Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the ESV. Switch to the ESV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Hukom 9:22-10:18

22 Tatlong taóng pinamunuan ni Abimelec ang Israel. 23 Ngunit nagpadala ang Diyos ng espiritu ng hidwaan sa mga taga-Shekem at kay Abimelec. Dahil dito, naghimagsik ang mga kalalakihan ng Shekem laban kay Abimelec. 24 Nangyari ito upang pagbayarin si Abimelec at ang mga nagsulsol sa kanya na patayin ang pitumpung anak ni Gideon. 25 Ang mga taga-Shekem ay naglagay ng mga tauhan upang tambangan sa bundok si Abimelec. Hinaharang nila ang lahat ng magdaan doon. Nabalitaan ito ni Abimelec.

26 Noon, si Gaal na anak ni Ebed ay nagpunta sa Shekem, kasama ang kanyang mga kapatid. Nagtiwala naman sa kanya ang mga tagaroon. 27 Namitas sila ng ubas, ginawa itong alak, at sila'y nagpista. Sa kainitan ng pista ay pumasok sila sa templo ng kanilang diyus-diyosan. Kumain sila roon at nag-inuman habang patuloy na kinukutya si Abimelec. 28 Sinabi ni Gaal, “Bakit ba tayo pasasakop kay Abimelec? Sino siya kung ihahambing sa mga taga-Shekem? Hindi ba anak lamang siya ni Gideon? At pati si Zebul ay sunud-sunuran sa kanya! Bakit nga tayo pasasakop sa kanya? Ibangon ninyo ang karangalan ng ninuno ninyong si Hamor. 29 Kung ako ang mamumuno sa inyo, tiyak na matatalo natin siya. Sasabihin ko sa kanyang ilabas na niya ang buo niyang hukbo at maglaban kami.”

30 Nabalitaan ni Zebul na tagapamahala ng lunsod ang pinagsasabi ni Gaal, kaya't ito'y nagalit. 31 Nagsugo siya kay Abimelec sa Aruma at ipinasabi, “Si Gaal at ang kanyang mga kamag-anak ay narito sa Shekem. Pinag-aalsa nila ang mga taga-Shekem laban sa iyo. 32 Kaya mamayang gabi, isama mo ang iyong mga tauhan. Magtago muna kayo sa labas ng lunsod. 33 Bukas, pagsikat ng araw, bigla kayong sumalakay. Kapag lumaban sila Gaal, gawin mo na sa kanya ang gusto mo.”

34 Kaya't lumakad si Abimelec at ang kanyang mga tauhan. Sila'y nag-apat na pangkat at nagtago muna sa labas ng Shekem. 35 Kinaumagahan, tumayo si Gaal sa may pagpasok ng lunsod. Sina Abimelec naman ay lumabas sa kanilang pinagtataguan. 36 Nang makita sila ni Gaal, sinabi nito kay Zebul, “May mga taong nanggagaling sa kabundukan.”

Sumagot si Zebul, “Anino lamang ng bundok ang nakikita mo. Ang tingin mo lang ay tao.”

37 Sinabi uli ni Gaal, “May mga taong bumababa sa may burol. May isang pangkat pang nagmumula sa may sagradong puno ng ensina.”

38 Sinabi na sa kanya ni Zebul, “Tingnan ko ngayon ang yabang mo. Di ba't itinatanong mo kung sino si Abimelec para sumakop sa atin? Sila na iyon. Bakit di mo sila labanan?” 39 Tinipon nga ni Gaal ang mga taga-Shekem at hinarap sina Abimelec. 40 Ngunit natalo siya kaya napilitang tumakas. Hinabol siya ni Abimelec at marami ang nabuwal na sugatan hanggang sa may pagpasok ng lunsod. 41 Nagbalik na sa Aruma si Abimelec. Si Gaal naman at ang natitira pa niyang kamag-anak ay pinalayas ni Zebul sa Shekem at pinagsabihang huwag nang magbalik.

42 Kinabukasan, ang mga taga-Shekem ay lumabas ng bukid at ito'y nalaman ni Abimelec. 43 Pinagtatlong pangkat niya ang kanyang mga tauhan at sila'y nag-abang. Nang makita nila ang mga taga-Shekem, pinatay nila ang mga ito. 44 Ang pangkat ni Abimelec ay nagmamalaking nagpunta sa pagpasok ng lunsod upang magbantay samantalang pinapatay ng dalawang pangkat ang mga tao sa kabukiran. 45 Sina Abimelec ay maghapong nakipaglaban sa mga taga-Shekem bago nila naubos ang mga tagaroon at nasakop ang lunsod. Pagkatapos, iginuho nila ang buong lunsod at sinabugan ng makapal na asin ang lupa.

46 Nang mabalitaan ito ng mga nakatira sa kastilyo sa Shekem, nagtago sila sa templo ni Baal-berit. 47 Nalaman ito ni Abimelec, 48 kaya't isinama niya sa Bundok Zalmon ang kanyang mga tauhan. Pagdating doon, pumutol siya ng mga sanga ng kahoy at pinasan. Lahat ng tauhan niya'y pinakuha rin niya ng mga sanga ng kahoy. 49 Nagkanya-kanya sila ng pasan at sumunod kay Abimelec. Ang mga ito'y itinambak nila sa ibaba ng tore at sinunog. Namatay lahat ang nasa loob nitong may sanlibong katao, pati mga babae.

50 Pagkatapos, sina Abimelec ay nagtuloy sa Tebez at sinakop iyon. 51 May matibay na tore doon na pinagtataguan ng mga taga-Tebez. Nang makapasok na ang lahat, sinarhan nila ang daan at sila'y umakyat hanggang sa tuktok ng tore. 52 Sinundan sila ni Abimelec at susunugin na sana ang tore, 53 ngunit(A) siya'y binagsakan ng malaking bato ng isang babaing naroon at nabasag ang kanyang bungo. 54 Kaya't dali-dali niyang tinawag ang kanyang lingkod at sinabi, “Patayin mo ako ng iyong tabak para hindi nila sabihing babae ang nakapatay sa akin.” Kaya, siya'y sinaksak ng kanyang lingkod at namatay. 55 Nang malaman ng mga Israelita na patay na si Abimelec, nag-uwian na sila sa kanya-kanyang tahanan.

56 Sa ganitong paraan, si Abimelec ay siningil ng Diyos dahil sa pagpatay sa pitumpu niyang kapatid. 57 Pinagdusa rin ng Diyos ang mga taga-Shekem, tulad ng sumpa sa kanila ni Jotam na anak ni Gideon.

Sina Tola at Jair

10 Pagkamatay ni Abimelec, si Tola na anak ni Pua at apo ni Dodo, buhat sa lipi ni Isacar ang nagligtas sa Israel sa pagkaalipin. Tumira siya sa Samir, sa kaburulan ng Efraim. Dalawampu't tatlong taon siyang naging hukom at pinuno ng Israel, at nang mamatay ay inilibing sa Samir.

Ang pumalit kay Tola ay si Jair na taga-Gilead at siya'y naging hukom at pinuno ng Israel nang dalawampu't dalawang taon. Tatlumpu ang kanyang anak at may kanya-kanyang asno. Sa Gilead ay may tatlumpung lunsod na ang tawag ay Mga Nayon ni Jair. Namatay siya at inilibing sa Camon.

Ang mga Israelita'y Pinahirapan ng mga Ammonita

Ang mga Israelita'y muling gumawa ng kasamaan laban kay Yahweh sapagkat sila'y sumamba sa mga Baal at mga Astarot, mga diyus-diyosan ng mga taga-Aram, Sidon, Moab, Ammon at Filisteo. Dahil dito, nagalit sa kanila si Yahweh at hinayaan silang masakop ng mga Ammonita at mga Filisteo. At sa loob ng labingwalong taon, pinahirapan sila ng mga ito sa Gilead, sa silangan ng Ilog Jordan. Sinalakay rin ng mga Ammonita ang mga nasa ibayo ng Ilog Jordan: ang mga lipi nina Juda, Benjamin at Efraim. Kaya't lubhang nahirapan ang Israel.

10 Dumulog kay Yahweh ang mga Israelita at kanilang sinabi, “Nagkasala kami sa inyo, sapagkat tumalikod kami sa aming Diyos at sumamba sa mga Baal.”

11 Ang sagot sa kanila ni Yahweh, “Nang kayo'y pahirapan ng mga Egipcio, Amoreo, Ammonita, Filisteo, 12 Sidonio, Amalekita at mga Maonita, humingi kayo ng saklolo sa akin at iniligtas ko naman kayo. 13 Ngunit tinalikuran ninyo ako at sumamba kayo sa mga diyus-diyosan. Kaya hindi ko na kayo muling ililigtas. 14 Sa inyong mga diyus-diyosan kayo humingi ng tulong sa panahon ng inyong kagipitan!”

15 Kaya't sinabi ng mga Israelita kay Yahweh, “Nagkasala nga po kami at gawin ninyo sa amin ang nais ninyong gawin, iligtas lamang ninyo kami ngayon.” 16 Nang araw ring iyon, inalis nila ang kanilang mga diyus-diyosan at muling naglingkod kay Yahweh. Kaya't nabagbag ang kalooban ni Yahweh dahil sa paghihirap ng Israel.

17 Dumating ang araw na naghanda sa pakikidigma ang mga Ammonita laban sa mga Israelita. Ang mga Ammonita ay nagkampo sa Gilead; sa Mizpa naman ang mga Israelita. 18 Nag-usap ang mga taga-Gilead at lahat ng tagaroon, “Kung sino ang mangunguna sa atin sa pakikipaglaban sa mga Ammonita ay siya nating kikilalaning pinuno ng buong Gilead.”

Lucas 24:13-53

Sa Daang Papunta sa Emaus(A)

13 Nang araw ding iyon, may dalawang alagad na naglalakad papuntang Emaus, isang nayong may labing-isang kilometro[a] ang layo mula sa Jerusalem. 14 Pinag-uusapan nila ang mga pangyayari. 15 Habang sila'y nag-uusap, lumapit si Jesus at nakisabay sa kanila, 16 ngunit siya'y hindi nila nakilala na para bang natatakpan ang kanilang mga mata. 17 Tinanong sila ni Jesus, “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo?”

Tumigil silang nalulumbay, at 18 sinabi ng isa sa kanila na nagngangalang Cleopas, “Ikaw lamang yata ang dayuhan sa Jerusalem na hindi nakakaalam sa mga pangyayaring katatapos lamang maganap doon.”

19 “Anong mga pangyayari?” tanong niya.

Sumagot sila, “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, isang propetang makapangyarihan sa salita at gawa maging sa harap ng Diyos at ng mga tao. 20 Isinakdal siya ng aming mga punong pari at mga pinuno ng bayan upang mahatulang mamatay, at siya'y ipinako sa krus. 21 Siya pa naman ang inaasahan naming magpapalaya sa Israel. Hindi lamang iyan. Ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ito. 22 Nabigla kami sa ibinalita ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Maagang-maaga raw silang nagpunta sa libingan 23 at hindi nila natagpuan ang kanyang bangkay. Nagbalik sila at ang sabi'y nakakita raw sila ng isang pangitain, mga anghel na nagsabing si Jesus ay buháy. 24 Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama namin at ganoon nga ang natagpuan nila, ngunit hindi nila nakita si Jesus.”

25 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Kay hahangal ninyo! Kay kukupad ninyong maniwala sa lahat ng sinasabi ng mga propeta! 26 Hindi ba't kailangang ang Cristo ay magtiis ng lahat ng ito bago siya pumasok sa kanyang kaluwalhatian?” 27 At ipinaliwanag sa kanila ni Jesus ang lahat ng sinasabi sa Kasulatan tungkol sa kanya, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa mga sinulat ng mga propeta.

28 Malapit na sila sa nayong kanilang pupuntahan at si Jesus ay parang magpapatuloy pa sa paglakad, 29 ngunit siya'y pinigil nila. “Tumuloy ka muna rito sa amin. Palubog na ang araw at dumidilim na,” sabi nila. Kaya't sumama nga siya sa kanila. 30 Nang siya'y kasalo na nila sa pagkain, dumampot siya ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos; pagkatapos, pinagpira-piraso iyon at ibinigay sa kanila. 31 Noon nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila si Jesus, subalit siya'y biglang nawala sa kanilang paningin. 32 Nasabi nila sa isa't isa, “Kaya pala nag-aalab ang ating puso habang tayo'y kinakausap niya sa daan at ipinapaliwanag sa atin ang mga Kasulatan!”

33 Agad silang tumayo at nagbalik sa Jerusalem. Naratnan nilang nagkakatipon doon ang labing-isa at ang ibang kasamahan nila. 34 Sinabi ng mga ito sa dalawa, “Totoo nga palang muling nabuhay ang Panginoon! Nagpakita siya kay Simon!” 35 At isinalaysay naman ng dalawa ang nangyari sa daan at kung paano nila nakilala si Jesus nang paghati-hatiin nito ang tinapay.

Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga Alagad(B)

36 Habang pinag-uusapan nila ito, tumayo si Jesus sa kalagitnaan nila [at nagsabi, “Sumainyo ang kapayapaan!”][b] 37 Natigilan sila at natakot sapagkat ang akala nila'y nakakita sila ng multo. 38 Kaya't sinabi ni Jesus, “Bakit kayo natitigilan? Bakit kayo nag-aalinlangan? 39 Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa. Ako nga ito. Hawakan ninyo ako at pagmasdan. Ang multo ay walang laman at buto, ngunit ako'y mayroon, tulad ng nakikita ninyo.”

[40 Habang sinasabi niya ito, ipinapakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa.][c] 41 Parang hindi pa rin sila makapaniwala sa laki ng galak at pagkamangha, kaya't tinanong sila ni Jesus, “May pagkain ba kayo riyan?” 42 Siya'y binigyan nila ng isang hiwa ng isdang inihaw. 43 Kinuha niya ito at kinain sa harap nila.

44 Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Ito ang tinutukoy ko nang sabihin ko sa inyo noong kasa-kasama pa ninyo ako: dapat matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises, sa aklat ng mga propeta, at sa aklat ng mga Awit.”

45 Binuksan niya ang kanilang pag-iisip upang maunawaan nila ang mga Kasulatan. 46 Sinabi niya sa kanila, “Ganito ang nasusulat: kinakailangang magdusa at mamatay ang Cristo; at pagkatapos, siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw. 47 Sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng mga bansa, magmula sa Jerusalem. 48 Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito. 49 Tandaan(C) ninyo, isusugo ko sa inyo ang ipinangako ng aking Ama, kaya't huwag kayong aalis sa Jerusalem hangga't hindi kayo napagkakalooban ng kapangyarihang mula sa langit.”

Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit(D)

50 Pagkatapos(E) ng mga ito, sila'y isinama ni Jesus sa labas ng lungsod. Pagdating sa Bethania, itinaas niya ang kanyang mga kamay at sila'y binasbasan. 51 Habang(F) binabasbasan niya sila, siya'y umalis [at dinala paakyat sa langit].[d] 52 Siya'y sinamba nila at pagkatapos ay bumalik sila sa Jerusalem na punung-puno ng kagalakan. 53 Palagi silang nasa Templo at doo'y nagpupuri sa Diyos.

Mga Awit 100

Awit ng Pagpupuri

Isang Awit ng Pasasalamat.

100 Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa!
Si Yahweh ay papurihan, paglingkuran siyang kusa;
    lumapit sa presensya niya at umawit na may tuwa!

O si Yahweh ay ating Diyos! Ito'y dapat na malaman,
    tayo'y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang;
    lahat tayo'y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan.

Pumasok sa kanyang templo na ang puso'y nagdiriwang,
    umaawit, nagpupuri sa loob ng dakong banal;
    purihin ang ngalan niya at siya'y pasalamatan!

Napakabuti(A) ni Yahweh,
    pag-ibig niya'y walang hanggan,
    pag-ibig niya ay tunay, laging tapat kailanman!

Mga Kawikaan 14:11-12

11 Ang bahay ng masama ay sadyang mawawasak,
    ngunit ang tolda ng matuwid ay hindi babagsak.
12 May(A) daang matuwid sa tingin ng tao,
    ngunit kamatayan ang dulo nito.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.