Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the MEV. Switch to the MEV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Ruth 2-4

Si Ruth sa Bukid ni Boaz

Isang(A) araw, sinabi ni Ruth kay Naomi, “Pupunta po ako sa bukid at mamumulot ng mga uhay na naiiwan ng mga gumagapas. Doon ako sa may likuran ng sinumang papayag.”

Sumagot si Naomi, “Ikaw ang bahala, anak.” Kaya't si Ruth ay nagpunta sa bukid at namulot ng mga uhay, kasunod ng mga gumagapas. Nagkataong ang napuntahan niya ay ang bukid ni Boaz, isang kamag-anak ni Elimelec na napakayaman at iginagalang sa kanilang bayan.

Di nagtagal, dumating naman si Boaz mula sa Bethlehem. “Sumainyo si Yahweh,” ang bati niya sa mga gumagapas.

“Pagpalain naman kayo ni Yahweh!” sagot nila.

Nang makita si Ruth, itinanong ni Boaz sa katiwala, “Sino ang babaing iyon?”

“Siya po ang Moabitang kasama ni Naomi nang umuwi rito mula sa Moab,” sagot ng katiwala. “Nakiusap po siyang makapamulot ng nalaglag na mga uhay. Pinayagan ko naman. Kaya't maagang-maaga pa'y naririto na siya. Katitigil lamang niya para magpahinga sandali.”

Nilapitan ni Boaz si Ruth at kinausap, “Anak, huwag ka nang pupunta sa ibang bukid. Dito ka na lamang mamulot kasama ng aking mga manggagawang babae. Tingnan mo kung saan sila gumagapas, at sumunod ka. Sinabi ko na sa mga tauhan ko na huwag kang gambalain. At kung ikaw ay nauuhaw, malaya kang uminom ng tubig mula sa aking banga.”

10 Nagpatirapa si Ruth, bilang pagbibigay-galang, at nagtanong, “Ako po ay isang dayuhan, bakit po napakabuti ninyo sa akin?”

11 Sumagot si Boaz, “Nabalitaan ko ang lahat ng ginawa mo sa iyong biyenan mula nang mamatay ang iyong asawa. Alam ko ring iniwan mo ang iyong mga magulang at sariling bayan upang manirahan sa isang lugar na wala kang kakilala. 12 Pagpalain ka nawa ni Yahweh dahil sa iyong ginawa. Gantimpalaan ka nawa ni Yahweh, ang Diyos ng Israel sapagkat sa kanya ka lumapit at nagpakupkop!” 13 Sumagot si Ruth, “Salamat po. Pinalakas ninyo ang aking loob sa inyong sinabi. Kahit ako'y isang hamak na lingkod at sa katunaya'y hindi kabilang sa inyong mga manggagawa, naging mabuti kayo sa akin.”

14 Nang dumating ang oras ng pagkain, tinawag ni Boaz si Ruth, “Halika rito. Kumuha ka ng tinapay at isawsaw mo sa sarsa.” Kaya't umupo na siyang kasama ng mga manggagawa, at binigyan siya ni Boaz ng inihaw na sebada. Kumain naman si Ruth hanggang sa mabusog. May natira pa sa pagkaing ibinigay sa kanya. 15 Nang ipagpatuloy niya ang pamumulot, pinagbilinan ni Boaz ang mga manggagawa, “Hayaan ninyo siyang mamulot kahit sa tabi ng mga binigkis na uhay. Huwag ninyo siyang babawalan. 16 Maglaglag kayo ng mga uhay mula sa binigkis para may mapulot siya.”

17 Si Ruth ay namulot hanggang gabi, at pagkatapos ay giniik niya ang kanyang napulot. Halos limang salop na sebada ang nakuha niya. 18 Umuwi si Ruth at ipinakita sa kanyang biyenan ang naipong sebada, at ibinigay pa niya sa matanda ang lumabis niyang pagkain. 19 Nagtanong si Naomi, “Saang bukid ka ba namulot ngayon? Pagpalain nawa ng Diyos ang taong nagmagandang-loob sa iyo!” At ikinuwento ni Ruth ang nangyari sa kanya sa bukid ni Boaz. 20 Kaya't(B) sinabi ni Naomi, “Pagpalain nawa siya ni Yahweh na hindi nakakalimot sa kanyang pangako sa mga buháy at sa mga patay.” Idinugtong pa niya, “Malapit nating kamag-anak ang taong iyon, isa sa mga may tungkuling mangalaga sa naiwan ng mga yumao.”

21 Nagpatuloy ng pagsasalaysay si Ruth, “Sinabi pa niyang magpatuloy akong mamulot sa kanyang bukid hanggang sa matapos ang anihan niya.”

22 Sumagot si Naomi, “Oo nga, anak. Baka mapahamak ka lamang kung sa ibang bukid ka pupunta. Mabuti ngang manatili kang kasama ng kanyang mga manggagawang babae.” 23 Ganoon nga ang nangyari. Namulot si Ruth kasama ng mga gumagapas sa bukid ni Boaz, hanggang sa maaning lahat ang trigo at ang sebada. At namuhay siya sa piling ng kanyang biyenan.

Naging Mabuti kay Ruth si Boaz

Isang araw ay kinausap ni Naomi si Ruth. Sabi niya, “Anak, kailangang ihanap kita ng magiging asawa upang magkaroon ka ng sariling tahanan. Natatandaan mong sinabi ko sa iyo noon na kamag-anak natin si Boaz. Mga manggagawa niya ang mga kasama mo sa bukid. Ngayon, makinig kang mabuti. Magpapagiik siya ng sebada mamayang gabi. Kaya't maligo ka, magpabango ka at isuot mo ang pinakamaganda mong damit. Pagkatapos, pumunta ka sa giikan. Ngunit huwag mong ipaalam na naroon ka hanggang sa makakain at makainom si Boaz. Tingnan mo kung saan siya matutulog. Lumapit ka, iangat mo ang takip ng kanyang paa, at mahiga ka sa may paanan niya. Sasabihin niya sa iyo ang nararapat mong gawin.”

Sumagot si Ruth, “Gagawin ko pong lahat ang inyong sinabi.”

Nagpunta na nga si Ruth sa giikan upang isagawa ang lahat ng sinabi ng kanyang biyenan.

Masaya si Boaz matapos kumain at uminom. Maya-maya'y nahiga siya at natulog sa tabi ng bunton ng sebada. Marahang lumapit si Ruth, iniangat ang takip ng paa ni Boaz, at nahiga sa paanan nito. Nang maghahating-gabi'y nagising si Boaz. Nagulat siya nang makitang may babaing nakahiga sa paanan niya. “Sino ka?” tanong niya.

“Si Ruth po, ang inyong lingkod,” sagot ng babae. “Isa kayong kamag-anak na malapit kaya dapat ninyo akong kalingain at pakasalan.”

10 Sumagot naman si Boaz, “Pagpalain ka ni Yahweh. Higit na kagandahang-loob sa aming angkan ang ginawa mong ito kaysa ginawa mo sa iyong biyenan. Hindi ka naghanap ng isang lalaking bata pa na maaaring mayaman o mahirap. 11 Ipanatag mo ang iyong loob. Nalalaman ng buong bayan na isa kang mabuting babae. Gagawin ko ang lahat ng sinabi mo. 12 Totoo(C) ngang ako'y malapit ninyong kamag-anak, at may tungkulin sa iyo, ngunit may isang mas malapit na kamag-anak kaysa akin. 13 Dito ka muna hanggang madaling-araw. Bukas ng umaga, aalamin natin kung pakakasalan ka ng lalaking sinasabi ko. Kung hindi, ipinapangako ko kay Yahweh, ang buháy na Diyos, na gagampanan ko ang tungkuling ito. Matulog ka na muna ngayon.”

14 Kaya't natulog si Ruth sa may paanan ni Boaz hanggang sa mag-umaga. Ngunit bumangon siya bago sumikat ang araw, sapagkat sinabi ni Boaz na walang dapat makaalam na nagpunta siya sa giikan. 15 Nang paalis na si Ruth, sinabi ni Boaz, “Iladlad mo ang iyong balabal.” At ito'y nilagyan ni Boaz ng mahigit na kalahating kabang sebada. Ipinasan niya ito kay Ruth at tuluyan na itong umuwi. 16 Nang makita siya ng kanyang biyenan ay tinanong siya nito, “Kumusta ang lakad mo, anak?”

At sinabi ni Ruth ang buong pangyayari. 17 “Binigyan pa niya ako ng sebada, sapagkat hindi raw po ako dapat umuwing walang dala,” dugtong pa niya.

18 Sinabi ni Naomi, “Maghintay ka, anak, hanggang sa malaman mo kung ano ang kalalabasan ng bagay na ito. Hindi titigil si Boaz hangga't hindi niya naaayos ang lahat.”

Pinakasalan ni Boaz si Ruth

Nagtungo si Boaz sa may pintuan ng lunsod at naupo roon. Di nagtagal, dumaan ang tinutukoy niyang pinakamalapit na kamag-anak ni Elimelec. “Pinsan, sandali lang. Maupo ka rito at may sasabihin ako sa iyo,” sabi niya. Lumapit naman ang tinawag at naupo sa tabi ni Boaz. Tumawag si Boaz ng sampung pinuno ng bayan at inanyayahan ding maupo roon. Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang kamag-anak, “Ngayong nagbalik na si Naomi buhat sa Moab, nais niyang ipagbili ang bukid ng kamag-anak nating si Elimelec. Sa palagay ko'y dapat mo itong malaman sapagkat ikaw ang unang may karapatang bumili niyon. Kung gusto mo, bilhin mo iyon sa harap ng mga saksing pinuno ng bayan. Kung ayaw mo naman, ako ang bibili.”

“Bibilhin ko,” sagot ng lalaki.

Agad na sinabi ni Boaz, “Kung bibilhin mo kay Naomi ang bukid, kasama sa bilihan si Ruth,[a] ang Moabitang biyuda ng ating pinsan, upang ang bukid ay manatili sa angkan ng namatay.”

Pagkarinig niyon, sumagot ang lalaki, “Kung ganoon, hindi ko na gagamitin ang aking karapatan, sapagkat manganganib namang mawala ang sarili kong mana. Ikaw na ang bumili.”

Ganito(D) ang kaugalian sa Israel noong unang panahon: kapag tinubos o binili ang isang ari-arian, hinuhubad ng nagpatubos o nagbenta ang kanyang sandalyas at ibinibigay sa bumili, bilang katibayan ng kanilang kasunduan. Kaya't nang sabihin ng lalaki kay Boaz na siya na ang bumili, hinubad nito ang kanyang sandalyas at ibinigay kay Boaz.[b] Matapos tanggapin iyon, sinabi ni Boaz sa matatandang pinuno at sa ibang naroroon, “Kayo ang saksi ko na binili ko kay Naomi ang lahat ng nasa pangalan ni Elimelec, at nina Quelion at Mahlon. 10 Kasama(E) sa bilihang ito ay magiging asawa ko si Ruth, ang Moabitang biyuda ni Mahlon, upang manatili sa angkan ng namatay ang mga ari-arian. Sa pamamagitan nito'y mananatiling buháy ang kanyang pangalan sa hanay ng kanyang kamag-anakan at sa kanyang bayan. Inuulit ko, saksi kayo sa bagay na ito.”

11 At(F) sila'y sumagot, “Oo, saksi kami.” Sinabi naman ng matatanda, “Pagpalain nawa ni Yahweh ang babaing iyon, at bigyan ng maraming anak gaya nina Raquel at Lea, na pinagmulan ng lahing Israel. Ikaw naman, Boaz, sumagana ka nawa sa Efrata at kilalanin sa buong Bethlehem. 12 Matulad(G) nawa sa sambahayan ni Fares, na anak nina Juda at Tamar, ang mga anak na ibibigay sa inyo ni Yahweh sa pamamagitan ng kabataang babaing ito.”

13 Napangasawa nga ni Boaz si Ruth at iniuwi sa kanyang tahanan. Pinagpala ni Yahweh si Ruth kaya't ito'y nagdalang-tao at nanganak ng isang lalaki. 14 Sinabi ng kababaihan kay Naomi, “Purihin si Yahweh! Binigyan ka niya sa araw na ito ng isang apo na kakalinga sa iyo. Maging tanyag nawa sa Israel ang bata! 15 Maghatid nawa siya ng kaaliwan sa puso mo at mag-alaga sa iyong pagtanda. Ang mapagmahal mong manugang, na nagsilang sa bata, ay higit kaysa pitong anak na lalaki.” 16 Kinuha ni Naomi ang bata, magiliw na kinalong, at inalagaang mabuti. 17 Siya'y tinawag nilang Obed. Ipinamalita nilang nagkaapo ng lalaki si Naomi. Si Obed ang siyang ama ni Jesse na ama naman ni David.

Ang Angkan ni David

18-22 Ito ang pagkakasunud-sunod ng angkan mula kay Fares hanggang kay David: Fares, Hezron, Ram, Aminadab, Naason, Salmon, Boaz, Obed, Jesse, at David.

Juan 4:43-54

Pinagaling ni Jesus ang Anak ng Isang Pinuno ng Pamahalaan

43 Pagkaraan ng dalawang araw, bumalik si Jesus sa Galilea. 44 (Si(A) Jesus na rin ang nagpatotoo na ang isang propeta'y hindi iginagalang sa sarili nitong bayan.) 45 Pagdating(B) niya sa Galilea ay mabuti ang pagtanggap sa kanya ng mga tagaroon, sapagkat nasa Jerusalem din sila noong Pista ng Paskwa at nakita nila ang lahat ng kanyang ginawa roon.

46 Nagpunta(C) muli si Jesus sa Cana sa Galilea, kung saan ginawa niyang alak ang tubig. Sa bayan naman ng Capernaum ay may isang pinuno ng pamahalaan. Ang anak niyang lalaki ay may sakit 47 at naghihingalo na. Nang mabalitaan niyang bumalik si Jesus sa Galilea mula sa Judea, pinuntahan niya ito at pinakiusapang pumunta sa Capernaum upang pagalingin ang kanyang anak. 48 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Hangga't hindi kayo nakakakita ng mga himala at mga kababalaghan, kailanman ay hindi kayo sasampalataya.”

49 Ngunit sinabi ng pinuno, “Tayo na po, Panginoon, bago mamatay ang aking anak.”

50 Sumagot si Jesus, “Umuwi ka na, hindi mamamatay ang iyong anak.” Naniwala ang lalaki sa sinabi ni Jesus, at umuwi na nga siya. 51 Sa daan pa lamang ay sinalubong na siya ng kanyang mga alipin at sinabing gumaling na ang kanyang anak.

52 Tinanong niya ang mga iyon, “Anong oras nang bumuti ang kalagayan niya?”

“Ala-una po kahapon nang siya'y mawalan ng lagnat,” tugon nila.

53 Naalala ng ama na noong oras na iyon sinabi sa kanya ni Jesus, “Hindi mamamatay ang iyong anak.” Kaya't siya at ang kanyang buong sambahayan ay sumampalataya kay Jesus.

54 Ito ang pangalawang himalang ginawa ni Jesus sa Galilea pagkagaling mula sa Judea.

Mga Awit 105:16-36

16 Sa(A) lupain nila'y mayroong taggutom na ipinarating
    itong Panginoon, kung kaya nagdahop sila sa pagkain.
17 Subalit(B) ang Diyos sa unahan nila'y may sugong lalaki,
    tulad ng alipin, ibinenta nila ang batang si Jose;
18 mga(C) paa nito'y nagdanas ng hirap nang maikadena,
    pinapagkuwintas ng kolyar na bakal pati leeg niya.
19 Hanggang sa dumating ang isang sandali na siya'y subukin nitong si Yahweh,
    na siyang nangakong siya'y tutubusin.
20 Ang(D) ginamit ng Diyos ay isang hari upang lumaya,
    pinalaya siya nitong haring ito na namamahala.
21 Doon(E) sa palasyong tahanan ng hari pinapamahala,
    sa buong lupain, si Jose'y ginawa niyang katiwala.
22 Siya'ng sinusunod ng mga prinsipe doon sa palasyo,
    siya ang pag-asa ng mga matandang ang gawa'y magpayo.

23 Sa(F) bansang Egipto, itong si Israel ay doon nagpunta,
    sa lupain ni Ham, ang nunong si Jacob ay doon tumira.
24 Ginawa(G) ni Yahweh ay kusang pinarami ang kanyang hinirang,
    pinalakas ito, higit pa sa lakas ng mga kaaway.
25 Tinulutan niyang doon sa Egipto sila ay itakwil,
    ipinabusabos at pinahirapan nang gawing alipin.

26 Saka(H) inutusan itong si Moises, sinugo ng Diyos,
    sinugo rin niya pati si Aaron, ang piniling lingkod.
27 Sa bansang Egipto'y maraming himalang ginampanan sila,
    sa utos ng Diyos, maraming himalang doon ay nakita.
28 Ang(I) isang ginawa niya'y pinadilim sa buong lupain,
    ang ginawang ito'y hindi inintindi ni hindi pinansin.
29 Ang(J) ilog at batis ay kanyang ginawang dugong dumadaloy,
    pawang nangamatay ang lahat ng isdang doo'y lumalangoy.
30 Napuno(K) ng mga palakang kay rami ang buong lupain,
    maging mga silid ng mahal na hari ay may palaka rin.
31 Sa(L) utos ng Diyos ay maraming niknik ang biglang sumipot,
    sa lahat ng dako kay rami ng langaw, gayon din ng lamok.
32 Sa(M) halip na tubig, ay maraming yelo ang nagsilbing ulan,
    ang kulog at kidlat ay sala-salabat nilang nasaksihan.
33 Ang mga ubasan, mga punongkahoy katulad ng igos,
    ay kanyang nilagas, mga bunga nito'y hindi na nahinog.
34 Isang(N) utos lamang at biglang dumating ang maraming balang,
    langit ay nagdilim sa dinami-rami ay hindi mabilang.
35 Lahat ng gulayin at mga halaman sa buong lupain,
    sinira ng balang, mga bunga nito'y kanilang kinain.
36 Ang(O) mga panganay sa buong Egipto ay kanyang pinatay,
    kaya sa Egipto, noon ay naubos ang mga panganay.

Mga Kawikaan 14:26-27

26 Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh, dulot ay kapayapaan,
    may hatid na katatagan sa buong sambahayan.
27 Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay bukal ng buhay,
    at ang taong mayroon nito'y malayo sa bitag ng kamatayan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.