Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the ESV. Switch to the ESV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Hukom 6

Si Gideon

Muling gumawa ng kasamaan laban kay Yahweh ang mga Israelita, kaya sila'y hinayaan niyang masakop ng mga Midianita sa loob ng pitong taon. Higit na makapangyarihan ang mga Midianita kaysa sa mga Israelita. Kaya't ang mga Israelita ay nagsipagtago sa mga kuweba at sa mga kabundukan. Tuwing magtatanim ang mga Israelita sa kanilang mga bukirin, sinasalakay sila ng mga Midianita, Amalekita, at iba pang mga lipi galing sa disyerto. Nagkakampo ang mga ito sa lupain at sinisira ang mga pananim doon hanggang sa may Gaza. Wala silang itinitirang anuman na maaaring pakinabangan ng mga Israelita sapagkat kinukuha nilang lahat pati ang mga tupa, baka at asno. Dumarating silang parang makapal na balang kasama ang kanilang mga baka, tolda at mga kamelyong hindi mabilang sa dami, at sinisira ang lupain. Walang magawâ ang mga Israelita, kaya humingi sila ng tulong kay Yahweh.

Nang marinig ni Yahweh ang pagdaing ng mga Israelita dahil sa pagpapahirap ng mga Midianita, sila'y pinadalhan niya ng propeta at ipinasabi ang ganito: “Inilabas ko kayo sa Egipto. Iniligtas ko kayo sa kanilang pang-aalipin, at sa lahat ng inyong kaaway. Natalo ninyo sila at ibinigay sa inyo ang kanilang lupain. 10 Sinabi ko na sa inyo na ako si Yahweh na inyong Diyos at hindi kayo dapat sumamba sa mga diyos ng mga Amoreo, sa lupaing inyong tinitirhan ngayon. Ngunit hindi kayo nakinig sa akin.”

11 Dumating sa Ofra ang anghel ni Yahweh at naupo sa ilalim ng malaking puno na pag-aari ni Joas na buhat sa angkan ni Abiezer. Si Gideon na anak ni Joas ay kasalukuyang gumigiik noon ng trigo sa pisaan ng ubas. Patago ang kanyang paggiik upang hindi siya makita ng mga Midianita. 12 Nagpakita sa kanya ang anghel ni Yahweh at sinabi sa kanya, “Sumasaiyo si Yahweh, magiting na lalaki.”

13 Sumagot si Gideon, “Mawalang-galang na po. Kung talagang kasama namin si Yahweh, bakit ganito ang nangyayari sa amin? Nasaan na ngayon ang mga kababalaghang ginawa niya noon gaya ng ikinuwento sa amin ng aming mga ninuno, kung paanong sila'y iniligtas niya sa Egipto? Pinabayaan na kami ni Yahweh sa kamay ng mga Midianita.”

14 Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Lumakad ka at gamitin mo ang buong lakas mo upang iligtas ang Israel mula sa mga Midianita. Ako mismo ang nagsusugo sa iyo.”

15 Sumagot si Gideon, “Ngunit Panginoon, paano ko maililigtas ang Israel? Ang aming angkan ang pinakamahina sa lipi ni Manases, at ako naman ang pinakahamak sa pamilya namin.”

16 Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Makakaya mo ito sapagkat tutulungan kita. Matatalo mo ang mga Midianitang ito na para ka lang lumaban sa isang tao.”

17 Sumagot si Gideon, “Kung ako po ay talagang kalugud-lugod sa inyo, bigyan ninyo ako ng palatandaang kayo nga ang nag-uutos sa akin. 18 Huwag po muna kayong umalis at hahainan ko kayo ng pagkaing handog.”

“Hihintayin kita,” sagot ni Yahweh.

19 Umuwi nga si Gideon at nagluto ng isang batang kambing at gumawa ng tinapay na walang pampaalsa mula sa limang salop na harina. Pagkaluto, inilagay niya ang karne sa basket at ang sabaw sa isang palayok. Inihain niya ito sa anghel ni Yahweh sa ilalim ng malaking puno. 20 Sinabi sa kanya ng anghel, “Ipatong mo sa malaking batong ito ang karne at ang tinapay. Pagkatapos, buhusan mo ng sabaw.” Iyon nga ang ginawa ni Gideon. 21 Ang karne at ang tinapay ay hinawakan ng anghel ni Yahweh sa pamamagitan ng tungkod. May lumabas na apoy mula sa bato at nasunog ang karne at ang tinapay. Pagkatapos, ang anghel ni Yahweh ay nawala sa kanyang paningin.

22 Saka pa lamang naunawaan ni Gideon na anghel nga ni Yahweh ang nakausap niya. Dahil dito, kinilabutan siya sa takot at sinabi, “Panginoong Yahweh, tulungan mo po ako! Harap-harapan kong nakita ang iyong anghel!”

23 Ngunit sinabi sa kanya ni Yahweh, “Huminahon ka. Huwag kang matakot. Hindi ka mamamatay.”

24 At si Gideon ay nagtayo roon ng isang altar para kay Yahweh na tinawag niyang, “Si Yahweh ay Kapayapaan.” (Hanggang ngayon ay naroon pa sa Ofra ang altar, sa lugar na sakop ng angkan ni Abiezer.)

Sinira ni Gideon ang Altar ni Baal

25 Kinagabihan, sinabi ni Yahweh kay Gideon, “Kunin mo ang toro ng iyong ama, at isa pang toro na pitong taóng gulang. Gibain mo ang altar ni Baal na ipinagawa ng iyong ama at putulin mo ang rebulto ni Ashera sa tabi nito. 26 Pagkatapos, magpatung-patong ka ng mga bato sa ibabaw ng burol na ito bilang altar para kay Yahweh na iyong Diyos. Pagputul-putulin mo ang rebulto ni Ashera at gawin mong panggatong sa ibabaw ng altar. Ialay mo roon ang pangalawang toro ng iyong ama bilang handog na sinusunog.” 27 Kaya't isinama ni Gideon ang sampu sa kanyang mga tagapaglingkod at ginawa ang sinabi sa kanya ni Yahweh. Gabi nang gawin niya ito sapagkat natatakot siya sa kanyang pamilya at sa mga taong-bayan.

28 Kinabukasan ng madaling-araw, nakita na lamang ng mga tao na wasak na ang altar ni Baal at putul-putol na ang rebulto ni Ashera na ipinanggatong sa pangalawang toro na sinunog sa altar na itinayo roon. 29 Nagtanungan sila, “Sino kaya ang may kagagawan nito?” Nagsiyasat sila at nalaman nilang si Gideon na anak ni Joas ang may kagagawan niyon. 30 Sinabi ng mga taong-bayan kay Joas, “Ilabas mo rito ang anak mo at papatayin namin. Giniba niya ang altar ni Baal at pinagputul-putol ang rebulto ni Ashera sa tabi ng altar.”

31 Sumagot si Joas, “Ipinaglalaban ba ninyo si Baal? Ipinagtatanggol n'yo ba siya? Sinumang makipaglaban para sa kanya ay papatayin bago mag-umaga. Kung siya'y talagang diyos, hayaan ninyong ipagtanggol niya ang kanyang sarili. Di ba't kanyang altar ang giniba?” 32 Mula noon, si Gideon ay tinaguriang Jerubaal[a] dahil sa sinabi ni Joas na, “Hayaan ninyong ipagtanggol ni Baal ang kanyang sarili. Hindi ba't sa kanya naman ang altar na giniba?”

33 Ang mga Midianita, Amalekita, at iba pang mga lipi sa silangan ay sama-samang tumawid sa Ilog Jordan at nagkampo sa Libis ng Jezreel. 34 Lumukob kay Gideon ang Espiritu[b] ni Yahweh; hinipan niya ang trumpeta bilang hudyat na sumunod sa kanya ang mga kalalakihan ng angkan ni Abiezer. 35 Nagpadala siya ng mga sugo sa buong nasasakupan ng mga lipi nina Manases, Asher, Zebulun at Neftali upang makiisa sa kanya ang mga liping ito. Nagpasya namang sumama ang mga ito kay Gideon.

Humingi ng Palatandaan si Gideon

36 Sinabi ni Gideon sa Diyos, “Sinabi ninyo sa akin na ako ang gagamitin ninyo upang iligtas ang Israel. 37 Dahil dito, maglalatag ako ng isang lana sa giikan ng trigo. Kapag nabasa ito ng hamog ngunit tuyo ang paligid, ako nga ang gagamitin ninyo upang iligtas ang Israel.” 38 Ganoon nga ang ginawa ni Gideon. Kinabukasan ng umaga, kinuha niya ang lanang inilatag sa giikan, at nang pigain niya ito, napuno niya ng tubig ang isang mangkok. 39 Sinabi ni Gideon sa Diyos, “Huwag po kayong magagalit sa akin. Mayroon pa po akong isang hihilingin. Nais ko pong matuyo naman itong lana at mabasa ng hamog ang lupa sa paligid.” 40 Kinagabihan, ginawa nga iyon ng Diyos. Tuyo ang lana ngunit basa ng hamog ang lupa sa paligid nito.

Lucas 22:54-23:12

Ikinaila ni Pedro si Jesus(A)

54 Dinakip nga nila si Jesus at dinala sa bahay ng pinakapunong pari ng mga Judio. Si Pedro nama'y sumunod sa kanila na malayo ang agwat. 55 Nagsiga sila sa gitna ng patyo at naupo sa paligid ng apoy, at si Pedro ay nakiumpok sa kanila. 56 Nang makita siya ng isang utusang babae, siya'y pinagmasdang mabuti. Pagkatapos ay sinabi ng babae, “Kasama rin ni Jesus ang taong ito!”

57 Ngunit ikinaila iyon ni Pedro, “Babae, ni hindi ko siya kilala!”

58 Pagkaraan ng ilang sandali, mayroon uling nakapansin sa kanya at siya'y sinabihan, “Ikaw man ay kasamahan nila.”

Ngunit sumagot siya, “Ginoo, hindi nila ako kasama!”

59 Pagkalipas ng may isang oras, iginiit naman ng isa sa naroon, “Siguradong kasama ni Jesus ang taong ito, sapagkat isa rin siyang taga-Galilea.”

60 Ngunit sumagot si Pedro, “Ginoo, hindi ko nalalaman ang sinasabi ninyo!”

Nagsasalita pa siya nang biglang may tumilaok na manok. 61 Lumingon ang Panginoon at tumingin kay Pedro, at naalala ni Pedro ang sinabi ng Panginoon, “Bago tumilaok ang manok sa araw na ito ay tatlong beses mo akong ikakaila.” 62 Lumabas si Pedro at umiyak nang buong pait.

Kinutya at Binugbog si Jesus(B)

63 Samantala, si Jesus ay kinutya at binugbog ng mga nagbabantay sa kanya. 64 Siya'y piniringan nila at pinagtatanong, “Hulaan mo! Sino ang sumuntok sa iyo?” 65 Marami pang panlalait ang ginawa nila sa kanya.

Sa Harapan ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio(C)

66 Kinaumagahan ay nagkatipon ang mga pinuno ng bayan, mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Dinala nila si Jesus sa Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio at siya'y kanilang tinanong, 67 “Sabihin mo sa amin, ikaw nga ba ang Cristo?”

Sumagot si Jesus, “Sabihin ko man sa inyo ay hindi kayo maniniwala. 68 Kung tanungin ko naman kayo, hindi rin kayo sasagot. 69 Ngunit sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ang Anak ng Tao ay uupo sa kanan ng Makapangyarihang Diyos.”

70 “Ibig mo bang sabihin, ikaw ang Anak ng Diyos?” tanong ng lahat.

“Kayo na rin ang nagsasabi,” tugon niya.

71 “Hindi na natin kailangan ng mga saksi; tayo na mismo ang nakarinig mula sa sarili niyang bibig!” sabi nila.

Sa Harapan ni Pilato(D)

23 Tumayo ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio at dinala si Jesus kay Pilato. Siya ay pinaratangan nila ng ganito, “Napatunayan po namin na inililigaw ng taong ito ang aming mga kababayan at pinagbabawalan niyang magbayad ng buwis sa Emperador. Sinasabi pa niyang siya raw ang Cristo, na isang hari.”

Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw nga ba ang Hari ng mga Judio?”

“Ikaw na ang may sabi,” tugon ni Jesus.

Sinabi ni Pilato sa mga punong pari at sa mga tao, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito.”

Ngunit iginiit nila, “Sa kanyang pagtuturo ay inuudyukan niyang maghimagsik ang mga taga-Judea. Nagsimula siya sa Galilea at ngayo'y narito na.”

Sa Harapan ni Herodes

Nang marinig ito ni Pilato, itinanong niya kung si Jesus ay taga-Galilea nga. At nang malaman niyang si Jesus ay sakop ni Haring Herodes, ipinadala niya si Jesus kay Herodes, na nagkataon namang nasa Jerusalem nang mga araw na iyon. Tuwang-tuwa si Herodes nang makita niya si Jesus. Matagal na niyang ibig makita ito sapagkat marami siyang nababalitaan tungkol dito. Umaasa si Herodes na gagawa si Jesus ng ilang himala, at nais niyang makita iyon. Marami siyang itinanong kay Jesus, ngunit hindi ito sumagot kahit minsan.

10 Samantala, ang mga punong pari at ang mga tagapagturo ng Kautusan ay nakatayo doon at walang pakundangang pinaparatangan si Jesus. 11 Siya'y hinamak at tinuya ni Herodes at ng mga kawal nito. Siya ay dinamitan nila ng magarang damit, at ipinabalik siya kay Pilato. 12 At nang araw ding iyon, naging magkaibigan sina Herodes at Pilato na dati'y magkagalit.

Mga Awit 95-96

Awit ng Pagpupuri kay Yahweh

95 Tayo na't lumapit
    kay Yahweh na Diyos, siya ay awitan,
ang batong kublihan,
atin ngang handugan, masayang awitan!
Tayo na't lumapit,
sa kanyang presensya na may pasalamat,
siya ay purihin,
ng mga awiting may tuwa at galak.
Sapagkat si Yahweh,
siya ay dakila't makapangyarihang Diyos,
ang dakilang Haring
higit pa sa sinuman na dinidiyos.
Nasa kanyang palad
ang buong daigdig, pati kalaliman;
ang lahat ay kanya
maging ang mataas nating kabundukan.
Kanya rin ang dagat
at pati ang lupa na kanyang nilalang.

Tayo na't lumapit,
sa kanya'y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap
ni Yahweh na siyang sa ati'y may lalang.
Siya(A) (B) ang ating Diyos,
at tayo ang bayan sa kanyang pastulan,
mga tupang kanyang inaalagaan.

At ngayon kanyang salita'y ating pakinggan:
“Iyang(C) inyong puso'y
huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang
nang nasa Meriba, sa ilang ng Masah.
Ako ay tinukso't
doon ay sinubok ng inyong magulang,
bagama't nakita
ang aking ginawang sila'ng nakinabang.
10 Apatnapung taon,
sa inyong ninuno ako ay nagdamdam,
ang aking sinabi,
‘Sila ay suwail, walang pakundangan
at ang mga utos ko'y ayaw nilang sundin!’
11 Kaya't(D) sa galit ko,
ako ay sumumpang hindi sila makakapasok
at makakapagpahinga sa aking piling.”

Diyos ang Kataas-taasang Hari(E)

96 Purihin natin si Yahweh, awitan ng bagong awit;
    purihin natin si Yahweh, lahat nang nasa daigdig!
Awitan natin si Yahweh, ngalan niya ay sambahin;
    araw-araw ang ginawang pagliligtas ay banggitin.
Kahit saa'y ipahayag na si Yahweh ay dakila,
    sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa.

Si Yahweh ay tunay na dakila, marapat na papurihan
    higit sa sinumang diyos, siya'y dapat na igalang.
Ang diyos ng sanlibuta'y pawang mga diyus-diyosan;
    si Yahweh lang ang maylikha ng buong sangkalangitan.
Siya'y puspos ng karangalan at ng kaluwalhatian;
    ang lakas niya't kagandahan ay sa templo mamamasdan.

O(F) si Yahweh ay purihin ng lahat sa daigdigan!
    Purihin ang lakas niya at kanyang kaluwalhatian!
Ang pagpuri ay iukol sa pangalan niyang banal,
    dumulog sa kanyang templo't maghandog ng mga alay.
Kung si Yahweh ay dumating, sa likas niyang kabanalan,
    humarap na nanginginig ang lahat sa sanlibutan.

10 “Si Yahweh ay siyang hari,” sa daigdig ay sabihin,
    “Sanlibuta'y matatag na, kahit ito ay ugain;
    sa paghatol sa nilikha, lahat pantay sa paningin.”
11 Lupa't langit ay magsaya, umugong ang kalaliman,
    lahat kayo na nilikhang nasa tubig ay magdiwang.
12 Ang bukirin at ang lahat ng naroon ay sumigaw,
    pati mga punongkahoy sa galak ay mag-awitan.

13 Si Yahweh ay darating na upang lahat ay hatulan,
    at kanyang paghahariin ang sakdal na katarungan.

Mga Kawikaan 14:5-6

Ang tapat na saksi'y hindi magsisinungaling,
    ngunit pawang kabulaanan ang sa saksing sinungaling.
Ang mangmang ay nag-aaral pero hindi matuto,
    ngunit madaling maturuan ang taong may talino.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.