y natitiyak naming sinasapian ka nga ng demonyo. Namatay si Abraham at ang mga propeta, ngunit sinasabi mong hindi mamamatay kailanman ang sinumang tumutupad ng iyong aral. 53 Mas magaling ka pa ba kaysa sa aming amang si Abraham? Siya'y namatay, gayundin ang mga propeta. Ano ba ang palagay mo sa iyong sarili?”
54 Sumagot si Jesus, “Kung ako ang nagpaparangal sa aking sarili, walang kabuluhan iyon. Ang nagpaparangal sa akin ay ang aking Ama na sinasabi ninyong Diyos ninyo. 55 Hindi ninyo siya kilala, ngunit siya'y kilala ko. Kung sasabihin kong hindi ko siya kilala, ako'y magiging sinungaling na tulad ninyo. Subalit kilala ko siya at tinutupad ko ang kanyang salita. 56 Natuwa ang inyong amang si Abraham nang malaman niyang makikita niya ang araw ng aking pagdating. Nakita nga niya ito at siya'y nagalak.”
57 Dahil dito'y sinabi sa kanya ng mga Judio, “Wala ka pang limampung taong gulang, paano mo masasabing nakita mo na si Abraham?”[a]
58 Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: bago pa ipinanganak si Abraham, ‘Ako ay Ako Na’.”
59 Nagsidampot sila ng bato upang siya'y batuhin, ngunit nagtago si Jesus at lumabas ng Templo.
Mapalad ang Mabuting Tao
112 Purihin si Yahweh!
Mapapalad ang tao na kay Yahweh ay gumagalang,
at taos-pusong sumusunod sa kanyang kautusan.
2 Ang kanyang lipi'y magiging dakila,
pati mga angkan ay may pagpapala.
3 Magiging sagana sa kanyang tahanan,
pagpapala niya'y walang katapusan.
4 Ang taong matuwid, may bait at habag,
kahit sa madilim taglay ay liwanag.
5 Ang mapagpautang nagiging mapalad,
kung sa hanapbuhay siya'y laging tapat.
6 Hindi mabibigo ang taong matuwid,
di malilimutan kahit isang saglit.
7 Masamang balita'y hindi nagigitla,
matatag ang puso't kay Yahweh'y tiwala.
8 Wala siyang takot, hindi nangangamba,
alam na babagsak ang kaaway niya.
9 Nagbibigay(A) sa mga nangangailangan,
pagiging mat'wid niya'y walang hanggan,
buong karangalang siya'y itataas.
10 Kung makita ito ng mga masama,
lumalayas silang mabagsik ang mukha;
pagkat ang pag-asa'y lubos nang nawala.
12 Ayaw mapagsasabihan ang mga palalo,
at sa matatalino'y di hihingi ng payo.
13 Ang taong masayahin ay laging nakangiti,
ngunit ang may lumbay ay wari bang nakangiwi.
14 Ang taong may unawa ay naghahangad pa ng karunungan,
ngunit ang mangmang ay nasisiyahan na sa kanyang kahangalan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.