The Daily Audio Bible
Today's audio is from the MEV. Switch to the MEV to read along with the audio.
Ang Levita at ang Kanyang Asawang-lingkod
19 Nang panahong wala pang hari ang Israel, may isang Levita sa malayong bulubundukin ng Efraim. Kumuha siya ng isang babaing taga-Bethlehem, Juda at ginawa niyang asawang-lingkod. 2 Subalit nagalit sa kanya ang babae at[a] umuwi sa mga magulang nito sa Bethlehem. Nanatili ito roon nang apat na buwan. 3 Naisipan naman ng Levita na puntahan ang asawa at himuking makisamang muli sa kanya. Nagpagayak siya ng dalawang asno at lumakad na kasama ang isang katulong. Pagdating doon, pinatuloy sila ng babae at malugod na tinanggap ng biyenang lalaki. 4 Pinilit pa siyang tumigil doon, kaya nanatili siya roon nang tatlong araw. 5 Nang ikaapat na araw, maaga silang gumising at naghanda sa pag-uwi. Ngunit sinabi ng ama ng babae, “Kumain muna kayo bago lumakad para hindi kayo gutumin sa daan.”
6 Nagpapigil naman sila at magkakasalo pang kumain. Pagkatapos, sinabi ng ama, “Magpabukas na kayo at lubus-lubusin na natin ang pagsasayang ito.”
7 Ayaw sana niyang papigil ngunit mapilit ang pakiusap ng biyenan kaya pumayag na rin siya. 8 Kinaumagahan, muli silang naghanda sa pag-uwi ngunit sinabi na naman ng ama ng babae, “Kumain muna kayo at mamaya na lumakad.” Kaya't nagsalo muli sila sa pagkain.
9 Nang sila'y lalakad na, sinabi ng ama, “Lulubog na ang araw at maya-maya lang ay madilim na. Mabuti pa'y dito na muli kayo matulog at bukas na ng umagang-umaga kayo umuwi.”
10-11 Ngunit hindi na pumayag ang Levita. Sa halip, tumuloy na sila. Dumidilim na nang sila'y dumating sa tapat ng Jebus, na ngayo'y Jerusalem, kaya't sinabi ng alipin, “Mabuti pa po'y tumuloy na tayo ng lunsod at doon na tayo magpalipas ng gabi.”
12 Sinabi ng Levita, “Hindi tayo maaaring tumuloy sa lugar na hindi sakop ng mga Israelita. Tutuloy tayo ng Gibea. 13 Halikayo at sa Gibea o sa Rama na tayo magpalipas ng gabi.” 14 Kaya lumampas sila ng Jebus at nagpatuloy sa kanilang paglalakbay. Lumulubog na ang araw nang sila'y makarating sa Gibea, isang bayang sakop ng lipi ni Benjamin. 15 Pumasok sila at umupo sa liwasang-bayan upang doon magpalipas ng gabi sapagkat walang nag-alok sa kanila ng matutuluyan.
16 Samantalang nakaupo sila roon, may nagdaang isang matandang lalaki galing sa pagtatrabaho sa bukid. Ang matandang ito'y dating taga kaburulan ng Efraim ngunit sa Gibea na nakatira. Karamihan ng nakatira doo'y mula sa lipi ng Benjamin. 17 Napansin ng matanda ang Levita sa liwasang-bayan. Nilapitan niya ito at tinanong, “Tagasaan kayo at saan kayo pupunta?”
18 Sumagot ang Levita, “Galing po kami sa Bethlehem, Juda at papauwi na sa kaburulan ng Efraim. Wala po namang nag-aalok sa amin ng matutuluyan. 19 Mayroon po kaming pagkain, pati ang aming mga asno. Sapat po ang dala namin para sa aking sarili, sa aking asawang-lingkod at aking alipin.”
20 Sinabi ng matandang lalaki, “Sa amin na kayo magpalipas ng gabi, huwag dito sa liwasang-bayan.” 21 Sumama naman sila sa matanda. Pagdating ng bahay, pinakain ng matanda ang mga asno ng kanyang panauhin. Sila naman ay naghugas ng paa, at kumain.
22 Nang(A) sila'y kasalukuyang kumakain, ang bahay ay pinaligiran ng mga tagaroong mahilig sa kalaswaan at kinalampag ang pinto. Sinabi nila sa matandang may-ari ng bahay, “Ilabas mo ang lalaking panauhin mo't makikipagtalik kami sa kanya.”
23 Sumagot ang matanda, “Huwag, mga kaibigan! Napakasama ng iniisip ninyong iyan. Nakikiusap ako sa inyo na igalang naman ninyo ang taong ito sapagkat siya'y aking panauhin. 24 Kung gusto ninyo, ang anak kong birhen pa o ang kanyang asawa na lang ang hilingin ninyo. Ibibigay ko sila sa inyo at gawin ninyo ang gusto ninyong gawin, huwag lang itong panauhin kong lalaki.” 25 Ayaw makinig ng mga tao, kaya inilabas sa kanila ng Levita ang asawa nito, at ito'y magdamag na hinalay ng mga lalaki.
26 Nang mag-uumaga na, ang babae'y nahandusay na lamang sa pintuan ng bahay ng matanda at doon na sinikatan ng araw. 27 Nang buksan ng Levita ang pinto upang magpatuloy sa kanyang paglalakbay, nakita niya roon ang kanyang asawang nakadapa at ang mga kamay ay nakahawak pa sa pintuan. 28 Sinabi niya, “Bangon na at uuwi na tayo.” Ngunit hindi sumasagot ang babae, kaya isinakay niya ito sa kanyang asno at nagpatuloy ng paglalakbay. 29 Pagdating(B) sa kanyang bahay, kumuha siya ng kutsilyo at pinagputul-putol niya sa labindalawang piraso ang bangkay ng asawa at ipinadala sa buong Israel. 30 Lahat ng makakita rito'y nagsabi, “Wala pang nangyaring ganito buhat nang umalis sa Egipto ang mga Israelita. Ano ang dapat nating gawin?”
Naghanda ang Israel Upang Digmain ang Benjamin
20 Ang mga Israelita, mula sa Dan sa gawing hilaga hanggang sa Beer-seba sa timog, at mula sa Gilead sa silangan, ay nagtipun-tipon sa Mizpa, sa harapan ni Yahweh, 2 kasama ang mga pinuno ng bawat lipi. Lahat-lahat ay umabot ng apatnaraang libong kawal. 3 Ang pangyayaring ito'y nakarating sa kaalaman ng mga Benjaminita.
Ang tanong ng mga Israelita, “Paano ba naganap ang kasamaang ito?” 4 Ang pangyayari ay isinalaysay ng Levita na asawa ng babaing pinaslang, “Kami ng aking asawang-lingkod ay nagdaan sa Gibea na sakop ng mga Benjaminita upang doon magpalipas ng gabi. 5 Kinagabihan, ang bahay na tinutuluyan namin ay pinaligiran at pinasok ng mga taga-Gibea at gusto akong patayin. Ngunit sa halip, ginahasa nila ang aking asawa hanggang sa siya'y mamatay. 6 Iniuwi ko ang kanyang bangkay, pinagputul-putol at ipinadala sa bawat lipi ng Israel. Napakasama at karumal-dumal ang ginawa nilang ito sa atin. 7 Kayong lahat ng naririto ay mga Israelita. Ano ngayon ang dapat nating gawin?”
8 Sabay-sabay silang tumayo at kanilang sinabi, “Isa man sa amin ay hindi muna uuwi sa sariling bahay o tolda. 9 Ito ang gagawin natin: magpapalabunutan tayo kung sino ang unang sasalakay sa Gibea. 10 Ang ikasampung bahagi ng bilang ng ating kalalakihan ang mamamahala sa pagkain ng hukbo. Ang natitira naman ang magpaparusa sa Gibea dahil sa kawalanghiyaang ginawa nila sa Israel.” 11 Kaya, ang mga kalalakihan ng Israel ay nagkaisang salakayin ang Gibea.
12 Ang mga Israelita'y nagpadala ng mga sugo sa lahat ng lugar na sakop ng Benjamin at kanilang ipinasabi, “Napakasama nitong ginawa ninyo sa amin. 13 Ibigay ninyo sa amin ang mga taga-Gibeang gumawa nito at papatayin namin para mawala ang salot sa buong Israel.” Ngunit hindi pinansin ng mga Benjaminita ang mga Israelita. 14 Sa halip, nagtipun-tipon sila sa Gibea upang lumaban sa ibang lipi ng Israel. 15 Nang araw ring iyon, nakatipon sila ng 26,000 kawal bukod pa ang 700 piling kawal ng Gibea. 16 Sa kabuuan ay kabilang ang 700 piling kawal na pawang kaliwete at kayang-kayang patamaan ng tirador ang hibla ng buhok. 17 Ang mga Israelita naman ay nakatipon ng 400,000 kawal na pawang bihasa sa digmaan.
Ang Digmaan ng mga Israelita at mga Benjaminita
18 Ang mga Israelita ay nagpunta sa tabernakulo sa Bethel at doo'y itinanong nila sa Diyos, “Aling lipi ang unang sasalakay sa mga Benjaminita?”
Sumagot si Yahweh, “Ang lipi ng Juda.”
19 Kinabukasan ng umaga, ang mga Israelita ay nagkampo sa tapat ng Lunsod ng Gibea. 20 Pinaharap nila sa lunsod ang kanilang hukbo upang ito'y salakayin. 21 Ngunit hinarang sila ng mga Benjaminita at bago gumabi ay nalagasan sila ng 22,000 kawal. 22 Gayunman hindi nasiraan ng loob ang mga Israelita. Kinabukasan, muli silang humanay sa dating lugar. 23 Ngunit bago magsimula ang labanan, dumulog muna sila kay Yahweh sa tabernakulo sa Bethel at maghapong lumuha. Itinanong nila kay Yahweh, “Muli po ba naming lulusubin ang mga kapatid naming Benjaminita?”
“Oo, lusubin ninyo silang muli,” sagot ni Yahweh.
24 Kaya, muli nilang nilusob ang mga Benjaminita. 25 Ngunit muli silang sinalubong ng mga ito sa labas ng Gibea at sa pagkakataong ito, ang mga Israelita'y nalagasan naman ng 18,000. 26 Kaya, nagpunta sila sa Bethel at doo'y nanangis. Nanatili silang nakaupo sa presensya ni Yahweh at maghapong hindi kumain. Naghain sila ng mga handog na susunugin at handog pangkapayapaan. 27 Muli silang sumangguni kay Yahweh. Noon, ang Kaban ng Tipan ng Diyos ay nasa Bethel 28 sa pag-iingat ni Finehas na anak ni Eleazar at apo ni Aaron. Ang tanong nila, “Lulusubin po ba namin muli ang mga kapatid naming Benjaminita o titigil na kami?”
Sumagot si Yahweh, “Lumusob kayo muli at bukas ng umaga'y pagtatagumpayin ko kayo laban sa kanila.”
29 Ang mga Israelita'y naglagay ng mga kawal na nakakubli sa palibot ng Gibea. 30 Nang ikatlong araw, muli nilang sinalakay ang mga Benjaminita. 31 At tulad ng dati, sila'y sinalubong ng mga ito hanggang sa mapalayo sa bayan. May ilang Israelitang napatay sa sangandaan papuntang Bethel at Gibea at sa labas ng lunsod, humigit-kumulang sa tatlumpu. 32 Dahil dito, inisip ng mga Benjaminitang nadaig na naman nila ang mga Israelita. Hindi nila naisip na nagpahabol lamang ang mga ito upang ilayo sila sa lunsod.
33 Ang mga Israelitang nagpahabol ay nagtipun-tipon sa Baal-tamar. Samantala, lumabas naman sa kanilang pinagtataguan sa palibot ng Gibea 34 ang may 10,000 na pawang piling mandirigma ng Israel. Sinalakay nila ang lunsod. Naging mahigpitan ang labanan. Hindi alam ng mga Benjaminita na malapit na silang malipol. 35 Ang mga Israelita'y pinagtagumpay ni Yahweh at nang araw na iyon, nakapatay sila ng 25,100 Benjaminita. 36 Noon lamang nila nakita na natalo sila ng mga Israelita.
Ang Pagtatagumpay ng mga Israelita
Umatras ang malaking bahagi ng hukbo ng Israel sapagkat nagtiwala na sila sa mga lalaking pinatambang nila sa palibot ng Gibea. 37 Nang malayo na ang mga Benjaminita, sinalakay nga nila ang lunsod at pinatay ang lahat ng mga tagaroon. 38 May usapan ang mga Israelitang umatras at ang mga nakatambang sa palibot ng Gibea na kapag may nakita silang makapal na usok sa Gibea, 39 haharapin na nila ang mga Benjaminita. Noon, ang mga Benjaminita ay nakapatay na ng tatlumpung Israelita kaya iniisip nilang malulupig na naman nila ang mga Israelita. 40 At lumitaw nga ang makapal na usok mula sa Gibea. Nang lumingon ang mga Benjaminita, nagtaka sila nang makitang nasusunog ang buong lunsod ng Gibea. 41 Sinamantala naman ito ng mga Israelita. Hinarap na nila ang mga kaaway. Nalito ang mga Benjaminita 42 at nagtangkang tumakas patungong kaparangan. Ngunit pinalibutan sila ng mga Israelita, 43 at hindi nilubayan ng pagtugis hanggang sa silangan ng Gibea. 44 Ang napatay sa mga pinakamagagaling na kawal Benjaminita ay umabot sa 18,000. 45 Ang iba'y nakatakas papuntang ilang, sa Batong Malaki ng Rimon. Ang napatay sa daan ay 5,000. Patuloy silang hinabol ng mga Israelita at nakapatay pa ng 2,000. 46 Lahat-lahat ng napatay na Benjaminita nang araw na iyon ay 25,000, na pawang mga matatapang na mandirigma.
47 Ang nakatakas sa Batong Malaki ng Rimon ay 600, at ang mga ito'y nanatili roon nang apat na buwan. 48 Binalikan ng mga Israelita ang iba pang Benjaminita at pinatay lahat, pati mga hayop. Pagkatapos, sinunog nila ang lahat ng bayang sakop ng Benjamin.
Si Jesus at si Juan
22 Pagkatapos nito, si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpunta sa lupain ng Judea. Nanatili siya roon nang kaunting panahon na kasama nila at nagbautismo ng mga tao. 23 Samantala, si Juan ay nagbabautismo naman sa Enon, malapit sa Salim, sapagkat maraming tubig doon. Pumupunta sa kanya ang mga tao at nagpapabautismo. 24 Hindi(A) pa noon nabibilanggo si Juan.
25 Minsan, nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio[a] tungkol sa rituwal ng paglilinis. 26 Kaya't pumunta sila kay Juan at sinabi sa kanya, “Guro, naaalala pa po ba ninyo ang lalaking kasama ninyo sa ibayo ng Jordan, na inyong pinatotohanan? Siya po ay nagbabautismo rin at nagpupuntahan sa kanya ang lahat!”
27 Sumagot si Juan, “Walang sinumang tatanggap ng anuman malibang ito'y ipagkaloob sa kanya ng Diyos. 28 Kayo(B) mismo ang makakapagpatunay na sinabi kong hindi ako ang Cristo; isa lamang akong sugo na mauuna sa kanya. 29 Sa isang kasalan, ang babaing ikakasal ay para lamang sa lalaking ikakasal. Ang abay na naghihintay sa pagdating ng lalaking ikakasal ay lubos na nagagalak kapag narinig niya ang tinig nito. Gayundin naman, lubos na ang aking kagalakan ngayon. 30 Dapat siyang maitaas at ako nama'y maibaba.”
Si Jesus ang Mula sa Langit
31 Ang mula sa itaas ay dakila sa lahat; ang mula sa lupa ay taga-lupa at nagsasalita tungkol sa mga bagay sa lupa. Ang mula sa langit ay dakila sa lahat. 32 Pinapatotohanan niya ang kanyang nakita at narinig ngunit walang tumatanggap sa kanyang patotoo. 33 Ang tumatanggap sa kanyang patotoo ay nagpapatunay na ang sinasabi ng Diyos ay totoo. 34 Ang isinugo ng Diyos ay nagpapahayag ng mga salita ng Diyos, sapagkat lubusang ipinagkakaloob ng Diyos ang kanyang Espiritu. 35 Iniibig(C) ng Ama ang Anak, at ibinigay niya rito ang pamamahala sa lahat ng bagay. 36 Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan. Ngunit ang hindi sumusunod sa Anak ay hindi magkakaroon ng buhay. Sa halip, mananatili sa kanya ang poot ng Diyos.
Si Jesus sa Samaria
4 Nabalitaan ng mga Pariseo na si Jesus ay mas maraming nahihikayat na maging alagad at nababautismuhan kaysa kay Juan. Nalaman ito ng Panginoon[b] 2 (bagaman hindi si Jesus mismo ang nagbabautismo, kundi ang kanyang mga alagad), 3 kaya umalis siya sa Judea at bumalik sa Galilea.
24 Sa daigdig, ikaw, Yahweh, kay rami ng iyong likha!
Pagkat ikaw ay marunong kaya ito ay nagawa,
sa dami ng nilikha mo'y nakalatan itong lupa.
25 Nariyan ang mga lawa't malawak na karagatan,
malalaki't maliliit na isda ay di mabilang.
26 Iba't(A) ibang mga bapor ang dito ay naglalakbay,
samantalang ang Leviatang[a] nilikha mo'y kaagapay.
27 Lahat sila'y umaasa, sa iyo ay nag-aabang,
umaasa sa pagkain na kanilang kailangan.
28 Ang anumang kaloob mo ay kanilang tinatanggap,
mayro'n silang kasiyahan pagkat bukás ang iyong palad.
29 Kapag ika'y lumalayo labis silang nangangamba,
takot silang mamatay kung lagutin mo ang hininga;
mauuwi sa alabok, pagkat doon sila mula.
30 Taglay mo ang katangiang buhay nila ay ibalik,
bagumbuhay ay dulot mo sa nilikha sa daigdig.
31 Sana ang iyong karangala'y manatili kailanman,
sa lahat ng iyong likha ang madama'y kagalakan.
32 Nanginginig ang nilikha, kapag titig mo sa daigdig,
ang bundok na hipuin mo'y umuusok, nag-iinit.
33 Aawitan ko si Yahweh, palagi kong aawitan,
siya'y aking pupurihin habang ako'y nabubuhay.
34 Ang awit ng aking puso sana naman ay kalugdan,
pagkat ako'y nagagalak, nagpupuri sa Maykapal.
35 Ang lahat ng masasama sana'y alisin sa daigdig,
ang dapat ay lipulin na upang sila ay maalis.
Si Yahweh ay purihin mo, aking kaluluwa!
Purihin si Yahweh!
22 Ang gumagawa ng masama ay mapapahamak,
ngunit ang nag-iisip ng mabuti'y pagkakatiwalaan at igagalang.
23 Ang bawat pagsisikap ay may pakinabang,
ngunit ang puro salita, ang bunga ay kahirapan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.