The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Mga Hindi Kabilang sa Sambayanan ng Diyos
23 “Ang isang lalaking kinapon o naputulan ng ari ay hindi maaaring ibilang sa sambayanan ni Yahweh.
2 “Sinumang anak sa labas ay hindi maaaring ibilang sa sambayanan ni Yahweh, hanggang sa ikasampung salin ng kanyang lahi.
3 “Ang(A) isang Ammonita o Moabita ay hindi maaaring ibilang sa sambayanan ni Yahweh, hanggang sa ikasampung salin ng kanilang lahi, 4 sapagkat(B) hindi nila kayo binigyan ng pagkain at inumin nang kayo'y naglalakbay mula sa Egipto. Bukod dito, inupahan pa nila si Balaam na anak ni Beor na taga-Petor sa Mesopotamia para sumpain kayo. 5 Gayunman,(C) hindi siya dininig ng Diyos ninyong si Yahweh. Sa halip, pinagpala niya kayo sapagkat mahal kayo ni Yahweh. 6 Kailanma'y huwag ninyo silang tutulungan upang sila'y maging mapayapa o masagana.
7 “Huwag ninyong kasusuklaman ang mga Edomita sapagkat sila'y mga kapatid ninyo; gayundin ang mga Egipcio sapagkat kayo'y nanirahan sa kanilang lupain. 8 Maaaring ibilang sa sambayanan ni Yahweh ang ikatlong salin ng kanilang lahi.
Mga Tuntunin tungkol sa Kalinisan sa Loob ng Kampo
9 “Sa panahon ng digmaan, umiwas kayo sa anumang maaaring magparumi sa inyo sa loob ng inyong kampo.
10 “Kapag nilabasan ng sariling binhi ang isang lalaki habang natutulog, lalabas siya ng kampo at hindi muna babalik. 11 Maliligo siya sa dapit-hapon. Paglubog ng araw, saka lamang siya babalik sa kampo.
12 “Maglalaan kayo ng isang lugar sa labas ng kampo na gagawin ninyong palikuran. 13 Magdala rin kayo ng kahoy bukod pa sa inyong mga sandata. Gagamitin ninyo itong panghukay at pangtabon kapag kayo'y dudumi. 14 Naglilibot ang Diyos ninyong si Yahweh sa inyong kampo upang iligtas kayo sa mga kaaway at sila'y ipalupig sa inyo. Kaya't kailangang manatiling malinis sa paningin ng Diyos ang inyong kampo; baka pabayaan niya kayo kapag nakita niyang marumi ang kampo.
Iba't ibang Tuntunin
15 “Ang isang aliping tumakas at lumipat sa inyo ay huwag ninyong ibabalik sa dati niyang amo. 16 Mananatili siya sa inyo at hayaan siyang tumira kung saan niya gusto sa loob ng inyong bayan; huwag ninyo siyang aapihin.
17 “Sinumang(D) Israelita, babae man o lalaki ay hindi maaaring magbenta ng panandaliang-aliw bilang pagsamba. 18 Ang salaping kinita sa ganitong mahalay na paraan ay hindi maaaring ipagkaloob sa bahay ng Diyos ninyong si Yahweh bilang pagtupad sa isang panata. Kasuklam-suklam kay Yahweh ang pagbebenta ng panandaliang-aliw bilang pagsamba.
19 “Huwag(E) kayong magpapautang nang may tubo sa inyong kapwa Israelita, maging pera, pagkain o anumang maaaring patubuan. 20 Maaari ninyong patubuan ang mga dayuhan ngunit hindi ang inyong kapwa Israelita upang pagpalain kayo ni Yahweh sa inyong mga gawain pagdating ninyo sa lupaing ibibigay niya sa inyo.
21 “Huwag(F) ninyong kakaligtaang tuparin ang panata ninyo kay Yahweh. Tiyak na sisingilin niya kayo kapag hindi ninyo tinupad iyon. 22 Hindi kasalanan kung hindi kayo gagawa ng panata. 23 Ngunit kailangang tuparin ang anumang kusang-loob na pangako ninyo kay Yahweh.
24 “Kapag kayo'y pumasok sa ubasan ng inyong kapwa, maaari kayong kumain ng bunga niyon hanggang gusto ninyo, huwag lamang kayong mag-uuwi. 25 Kung mapadaan naman kayo sa triguhan ng inyong kapwa, maaari kayong pumitas ng mga uhay sa pamamagitan ng mga kamay ngunit huwag kayong gagamit ng karit.
Tungkol sa Paghihiwalay at Pag-aasawang Muli
24 “Kung(G) mag-asawa ang isang lalaki ngunit dumating ang panahon na ayaw na niya sa babae dahil may natuklasan siya ritong hindi kaaya-aya, at gumawa siya ng kasulatan ng paghihiwalay, ibinigay ito sa babae, at pinalayas ito sa kanyang pamamahay; 2 kung ang babaing hiniwalayan ay mag-asawa sa iba 3 at hiniwalayang muli matapos bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay (o kaya'y namatay ang ikalawang asawa), at paalisin rin ito sa kanyang pamamahay, 4 ang babae ay hindi na maaaring pakasalan pa ng kanyang unang asawa; ang babae ay ituturing nang marumi. Magiging kasuklam-suklam kay Yahweh kung papakisamahan pa nito ang babae. Hindi ninyo dapat dungisan ang lupaing ibibigay niya sa inyo.
Iba't Ibang Tuntunin
5 “Ang lalaking bagong kasal ay hindi maaaring maglingkod sa hukbo o anumang gawaing-bayan sa loob ng isang taon; hahayaan muna siyang lumigaya sa piling ng kanyang asawa.
6 “Huwag ninyong kukuning sangla ang gilingan na ginagamit ng isang tao para sa kanyang pagkain, sapagkat para na rin ninyong kinuha ang kanyang ikinabubuhay.
7 “Sinumang(H) dumukot sa kapwa niya Israelita, upang alipinin o ipagbili ay dapat patayin. Sa ganitong paraan ninyo aalisin ang kasamaang tulad nito.
8 “Tungkol(I) sa mga sakit sa balat na parang ketong, sundin ninyong mabuti ang sasabihin sa inyo ng mga paring Levita, sapagkat iyon ang tagubilin ko sa kanila. 9 Alalahanin(J) ninyo ang ginawa ni Yahweh na inyong Diyos kay Miriam nang kayo'y naglalakbay mula sa Egipto.
10 “Kung(K) kayo'y magpapautang sa inyong kapatid, huwag kayong papasok sa bahay niya para kunin ang kanyang sangla; 11 maghintay kayo sa labas upang doon tanggapin ang sangla na kusang ibibigay ng nangutang. 12 Kung balabal ang sangla ng isang mahirap na nangutang sa inyo, huwag ninyong palilipasin ang gabi na nasa inyo ang sangla. 13 Dapat maibalik iyon sa kanya paglubog ng araw, sapagkat iyon lamang ang gagamitin niya sa pagtulog. Sa gayon, tatanaw siya ng utang na loob sa inyo at kalulugdan kayo ng Diyos ninyong si Yahweh.
14 “Huwag(L) ninyong ipagkakait ang kaukulang bayad sa inyong mahihirap at nangangailangang manggagawa, maging siya ma'y kapwa Israelita o dayuhan na nakikipamayan sa inyo. 15 Bago lumubog ang araw, ibigay na ninyo sa kanya ang sweldo niya para sa maghapon sapagkat iyon lamang ang inaasahan niya sa buhay. Kapag hindi ninyo ibinigay agad, at dumaing siya kay Yahweh, iyon ay pananagutan ninyo.
16 “Hindi(M) dapat parusahan ng kamatayan ang mga magulang dahil sa krimeng nagawa ng anak ni ang anak dahil sa krimeng nagawa ng magulang; ang mismong may sala lamang ang siyang dapat patayin.
17 “Huwag(N) ninyong pagkakaitan ng katarungan ang mga dayuhan o ang mga ulila. Huwag din ninyong kukuning sangla ang balabal ng babaing balo. 18 Iniuutos ko ito sa inyo sapagkat dapat ninyong alalahaning naging alipin din kayo sa Egipto at iniligtas kayo roon ng Diyos ninyong si Yahweh.
19 “Kung(O) sa pagliligpit ng ani ay may maiwan kayong mga uhay, huwag na ninyong babalikan iyon; hayaan na ninyong mapulot iyon ng mga dayuhan, ulila at mga biyuda. Sa ganoon, pagpapalain kayo ni Yahweh sa lahat ninyong gawain. 20 Kapag napitasan na ninyong minsan ang inyong mga olibo, huwag na ninyong babalikan ang natira; hayaan na ninyo iyon sa mga dayuhan, ulila at mga biyuda. 21 Kapag naani na ninyo ang inyong ubas, huwag na ninyong babalikan ang natira; hayaan na ninyo iyon sa mga dayuhan, ulila at mga biyuda. 22 Alalahanin ninyong kayo'y naging alipin din sa Egipto. Iyan ang dahilan kaya iniuutos ko ito sa inyo.
25 “Kapag may usaping iniharap sa hukuman, at napawalang-sala ang walang kasalanan at nahatulan ang may sala, 2 at kung ang angkop na parusa ay hagupit, padadapain ng hukom ang may sala, at hahagupitin ayon sa bigat ng kanyang kasalanan. 3 Apatnapu(P) ang pinakamaraming hagupit na maaaring ibigay sa may sala; ang higit dito ay paghamak na sa kanyang pagkatao.
4 “Huwag(Q) ninyong bubusalan ang bibig ng baka habang ito'y gumigiik.
Ang Pag-aasawang Muli ng Isang Biyuda
5 “Kung(R) may dalawang magkapatid na naninirahan sa parehong bahay at mamatay na walang anak ang isang lalaking may asawa, ang nabiyuda niya ay hindi maaaring mag-asawa sa iba; dapat siyang pakasalan ng kapatid ng namatay at ito ang tutupad sa tungkulin ng kapatid na namatay. 6 Ang kanilang unang anak na lalaki ay isusunod sa pangalan ng namatay upang hindi mawala sa Israel ang pangalan nito. 7 Kung(S) (T) ayaw ng kapatid ng namatay na pakasalan ang balo, dudulog ito sa matatandang namumuno sa bayan. Sasabihin ng nabiyuda, ‘Ayaw ng lalaking ito na panatilihin ang pangalan ng kanyang kapatid. Ayaw niyang gampanan ang kanyang tungkulin para sa kanyang kapatid.’ 8 Kung magkagayon, ang kapatid ng yumao ay ipapatawag ng matatandang pinuno at pagsasabihan. Kapag ayaw pa rin niya, 9 lalapitan siya ng biyuda, hahablutin ang sandalyas nito saka duduraan sa mukha, at sasabihing, ‘Ganyan ang bagay sa taong tumatangging panatilihin ang pangalan ng kanyang kapatid.’ 10 At ang sambahayan ng lalaking ito'y makikilala sa buong Israel sa tawag na, Ang Sambahayan ng Lalaking Hinubaran ng Sandalyas.
Iba Pang Tuntunin
11 “Kapag may dalawang lalaking nag-aaway at ang asawa ng isa ay lumapit upang tulungan ang kanyang asawa at dinaklot ang ari ng kalaban, 12 puputulin ang kamay ng babaing iyon; hindi siya dapat kaawaan.
13 “Huwag kayong gagamit ng dalawang uri ng pabigat sa timbangan, isang mabigat at isang magaan. 14 Huwag din kayong gagamit ng dalawang uri ng takalan, isang malaki at isang maliit. 15 Ang tamang pabigat ang gagamitin ninyo sa timbangan, at ang gagamiting takalan ay iyong husto sa sukat upang mabuhay kayo nang matagal sa lupaing ibibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh. 16 Lahat ng mandaraya ay kasuklam-suklam kay Yahweh na inyong Diyos.
Ang Paglipol sa Lahi ni Amalek
17 “Huwag(U) ninyong kalilimutan ang ginawa ng mga Amalekita sa inyo nang kayo'y naglalakbay mula sa Egipto. 18 Wala silang takot sa Diyos. Sinalakay nila kayo nang kayo'y lupaypay sa hirap, at pinuksa ang mga kasamahan ninyo sa hulihan. 19 Kapag nalupig na ninyo ang lahat ng inyong mga kaaway at panatag na kayo sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos, ubusin ninyo ang lahi ng mga Amalekita roon. Huwag ninyo itong kalilimutan.
Babala sa mga Bayang Ayaw Magsisi(A)
13 “Kawawa(B) kayo mga taga-Corazin! Kawawa kayo mga taga-Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sanang nagdamit ng sako at naupo sa abo ang mga tagaroon bilang tanda ng kanilang pagsisisi. 14 Mas kahahabagan pa ang mga taga-Tiro at taga-Sidon kaysa inyo sa Araw ng Paghuhukom. 15 At(C) kayong mga taga-Capernaum, nais pala ninyong itaas ang inyong sarili hanggang langit? Ibabagsak kayo hanggang sa daigdig ng mga patay!
16 Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Ang(D) nakikinig sa inyo ay sa akin nakikinig, ang nagtatakwil sa inyo ay nagtatakwil sa akin, at ang nagtatakwil sa akin ay nagtatakwil sa nagsugo sa akin.”
Bumalik ang Pitumpu't Dalawa
17 Masayang-masayang bumalik ang pitumpu't dalawa.[a] Iniulat nila, “Panginoon, kahit po ang mga demonyo ay napapasunod namin dahil sa kapangyarihan ng inyong pangalan.”
18 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Nakita kong parang kidlat na nahulog si Satanas mula sa langit. 19 Binigyan(E) ko kayo ng kapangyarihang tapakan ang mga ahas at mga alakdan, at daigin ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway; at walang makakapanakit sa inyo. 20 Ngunit magalak kayo, hindi dahil sa napapasunod ninyo ang masasamang espiritu, kundi dahil nakatala sa langit ang inyong mga pangalan.”
Nagalak si Jesus(F)
21 Nang oras ding iyon, si Jesus ay napuspos ng kagalakan sa pamamagitan ng Espiritu Santo.[b] Sinabi niya, “Salamat sa iyo, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo sa marurunong at matatalino ang mga bagay na ito, ngunit inihayag mo sa mga walang muwang. Oo, Ama, sapagkat ganoon ang nais mong mangyari.
22 “Ibinigay(G) sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at wala namang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang mga taong minarapat ng Anak na makakilala sa Ama.”
23 Humarap si Jesus sa mga alagad at sinabi nang walang ibang nakakarinig, “Pinagpala kayo sapagkat nakita ninyo ang mga nakikita ninyo ngayon. 24 Sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at mga hari ang naghangad na makita ang inyong nakikita at marinig ang inyong naririnig, subalit hindi nila ito nakita ni narinig.”
Ang Mabuting Samaritano
25 Isang(H) dalubhasa sa Kautusan ang lumapit kay Jesus upang siya'y subukin. “Guro, ano ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” tanong niya.
26 Sumagot si Jesus, “Ano ba ang nakasulat sa Kautusan? Ano ba ang nababasa mo roon?”
27 Sumagot(I) ang lalaki, “‘Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, buong kaluluwa mo, buong lakas mo, at buong pag-iisip mo;’ at ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.’”
28 Sabi(J) ni Jesus, “Tama ang sagot mo. Gawin mo iyan at magkakamit ka ng buhay na walang hanggan.”
29 Upang huwag siyang lumabas na kahiya-hiya, nagtanong pa ang lalaki, “Sino naman ang aking kapwa?”
30 Sumagot si Jesus, “May isang taong naglalakbay mula sa Jerusalem papuntang Jerico. Hinarang siya ng mga tulisan, hinubaran, binugbog, at iniwang halos patay na. 31 Nagkataong dumaan doon ang isang paring Judio. Nang makita ang taong nakahandusay, lumihis siya at nagpatuloy sa kanyang paglakad. 32 Dumaan din ang isang Levita, ngunit nang makita niya ang taong binugbog, lumihis din ito at nagpatuloy sa kanyang paglakad. 33 Ngunit(K) may isang Samaritanong naglalakbay na napadaan doon. Nang makita niya ang biktima, siya'y naawa. 34 Nilapitan niya ito, binuhusan ng langis at alak ang mga sugat at binendahan. Pagkatapos, isinakay niya ang lalaki sa kanyang asno at dinala ito sa bahay-panuluyan upang maalagaan siya doon. 35 Kinabukasan, binigyan niya ng dalawang salaping pilak ang namamahala ng bahay-panuluyan, at sinabi, ‘Alagaan mo siya, at kung higit pa riyan ang iyong magagastos, babayaran kita pagbalik ko.’”
36 At nagtanong si Jesus, “Sa palagay mo, sino kaya sa tatlo ang naging tunay na kapwa ng taong hinarang ng mga tulisan?”
37 “Ang taong tumulong sa kanya,” tugon ng dalubhasa sa kautusan. Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung gayon, humayo ka at ganoon din ang gawin mo.”
Diyos ang Siyang Huhusga
Isang Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit.
75 Salamat, O Diyos, maraming salamat,
sa iyong pangalan kami'y tumatawag,
upang gunitain sa lahat ng oras ang mga gawa mo na kahanga-hanga.
2 Wika ng Panginoon, “Sa takdang panahon,
walang pagtatanging ako ay hahatol.
3 Itong mundong ito'y kahit na mayanig,
maubos ang tao dito sa daigdig,
ang saligan nito'y aking ititindig.” (Selah)[a]
4 “Sabi ko sa hambog sila ay mag-ingat, at ang masasama'y huwag magpasikat.
5 Ang pagmamalaki'y dapat na iwasan, kung magsasalita'y gawing malumanay.”
6 Hindi sa silangan, hindi sa kanluran,
hindi rin sa timog o sa hilaga man magmumula, hatol na inaasahan.
7 Tanging Diyos lamang ang siyang hahatol,
sa mapapahamak o sa magtatagumpay.
8 Si Yahweh na Diyos ay may kopang hawak,
sariwa't matapang yaong lamang alak;
ipauubaya niyang ito'y tunggain
ng taong masama, hanggang sa ubusin.
9 Subalit ako ay laging magagalak;
ang Diyos ni Jacob, aking itataas.
10 Lakas ng masama'y papatiding lahat,
sa mga matuwid nama'y itataas!
12 Ang nais ng masama ay puro kasamaan,
ngunit ang tuntungan ng matuwid ay hindi magmamaliw.
13 Ang masama ay nahuhuli sa salita ng kanyang bibig,
ngunit ang matuwid ay malayo sa ligalig.
14 Ang kakamtin ng tao ay batay sa gawa o salita,
bawat isa ay tatanggap ng karampatang gantimpala.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.