The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Ang Talumpati ni Samuel
12 Sinabi ni Samuel sa sambayanang Israel, “Ngayon, nasunod ko na ang gusto ninyo, nabigyan ko na kayo ng hari. 2 Narito na siya upang mamuno sa inyo. Ako nama'y matanda na at ang aking mga anak ay kasa-kasama ninyo. Mula sa aking kabataan hanggang ngayon ay ako ang namuno sa inyo. 3 Kung(A) mayroon kayong anumang reklamo laban sa akin, sabihin ninyo sa harapan ni Yahweh at sa hinirang niyang hari. Mayroon ba akong kinuha sa inyo kahit isang baka o asno? Mayroon ba akong dinaya o inapi? Nasuhulan ba ako ng sinuman para ipikit ko ang aking mga mata sa kamalian? Sabihin ninyo ngayon at pananagutan ko kung mayroon.”
4 “Hindi mo kami dinaya o inapi. Wala kang kinuhang anuman sa amin,” sagot nila.
5 Sinabi ni Samuel, “Kung gayon, si Yahweh ang saksi ko. Saksi ko rin ang kanyang hinirang na ako'y walang ginawang masama sa inyo.”
Sumagot sila, “Iyan ay alam ni Yahweh.”
6 Sinabi(B) ni Samuel, “Siya nga ang saksi,[a] si Yahweh na pumili kina Moises at Aaron, at siya rin ang nagligtas sa inyong mga ninuno mula sa kamay ng mga Egipcio. 7 Kaya nga, tumayo kayong lahat sa harapan niya at iisa-isahin ko ang mga kabutihan niyang ginawa sa inyo at sa inyong mga ninuno. 8 Nang(C) si Jacob at ang buo niyang sambahayan ay manirahan sa Egipto, sila'y inalipin ng mga Egipcio.[b] Humingi ng tulong kay Yahweh ang inyong mga magulang at ibinigay sa kanila sina Moises at Aaron. Sa pangunguna ng mga ito, sila'y inilabas niya sa Egipto at dinala sa lupaing ito. 9 Ngunit(D) si Yahweh ay tinalikuran ng sambayanan. Kaya't sila'y ipinalupig niya kay Sisera, ang pinuno ng hukbo ni Jabin na hari ng Hazor, gayundin sa mga Filisteo at sa mga Moabita. 10 Pagkatapos(E) ay dumaing sila kay Yahweh at kanilang sinabi, ‘Nagkasala kami sapagkat tinalikuran ka namin. Naglingkod kami kay Baal at kay Astarot. Iligtas mo kami ngayon sa aming mga kaaway at maglilingkod kami sa iyo.’ 11 At(F) ipinadala sa kanila ni Yahweh sina Gideon,[c] Barak,[d] Jefte, at Samuel; iniligtas nila kayo at pinangalagaan laban sa inyong mga kaaway kaya't mapayapa kayong nakapamuhay. 12 Ngunit(G) nang kayo'y sasalakayin ni Nahas na hari ng mga Ammonita, ipinagpilitan ninyong, “Basta, gusto naming isang hari ang mamuno sa amin,” bagama't alam ninyong si Yahweh na inyong Diyos ang inyong hari.
13 “Narito ngayon ang haring hiningi ninyo, ibinigay na sa inyo ni Yahweh. 14 Kung mamumuhay kayong may takot kay Yahweh, kung maglilingkod kayo sa kanya at susundin ang kanyang kalooban, kung hindi kayo susuway sa kanyang mga utos, at kung kayo at ang inyong hari ay susunod kay Yahweh na inyong Diyos, magiging maayos ang inyong pamumuhay. 15 Ngunit kapag hindi kayo sumunod sa kanya, sa halip ay lumabag sa kanyang utos, paparusahan niya kayo. 16 Ngayon, tingnan ninyo ang kababalaghang gagawin ni Yahweh. 17 Ngayon ay anihan ng trigo. Idadalangin ko sa kanya na kumulog at umulan para makita ninyo kung gaano kalaki ang pagkakasalang ginawa ninyo kay Yahweh nang humingi kayo ng hari.”
18 Nanalangin nga si Samuel. Noon di'y kumulog at umulan. Silang lahat ay napuno ng matinding takot kay Yahweh, at kay Samuel. 19 Sinabi nila kay Samuel, “Ipanalangin mo kay Yahweh na huwag kaming mamatay dahil sa paghingi namin ng hari. Malaking kasalanan ang idinagdag namin sa marami na naming pagkakasala.”
20 “Huwag kayong matakot,” sabi ni Samuel. “Kahit malaki ang pagkakasala ninyo kay Yahweh, huwag kayong lalayo sa kanya. Ang kailangan ay paglingkuran ninyo siya nang buong puso. Huwag ninyo siyang tatalikuran. 21 Lumayo kayo sa mga diyus-diyosan. Hindi kayo maililigtas ni matutulungan ng mga iyan sapagkat hindi sila tunay na Diyos. 22 Hindi kayo pababayaan ni Yahweh, sapagkat iyon ang kanyang pangako. Kayo'y pinili niya bilang kanyang bayan. 23 Ipapanalangin ko kayo at tuturuan ng dapat ninyong gawin. 24 Subalit matakot kayo kay Yahweh. Manatili kayong tapat sa kanya, paglingkuran ninyo siya nang buong puso at lagi ninyong alalahanin ang mga kabutihang ginawa niya sa inyo. 25 Ngunit kung mananatili kayo sa inyong kasamaan, malilipol kayong lahat, pati ang inyong hari.”
Ang Pakikidigma Laban sa mga Filisteo
13 Tatlumpung[e] taon si Saul nang siya'y maging hari ng Israel. Siya'y naghari sa loob ng dalawang taon.[f]
2 Pumili si Saul ng tatlong libong tauhan; ang dalawang libo ay isinama niya sa Micmas at sa kaburulan ng Bethel. Ang sanlibo naman ay pinasama niya kay Jonatan sa Gibea, sakop ng Benjamin. Ang iba'y pinauwi niya sa kani-kanilang tolda.
3 Nasakop na ni Jonatan ang kampo ng mga Filisteo sa Gibea at ito'y napabalita sa buong lupain ng mga Filisteo. Ipinabalita naman ni Saul sa buong Israel ang nangyari at tinawagan ang buong bayan na makidigma. 4 Nang marinig ng mga Israelita na nasakop na ni Saul ang isang kampo ng mga Filisteo at malaman nilang napopoot sa kanila ang mga ito, nagkaisa silang sumama kay Saul sa Gilgal upang makipaglaban.
5 Nagtipun-tipon din ang mga Filisteo upang harapin ang mga Israelita. Ang karwahe nila ay 30,000, at 6,000 ang mga kawal na nakakabayo, at parang buhangin sa dagat ang dami ng mga kawal na naglalakad. Sila'y nagkampo sa Micmas, sa gawing silangan ng Beth-aven. 6 Nakita ng mga Israelita ang malaking panganib na kanilang kakaharapin at natakot sila, kaya't nagkanya-kanya silang tago sa mga kuweba, hukay, libingan, malalaking bato, at mga punongkahoy. 7 Ang iba nama'y tumawid sa Jordan papuntang Gad at Gilead.
Naiwan si Saul sa Gilgal at nanginginig sa takot ang mga naiwang kasama niya. 8 Pitong(H) araw siyang naghintay roon, tulad ng sinabi sa kanya ni Samuel; ngunit hindi pa rin ito dumarating. Ang mga kasama niya'y isa-isa nang umaalis, 9 kaya't nagpakuha si Saul ng handog na susunugin at handog pangkapayapaan at siya na ang naghandog ng mga ito. 10 Katatapos lamang niyang maghandog nang dumating si Samuel. Sinalubong siya ni Saul at binati. 11 Tinanong siya ni Samuel, “Bakit mo ginawa iyan?”
Sumagot siya, “Ang mga kasama ko'y isa-isa nang nag-aalisan, nariyan na sa Micmas ang mga Filisteo, at ikaw nama'y hindi dumating sa oras na ating usapan. 12 Ako'y nangambang lusubin kami ng mga Filisteo rito sa Gilgal na hindi pa ako nakapaghahandog kay Yahweh, kaya napilitan akong maghandog.”
13 Sinabi sa kanya ni Samuel, “Malaking kasalanan 'yang ginawa mo. Kung sinunod mo ang iniuutos sa iyo ni Yahweh na iyong Diyos, ang sambahayan mo sana ang maghahari sa buong Israel habang panahon. 14 Ngunit(I) dahil sa ginawa mo, hindi na matutuloy iyon. Si Yahweh ay pipili ng isang taong mula sa kanyang puso na maghahari sa Israel sapagkat hindi mo sinunod ang mga utos niya sa iyo.”
15 Pagkasabi nito'y umalis si Samuel at nagpunta sa Gibea, sa lupain ng Benjamin. Tinipon ni Saul ang natira niyang mga tauhan at umabot sa 600. 16 Sina Saul at Jonatan, pati ang kanilang mga tauhan ay nagkampo naman sa Gibea ng Benjamin samantalang nasa Micmas pa rin ang mga Filisteo. 17 Ang mga ito'y nagtatlong pangkat sa pagsalakay sa mga Israelita: ang una'y gumawi sa Ofra, sa lupain ng Sual; 18 ang ikalawa'y sa Beth-horon, at ang pangatlo'y sa kaburulan, sa may hanggahan ng kapatagan ng Zeboim at ng kagubatan.
19 Noon ay wala ni isa mang panday sa buong Israel sapagkat ayaw ng mga Filisteo na makagawa ng mga tabak o sibat ang mga Israelita. 20 Kaya ang mga Israelita'y sa mga Filisteo pa nagpapahasa ng kanilang araro, asarol, palakol at karit. 21 Mahal ang bayad nila sa pagpapahasa ng palakol o karit, at mas mahal pa para sa araro o asarol. 22 Kaya, sina Saul at Jonatan lamang ang may tabak; isa man sa mga kasamahan nila'y walang dalang patalim. 23 Samantala, binantayang mabuti ng mga Filisteo ang daanan papuntang Micmas.
Hindi Sumampalataya kay Jesus ang Kanyang mga Kapatid
7 Pagkatapos nito'y nilibot ni Jesus ang Galilea. Iniwasan niya ang Judea dahil nais siyang patayin ng mga pinuno ng mga Judio roon. 2 Nalalapit(A) na noon ang Pista ng mga Tolda, isa sa mga pista ng mga Judio, 3 kaya't sinabi kay Jesus ng kanyang mga kapatid, “Bakit hindi ka umalis dito at pumunta sa Judea para makita ng iyong mga tagasunod ang ginagawa mo? 4 Walang taong naglilihim ng kanyang ginagawa kung ang hangad niya'y maging tanyag. Ginagawa mo rin lamang ang mga bagay na ito, magpakilala ka na sa sanlibutan.” 5 Maging ang mga kapatid ni Jesus ay hindi naniniwala sa kanya.
6 Sumagot si Jesus, “Hindi pa dumating ang aking panahon; sa inyo'y maaari kahit anong panahon. 7 Hindi kayo kapopootan ng sanlibutan, ngunit ako'y kinapopootan nila, sapagkat pinapatotohanan kong masasama ang mga gawa nito. 8 Kayo na lamang ang pumunta sa pista. Hindi ako pupunta[a] sapagkat hindi pa dumating ang aking panahon.” 9 Pagkasabi nito, nagpaiwan siya sa Galilea.
Nagturo si Jesus sa Pista ng mga Tolda
10 Pagkaalis ng kanyang mga kapatid, si Jesus ay palihim na pumunta rin sa pista. 11 Hinahanap siya roon ng mga Judio. “Nasaan kaya siya?” tanong nila. 12 Pabulong na pinag-uusapan siya ng marami. “Siya'y mabuting tao,” sabi ng ilan. “Hindi, inililigaw niya ang mga tao,” sabi naman ng iba. 13 Ngunit walang nangahas magsalita nang hayagan tungkol sa kanya dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio.
14 Nang kalagitnaan na ng pista, pumasok si Jesus sa Templo at nagturo. 15 Nagtaka ang mga Judio at naitanong nila, “Saan kaya nakakuha ng karunungan ang taong ito gayong hindi naman siya nakapag-aral?”
16 Kaya't sinabi ni Jesus, “Hindi sa akin ang itinuturo ko, kundi sa nagsugo sa akin. 17 Kung talagang nais ninumang sumunod sa kalooban ng Diyos, malalaman niya kung ang itinuturo ko'y mula nga sa Diyos, o kung ang sinasabi ko ay galing lamang sa akin. 18 Ang nagtuturo ng galing sa sarili niya ay naghahangad ng sariling karangalan. Ngunit ang taong naghahangad na maparangalan ang nagsugo sa kanya ay tapat at hindi nagsisinungaling. 19 Hindi ba't ibinigay sa inyo ni Moises ang Kautusan? Bakit wala ni isa man sa inyo ang tumutupad nito? Bakit nais ninyo akong patayin?”
20 Sumagot ang mga tao, “Sinasapian ka ng demonyo! Sino ba ang gustong pumatay sa iyo?”
21 Sumagot si Jesus, “Isang bagay pa lamang ang ginawa ko'y nagtataka na kayong lahat. 22 Ibinigay(B) sa inyo ni Moises ang utos tungkol sa pagtutuli bagaman hindi ito nagmula sa kanya kundi sa inyong mga ninuno, at ginagawa ninyo ito kahit Araw ng Pamamahinga. 23 Kung(C) tinutuli ang isang sanggol na lalaki kahit Araw ng Pamamahinga para masunod ang utos ni Moises, bakit kayo nagagalit sa akin dahil nagpagaling ako ng isang tao sa Araw ng Pamamahinga? 24 Huwag kayong humatol batay sa anyo, kundi humatol kayo batay sa matuwid na pamantayan.”
Siya na nga Kaya ang Cristo?
25 Sinabi ng ilang taga-Jerusalem, “Hindi ba ito ang taong nais nilang patayin? 26 Hayan! Lantaran siyang nagsasalita, ngunit wala silang sinasabi laban sa kanya! Baka naman alam na ng mga pinuno na siya nga ang Cristo! 27 Ngunit pagdating ng Cristo ay walang makakaalam kung saan siya magmumula, subalit alam natin kung saan nagmula ang taong ito!”
28 Kaya't habang si Jesus ay nagtuturo sa Templo, sumigaw siya, “Ako ba'y talagang kilala ninyo? Alam nga ba ninyo kung saan ako nagmula? Hindi ako naparito dahil sa aking sariling kagustuhan lamang. Karapat-dapat paniwalaan ang nagsugo sa akin. Hindi ninyo siya nakikilala, 29 ngunit nakikilala ko siya, sapagkat sa kanya ako nagmula, at siya ang nagsugo sa akin.”
30 Nais na siyang dakpin ng ilang naroroon, ngunit walang nangahas sapagkat hindi pa dumating ang kanyang panahon.
Papuri at Panalangin ng Tagumpay(A)
Awit ni David.
108 Nahahanda ako ngayon, O Diyos, ako ay handa na,
na magpuri at umawit ng awiting masisigla!
Gumising ka, kaluluwa, gumising ka at magsaya!
2 O magsigising na nga kayo, mga lira at alpa;
tumugtog na at hintayin ang liwayway ng umaga.
3 Sa gitna ng mga bansa kita'y pasasalamatan,
Yahweh, ika'y pupurihin sa gitna ng mga hirang.
4 Pag-ibig mong walang maliw ay abot sa kalangitan,
nadarama sa itaas ang lubos mong katapatan.
5 Sa ibabaw ng mga langit, ikaw ay itatanghal,
at dito naman sa daigdig ang iyong kaluwalhatian.
6 Sa taglay mong kalakasan kami sana ay iligtas,
upang kaming iyong lingkod ay hindi na mapahamak;
dinggin mo ang dalangin ko kapag ako'y tumatawag.
7 Sinabi nga nitong Diyos mula sa tronong luklukan,
“Hahatiin ko ang Shekem, bilang tanda ng tagumpay,
paghahati-hatiin ko ang Sucot na kapatagan, matapos na gawin ito'y ibibigay sa hinirang.
8 Ang Gilead at Manases, dal'wang dakong ito'y akin,
magsisilbing helmet ko itong lugar ng Efraim;
samantalang itong Juda ay setrong dadakilain.
9 Ang Moab ay isang lugar na gagawin kong hugasan,
samantalang itong Edom ay lupa kong tatapakan;
doon naman sa Filistia, tagumpay ko'y isisigaw.”
10 Sino kaya ang sasama sa lakad ko, Panginoon? Sa lunsod na mayroong kuta, sino'ng maghahatid ngayon?
Sino kaya'ng magdadala sa akin sa lupang Edom?
11 Dahil kami'y itinakwil, hindi mo na pinapansin.
Kung ikaw ay di kasama, paano ang hukbo namin?
12 O Diyos, kami'y tulungan mo sa paglaban sa kaaway,
pagkat ang tulong ng tao ay walang kabuluhan.
13 Kung ang Diyos ang kasama, kasama sa panig namin,
matatamo ang tagumpay, ang kaaway tatalunin.
4 Ang magiliw na salita ay nagpapasigla sa buhay,
ngunit ang matalas na pangungusap ay masakit sa kalooban.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.