Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Deuteronomio 21-22

Pagpapasya tungkol sa Di-malutas na Krimen

21 “Kapag naroon na kayo sa lupaing ibibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh at may nakita kayong bangkay sa parang at hindi ninyo alam kung sino ang pumatay, ipagbigay-alam ninyo iyon sa matatandang pinuno at mga hukom upang sukatin nila ang distansya ng mga lunsod sa lugar na pinangyarihan ng krimen. Pagkatapos, ang pinuno ng pinakamalapit na lunsod ay kukuha ng isang dumalagang baka na hindi pa napapagtrabaho. Dadalhin nila ito sa isang batis na may umaagos na tubig, sa isang lugar na hindi pa nabubungkal ni natatamnan. Pagdating doon, babaliin ang leeg ng baka. Pagkatapos, lalapit ang mga paring Levita sapagkat sila ang pinili ni Yahweh upang maglingkod sa kanya at upang magbigay ng basbas sa pamamagitan ng kanyang pangalan. Sila ay magpapasya sa bawat usapin. Ang mga pinuno ng lunsod na malapit sa pinangyarihan ng krimen ay maghuhugas ng kanilang mga kamay sa ibabaw ng dumalagang baka. Sasabihin nila, ‘Hindi kami ang pumatay. Hindi rin namin alam kung sino ang gumawa nito. Patawarin mo po, Yahweh, ang iyong bayang Israel na iyong iniligtas. Huwag mo po kaming panagutin sa pagkamatay ng taong ito.’ Hindi kayo mananagot sa mga ganitong pangyayari kung gagawin ninyo ang naaayon sa kagustuhan ni Yahweh.

Mga Tuntunin tungkol sa mga Bihag na Babae

10 “Kung pagtagumpayin kayo ng Diyos ninyong si Yahweh sa pakikipagdigma sa inyong mga kaaway at sila'y mabihag ninyo, 11 at kung sakaling may makita kayong magandang babae mula sa mga bihag at nais ninyo itong maging asawa, 12 dalhin ninyo siya sa inyong bahay, ipaahit ninyo ang kanyang buhok, ipaputol ang mga kuko, 13 at pagbihisin. Mananatili siya sa inyong bahay sa loob ng isang buwan upang ipagluksa ang kanyang mga magulang. Pagkatapos, maaari na siyang pakasalan at sipingan. 14 Subalit kung ang lalaki'y hindi na nasisiyahan sa kanya, dapat na niya itong palayain. Hindi siya maaaring ipagbili at gawing alipin sapagkat nadungisan na ang kanyang puri.

Tuntunin tungkol sa Karapatan ng Panganay

15 “Kung ang isang lalaki ay may dalawang asawa, at mas mahal niya ang isa, ngunit kapwa may anak at ang panganay niyang lalaki ay ipinanganak doon sa hindi niya gaanong mahal, 16 huwag aalisin sa kanya ang karapatan bilang panganay upang ilipat sa anak ng asawa na kanyang minamahal. 17 Ang kikilalaning panganay ay ang una niyang anak at dito ibibigay ang dalawang bahagi ng kanyang ari-arian, kahit siya'y anak ng hindi gaanong mahal.

Tuntunin tungkol sa Anak na Matigas ang Ulo

18 “Kung matigas ang ulo at suwail ang isang anak, at ayaw makinig sa kanyang mga magulang sa kabila ng kanilang pagdisiplina, 19 siya ay dadalhin ng kanyang mga magulang sa pintuang-bayan at ihaharap sa pinuno ng bayan. 20 Ang sasabihin nila, ‘Matigas ang ulo at suwail ang anak naming ito; at ayaw makinig sa amin. Siya ay lasenggo at nilulustay ang aming kayamanan.’ 21 Pagkatapos, babatuhin siya ng taong-bayan hanggang sa mamatay. Ganyan ang inyong gagawin sa masasamang tulad niya. Mapapabalita ito sa buong Israel at matatakot silang tumulad doon.

Iba't ibang Tuntunin

22 “Kapag ibinitin ninyo sa punongkahoy ang bangkay ng isang taong pinatay bilang parusa sa nagawang kasalanan, 23 hindi(A) dapat abutan ng gabi ang bangkay na iyon sa ganoong kalagayan. Kailangan siyang ilibing sa araw ding iyon, sapagkat ang ibinitin sa punongkahoy ay isinumpa ng Diyos. Kapag hindi ninyo inilibing agad, madadamay sa sumpa ang lupaing ibinigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh.

22 “Kapag(B) nakita ninyong nakawala ang baka o tupa ng inyong kapwa Israelita, huwag ninyo itong pababayaan; hulihin ninyo at dalhin sa may-ari. Kung malayo ang tirahan ng may-ari o kung hindi ninyo alam kung kanino, iuwi muna ninyo ito at hintaying hanapin ng may-ari saka ninyo ibigay. Ganyan din ang gagawin ninyo sa asno, damit o anumang bagay na inyong napulot na maaaring naiwala ng isang Israelita; ibalik ninyo sa may-ari.

“Kapag nakita ninyong nabuwal ang baka o asno ng inyong kapwa, tulungan ninyong ibangon iyon.

“Ang mga babae ay huwag magsusuot ng kasuotang panlalaki o ang mga lalaki ng kasuotang pambabae. Sinumang gumawa nito ay kasuklam-suklam kay Yahweh na inyong Diyos.

“Kung may makita kayong pugad ng ibon, sa lupa o sa punongkahoy, na may inakay o kaya'y may nililimlimang itlog, huwag ninyong huhulihin ang inahin. Maaari ninyong kunin ang inakay o ang itlog ngunit pakawalan ninyo ang inahin upang mabuhay kayo nang mahaba at masagana.

“Lagyan ninyo ng harang ang bubong ng bahay na gagawin ninyo upang hindi kayo managot sakaling may mahulog mula roon.

“Huwag(C) ninyong tatamnan ng magkaibang binhi ang inyong ubasan; kapag ginawa ninyo iyon, ang bunga ng ibang binhi at ng inyong ubas ay dapat dalhing lahat sa santuwaryo.

10 “Huwag ninyong pagsasamahin sa iisang araro ang baka at ang asno.

11 “Huwag kayong magsusuot ng damit na yari sa pinagsanib na lana at lino.

12 “Lagyan(D) (E) ninyo ng palawit ang apat na sulok ng inyong balabal.

Mga Tuntunin tungkol sa Puri ng Isang Babae

13 “Kung pinakasalan ng isang lalaki ang isang babae, at pagkatapos magtalik ay inayawan niya ang babae, 14 at pinagbintangang hindi na ito birhen nang pakasalan niya, 15 dudulog sa matatandang pinuno ng bayan ang mga magulang ng babae, dala ang katibayan ng pagkabirhen ng kanilang anak nang ito'y mag-asawa. 16 Ganito ang sasabihin ng ama, ‘Ipinakasal ko sa lalaking ito ang anak kong babae ngunit ngayo'y ayaw na ng lalaking ito ang anak ko. 17 Sinira niya ang puri ng aking anak at ipinamalita niyang hindi na ito birhen nang pakasalan niya. Subalit narito po ang katunayan ng kanyang pagkabirhen.’ At ilalagay nila sa harapan ng matatandang pinuno ang damit na may bahid ng dugo ng babae. 18 Pagkatapos nito, huhulihin ng mga pinuno ng bayan ang lalaki at kanilang hahagupitin. 19 Bukod doon, siya'y pagmumultahin ng sandaang pirasong pilak at ito'y ibibigay sa ama ng babae dahil sa ginawa niyang paninirang-puri sa isang babaing Israelita. Sila'y mananatiling mag-asawa, at ang babae'y hindi maaaring palayasin at hiwalayan ng lalaki habang siya'y nabubuhay.

20 “Ngunit kung totoo ang bintang, at walang makitang katunayan ng pagiging birhen, 21 ilalabas ang babae sa may pintuan ng bahay ng kanyang ama. Babatuhin siya roon ng mga kalalakihan ng lunsod, hanggang sa mamatay sapagkat gumawa siya ng malaking kasalanan sa bahay mismo ng kanyang ama, at ito'y kasuklam-suklam na gawain sa Israel. Sa ganyang paraan ninyo aalisin ang ganitong uri ng kasamaan sa inyong sambayanan.

22 “Kapag ang isang lalaki'y nahuling kasiping ang asawa ng iba, pareho silang dapat patayin. Sa ganyang paraan ninyo aalisin ang ganitong uri ng kasamaan sa Israel.

23 “Kapag ang isang lalaki ay nahuling nakikipagtalik sa isang dalagang nakatakda nang ikasal at hindi naman ito humingi ng saklolo gayong sila'y nasa loob ng bayan, 24 dapat ninyo silang ilabas ng bayan at batuhin hanggang mamatay sapagkat hindi humingi ng saklolo ang babae, at ang lalaki naman ay lumapastangan ng isang babaing malapit nang ikasal. Sa ganitong paraan ninyo aalisin ang ganitong uri ng kasamaan sa inyong sambayanan.

25 “Kapag ang isang dalagang nakatakda nang ikasal ay ginahasa sa labas ng lunsod, ang lalaki lamang ang dapat patayin. 26 Hindi paparusahan ang babae sapagkat wala siyang kasalanan. Ang lalaki lamang ang may kasalanan sapagkat katumbas na rin nito ang pagsalakay at pagpatay ng kapwa tao. 27 Ang babae ay ginahasa sa isang lugar na walang katau-tao at walang makakarinig humingi man ito ng saklolo.

28 “Kapag ang isang dalagang hindi pa nakatakdang ikasal ay ginahasa ng isang lalaki at nahuli ang lalaking iyon, 29 bibigyan niya ng limampung pirasong pilak ang ama ng babae, at pakakasalan niya ang babae. Dahil sinira niya ang puri nito, hindi maaaring palayasin at hiwalayan ng lalaki ang babae.

30 “Hindi(F) dapat pakasalan ng anak ang ibang asawa ng kanyang ama. Hindi niya dapat ilagay sa kahihiyan ang kanyang sariling ama.

Lucas 9:51-10:12

Hindi Tinanggap si Jesus sa Isang Nayon sa Samaria

51 Nang nalalapit na ang panahong iaakyat si Jesus sa langit, buo na ang kanyang kapasyahang pumunta sa Jerusalem. 52 Sinugo niya ang ilan upang mauna sa kanya. Pumunta sila sa isang nayon sa Samaria upang ipaghanda siya ng matutuluyan. 53 Ngunit ayaw siyang patuluyin ng mga Samaritano dahil buo na ang kanyang kapasyahang pumunta sa Jerusalem. 54 Nang(A) makita ito nina Santiago at Juan, sinabi nila, “Panginoon, gusto ba ninyong magpaulan kami ng apoy mula sa langit upang sila'y lipulin [tulad ng ginawa ni Elias]?[a]

55 Ngunit hinarap sila ni Jesus at sila'y pinagalitan. [“Hindi ninyo alam kung anong espiritu ang nasa inyo. Ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang ipahamak kundi iligtas ang mga tao.”][b] 56 At nagpunta sila sa ibang nayon.

Pagsunod kay Jesus(B)

57 Samantalang sila'y naglalakad, may isang lalaking lumapit at nagsabi kay Jesus, “Susunod po ako sa inyo kahit saan kayo pumunta.” 58 Sumagot si Jesus, “May lungga ang asong-gubat, at may pugad ang mga ibon, ngunit ang Anak ng Tao ay wala man lamang mapagpahingahan.” 59 At sinabi naman niya sa isa, “Sumunod ka sa akin.” Ngunit sumagot ito, “Panginoon, hayaan lang po muna ninyong maipalibing ko ang aking ama.” 60 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Hayaan mo na ang mga patay ang maglibing sa kanilang mga patay. Ngunit humayo ka at ipahayag mo ang kaharian ng Diyos.” 61 May(C) isa namang nagsabi sa kanya, “Susunod po ako sa inyo, Panginoon, ngunit hayaan ninyong magpaalam muna ako sa aking pamilya.” 62 At ganito naman ang tugon ni Jesus, “Sinumang nagsimulang mag-araro ngunit panay ang lingon ay hindi karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.”

Isinugo ni Jesus ang Pitumpu't Dalawa

10 Pagkatapos nito, pumili pa ang Panginoon ng pitumpu't dalawa.[c] Sila ay isinugo niya nang dala-dalawa sa bawat bayan at pook na pupuntahan niya. Sinabi(D) niya sa kanila, “Napakarami ng aanihin ngunit kakaunti ang mga mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng aanihin na magpadala siya ng mga mag-aani. Humayo(E) kayo! Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag(F) kayong magdala ng lalagyan ng pera, balutan, o sandalyas. Huwag na kayong tumigil upang bumati kaninuman sa daan. Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ Kung maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon, tatanggapin nila ang kapayapaan ninyo; ngunit kung hindi, babalik sa inyo ang inyong pagbasbas. Makituloy(G) kayo sa bahay na iyon at huwag kayong magpapalipat-lipat ng tinutuluyan. Kainin ninyo at inumin ang anumang ihain sa inyo sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat tumanggap ng sahod. Pagpasok ninyo sa isang bayan at tinanggap kayo, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo. Pagalingin ninyo ang mga maysakit doon at sabihin sa mga tagaroon, ‘Malapit na sa inyo ang kaharian ng Diyos.’ 10 Ngunit(H) pagpasok ninyo sa isang bayan at hindi kayo tinanggap, pumunta kayo sa mga lansangan nito at sabihin, 11 ‘Pati ang alikabok ng inyong bayan na dumikit sa aming mga paa ay inaalis namin bilang babala sa inyo. Ngunit pakatandaan ninyo, malapit na ang kaharian ng Diyos!’ 12 Sinasabi(I) ko sa inyo, mas kahahabagan pa ang mga taga-Sodoma kaysa bayang iyon sa Araw ng Paghuhukom!”

Mga Awit 74

Panalangin Upang Iligtas ang Buong Bansa

Isang Maskil[a] ni Asaf.

74 Panginoon, bakit kami'y itinakwil habang buhay?
    Bakit ka ba nagagalit sa tupa ng iyong kawan?
Iyo sanang gunitain ang tinipon mo no'ng una,
    itong lahing tinubos mo't itinakda na magmana;
    pati ang Zion na iyong dating tirahan.
Lapitan mo ang naiwan sa winasak ng kaaway.
    Ang guho ng santuwaryo mo na sinira nang lubusan.

Ang loob ng iyong templo'y hindi nila iginalang,
    sumisigaw na nagtayo ng kanilang diyus-diyosan.
Ang lahat ng nasa loob na yari sa mga kahoy,
    magmula sa pintuan mo'y sinibak at pinalakol.
Ang lahat ng inukitang mga kahoy sa paligid,
    pinalakol at dinurog ng kaaway na malupit.
Ang iyong banal na santuwaryo ay kanilang sinigaan,
    nilapastangan nila't winasak ang templong banal.
Sa kanilang pag-uusap ay nagpasya ng ganito, “Hindi natin sila titigilan hanggang di pa natatalo;”
    kaya sa buong lupain, ang tagpuan ng bayan mo, para ikaw ay sambahin, sinunog at naging abo.

Wala kaming pangitain, ni propetang naglilingkod,
    ang ganitong kalagaya'y hindi namin maunawaan,
    hindi namin nalalaman kung kailan matatapos.
10 Hanggang kailan, aming Diyos, magtatawa ang kaaway,
    ang paghamak nila sa iyo, ito ba ay walang hanggan?
11 Huwag mo nang pipigilan, gamitin mo ang iyong bisig,
    kanang kamay mo'y ikilos, kaaway mo ay iligpit.

12 Simula pa noong una ikaw na ang aming Hari, O Diyos.
    Sa daigdig ay maraming iniligtas ka't tinubos.
13 Sa(A) lakas na iyong taglay hinati mo yaong dagat,
    at ang mga naroroong dambuhala ay inutas;
14 ikaw(B) na rin ang dumurog sa mga ulo ng Leviatan,[b]
    at ginawa mong pagkain ng mga nilikhang nasa ilang.
15 Mga batis, mga bukal, ikaw rin ang nagpadaloy,
    ginawa mong tuyong lupa ang maraming ilog doon.
16 Nilikha mo yaong araw, nilikha mo pati gabi,
    nilikha mo yaong araw, buwa't talang anong dami.
17 Ang hangganan ng daigdig ay ikaw rin ang naglagay,
    at ikaw rin ang lumikha ng taglamig at tag-araw.

18 Ngunit iyong gunitaing nagtatawa ang kaaway,
    yaong mga masasama'y dumudusta sa iyong ngalan;
19 huwag mo sanang tutulutan na ang iyong mga lingkod maiwan sa kaaway na ang kamay walang taros,
    sa kanilang pagdurusa'y gunitain silang lubos.

20 Yaong tipang ginawa mo ay huwag mong lilimutin,
    ang masama'y naglipana sa pook na madidilim, laganap ang karahasan kahit saan sa lupain!
21 Huwag mo sanang itutulot na ang api'y mapahiya,
    bayaan mong ang ngalan mo'y purihin ng dukha't abâ.

22 Kami'y iyong ipaglaban, aming Diyos, bumangon ka!
    Pagmasdan mo yaong hangal na maghapong nagtatawa.
23 Ang hangarin ng kaaway ay huwag mong lilimutin,
    ang sigaw ng kaaway mo'y patuloy at walang tigil.

Mga Kawikaan 12:11

11 Ang taong masipag ay sagana sa lahat,
    ngunit ang isang hangal, sa yaman ay salat.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.