The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Ang Bahagi ng mga Pari
18 “Ang mga paring Levita, ang buong lipi ni Levi ay walang mamanahing bahagi sa lupain ng Israel. Ang para sa kanila ay ang mga kaloob at handog kay Yahweh. 2 Wala(A) silang bahagi sa lupain tulad ng ibang lipi sa Israel; si Yahweh ang kanilang bahagi, gaya ng kanyang pangako.
3 “Ang mga ito ang nakalaan para sa mga pari mula sa handog kay Yahweh, maging baka o tupa: ang mga balikat, ang mga pisngi at ang tiyan; 4 ang unang ani ng mga pananim, ng alak, ng langis, at ang unang pinaggupitan ng inyong mga tupa. 5 Ang lipi ni Levi ang pinili ni Yahweh upang maglingkod sa kanya bilang mga pari habang panahon.
6 “Sakaling may Levita mula sa alinmang bayan ng lupain na kusang magpunta sa lugar na pinili ni Yahweh 7 upang sumamba, maaaring maglingkod doon ang Levita kasama ng kapwa niya Levita. 8 Siya ay bibigyan doon ng kanyang bahaging kasindami ng ibibigay sa mga Levita na dating naglilingkod doon, bukod sa bahagi niya mula sa mana ng kanyang ama.
Babala Laban sa Pagsunod sa Kaugalian ng mga Pagano
9 “Kapag kayo'y naroon na sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, huwag kayong gagaya sa kasuklam-suklam na gawain ng mga tao roon. 10 Sinuman(B) sa inyo'y huwag magsusunog ng kanyang anak bilang handog. Huwag kayong manghuhula, huwag gagawin ang ginagawa ng mga mangkukulam, 11 ng(C) mga mananawas, at ng mga sumasangguni sa mga espiritu ng namatay. 12 Sinumang gumawa ng alinman sa mga ito ay kasusuklaman ni Yahweh na inyong Diyos. Pakatatandaan ninyo na iyan ang dahilan kaya niya itataboy ang mga nakatira sa lupaing pupuntahan ninyo. 13 Lubos(D) kayong maging tapat sa Diyos ninyong si Yahweh. 14 Ang mga bansang inyong sasakupin ay sumusunod sa mga manghuhula at mga naniniwala sa mga agimat. Subalit ang mga ito ay ipinagbabawal sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh.
Ang Diyos ay Magpapadala ng Propeta
15 “Mula(E) sa inyo, si Yahweh na inyong Diyos ay pipili para sa inyo ng isang propetang[a] katulad ko. Dapat kayong makinig sa kanya.[b] 16 Ito ang kasagutan sa hiling ninyo kay Yahweh nang kayo'y nagkakatipon sa Sinai.[c] Ang sabi ninyo, ‘Huwag mo nang iparinig pang muli sa amin ang tinig ni Yahweh ni ipakita ang kakila-kilabot na apoy na ito sapagkat tiyak na mamamatay kami.’ 17 Sinabi naman niya sa akin, ‘Tama ang sabi nila, 18 kaya mula sa kanila, pipili ako para sa kanila ng isang propetang[d] katulad mo. Sasabihin ko sa kanya[e] ang aking kalooban, at siya[f] ang magsasabi nito sa mga tao. 19 Sinumang(F) hindi makinig sa kanya na nagsasalita para sa akin ay mananagot sa akin. 20 Ngunit ang sinumang propetang magsalita para sa ibang diyos o kaya'y magkunwaring nagsasalita para sa akin subalit hindi ko naman inatasan, ang propetang tulad niyon ay dapat patayin.’
21 “Upang matiyak ninyo kung ang sinabi ng propeta ay galing kay Yahweh o hindi, 22 ito ang palatandaan: kapag hindi nangyari o nagkatotoo ang sinabi niya, iyon ay hindi mula kay Yahweh; ang mensahe niya ay gawa-gawa lamang niya. Huwag ninyo siyang katatakutan.
Ang mga Lunsod-Kanlungan(G)
19 “Kapag(H) nalipol na ni Yahweh na inyong Diyos ang mga mamamayan sa lupaing ibinigay niya sa inyo, at kayo na ang nakatira roon, 2 magbukod kayo ng tatlong lunsod. 3 Gagawan ninyo iyon ng mga kalsada. Hatiin ninyo sa tatlo ang buong lupaing ibibigay ni Yahweh sa inyo. Sa bawat bahagi ay maglagay kayo ng lunsod-kanlungan na siyang tatakbuhan ng sinumang makapatay nang hindi sinasadya.
4 “Ito ang tuntunin ukol sa sinumang nakapatay ng tao nang hindi sinasadya o hindi dahil sa away. 5 Halimbawa: sinumang nagpuputol ng kahoy sa gubat, tumilapon ang talim ng kanyang palakol, at tinamaan ang kasama niya. Kung namatay ang tinamaan, ang nakapatay ay maaaring magtago at manirahan sa isa sa mga lunsod na ito. 6 Kung hindi siya makakapagtago agad dahil malayo ang lunsod-kanlungan, baka siya ay patayin ng kamag-anak ng namatay bilang paghihiganti dahil sa bugso ng damdamin. Hindi dapat patayin ang sinumang nakapatay sa ganitong paraan sapagkat hindi naman dahil sa alitan at hindi rin sinasadya ang pagkapatay. 7 Iyan ang dahilan kaya ko kayo pinagbubukod ng tatlong lunsod.
8 “Kapag pinalawak na ng Diyos ninyong si Yahweh ang inyong nasasakupan sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninuno, at kapag naibigay na niya nang buong-buo ang lupang kanyang ipinangako, 9 maaari kayong magbukod ng tatlo pang lunsod kung susundin ninyong mabuti ang lahat ng kanyang utos, at iibigin siya nang tapat. (Pahihintulutan ito ni Yahweh kung buong sipag ninyong susundin ang kanyang mga tuntunin, kung siya ay buong puso ninyong iibigin, at kung lalakad kayo ayon sa kanyang kalooban.) 10 Sa ganitong paraan, maiiwasan ang pagdanak ng dugo ng mga taong walang kasalanan. Ang kamatayan ng walang sala ay pananagutan ninyo kay Yahweh sa lupaing ibinibigay niya sa inyo.
11 “Kung ang pagpatay ay binalak o dahil sa alitan at ang nakapatay ay tumakbo sa isa sa mga lunsod na ito, 12 ipadarakip siya ng pinuno ng kanyang bayan at ibibigay siya sa pinakamalapit na kamag-anak ng napatay upang patayin din. 13 Huwag ninyo siyang kaaawaan. Kailangang alisin sa Israel ang mamamatay-taong tulad nito. Sa ganoon, makakapamuhay kayo nang matiwasay.
Mga Batong Palatandaan
14 “Huwag(I) ninyong gagalawin ang mga batong palatandaan ng hangganan ng lupa ng inyong kapwa. Inilagay ng inyong mga ninuno ang mga palatandaang iyon sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh.
Mga Tuntunin tungkol sa Pagsaksi
15 “Hindi(J) sapat ang patotoo ng isang saksi upang mahatulang nagkasala ang isang tao. Kailangan ang patotoo ng dalawa o tatlong saksi. 16 Kapag ang isang taong may masamang hangarin ay nagbintang nang hindi totoo sa kanyang kapwa, 17 silang dalawa'y pupunta sa lugar na pinili ni Yahweh at haharap sa mga pari at sa mga hukom na nanunungkulan. 18 Sisiyasatin silang mabuti ng mga hukom at kapag napatunayang kasinungalingan ang bintang, 19 ang parusang hinahangad niya sa kanyang pinagbintangan ay sa kanya igagawad. Alisin ninyo ang ganyang kasamaan sa inyong sambayanan. 20 Kapag ito'y nabalitaan ng lahat, matatakot silang gumawa ng ganoong kasamaan. 21 Huwag(K) kayong maaawa sa ganitong uri ng tao. Kung ano ang inutang, iyon din ang kabayaran; buhay sa buhay, mata sa mata, ngipin sa ngipin, kamay sa kamay, paa sa paa.
Mga Tuntunin tungkol sa Pakikidigma
20 “Kung kayo'y makikipagdigma, huwag kayong matatakot kahit na mas malaki ang hukbong kalaban ninyo at mas marami ang kanilang kabayo at karwahe, sapagkat kasama ninyo si Yahweh, ang Diyos na naglabas sa inyo sa Egipto. 2 Bago kayo makipaglaban, tatayo ang isang pari sa unahan ng hukbo at sasabihin niya 3 ang ganito: ‘Pakinggan mo, Israel! Sa araw na ito ay makikipagdigma ka. Lakasan mo ang iyong loob at huwag kang matakot 4 sapagkat kasama mo ang Diyos mong si Yahweh; siya ang makikipaglaban para sa iyo at pagtatagumpayin ka niya.’ 5 Ganito naman ang sasabihin ng mga pinunong kawal: ‘Sinuman ang may bagong bahay subalit hindi pa ito naitatalaga ay maaari nang umuwi; baka siya'y mamatay sa labanan at iba pa ang tumira sa bahay niya. 6 Sinuman ang may bagong ubasan subalit hindi pa nakakatikim ng bunga niyon ay maaari nang umuwi; baka siya'y mamatay sa labanan at iba pa ang makinabang sa kanyang ubasan. 7 Sinuman sa inyo ang nakatakdang ikasal subalit hindi pa nagsasama ay maaari nang umuwi; baka siya'y mamatay sa labanan at iba pa ang magpakasal sa kanyang minamahal. 8 Sinuman sa inyo ang natatakot o naduduwag ay maaari nang umuwi; baka maduwag ding kagaya niya ang iba.’ 9 Matapos itong sabihin ng mga pinunong kawal, maglalagay sila ng mga mangunguna sa bawat pangkat.
10 “Bago ninyo salakayin ang isang lunsod, alamin muna ninyo kung gusto nilang sumuko. 11 Kapag binuksan nila ang pintuan ng kanilang lunsod at sumuko sa inyo, magiging alipin ninyo sila at magtatrabaho para sa inyo. 12 Kung ayaw nilang sumuko at sa halip ay gustong lumaban, kubkubin ninyo sila. 13 Kapag sila'y nalupig na ninyo sa tulong ng Diyos ninyong si Yahweh, patayin ninyo ang lahat ng kalalakihan roon. 14 Bihagin ninyo ang mga babae at ang mga bata, at samsamin ang mga hayop at lahat ng maaari ninyong makuha. Para sa inyo ang mga iyon, at maaari ninyong kunin sapagkat ipinagkaloob sa inyo ni Yahweh. 15 Ganyan ang gagawin ninyo sa mga lunsod na malayo sa inyo. 16 Ngunit sa mga lunsod sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh ay wala kayong ititirang buháy. 17 Lipulin ninyo ang mga Heteo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Hivita at Jebuseo, tulad ng utos sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. 18 Kailangang gawin ninyo ito upang hindi nila kayo maakit sa kasuklam-suklam nilang pagsamba sa kanilang mga diyus-diyosan. Sa ganito'y makakaiwas kayo sa paggawa ng isang bagay na kasuklam-suklam kay Yahweh.
19 “Kapag kinubkob ninyo ang isang lunsod, huwag ninyong putulin ang mga punongkahoy doon kahit matagal na ninyong kinukubkob ang lugar na iyon. Ang mga puno ay hindi ninyo kaaway, bagkus makakapagbigay pa ito sa inyo ng pagkain, kaya huwag ninyo itong puputulin. 20 Ang mga puno na hindi makakain ang bunga ang siya ninyong puputulin kung kailangan ninyo sa pagkubkob.
Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(A)
28 Makalipas(B) ang halos walong araw pagkatapos sabihin ni Jesus ang mga ito, umakyat siya sa bundok upang manalangin. Isinama niya sina Pedro, Juan at Santiago. 29 Habang siya'y nananalangin, nagbago ang anyo ng kanyang mukha at ang kanyang kasuotan ay nagningning sa kaputian. 30 Biglang may lumitaw na dalawang lalaki na nakikipag-usap sa kanya, sina Moises at Elias, 31 na nagpakitang may kaningningan. Pinag-usapan nila ang pagpanaw ni Jesus na malapit na niyang isakatuparan sa Jerusalem.
32 Natutulog sina Pedro noon at paggising nila ay nakita nila si Jesus na nakakasilaw ang anyo at may dalawang lalaking nakatayo sa tabi niya. 33 Nang papaalis na ang mga lalaki, sinabi ni Pedro, “Panginoon, mabuti po at nandito kami. Magtatayo po kami ng tatlong tolda, isa para sa inyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.”—ngunit hindi niya nalalaman ang kanyang sinasabi. 34 Nagsasalita pa siya nang liliman sila ng ulap, at natakot sila nang matakpan sila nito. 35 May isang(C) tinig na nagsalita mula sa ulap, “Ito ang aking Anak, ang aking Hinirang.[a] Pakinggan ninyo siya!” 36 Nang mawala ang tinig, nakita nilang nag-iisa na si Jesus. Hindi muna ipinamalita ng mga alagad ang kanilang nakita.
Pinagaling ang Sinasaniban ng Masamang Espiritu(D)
37 Kinabukasan, bumabâ sila mula sa bundok at si Jesus ay sinalubong ng napakaraming tao. 38 Mula sa karamihan ay may isang lalaking sumigaw, “Guro, nakikiusap ako sa inyo, tingnan po ninyo ang kaisa-isa kong anak na lalaki! 39 Sinasaniban siya ng isang espiritu at bigla na lamang siyang nagsisisigaw at nangingisay hanggang sa bumula ang bibig. Lubha po siyang pinapahirapan at halos ayaw nang tigilan nito. 40 Nakiusap po ako sa inyong mga alagad na palayasin nila ito ngunit hindi nila magawa.”
41 Sumagot si Jesus, “Lahing napakasama at walang pananampalataya! Hanggang kailan pa ako dapat manatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan?” At sinabi niya sa lalaki, “Dalhin ninyo rito ang iyong anak.”
42 Nang papalapit na ang bata, pinangisay na naman ito ng demonyo at bumagsak sa lupa. Ngunit sinaway ni Jesus ang masamang espiritu at pinagaling ang bata; pagkatapos ay ibinigay sa ama nito. 43 At namangha ang mga tao sa nakita nilang kapangyarihan ng Diyos.
Muling Binanggit ni Jesus ang Kanyang Kamatayan(E)
Hangang-hanga ang lahat ng mga tao sa ginawa ni Jesus, ngunit sinabi niya sa kanyang mga alagad, 44 “Pakinggan ninyo at tandaan itong sasabihin ko: ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa kamay ng mga tao.” 45 Ngunit hindi nila ito naunawaan sapagkat inilihim sa kanila ang kahulugan nito. Natakot naman silang magtanong sa kanya kung ano ang ibig niyang sabihin.
Ang Pinakadakila(F)
46 At(G) nagtalu-talo ang mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila. 47 Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't tinawag niya ang isang maliit na bata at pinatayo sa tabi niya. 48 Pagkatapos(H) ay sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang tumatanggap sa batang ito alang-alang sa akin ay tumatanggap sa akin; at ang sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang pinakaaba sa inyong lahat ay siyang pinakadakila.”
Kakampi Natin ang Hindi Laban sa Atin(I)
49 Sinabi ni Juan, “Panginoon, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa inyong pangalan. Pinagbawalan po namin siya sapagkat hindi natin siya kasamahan.”
50 Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat ang hindi laban sa inyo ay kakampi ninyo.”
IKATLONG AKLAT
Ang Katarungan ng Diyos
Awit ni Asaf.
73 Kay buti ng Diyos sa taong matuwid,
sa lahat ng taong ang puso'y malinis.
2 Ngunit ang sarili'y halos bumagsak,
sa paghakbang ko'y muntik nang madulas!
3 Sa taong mayabang, ako'y naiinggit nga,
at sa biglang yaman ng mga masama.
4 Ni hindi nagdanas ng anumang hirap,
sila'y masisigla't katawa'y malakas.
5 Di tulad ng ibang naghirap nang labis,
di nila dinanas ang buhay na gipit.
6 Ang pagmamalaki ay kinukuwintas,
at ang dinaramit nila'y pandarahas.
7 Ang tibok ng puso'y pawang kasamaan,
at masasama rin ang nasa isipan;
8 mga ibang tao'y pinagtatawanan, ang yayabang nila,
ang layon sa buhay ay ang pang-aapi sa kapwa nilalang.
9 Diyos mang nasa langit ay tinutungayaw,
labis kung mag-utos sa mga nilalang;
10 kaya sumusunod pati lingkod ng Diyos,
anumang sabihi'y paniwalang lubos.
11 Ang sabi, “Ang Diyos walang nalalaman,
walang malay yaong Kataas-taasan.”
12 Ang mga masama'y ito ang kagaya,
di na kinukulang ay naghahanap pa.
13 Samantalang ako, malinis ang palad,
hindi nagkasala't lubos na nag-ingat, at aking natamo'y kabiguang lahat.
14 Diyos, pinagtiis mo ako ng hirap,
sa tuwing umaga'y parusa ang gawad.
15 Kung ang mga ito'y aking sasabihin,
sa mga lingkod mo, ako'y magtataksil;
16 kaya't sinikap kong ito'y saliksikin,
mahirap-hirap mang ito'y unawain.
17 Gayunman, sa templo'y doon ko natuklas,
na ang masasama ay mapapahamak;
18 dinala mo sila sa dakong madulas,
upang malubos na, kanilang pagbagsak;
19 walang abug-abog sila ay nawasak,
kakila-kilabot yaong naging wakas!
20 Parang panaginip nang ako'y magising,
pati anyo nila'y nalimutan na rin.
21 Nang ang aking isip hindi mapalagay,
at ang damdamin ko'y labis na nasaktan,
22 di ko maunawa, para akong tanga,
sa iyong harapa'y hayop ang kagaya.
23 Gayon pa ma'y sinasamahan mo ako,
sa aking paglakad ay inaakay mo.
24 Ang mga payo mo'y umakay sa akin,
marangal na ako'y iyong tatanggapin.
25 Sino pa sa langit, kundi ikaw lamang,
at maging sa lupa'y, aking kailangan?
26 Puso ko't kaluluwa kung nanghihina man,
ang Diyos ang lakas kong tanging kailangan.
27 Yaong hihiwalay sa iyo'y mamamatay,
at ang nagtataksil wawasaking tunay.
28 Ngunit sa sarili, tanging hangarin ko, sa piling ng Diyos manatili ako!
Sa piling ng Panginoong Yahweh, ako'y mapanatag,
ang kanyang ginawa'y aking ihahayag.
10 Kahit sa kanyang mga hayop ang matuwid ay mabait,
ngunit ang masama kahit kanino ay sadyang mabagsik.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.