The Daily Audio Bible
Today's audio is from the ESV. Switch to the ESV to read along with the audio.
Ang Pagkamatay ni Josue
6-10 Pinalakad(A) na ni Josue ang mga Israelita at kanila ngang tinirhan ang mga lupaing nakatalaga para sa kanila. Si Josue ay namatay sa edad na 110 taon at inilibing siya sa Timnat-heres, isang lugar na sakop ng kanyang lupain sa kaburulan ng Efraim, sa gawing hilaga ng Bundok Gaas. Namatay rin ang buong salinlahing kasabayan ni Josue. Naglingkod nang tapat kay Yahweh ang mga Israelita habang nabubuhay si Josue at ang mga pinunong nakasaksi sa mga kahanga-hangang bagay na ginawa ni Yahweh para sa Israel. Subalit ang sumunod na salinlahi ay nakalimot kay Yahweh at sa lahat ng ginawa niya para sa Israel.
Tumigil ang Israel sa Paglilingkod kay Yahweh
11 Ang mga Israelita ay gumawa ng kasamaan laban kay Yahweh at sumamba sila sa mga Baal. 12 Tinalikuran nila si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, na nagligtas sa kanila sa Egipto. Naglingkod sila at sumamba sa mga diyus-diyosan ng mga bayan sa kanilang paligid. Kaya nagalit sa kanila si Yahweh. 13 Itinakwil nila si Yahweh at naglingkod sa mga Baal at kay Astarot. 14 Dahil dito, nagalit si Yahweh sa Israel at sila'y hinayaan niyang matalo ng kaaway at samsaman ng ari-arian. 15 Tuwing makikipagdigma sila, hindi na sila tinutulungan ni Yahweh tulad ng kanyang babala. Kaya't wala silang kapanatagan.
16 Dahil dito, ang Israel ay binigyan ni Yahweh ng mga hukom na siyang magliligtas sa kanila sa kamay ng mga mananakop. 17 Ngunit hindi rin nila sinunod ang mga hukom na ito. Tinalikuran ng mga Israelita si Yahweh. Ang katapatan ng kanilang mga ninuno kay Yahweh ay hindi nila pinamarisan. 18 Lahat naman ng hukom na isinugo ni Yahweh ay pinatnubayan niya at iniligtas niya ang Israel sa mga kaaway habang nabubuhay ang hukom. Kinaawaan sila ni Yahweh dahil sa kanilang mga daing bunga ng hirap na dinaranas nila. 19 Ngunit pagkamatay ng hukom, muli na namang sumasamba sa mga diyus-diyosan ang mga Israelita. Higit pa sa kasamaan ng kanilang mga ninuno ang kanilang ginagawa; hindi nila maiwan ang kanilang masasamang gawain at katigasan ng ulo. 20 Kaya, lalong nagalit si Yahweh sa kanila. Sinabi niya, “Sumira ang mga Israelita sa kasunduang ibinigay ko sa kanilang mga ninuno. Dahil sa pagsuway nila sa akin, 21 hindi ko na palalayasin ang natitira pang Cananeo sa lupaing iniwan sa kanila ni Josue nang siya'y namatay. 22 Sa pamamagitan ng mga bansang ito, masusubok ko kung ang Israel ay susunod sa aking mga utos, tulad ng kanilang mga ninuno.” 23 Kaya, hindi agad pinaalis ni Yahweh ang mga tao sa mga lupaing hindi nasakop ng mga Israelita noong buháy pa si Josue.
Itinira ang Ibang Bayan Upang Subukin ang Israel
3 Hinayaan ni Yahweh na manatili sa lupain ang ilang mga bansa upang subukin ang mga Israelitang hindi nakaranas makipagdigma sa Canaan. 2 Ginawa niya ito upang turuang makipagdigma ang lahat ng salinlahi ng Israel, lalo na ang mga walang karanasan sa digmaan. 3 Ang mga naiwan sa lupain ay ang limang lunsod ng mga Filisteo, lahat ng lunsod ng mga Cananeo, mga taga-Sidon at mga Hivita na nanirahan sa Bundok ng Lebanon, mula sa Bundok ng Baal-hermon hanggang sa Pasong Hamat. 4 Ginamit sila ni Yahweh upang subukin kung susunod o hindi ang mga Israelita sa mga utos na ibinigay niya sa kanilang mga ninuno sa pamamagitan ni Moises. 5 Kaya nanirahan ang mga Israelita sa lupaing iyon kasama ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hivita at Jebuseo. 6 Pinayagan nila ang kanilang mga anak na mag-asawa ng mga tagaroon at makisama sa paglilingkod sa mga diyus-diyosan.
Si Otniel
7 Ang mga Israelita ay muling gumawa ng kasamaan laban sa Diyos. Tinalikuran nila si Yahweh na kanilang Diyos at sumamba sila sa mga Baal at sa mga Ashera. 8 Dahil dito, nagalit si Yahweh sa kanila at pinabayaang masakop ni Haring Cushanrishataim ng Mesopotamia. Walong taon silang inalipin ng haring ito. 9 Subalit nang humingi sila ng tulong kay Yahweh, ginawa niyang hukom si Otniel, anak ni Kenaz at pamangkin ni Caleb, upang ito ang magligtas sa kanila sa pagkaalipin. 10 Nilukuban siya ng Espiritu[a] ni Yahweh, at siya'y naging hukom at pinuno ng Israel. Nakipagdigma siya laban kay Cushanrishataim na hari ng Mesopotamia. Sa tulong ni Yahweh, natalo ito ni Otniel. 11 Nagkaroon ng kapayapaan sa lupain sa loob ng apatnapung taon hanggang sa mamatay si Otniel na anak ni Kenaz.
Si Ehud
12 Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita laban kay Yahweh. Dahil dito, si Eglon na hari ng Moab ay pinalakas ni Yahweh nang higit kaysa sa Israel. 13 Nakipagsabwatan si Eglon sa mga Ammonita at mga Amalekita. Natalo nila ang Israel at nasakop ang Lunsod ng Palma. 14 Labingwalong taóng sakop ni Eglon ang mga Israelita.
15 Subalit nang muling humingi ng tulong kay Yahweh ang mga Israelita, ginawa niyang hukom si Ehud na isang kaliwete, anak ni Gera buhat sa lipi ni Benjamin, upang sila'y iligtas. Siya ang pinagdala ng mga Israelita ng kanilang buwis kay Haring Eglon, kaya't 16 si Ehud ay gumawa ng isang tabak na magkabila'y talim at isa't kalahating metro ang haba. Itinali niya ito sa kanan niyang hita, sa loob ng kanyang damit. 17 At dinala nga ni Ehud ang mga buwis ng Israel kay Haring Eglon na isang napakatabang lalaki. 18 Nang maibigay na ni Ehud ang mga buwis, pinauwi na niya ang mga nagbuhat nito. 19 Ngunit pagdating sa may mga inukit na bato malapit sa Gilgal, nagbalik si Ehud sa hari at sinabi niya rito, “Kamahalan, mayroon po akong lihim na mensahe para sa inyo.”
Dahil dito, sinabi ng hari sa kanyang mga lingkod, “Iwan ninyo kami.” At umalis ang lahat sa harapan ng hari.
20 Lumapit si Ehud sa kinauupuan ng hari sa malamig na silid-pahingahan na nasa tuktok ng palasyo, at muling sinabi, “May ipinapasabi po sa akin ang Diyos para sa inyo.” At nang tumayo ang hari, 21 binunot ng kaliwang kamay ni Ehud ang kanyang tabak na nakatago sa kanyang kanang hita at itinarak sa tiyan ng hari. 22 Bumaon pati ang hawakan ng tabak at ito ay natakpan ng taba. Hindi na binunot ni Ehud ang patalim dahil tumagos ito hanggang sa likuran ng hari. 23 Paglabas ni Ehud, isinara niya ang pinto 24 at tuluy-tuloy na umalis. Nang magbalik ang mga lingkod ng hari, nakita nilang sarado ang pinto kaya inisip nilang nagbabawas ang hari. 25 Hindi nila binuksan ang pinto at naghintay na lamang sila sa labas. Inabot na sila ng pagkainip ngunit hindi pa lumalabas ang hari. Kaya, binuksan na nila ang silid nito. At nakita nilang patay na ang hari at nakahandusay sa sahig.
26 Samantala, malayo na ang narating ni Ehud habang naghihintay ang mga lingkod ng hari. Nakalampas na siya sa mga inukit na bato at tumakas papuntang Seira. 27 Pagdating sa kaburulan ng Efraim, hinipan niya ang trumpeta at nagsidatingan ang mga Israelita. At mula roon, pinangunahan niya sa pakikidigma ang mga ito. 28 Sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin. Pagtatagumpayin kayo ni Yahweh laban sa mga Moabita.” Kaya't sila'y sumunod sa kanya at nasakop nila ang tawiran ng mga Moabita sa Jordan. Wala silang pinatawid doon kahit isa. 29-30 Nang araw na iyon, nagwagi ang mga Israelita laban sa mga Moabita. Nakapatay sila ng may sampung libong Moabita na pawang matitipuno at malalakas; wala ni isa mang nakatakas. Mula noon, nagkaroon ng kapayapaan sa lupain sa loob ng walumpung taon.
Si Shamgar
31 Sumunod kay Ehud si Shamgar na anak ni Anat. Iniligtas din niya ang Israel nang patayin niya ang animnaraang Filisteo sa pamamagitan ng isang tungkod na pantaboy ng baka.
Itinatag ang Banal na Hapunan ng Panginoon(A)
14 Nang sumapit na ang oras, dumulog si Jesus sa hapag kasama ang kanyang mga apostol. 15 Sinabi niya sa kanila, “Matagal ko nang hinahangad na makasalo kayo sa Hapunang Pampaskwa na ito bago ako magdusa. 16 Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako muling kakain nito hanggang sa ito'y maganap sa kaharian ng Diyos.”
17 Dumampot siya ng isang kopa, at matapos magpasalamat sa Diyos ay ibinigay iyon sa kanila, at nagsabi, “Kunin ninyo ito at paghati-hatian. 18 Sinasabi ko sa inyo, mula ngayo'y hindi na ako iinom nitong katas ng ubas hanggang sa pagdating ng kaharian ng Diyos.”
19 Dumampot din siya ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Diyos ay kanyang pinaghati-hati iyon at ibinigay sa kanila. Sabi niya, “Ito ang aking katawan [na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” 20 Gayundin(B) naman, dinampot niya ang kopa pagkatapos maghapunan at sinabi, “Ang kopang ito ang bagong tipan ng Diyos na pinagtibay ng aking dugo. Ang aking dugo ay mabubuhos alang-alang sa inyo].[a]
21 “Ngunit(C) kasalo ko rito ang magkakanulo sa akin. 22 Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa itinakda ng Diyos, ngunit kahabag-habag ang taong magkakanulo sa kanya.” 23 At sila'y nagtanungan kung sino sa kanila ang gagawa ng ganoon.
Ang Pinakadakila
24 Nagtalu-talo(D) rin ang mga alagad kung sino sa kanila ang dapat kilalaning pinakadakila. 25 Kaya't(E) sinabi ni Jesus sa kanila, “Pinipilit ng mga hari ng mga Hentil na sila'y ituring na panginoon ng kanilang nasasakupan, at ang mga may kapangyarihan ay nagnanasang matawag na mga tagatangkilik. 26 Ngunit(F) hindi ganoon ang dapat mangyari sa inyo. Sa halip, ang pinakadakila ang dapat lumagay na pinakamababa, at ang namumuno ay maging tagapaglingkod. 27 Sino(G) ba ang higit na nakakataas, ang nakadulog sa hapag, o ang naglilingkod? Hindi ba ang nakadulog sa hapag? Ngunit ako'y kasama ninyo bilang isang naglilingkod.
28 “Kayo ang nanatiling kasama ko sa mga pagsubok sa akin. 29 Kung paanong ang Ama ay nagbigay sa akin ng karapatang maghari, gayundin naman, ibinibigay ko sa inyo ang karapatang ito. 30 Kayo'y(H) kakain at iinom na kasalo ko sa aking kaharian, at kayo'y uupo sa mga trono at mamumuno sa labindalawang lipi ng Israel.”
Ang Pagkakaila ni Pedro(I)
31 “Simon, Simon! Makinig ka! Hiniling ni Satanas na subukin kayo tulad sa ginagawa ng magsasaka na inihihiwalay ang ipa sa mga trigo. 32 Subalit idinalangin kita upang huwag manghina ang iyong pananampalataya. At kapag nagbalik-loob ka na, patatagin mo ang iyong mga kapatid.”
33 Sumagot si Pedro, “Panginoon, handa po akong mabilanggo at mamatay na kasama ninyo!”
34 Ngunit sinabi ni Jesus, “Pedro, tandaan mo ito, bago tumilaok ang manok sa araw na ito ay tatlong beses mo akong ikakaila.”
Awit ng Papuri sa Diyos
Isang Awit para sa Araw ng Pamamahinga.
92 Ang magpasalamat
kay Yahweh ay mabuting bagay,
umawit na lagi
purihin ang ngalang Kataas-taasan.
2 Pag-ibig niyang wagas
ay dapat ihayag, kung bukang-liwayway,
pagsapit ng gabi
ang katapatan niya'y ihayag din naman.
3 Ito'y ipahayag
sa saliw ng alpa't tugtuging salteryo,
sa magandang himig
ng tugtuging lira'y ipahayag ito.
4 Ako'y nagagalak
sa iyong ginawa na kahanga-hanga,
sa lahat ng ito
ako'y umaawit dahilan sa tuwa.
5 O pagkadakila!
Kay dakila, Yahweh, ng iyong ginawa,
ang iyong isipan
ay sadyang mahirap naming maunawa.
6 Sa(A) kapos na isip,
ang bagay na ito ay di nalalaman,
hindi malilirip
ni mauunawa ng sinumang mangmang:
7 ang mga masama
kahit na dumami't sila ma'y umunlad,
kanilang hantungan
ay tiyak at lubos na kapahamakan;
8 sapagkat ikaw lang,
Yahweh, ang dakila't walang makatulad.
9 Nababatid naming
lilipuling lahat ang iyong kaaway,
at lahat ng taong
masama ang gawa ay mapipilan.
10 Ako'y ginawa mong
sinlakas ng torong mailap sa gubat,
ako'y pinagpala't
pawang kagalakan aking dinaranas.
11 Aking nasaksihan
yaong pagkalupig ng mga kaaway,
pati pananaghoy
ng mga masama'y aking napakinggan.
12 Tulad ng palmera,
ang taong matuwid tatatag ang buhay,
sedar ang kagaya,
kahoy sa Lebanon, lalagong malabay.
13 Mga punong natanim
sa tahanan ni Yahweh,
sa Templo ng ating Diyos
bunga nila'y darami.
14 Tuloy ang pagbunga
kahit na ang punong ito ay tumanda,
luntia't matatag,
at ang dahon nito ay laging sariwa.
15 Ito'y patotoo
na si Yahweh ay tunay na matuwid,
siya kong sanggalang,
matatag na batong walang karumihan.
Ang Diyos ang Hari
93 Si Yahweh ay naghahari, na ang suot sa katawan
ay damit na maharlika at puspos ng kalakasan.
Matatag na itinayo ang sandigan ng daigdig,
kahit ano ang gawin pa'y hindi ito mayayanig.
2 Ang trono mo ay matatag simula pa noong una,
bago pa ang kasaysayan, ika'y likas na naro'n na.
3 Tumataas nga, O Yahweh, ang tubig ng mga ilog,
lumalakas ang lagaslas habang sila'y umaagos;
maingay na mga alon katulad ay pagkalabog.
4 Parang tubig na marami, ang buhos ay parang kulog,
malakas pa kaysa alon ng dagat na mayro'ng unos;
higit pa sa mga ito si Yahweh na dakilang Diyos.
5 Walang hanggan, O Yahweh, ang lahat ng tuntunin mo,
sadyang banal at matatag ang sambahang iyong templo.
14 Ang matalinong babae ay nagtatatag ng kanyang bahay,
ngunit winawasak ng isang mangmang ang sariling tahanan.
2 Ang gumagalang at sumusunod kay Yahweh ay lumalakad sa katuwiran,
ngunit ang nagwawalang-bahala sa kanya ay nasa likong daan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.