The Daily Audio Bible
Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.
Tumawid ng Ilog Jordan ang mga Israelita
3 Maagang-maaga pa'y gumising na si Josue at ang buong Israel. Umalis sila sa Sitim patungong Ilog Jordan, at nagkampo sila sa pampang nito bago tumawid.
Paghahanda sa Pagtawid
2 Pagkalipas ng tatlong araw, naglibot sa kampo ang mga pinuno 3 at sinabi sa mga tao, “Kapag nakita ninyong dala ng mga paring Levita ang Kaban ng Tipan ng Diyos ninyong si Yahweh, lumakad na kayo at sumunod doon. 4 Sa kanila ninyo malalaman kung saan kayo daraan, sapagkat hindi pa kayo nakakarating dito kahit minsan. Ngunit huwag kayong masyadong lalapit sa Kaban ng Tipan; paunahin ninyo ito nang mga 900 metro.”
5 Sinabi naman ni Josue sa mga tao, “Linisin ninyo ang inyong mga sarili sapagkat bukas ay masasaksihan ninyo ang mga himalang gagawin ni Yahweh.” 6 Pagkatapos ay inutusan niya ang mga paring Levita, “Buhatin na ninyo ang Kaban ng Tipan at mauna kayo sa mga taong-bayan.” At iyon nga ang ginawa nila.
7 Sinabi ni Yahweh kay Josue, “Sa araw na ito'y gagawin kitang dakila sa paningin ng buong Israel. Sa gagawin ko'y mababatid nilang pinapatnubayan kita, tulad ng ginawa ko kay Moises. 8 Sabihin mo sa mga paring Levita na magdadala ng Kaban ng Tipan na magtuloy na sila sa Ilog Jordan, ngunit pagdating nila sa tubig sa pampang nito ay huminto muna sila.”
9-10 At tinawag ni Josue ang mga tao at sinabi sa kanila, “Halikayo at pakinggan ninyo ang ipinapasabi ni Yahweh na inyong Diyos. Dito ninyo malalaman na kasama ninyo ang Diyos na buháy. Pagdating ninyo roon, lilipulin niya ang mga Cananeo, ang mga Heteo, ang mga Hivita, ang mga Perezeo, ang mga Gergeseo, ang mga Amoreo, at ang mga Jebuseo. 11 Ang Kaban ng Tipan ng Panginoon ng buong mundo ay mauunang itatawid ng Ilog Jordan. 12 Pumili kayo ng labindalawang lalaki, isa sa bawat lipi ng Israel. 13 Kapag tumuntong na sa tubig ang mga paring may dala ng Kaban ng Tipan ni Yahweh, ang Panginoon ng buong mundo, titigil ng pag-agos ang Ilog Jordan. Ang tubig ay matitipon sa isang lugar.”
Ang Pagtawid
14 Sa pangunguna ng mga paring may dala ng Kaban ng Tipan, umalis ng kampo ang bayang Israel upang tumawid sa ilog. 15 Malaki ang tubig ng Jordan sa panahon ng tag-ani. Nang sumapit sa Ilog Jordan ang mga paring may dala ng Kaban ng Tipan, 16 tumigil ang pag-agos ng tubig, at ang tubig ay natipon sa tapat ng bayan ng Adam, lunsod na nasa tabi ng Zaretan. Samantala, ang agos na pababa sa Dagat na Patay, sa Araba, ay nagpatuloy hanggang sa natuyo ang ilog at nakatawid ang mga Israelita. Malapit sa Jerico ang kanilang tinawiran. 17 Nanatili sa gitna ng natuyong ilog ang mga paring may dala ng Kaban ng Tipan, hanggang sa makatawid sa kabilang pampang ang buong sambayanang Israel.
Bantayog sa Gitna ng Ilog
4 Nang makatawid na sa Ilog Jordan ang buong sambayanan, sinabi ni Yahweh kay Josue, 2 “Pumili ka ng labindalawang lalaki, isa sa bawat lipi. 3 Pakuhanin mo sila ng tig-iisang bato sa gitna ng Jordan, sa mismong kinatayuan ng mga pari. Ipadala mo sa kanila ang mga bato at ilagay sa pagkakampuhan ninyo ngayong gabi.”
4 Tinawag nga ni Josue ang labindalawang lalaking pinili niya, 5 at sinabi sa kanila, “Mauna kayo sa Kaban ng Tipan ni Yahweh. Pagdating ninyo sa gitna ng Ilog Jordan, kumuha kayo ng tig-iisang bato, pasanin ninyo ang mga ito, isa para sa bawat lipi ng Israel. 6 Ang mga batong ito ang magpapaalaala sa bayang Israel sa mga ginawa ni Yahweh. Kung sa panahong darating ay itanong ng inyong mga anak kung ano ang kahulugan ng mga batong iyan, 7 sabihin ninyong tumigil ang pag-agos ng Ilog Jordan nang itawid ang Kaban ng Tipan ni Yahweh. Ang mga batong ito ang magpapaalaala sa Israel ng mga pangyayaring ito habang panahon.”
8 Ginawa nga ng labindalawa ang iniutos sa kanila ni Josue. Tulad ng sinabi ni Yahweh kay Josue, kumuha sila ng labindalawang bato sa gitna ng ilog, isa para sa bawat lipi ng Israel. Dinala nila ang mga bato sa kanilang pinagkampuhan. 9 Naglagay rin si Josue ng labindalawang bato sa gitna ng Ilog Jordan, sa lugar na kinatayuan ng mga paring may dala ng Kaban ng Tipan. (Naroon pa hanggang ngayon ang mga batong iyon.) 10 Nanatili sa gitna ng Ilog Jordan ang mga pari hanggang sa maisagawa ng mga tao ang lahat ng mga iniutos ni Yahweh kay Josue upang kanilang gawin. Natupad ang lahat ayon sa iniutos ni Moises kay Josue.
Nagmamadaling tumawid ang mga tao. 11 Pagkatawid nila, itinawid din ang Kaban ng Tipan, at ang mga pari'y muling nauna sa mga taong-bayan. 12 Tumawid din at nanguna sa bayan ang mga lalaking sandatahan buhat sa lipi nina Ruben, Gad at kalahati ng lipi ni Manases ayon sa iniutos ni Moises. 13 May apatnapung libong mandirigma ang dumaan sa harapan ng kaban ni Yahweh patungo sa kapatagan ng Jerico. 14 Sa araw na iyon, ginawang dakila ni Yahweh si Josue sa paningin ng buong Israel. At siya'y iginalang nila habang siya'y nabubuhay, tulad ng ginawa nila kay Moises.
15 Iniutos ni Yahweh kay Josue, 16 “Sabihin mo sa mga paring may dala ng Kaban ng Tipan na umahon na sila sa Jordan.” 17 Ganoon nga ang ginawa ni Josue. 18 Nang makaahon ang mga paring may dala ng Kaban ng Tipan, muling umagos ang ilog at umapaw sa pampang ang tubig.
19 Ika-10 araw ng unang buwan ng taon nang tumawid ng Ilog Jordan ang bayang Israel. Nagkampo sila sa Gilgal na nasa silangan ng Jerico. 20 Doon inilagay ni Josue ang labindalawang bato na ipinakuha niya sa Jordan. 21 Pagkatapos, sinabi niya sa bayang Israel, “Kapag itinanong sa inyo ng inyong mga anak kung ano ang kahulugan ng mga batong iyan, 22 sabihin ninyo sa kanila na lumakad sa tuyong lupa ang bayang Israel nang tumawid sa Ilog Jordan. 23 Sabihin din ninyo na pinatuyo ni Yahweh ang tubig ng Jordan habang kayo'y tumatawid, tulad ng ginawa niya sa Dagat na Pula[a] habang kami'y tumatawid noon. 24 Sa ganitong paraan, kikilalanin ng lahat ng tao sa daigdig ang kapangyarihan ni Yahweh, at pararangalan ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh sa habang panahon.”
Pagmamataas at Pagpapakumbaba
7 Napansin ni Jesus na pinipili ng ilang mga panauhin ang mga upuang pandangal. Kaya't sinabi niya ang talinghagang ito sa kanila. 8 “Kapag(A) inanyayahan ka sa isang kasalan, huwag kang uupo agad sa upuang pandangal. Baka may inanyayahang mas kilala kaysa sa iyo. 9 Baka lapitan ka ng nag-anyaya sa inyong dalawa at sabihin sa iyo, ‘Maaari bang ibigay mo ang upuang iyan sa taong ito?’ Sa gayon, mapapahiya ka at doon ka uupo sa pinakaabang upuan. 10 Mabuti pa, kapag naanyayahan ka, doon ka muna maupo sa pinakaabang upuan. Kapag lumapit sa iyo ang nag-anyaya at kanyang sinabi, ‘Kaibigan, dito ka sa kabisera,’ mapaparangalan ka sa harap ng lahat ng mga panauhin. 11 Sapagkat(B) ang nagmamataas ay ibababa, at ang nagpapakumbaba ay itataas.”
12 Sinabi naman ni Jesus sa nag-anyaya sa kanya, “Kapag naghahanda ka ng isang salu-salo, huwag ang iyong mga kaibigan, mga kapatid, mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang aanyayahan mo, dahil aanyayahan ka rin nila at sa gayon ay susuklian ang iyong ginawa. 13 Subalit kapag ikaw ay maghahanda, anyayahan mo ang mga mahihirap, mga lumpo, mga pilay, at mga bulag. 14 Kapag ganito ang ginawa mo, pagpapalain ka, dahil hindi man nila masuklian ang ginawa mo, ang Diyos ang magbibigay sa iyo ng gantimpala sa muling pagkabuhay ng mga matuwid.”
Ang Talinghaga ng Malaking Handaan(C)
15 Narinig ito ng isa sa mga kasalo niya roon, at sinabi sa kanya, “Pinagpala ang makakasalo sa hapag sa kaharian ng Diyos!”
16 Sumagot si Jesus, “Isang lalaki ang naghanda ng isang malaking salu-salo, at marami siyang inanyayahan. 17 Nang dumating ang oras ng handaan, inutusan niya ang kanyang alipin at ipinasabi sa mga inanyayahan, ‘Halina kayo, handa na ang lahat!’ 18 Ngunit nagdahilan silang lahat. Ang sabi ng una, ‘Nakabili ako ng bukid at kailangan ko itong puntahan. Kayo na sana ang bahalang magpaumanhin sa akin.’ 19 Sinabi naman ng isa, ‘Nakabili ako ng limang magkapares na baka at kailangang masubukan ko sa bukid ang mga iyon. Kayo na sana ang bahalang magpaumanhin sa akin.’ 20 Sinabi naman ng isa, ‘Ako'y bagong kasal, kaya't hindi ako makakadalo.’
21 “Bumalik ang alipin at ibinalita ito sa kanyang panginoon. Nagalit ang panginoon at sinabi sa alipin, ‘Pumunta ka kaagad sa mga lansangan at sa makikipot na daan ng lungsod at isama mo rito ang mga mahihirap, mga lumpo, mga bulag, at mga pilay.’ 22 Pagkatapos sinabi ng alipin, ‘Panginoon, nagawa ko na po ang iniutos ninyo, ngunit marami pang bakanteng upuan.’ 23 Kaya't sinabi ng panginoon sa alipin, ‘Pumunta ka sa mga lansangan at sa mga daan, at pilitin mong pumarito ang sinumang makita mo upang mapuno ang aking bahay. 24 Sinasabi ko sa inyo, isa man sa mga unang inanyayahan ay hindi makakatikim ng aking handa!’”
Ang Pagiging Alagad(D)
25 Sumama kay Jesus ang napakaraming tao; humarap siya sa kanila at kanyang sinabi, 26 “Hindi(E) maaaring maging alagad ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin. 27 Ang(F) hindi magpasan ng sarili niyang krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko.
28 “Kung ang isa sa inyo'y nagbabalak na magtayo ng tore, hindi ba siya uupo muna upang magplano at kuwentahin kung magkano ang magagastos niya upang matiyak kung may sapat siyang pera para maipatapos ang kanyang ipapatayo? 29 Baka matapos mailagay ang mga pundasyon ay hindi naman mayari ang tore. Siya'y kukutyain lamang ng lahat ng makakakita niyon. 30 Sasabihin nila, ‘Ang taong ito'y nagsimulang magtayo ngunit hindi naman naipatapos.’
31 “O sinong hari na makikipagdigma sa kapwa hari ang hindi muna mauupo upang pag-aralang mabuti kung kaya niya, gamit ang sampung libo niyang kawal, na sumagupa sa kalaban na may dalawampung libong kawal? 32 At kung hindi niya kaya, malayo pa ang kalaban ay magsusugo na siya ng mga kinatawan upang makipagkasundo. 33 Gayundin naman, hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman kung hindi niya tatalikuran ang lahat sa kanyang buhay.
Asin na Walang Alat(G)
34 “Mabuti ang asin, ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? 35 Wala itong kabutihang maibibigay sa lupa, o kahit sa tambakan man ng dumi, kaya't ito'y itinatapon na lamang. Makinig ang may pandinig!”
Panalangin Upang Muling Ibalik ang Israel
Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Liryo ng Kasunduan”.
80 Pastol(A) ng Israel,
ikaw na nanguna't umakay kay Jose, na tulad sa kawan,
ikiling sa amin ang iyong pandinig, kami ay pakinggan;
mula sa trono mong may mga kerubin, kami ay tulungan.
2 Ang iyong pag-ibig iyong ipadama sa angkan ni Efraim, Manases at Benjamin,
sa taglay mong lakas, kami ay iligtas, sa hirap ay tubusin!
3 Ibalik mo kami, O Diyos,
at ipadama mo ang iyong pagmamahal, iligtas mo kami, at sa iyong sinag kami ay tanglawan.
4 Yahweh, Makapangyarihang Diyos, hanggang kailan ba patatagalin mo ang galit sa amin?
Hanggang kailan pa diringgin mo kami sa aming dalangin?
5 Masdan mo nga kami sa tuwi-tuwina'y tinapay ng luha yaong kinakain,
luha ng hinagpis, ang inihanda mo na aming inumin.
6 Ang mga bansa sa paligid, hinayaan mong kami ay kutyain,
iyong pinayagang pagtawanan kami ng kaaway namin.
7 Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat;
tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas!
8 Mula sa Egipto ikaw ay naglabas ng puno ng ubas, saka itinanim
sa lupang dayuhan, matapos ang tao roo'y palayasin.
9 Ngunit nilinis mo muna't pinagyaman ang piniling lugar na pagtataniman,
doon ay nag-ugat, ang buong lupain ay nalaganapan.
10 Nagsanga ang puno, lumagong mabuti at ang kabunduka'y kanyang naliliman,
mga punong sedar, naliliman pati ng sangang malabay.
11 Hanggang sa ibayo, sa ibayong dagat, ang sangang malabay nito'y nakaabot,
pati mga ugat humabang mabuti't umabot sa Ilog.
12 Bakit mo sinira? Sinira ang pader, kung kaya napasok nitong dumaraan,
pinipitas tuloy yaong bunga nitong tanim na naturan.
13 Mga baboy damong nagmula sa gubat, niluluray itong walang pakundangan,
kinakain ito ng lahat ng hayop na nasa sa parang.
14 Ika'y manumbalik, O Diyos na Dakila!
Pagmasdan mo kami mula sa itaas,
at ang punong ito'y muling pagyamanin, at iyong iligtas.
15 Lumapit ka sana, ang puno ng ubas na itinanim mo ay iyong iligtas,
yaong punong iyon na pinalago mo't iyong pinalakas!
16 Ito ay sinunog, sinunog pa nila ang nasabing puno matapos maputol,
sa galit mo't poot ay iyong harapin nang sila'y malipol.
17 Ang mga lingkod mo ay iyong ingatan, yamang hinirang mo ay ipagsanggalang,
iyong palakasin bilang isang bansang makapangyarihan!
18 At kung magkagayon, magbabalik kami't di na magtataksil sa iyo kailanman,
kami'y pasiglahi't aming pupurihin ang iyong pangalan.
19 Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat;
tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas!
27 Hindi makakamit ng tamad ang kanyang hinahangad,
ngunit ang masikap ay laging may magandang hinaharap.
28 Ang matuwid na landas ay patungo sa buhay,
ngunit ang maling daan ay hahantong sa kamatayan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.