The Daily Audio Bible
Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.
Ang Pagtutuli at ang Pagdiriwang ng Paskwa sa Gilgal
5 Nabalitaan ng mga haring Amoreo na nasa kanluran ng Jordan at ng mga haring Cananeo na nasa baybayin ng Dagat Mediteraneo na pinatuyo ni Yahweh ang Ilog Jordan nang tumawid ang bayang Israel. Dahil dito'y natakot silang lahat, at nasiraan sila ng loob sa pagdating ng mga Israelita.
2 Sinabi ni Yahweh kay Josue, “Kumuha ka ng batong matalim, gawin mong panghiwa, at tuliin mo ang mga kalalakihan ng Israel.” 3 Gayon nga ang ginawa ni Josue, tinuli niya ang mga lalaki sa isang lugar na tinatawag na Burol ng Pagtutuli. 4 Ginawa niya ito sapagkat namatay na ang lahat ng mga lalaking may sapat na gulang upang makipagdigma sa panahon ng paglalakbay noong sila'y umalis sa Egipto. 5 Ang mga iyon ay pawang tuli na, ngunit ang mga isinilang sa panahon ng paglalakbay sa ilang ay hindi pa. 6 Apatnapung(A) taon nang naglakbay sa ilang ang bayang Israel hanggang sa namatay lahat ang mga lalaking may sapat na gulang upang makipagdigma nang sila'y umalis sa Egipto. Sinuway nila si Yahweh, kaya sinabi niya sa kanila na hindi nila makikita ang mayaman at masaganang lupain na ipinangako niya sa kanilang mga ninuno. 7 Ang kanilang mga anak na lalaki na humalili sa kanila ang tinuli ni Josue, sapagkat ang mga ito'y hindi tinuli nang panahon ng paglalakbay.
8 Matapos tuliin ang lahat ng kalalakihan, nanatili sa kampo ang buong bayan hanggang sa gumaling ang mga sugat. 9 At sinabi ni Yahweh kay Josue, “Inalis ko ngayon ang kahihiyan ng pagkaalipin ninyo sa Egipto.” Kaya't ang lugar na iyon ay tinawag na Gilgal[a] magpahanggang ngayon.
10 Samantalang(B) ang mga Israelita ay nasa Gilgal sa kapatagan ng Jerico, ipinagdiwang nila ang Paskwa noong kinagabihan ng ikalabing apat na araw ng unang buwan. 11 Kinaumagahan, araw pa rin ng Paskwa, kumain sila ng mga pagkaing inani nila sa lupaing iyon: sinangag na trigo at tinapay na walang pampaalsa. 12 Hindi(C) na muling umulan pa ng manna nang makakain na sila ng mga inani nila sa lupain ng Canaan. Kaya't mula nang taóng iyon, pagkaing inaani na sa Canaan ang kanilang kinakain.
Si Josue at ang Pinuno ng Hukbo ni Yahweh
13 Minsa'y napadako si Josue malapit sa Jerico, nang biglang nagpakita sa kanya ang isang lalaking may hawak na tabak. Nilapitan ito ni Josue at tinanong, “Ikaw ba'y isang kakampi, o isang kaaway?”
14 “Hindi,” sagot ng lalaki. “Ako'y naparito bilang pinuno ng hukbo ni Yahweh.”
Nagpatirapa si Josue at sumamba. Sinabi niya, “Ano po ang ipinag-uutos ni Yahweh sa kanyang alipin?”
15 Sumagot ang pinuno ng hukbo ni Yahweh, “Alisin mo ang iyong mga sandalyas sapagkat lupang banal ang iyong tinutuntungan.” At ginawa nga ni Josue ang iniutos sa kanya.
Ang Pagbagsak ng Jerico
6 Isinara ang mga pintuan ng Jerico upang huwag makapasok ang mga Israelita. Ipinagbawal na lumabas o pumasok ang sinuman. 2 Sinabi ni Yahweh kay Josue, “Pakinggan mo ito! Ibinigay ko na sa iyong mga kamay ang Jerico, upang sakupin ito at gapiin ang kanyang hari at magigiting na kawal. 3 Ikaw at ang iyong mga kawal ay liligid sa palibot ng Jerico minsan isang araw sa loob ng anim na araw. 4 Pauunahin mo sa Kaban ng Tipan ang pitong paring may dalang mga trumpeta na yari sa sungay. Sa ikapitong araw, pitong beses kayong liligid sa lunsod, at hihipan ng mga pari ang dala nilang trumpeta. 5 Pagkarinig ninyo ng isang malakas at mahabang tunog ng tambuli, lahat kayo'y ubod-lakas na sisigaw. Sa sandaling iyon, babagsak ang mga pader ng lunsod at walang sagabal na makakapasok doon ang lahat.”
6 Kaya't tinawag ni Josue ang mga pari ng Israel at sinabi sa kanila, “Dalhin ninyo ang Kaban ng Tipan ni Yahweh; mauuna ang pitong paring may dalang mga trumpeta.” 7 At sinabi naman niya sa mga taong-bayan, “Lumakad na kayo! Lumigid kayo sa lunsod, at paunahin ninyo sa Kaban ng Tipan ni Yahweh ang mga sandatahang lalaki.”
8 Tulad ng sinabi ni Josue, lumakad nga sa unahan ng Kaban ng Tipan ang pitong paring may dalang trumpeta, at habang lumalakad ay hinihipan nila ang mga ito.
9 Nauuna sa mga pari ang unang hanay ng mga kawal. Kasunod naman ng Kaban ng Tipan ang mga kawal na nasa panghuling hanay. Samantala, walang tigil ang tunog ng mga trumpeta. 10 Ngunit sinabi ni Josue sa mga tao, “Huwag kayong sisigaw, o magsasalita man, hanggang hindi ko kayo binibigyan ng hudyat.” 11 Sa utos nga ni Josue, iniligid nilang minsan sa lunsod ang Kaban ng Tipan ni Yahweh. Pagkatapos, bumalik sila sa kampo at doon sila nagpalipas ng gabi.
12 Kinabukasan, maagang bumangon si Josue. Binuhat ng mga pari ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, 13 at muling nauna rito ang pitong pari na walang tigil sa pag-ihip ng dala nilang trumpeta. Muling pumuwesto sa unahan nila ang unang hanay ng mga kawal, samantalang ang mga panghuling hanay ay nasa likuran ng Kaban ng Tipan ni Yahweh. Patuloy ang pag-ihip sa mga trumpeta. 14 Nilibot nga nilang minsan ang lunsod noong ikalawang araw, at pagkatapos ay bumalik silang muli sa kampo. Ganito ang ginawa nila araw-araw sa loob ng anim na araw.
15 Nang ikapitong araw, bumangon sila nang magbukang-liwayway, at lumibot nang pitong beses sa lunsod. Noon lamang nila ito nilibot nang pitong beses. 16 Sa ikapitong libot, hinipan ng mga pari ang mga trumpeta at iniutos ni Josue sa mga tao, “Sumigaw na kayo sapagkat ibinigay na sa inyo ni Yahweh ang lunsod! 17 Ang buong lunsod at ang anumang matatagpuan doon ay wawasakin bilang handog kay Yahweh. Si Rahab lamang at ang kanyang mga kasambahay ang ililigtas sapagkat itinago niya ang ating mga isinugo roon. 18 At huwag na huwag kayong kukuha ng anumang bagay na nakatakdang wasakin. Kapag kumuha kayo ng anuman, kayo ang magiging sanhi ng pagkapahamak ng buong Israel. 19 Ngunit ang lahat ng bagay na yari sa ginto, pilak, tanso, o bakal ay nakalaan para kay Yahweh, at dapat ilagay sa kabang-yaman ni Yahweh.”
20 Kaya't(D) hinipan nga ng mga pari ang mga trumpeta at nagsigawan nang napakalakas ang mga tao nang marinig iyon. Bumagsak ang mga pader ng lunsod at sumalakay sila. Nakapasok sila nang walang sagabal at nasakop nila ang lunsod. 21 Pinatay nila ang lahat ng tao sa lunsod—lalaki't babae, matanda't bata—at pati ang mga asno, baka at tupa.
22 Sinabi ni Josue sa dalawang espiya na isinugo niya noon, “Pumunta kayo sa bahay ng babaing inyong tinuluyan. Ilabas ninyo siya at ang buo niyang angkan, ayon sa inyong pangako sa kanya.” 23 Pumunta nga sila at inilabas si Rahab, ang kanyang ama't ina, mga kapatid at mga alipin. Inilabas din nila pati ang kanyang mga kamag-anak at dinalang lahat sa kampo ng Israel. 24 Pagkatapos ay sinunog nila ang lunsod at tinupok ang lahat ng bagay na naroon, liban sa mga yari sa ginto, pilak, tanso, o bakal. Ang mga ito'y inilagay nila sa kabang-yaman ni Yahweh. 25 Si(E) Rahab na isang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw ay iniligtas ni Josue, pati ang buong angkan nito, sapagkat itinago nito ang mga lalaking isinugo upang lihim na magmanman sa Jerico. Ang mga naging anak at sumunod na salinlahi ni Rahab ay nanirahan sa Israel hanggang sa araw na ito.
26 Noon(F) di'y pinanumpa ni Josue ang buong bayan sa pangalan ni Yahweh. Sinabi niya,
“Sumpain ang sinumang magtatayong muli ng lunsod na ito ng Jerico.
Mamamatay ang anak na panganay ng sinumang muling maglalagay ng mga saligan nito.
Mamamatay ang anak na bunso ng magbabangong muli ng kanyang mga pintuan.”
27 Pinatnubayan ni Yahweh si Josue, at naging tanyag ang kanyang pangalan sa lupaing iyon.
Ang Kasalanan ni Acan
7 Ngunit nilabag ng Israel ang utos ni Yahweh na huwag kukuha sa Jerico ng mga bagay na ipinawawasak ni Yahweh bilang handog sa kanya. Si Acan na anak ni Karmi, apo ni Zabdi at apo-sa-tuhod ni Zera, mula sa lipi ni Juda, ay kumuha ng ilang bagay na ipinagbabawal kunin. Kaya't nagalit sa kanila si Yahweh.
2 Samantala, nagsugo si Josue ng ilang tao buhat sa Jerico upang lihim na magmanman sa lunsod ng Ai na nasa silangan ng Bethel at malapit sa Beth-aven. 3 Pagbabalik nila'y sinabi nila kay Josue, “Hindi na po kailangang pumaroon ang lahat. Magpadala lamang kayo ng mga dalawang libo hanggang tatlong libong mandirigma upang sumalakay sa lunsod ng Ai. Huwag na ninyong pagurin ang lahat, sapagkat maliit lang ang lunsod na iyon.” 4 Kaya't tatlong libong Israelita lang ang sumalakay sa Ai, ngunit sila'y naitaboy ng mga tagaroon. 5 Hinabol sila buhat sa pintuan ng lunsod hanggang sa tibagan ng bato. Tatlumpu't anim ang napatay sa kanila nang sila'y umatras pababa sa bundok, kaya't natakot sila at nasiraan ng loob.
6 Pinunit ni Josue at ng pinuno ng Israel ang kanilang kasuotan dahil sa matinding paghihinagpis. Nagpatirapa sila sa harap ng Kaban ng Tipan ni Yahweh. Naglagay din sila ng abo sa ulo bilang tanda ng kalungkutan hanggang sa paglubog ng araw. 7 At sinabi ni Josue, “Panginoong Yahweh, bakit pa ninyo kami pinatawid ng Ilog Jordan kung ipalilipol din lamang sa mga Amoreo? Mabuti pa'y nanatili na kami sa kabila ng Jordan! 8 Anong sasabihin ko, Panginoon, ngayong umatras sa labanan ang bayang Israel? 9 Mababalitaan ito ng mga Cananeo at ng iba pang naninirahan sa lupaing ito. Pagtutulung-tulungan nila kaming lipulin sa balat ng lupa. Wala po ba kayong gagawin upang ipagtanggol ang inyong dakilang pangalan?”
10 Sumagot si Yahweh, “Tumayo ka! Bakit ka nagpapatirapa nang ganyan? 11 Nagkasala ang bayang Israel! Sumira sila sa kasunduang ibinigay ko sa kanila sapagkat kumuha sila ng mga bagay na nakatakdang wasakin. Ninakaw nila ang mga iyon, itinago at isinama sa kanilang mga ari-arian. 12 Iyan ang dahilan kaya sila natalo ng kanilang kaaway. Natakot sila sapagkat sila rin ay dapat lipulin. Hindi ko na kayo tutulungan hanggang hindi ninyo isinusuko ang bagay na ipinagbabawal ko sa inyo. 13 Tumayo ka at sabihin mo sa bayan na maghanda sila bukas sa pagharap sa akin, sapagkat akong si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ay ganito ang sasabihin: ‘Ikaw rin, Israel, ay dapat wasakin sapagkat may nagtatago sa inyo ng mga bagay na ipinag-utos kong wasakin. Hindi kayo makakaharap sa inyong mga kaaway hanggang hindi naaalis sa inyo ang mga bagay na iyan! 14 Kaya bukas ng umaga, haharap kayo sa akin ayon sa inyu-inyong lipi. Ang liping mapili ko ay hahanay ayon sa kani-kanilang angkan. Ang angkan naman na mapili ko ay hahanay rin ayon sa kani-kanilang sambahayan. At ang sambahayang mapili ko ay hahanay na isa-isa. 15 Ang kakitaan ng mga bagay na ipinag-utos kong wasakin ay siyang ihahagis sa apoy, kasama ang kanyang sambahayan at mga ari-arian, sapagkat hindi niya iginalang ang kasunduang ibinigay ko sa kanila at nagdulot siya ng napakalaking kahihiyan sa buong Israel.’”
Ang Nawala at Natagpuang Tupa(A)
15 Isang(B) araw, ang mga maniningil ng buwis at ang mga makasalanan ay lumapit kay Jesus upang makinig. 2 Nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan. Sabi nila, “Ang taong ito'y nakikisama at nakikisalo sa mga makasalanan.” 3 Dahil dito, sinabi sa kanila ni Jesus ang talinghagang ito.
4 “Kung ang sinuman sa inyo ay may isandaang tupa at mawalan ng isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't iiwan niya ang siyamnapu't siyam sa pastulan at hahanapin ang nawawala hanggang sa ito'y matagpuan? 5 Kapag nakita na niya ang tupa ay masaya niya itong papasanin. 6 Pagdating sa bahay, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin dahil nakita ko na ang tupa kong nawawala!’ 7 Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan kaysa sa siyamnapu't siyam na matuwid na di nangangailangang magsisi.”
Ang Nawala at Natagpuang Salaping Pilak
8 “O kaya, kung ang isang babae ay may sampung salaping pilak at mawala ang isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't magsisindi siya ng ilawan, wawalisan ang buong bahay at hahanaping mabuti ang nawawalang salapi hanggang sa ito'y kanyang makita? 9 Kapag nakita na niya ito, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nakita ko na ang nawawala kong salaping pilak!’ 10 Sinasabi ko sa inyo, gayundin ang kagalakan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan.”
Ang Dalawang Anak
11 Sinabi pa ni Jesus, “May isang tao na may dalawang anak na lalaki. 12 Sinabi sa kanya ng bunso, ‘Ama, ibigay na po ninyo sa akin ang mamanahin ko.’ At hinati nga ng ama ang kanyang ari-arian. 13 Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili[a] ng bunso ang kanyang bahagi at nagpunta sa malayong lupain. Nilustay niya roon sa mga bisyo ang lahat niyang kayamanan. 14 Nang maubos na ito, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon, kaya't siya'y nagsimulang maghirap. 15 Namasukan siya sa isang tagaroon, at siya'y pinagtrabaho nito sa isang babuyan. 16 Sa tindi ng kanyang gutom, at dahil sa wala namang nagbibigay sa kanya ng pagkain, halos kainin na niya ang mga pinagbalatan ng mga bungangkahoy na pinapakain sa mga baboy. 17 Ngunit napag-isip-isip niya ang kanyang ginawa at nasabi niya sa sarili, ‘Labis-labis ang pagkain ng mga alila ng aking ama, samantalang ako'y namamatay dito sa gutom! 18 Babalik ako sa aking ama at sasabihin ko sa kanya, “Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. 19 Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo; ibilang na lamang ninyo akong isa sa inyong mga alila.”’ 20 At siya'y nagpasyang umuwi sa kanila.
“Malayo pa'y natanaw na siya ng kanyang ama, at dahil sa matinding awa ay patakbo siyang sinalubong, niyakap, at hinalikan. 21 Sinabi ng anak, ‘Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo.’ 22 Ngunit tinawag ng ama ang kanyang mga alila, ‘Dali! Kunin ninyo ang pinakamagandang damit at bihisan ninyo siya! Suotan ninyo siya ng singsing at ng sandalyas. 23 Katayin ninyo ang pinatabang guya at tayo'y kumain at magdiwang. 24 Sapagkat ang anak kong ito ay namatay na, ngunit siya ay nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.’ At sila nga'y nagdiwang.
25 “Nasa bukid noon ang anak na panganay. Nang umuwi siya at malapit na sa bahay, narinig niya ang tugtugan at sayawan. 26 Tinawag niya ang isang utusan at tinanong, ‘Bakit? Ano'ng mayroon sa atin?’ 27 ‘Dumating po ang inyong kapatid!’ sagot ng alila. ‘Ipinapatay po ng inyong ama ang pinatabang guya dahil ang inyong kapatid ay nakabalik nang buháy at walang sakit.’ 28 Nagalit ang panganay at ayaw niyang pumasok sa bahay. Pinuntahan siya ng kanyang ama at pinakiusapan. 29 Ngunit sumagot siya, ‘Pinaglingkuran ko kayo sa loob ng maraming taon at kailanma'y hindi ko kayo sinuway. Ngunit ni minsa'y hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang maliit na kambing para magkasayahan kami ng aking mga kaibigan. 30 Subalit nang dumating ang anak ninyong ito, na lumustay ng inyong kayamanan sa masasamang babae, ipinagpatay pa ninyo siya ng pinatabang guya!’ 31 Sumagot ang ama, ‘Anak, lagi kitang kapiling at ang lahat ng aking ari-arian ay sa iyo. 32 Nararapat lang na tayo'y magsaya at magdiwang, sapagkat namatay na ang kapatid mo, ngunit nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.’”
Awit sa Araw ng Kapistahan
Katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith.[a]
81 Masiglang awitan ang Tagapagligtas, itong Diyos ni Jacob, awitang may galak.
2 Umawit sa saliw ng mga tamburin,
kasabay ng tugtog ng lira at alpa.
3 Hipan(A) ang trumpeta tuwing nagdiriwang,
kung buwan ay bago't nasa kabilugan.
4 Pagkat sa Israel, ito'y isang utos,
batas na ginawa ng Diyos ni Jacob.
5 Sa mga hinirang, ang utos di'y ito
nang sila'y ilabas sa bansang Egipto.
Ganito ang wika na aking narinig:
6 “Mabigat mong dala'y aking inaalis,
ikaw ay iibsan sa pasan mong labis.
7 Iniligtas(B) kita sa gitna ng hirap, sinaklolohan ka nang ika'y tumawag;
tinugon din kita sa gitna ng kidlat,
at sinubok kita sa Batis Meriba. (Selah)[b]
8 Kapag nangungusap, ako'y inyong dinggin,
sana'y makinig ka, O bansang Israel.
9 Ang(C) diyus-diyosa'y huwag mong paglingkuran, diyos ng ibang bansa'y di dapat yukuran.
10 Ako ay si Yahweh, ako ang Diyos mo,
ako ang tumubos sa iyo sa Egipto;
pagkaing gustuhin ibibigay ko sa iyo.
11 “Ngunit ang bayan ko'y hindi ako pansin,
di ako sinunod ng bayang Israel,
12 sa tigas ng puso, aking hinayaang
ang sarili nilang gusto'y siyang sundan.
13 Ang tangi kong hangad, sana ako'y sundin,
sundin ang utos ko ng bayang Israel;
14 ang kaaway nila'y aking lulupigin,
lahat ng kaaway agad lilipulin.
15 Silang namumuhi't sa aki'y napopoot, ay magsisiyuko sa laki ng takot,
ang parusa nila'y walang pagkatapos.
16 Ngunit ang mabuting bunga nitong trigo, ang siyang sa inyo'y ipapakain ko;
at ang gusto ninyong masarap na pulot, ang siyang sa inyo'y aking idudulot.”
13 Ang anak na may unawa'y nakikinig sa kanyang ama,
ngunit walang halaga sa palalo ang paalala sa kanya.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.