Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Josue 13-14

Ang mga Lupaing Hindi pa Nasasakop

13 Matandang-matanda na noon si Josue. Sinabi sa kanya ni Yahweh: “Matandang-matanda ka na ngunit malaki pang bahagi ng lupaing ito ang kailangan pang sakupin. Ito ang mga hindi pa ninyo nasasakop: ang lupain ng mga Filisteo at ang lupain ng mga Gesureo; buhat sa batis ng Sihor sa tabing silangan ng Egipto hanggang sa Ekron ay itinuturing na lupain din ng mga Cananeo kahit ito'y sakop ng mga haring Filisteo na nakatira sa Gaza, sa Asdod, sa Ashkelon, sa Gat, at sa Ekron; ang lupain ng mga Aveo sa dakong timog, at ang lupain ng mga Cananeo, buhat sa Mehara na tinitirhan ng mga taga-Sidon hanggang sa Afec, sa may hangganan ng mga Amoreo; ang lupain ng mga Gebalita at ang buong silangan ng Lebanon, buhat sa Baal-gad sa paanan ng Bundok ng Hermon hanggang sa pagpasok ng Hamat. Kasama(A) rin dito ang lupain ng mga taga-Sidon na naninirahan sa kaburulan ng Lebanon hanggang sa Misrefot-mayim. Pagdating ninyo roon, palalayasin kong lahat ang mga naninirahan doon. Hatiin mo sa mga Israelita ang mga lupaing ito, ayon sa sinabi ko sa iyo. Ipamahagi mo ngayon ang lupaing ito sa siyam na lipi at sa kalahati ng lipi ni Manases.”

Mga Lupaing Ibinigay sa mga Lipi nina Ruben, Gad at Manases

Ang(B) mga lipi nina Ruben, Gad at ang kalahati ng lipi ni Manases ay binigyan na ni Moises ng kanilang lupain sa gawing silangan ng Jordan. Ang saklaw nila'y mula sa Aroer, na nasa tabi ng Kapatagan ng Arnon, at mula sa bayang nasa gitna ng libis patungo sa hilaga, kasama ang mga mataas na kapatagan ng Medeba hanggang sa Dibon. 10 Saklaw rin ang lahat ng lunsod na sakop ni Haring Sihon ng mga Amoreo, na nakatira sa Hesbon, tuloy sa hangganan ng Ammon. 11 Sakop pa rin ang Gilead, ang lupain ng mga Gesureo at mga Maacateo; ang kabundukan ng Hermon at ang buong Bashan hanggang Saleca. 12 Sakop din ang kaharian ni Og na hari ng Astarot at Edrei. (Ang haring ito ang kaisa-isang nalabi sa lahi ng mga higante na tinalo ni Moises at pinalayas sa lupaing iyon.) 13 Ngunit hindi pinaalis ng mga Israelita ang mga Gesureo at mga Maacateo. Naninirahan pa ang mga ito sa Israel hanggang ngayon.

14 Ang(C) lipi ni Levi ay hindi binigyan ni Moises ng bahagi sa lupain. Sa halip, ang tatanggapin nila'y ang bahaging kukunin sa mga handog ng sambayanan para kay Yahweh, ang Diyos ng Israel, ayon sa sinabi niya kay Moises.

15 Binigyan na ni Moises ng kani-kanilang bahagi sa lupain ang lipi ni Ruben, ayon sa kani-kanilang angkan. 16 Sakop nila ang lunsod ng Aroer na nasa gilid ng Ilog Arnon, at ang bayang nasa gitna ng libis, at ang mataas na kapatagan sa palibot ng Medeba. 17 Sakop din nila ang Hesbon at ang lahat ng lunsod sa mataas na kapatagan: ang Dibon, Bamot-baal, Beth-baal-meon, 18 Jahaz, Kedemot, Mefaat, 19 Kiryataim, at Sibma. Kasama pa rin ang lunsod ng Zaret-sahar na nasa burol sa gitna ng libis, 20 ang lunsod ng Beth-peor, ang mga libis ng Pisgah, at ang Beth-jesimot; 21 ang lahat ng lunsod sa mataas na kapatagan at ang lahat ng bayang saklaw ni Haring Sihon na hari ng Hesbon. Tinalo siya ni Moises pati ang mga hari ng Midian na sina Evi, Requem, Zur, Hur at Reba. Ang mga haring ito ay sakop ni Haring Sihon at nanirahan sa lupaing iyon. 22 Kabilang din sa mga pinatay roon ng mga Israelita ang manghuhulang si Balaam na anak ni Beor. 23 Ang Ilog Jordan ang hangganan ng lupaing napunta sa lipi ni Ruben, ayon sa kani-kanilang angkan. Ito ang mga lunsod at mga bayang napunta sa kanilang mga angkan at sambahayan.

24 Binigyan na rin ni Moises ng kani-kanilang bahagi sa lupain ang bawat angkan sa lipi ni Gad. 25 Napunta sa kanila ang Jazer, ang buong Gilead, at ang kalahati ng lupain ng mga Ammonita hanggang sa Aroer na katapat ng Rabba. 26 Sakop nila ang mga lupain buhat sa Hesbon hanggang Ramot-mizpa at Bethonim, at buhat sa Mahanaim hanggang sa mga nasasakupan ng Lo-debar. 27 Sa Kapatagan naman ng Jordan ang sakop nila'y ang mga lunsod ng Beth-haram, Beth-nimra, Sucot, Zafon at ang nalalabi sa kaharian ni Sihon na hari ng Hesbon. Saklaw nga nila ang buong lupain sa gawing silangan buhat sa Ilog Jordan, at tuloy sa Lawa ng Galilea sa gawing hilaga. 28 Ito ang mga lunsod at bayang ibinigay sa mga angkan ng lipi ni Gad.

29 Binigyan na rin ni Moises ng bahagi sa lupain ang mga angkan ng kalahati ng lipi ni Manases. 30 Sakop nila ang Mahanaim at ang buong teritoryo ni Haring Og sa lupain ng Bashan. Kasama rin ng lupain nila ang animnapung bayan ng Bashan na sakop ng Jair. 31 Sakop rin nila ang kalahati ng Gilead at ang mga lunsod ng Astarot at Edrei sa kaharian ni Og sa Bashan. Ito ang mga lupaing ibinigay sa mga angkang bumubuo ng kalahati ng angkan ni Maquir na anak ni Manases. 32 Ganito ipinamahagi ni Moises ang mga lupain sa silangan ng Jerico at ng Ilog Jordan noong sila'y nasa kapatagan ng Moab. 33 Ngunit(D) hindi niya binigyan ng lupa ang lipi ni Levi sapagkat ang bahagi nila ay si Yahweh, ang Diyos ng Israel.

Ang Paghahati ng Canaan

14 Ang mga lipi ng Israel ay nakatanggap ng lupang pamana nang masakop nila ang Canaan. Ang paring si Eleazar at si Josue na anak ni Nun, katulong ang mga pinuno ng angkan ng bawat lipi, ang naghati ng lupain ng Canaan para sa mga Israelita. Ang(E) paghahati ay isinagawa sa pamamagitan ng palabunutan, ayon sa utos ni Yahweh kay Moises. Siyam at kalahating lipi na lamang ang binigyan nila ng kani-kanilang bahagi sa lupain. Ang(F) dalawang lipi at kalahati'y nabigyan na ni Moises ng kanilang bahagi sa silangan ng Jordan. Hindi rin kabilang sa siyam na lipi at kalahati ang mga Levita. Hindi sila binigyan ng lupain. Sa halip, binigyan sila ng mga lunsod na matitirhan at mga kaparangan sa paligid para sa kanilang mga bakahan at mga kawan. Sa kabilang dako, ang mga nagmula sa lahi ni Jose ay pinagdalawang lipi: ang lipi ni Manases at ang lipi ni Efraim. Pinaghati-hatian nga ng mga Israelita ang lupaing iyon ayon sa utos ni Yahweh kay Moises.

Ibinigay kay Caleb ang Hebron

Lumapit(G) noon kay Josue sa Gilgal ang ilan sa lipi ni Juda. Isa sa kanila si Caleb na anak ni Jefune, na mula sa angkan ng Cenizeo. Sinabi nito kay Josue, “Alam mo ang sinabi ni Yahweh kay Moises na kanyang lingkod tungkol sa ating dalawa nang tayo'y nasa Kades-barnea. Apatnapung(H) taon pa lamang ako noon. Isinugo niya tayo buhat sa Kades-barnea upang lihim na manmanan ang lupaing ito, at iniulat ko sa kanya ang buong katotohanan. Kahit na ang bayan ay tinakot ng ibang kasama natin, buong katapatan pa rin akong sumunod kay Yahweh na ating Diyos. Kaya't(I) ipinangako sa akin noon ni Moises na dahil sa aking buong katapatan sa pagsunod kay Yahweh, magiging bahagi ko at ng aking mga anak ang lupang matapakan ng aking mga paa. 10 Apatnapu't limang taon na ang lumipas buhat nang sabihin ito ni Yahweh kay Moises. Noo'y naglalakbay pa sa disyerto ang bayang Israel. Iningatan ni Yahweh ang buhay ko hanggang ngayon. Walumpu't limang taon na ako ngayon 11 ngunit hindi pa nagbabago ang lakas ko mula nang ako'y isugo ni Moises upang siyasatin ang lupaing ito. Kaya ko pang makipaglaban at gawin ang kahit anong trabaho. 12 Kaya ibigay mo na sa akin ang kaburulang ipinangako sa akin ni Yahweh. Narinig mo rin na mga higante ang nakatira doon at matitibay ang pader ng naglalakihan nilang lunsod. Ngunit sa tulong ni Yahweh ay palalayasin ko sila sa lupaing iyon gaya ng ipinangako niya.”

13 Binasbasan nga ni Josue si Caleb na anak ni Jefune, at ibinigay sa kanya ang Hebron. 14 Ang lupain ng Hebron ay nananatili hanggang ngayon sa angkan ni Caleb na anak ni Jefune, na isang Cenizeo, sapagkat buong katapatan siyang sumunod kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. 15 Noong una'y Lunsod ng Arba ang pangalan ng Hebron, bilang alaala kay Arba, ang pinakadakila sa mga Anaceo.

At nagkaroon nga ng kapayapaan sa buong lupain.

Lucas 18:1-17

Ang Biyuda at ang Hukom

18 Isinalaysay ni Jesus ang isang talinghaga upang ituro sa kanila na dapat silang laging manalangin at huwag mawalan ng pag-asa. Sinabi niya, “Sa isang lungsod ay may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao. Sa lungsod ding iyon ay may isang biyuda. Lagi siyang pumupunta sa hukom at sinasabi, ‘Bigyan po ninyo ako ng katarungan sa aking usapin.’ Tinanggihan siya ng hukom sa loob ng mahabang panahon, ngunit nang magtagal ay sinabi ng hukom sa sarili, ‘Kahit ako'y walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao, ibibigay ko na ang katarungang hinihingi ng biyudang ito, sapagkat lagi niya akong ginagambala at baka mainis pa ako sa kapupunta niya rito.’” At nagpatuloy ang Panginoon, “Pakinggan ninyo ang sabi ng masamang hukom na iyon. Ngayon,(A) ipagkakait kaya ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na dumaraing sa kanya araw-gabi? Sila kaya'y paghihintayin niya nang matagal? Sinasabi ko sa inyo, agad niyang ibibigay sa kanila ang katarungan. Ngunit sa pagbabalik ng Anak ng Tao, may daratnan pa kaya siyang mga taong may pananampalataya?”

Ang Talinghaga ng Pariseo at ng Maniningil ng Buwis

Sinabi rin niya ang talinghagang ito sa mga taong matuwid ang tingin sa sarili at hinahamak naman ang iba. 10 “May dalawang lalaking pumasok sa Templo upang manalangin, ang isa ay Pariseo at ang isa ay maniningil ng buwis. 11 Tumayo ang Pariseo at nanalangin nang ganito: ‘O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat hindi ako katulad ng iba na mga magnanakaw, mandaraya, mangangalunya, o kaya'y katulad ng maniningil ng buwis na ito. 12 Dalawang beses akong nag-aayuno sa isang linggo at nagbibigay rin ako ng ikasampung bahagi mula sa lahat ng aking kinikita.’ 13 Samantala, ang maniningil ng buwis nama'y nakatayo sa malayo at di man lamang makatingin sa langit. Dinadagukan niya ang kanyang dibdib at sinasabi, ‘O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!’ 14 Sinasabi(B) ko sa inyo, ang lalaking ito'y umuwing matuwid sa harapan ng Diyos, at hindi ang Pariseo. Sapagkat ang sinumang nagmamataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas.”

Binasbasan ni Jesus ang Maliliit na Bata(C)

15 Inilalapit ng mga tao kay Jesus pati ang kanilang mga sanggol upang ipatong niya sa mga ito ang kanyang mga kamay. Nang ito'y makita ng mga alagad, sinaway nila ang mga tao. 16 Ngunit tinawag ni Jesus ang mga bata at sinabi, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pagbawalan sapagkat para sa mga katulad nila ang kaharian ng Diyos. 17 Tandaan ninyo: ang sinumang hindi tumatanggap sa kaharian ng Diyos gaya ng pagtanggap ng isang bata ay hindi makakapasok doon.”

Mga Awit 85

Panalangin Upang Ibangong Muli ang Israel

Isang Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit.

85 Ikaw po, O Yahweh, naging mapagbigay sa iyong lupain,
    pinasagana mo't muling pinaunlad ang bansang Israel.
Yaong kasamaan ng mga anak mo'y nilimot mong tunay,
    pinatawad sila sa nagawa nilang mga kasalanan. (Selah)[a]

Ang taglay mong poot sa ginawa nila'y iyo nang inalis,
    tinalikdan mo na at iyong nilimot ang matinding galit.

Panumbalikin mo kami, Diyos ng aming kaligtasan,
    ang pagkamuhi sa amin ay iyo nang wakasan.
Ang pagkagalit mo at poot sa ami'y wala bang hangganan?
    Di na ba lulubag, di ba matatapos ang galit mong iyan?
Ibangon mo kami, sana'y ibalik mo ang nawalang lakas,
    at kaming lingkod mo ay pupurihin ka na taglay ang galak.
Kaya ngayon, Yahweh, ipakita mo na ang pag-ibig mong wagas.
    Kami ay lingapin at sa kahirapan ay iyong iligtas.
Aking naririnig mga pahayag na kay Yahweh nagmula;
    sinasabi niyang ang mga lingkod niya'y magiging payapa,
    kung magsisisi at di na babalik sa gawang masama.
Ang nagpaparangal sa pangalan niya'y kanyang ililigtas,
    sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.

10 Ang katapatan at pag-ibig ay magdadaup-palad,
    ang kapayapaan at ang katuwira'y magsasamang ganap.
11 Sa balat ng lupa'y sadyang maghahari itong katapatan,
    mula sa itaas, maghahari naman itong katarungan.
12 Gagawing maunlad ng Diyos na si Yahweh itong ating buhay,
    ang mga halaman sa ating lupai'y bubungang mainam;
13 ang katarunga'y mauuna sa kanyang daraanan,
    kanyang mga yapak, magiging bakas na kanilang susundan.

Mga Kawikaan 13:7-8

May taong nagkukunwang mayaman subalit wala naman,
    ngunit ang iba'y nag-aayos mahirap bagaman sila ay mayaman.
Ang yaman ng isang tao ay pantubos sa kanyang buhay,
    ngunit sa isang mahirap ito ay hindi nakababahala.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.