Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Josue 21:1-22:20

Ang mga Lunsod ng mga Levita

21 Ang mga pinuno ng mga angkan sa lipi ni Levi ay lumapit sa paring si Eleazar, gayundin kay Josue na anak ni Nun, at sa mga pinuno ng mga angkan ng buong Israel. Nasa Shilo pa sila noon, sa lupain ng Canaan. Sinabi nila, “Ipinag-utos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises na kami'y bigyan ng mga lunsod na matitirhan at mga pastulan sa palibot para sa aming mga kawan.” Dahil dito, ang mga anak ni Levi ay binigyan nga ng mga Israelita ng mga lunsod at pastulan mula sa kani-kanilang bahagi, ayon sa utos ni Yahweh.

Unang tumanggap ng mga lunsod ang mga sambahayan sa angkan ni Kohat. Labingtatlong lunsod mula sa mga lipi ni Juda, Simeon at Benjamin ang ibinigay sa mga angkan ng mga pari sa lahi ni Aaron. Ang ibang mga sambahayan sa angkan ni Kohat ay tumanggap ng sampung lunsod mula sa lipi ni Efraim, ni Dan at sa kalahati ng lipi ni Manases.

Ang mga sambahayan sa angkan ni Gershon ay binigyan ng labingtatlong lunsod mula sa mga lipi ni Isacar, ni Asher, ni Neftali at sa kalahati ng lipi ni Manases na nasa Bashan.

Ang mga sambahayan sa angkan ni Merari ay tumanggap ng labindalawang lunsod mula sa mga lipi nina Ruben, Gad at Zebulun.

Sa pamamagitan ng palabunutan, ayon sa iniutos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises, binigyan ng mga Israelita ang mga anak ni Levi ng mga lunsod at mga pastulan.

Ito ang mga pangalan ng mga lunsod na galing sa mga lipi ni Simeon at ni Juda, na ibinigay sa 10 mga anak ni Aaron, mula sa angkan ni Kohat na anak ni Levi. Sila ang unang nabigyan batay sa palabunutan. 11 Tinanggap nila ang Lunsod ng Arba (si Arba ang ninuno ng mga Anaceo) na ngayo'y tinatawag na Hebron sa kaburulan ng Juda. Kasama nito ang mga pastulan sa palibot. 12 Ngunit ang mga bukirin ng bayan at ng mga nayon ay ibinigay na kay Caleb na anak ni Jefune, bilang kanyang bahagi sa lupain.

13 Ito pa ang mga lunsod na ibinigay sa mga anak ng paring si Aaron: ang Hebron na isa sa mga lunsod-kanlungan, at ang mga pastulang sakop nito; ang Libna, kasama rin ang mga pastulan nito; 14 ang Jatir, Estemoa, 15 Holon, Debir, 16 Ayin, Juta at Beth-semes, kasama rin ang mga pastulan nito. Siyam na lunsod ang galing sa mga lipi ni Simeon at ni Juda. 17 Mula naman sa lipi ni Benjamin, tinanggap nila ang Gibeon, Geba, 18 Anatot, at Almon—apat na lunsod, kasama ang pastulan ng mga ito. 19 Lahat-lahat, ang mga angkang ito buhat sa lahi ni Aaron ay tumanggap ng labingtatlong lunsod, kasama ang mga pastulan nito.

20 Ang ibang mga Levita sa angkan ni Kohat ay tumanggap ng ilang lunsod mula sa lipi ni Efraim. 21 Ibinigay sa kanila ang Shekem na isa rin sa mga lunsod-kanlungan sa kaburulan ng Efraim, kasama ang mga pastulan nito. Ibinigay rin sa kanila ang Gezer, 22 Kibzaim at Beth-horon, gayundin ang mga pastulan nito. Apat na lunsod ang galing sa lipi ni Efraim. 23 Binigyan din sila ng apat na lunsod mula sa lipi ni Dan: ang Elteque, Gibeton, 24 Ayalon, at Gat-rimon, kasama ang mga pastulan nito. 25 Dalawa naman ang galing sa kalahating lipi ni Manases sa kanluran ng Jordan: Taanac at Gat-rimon kasama rin ang mga pastulan nito. 26 Sampung lunsod lahat pati ang mga pastulan nito, ang napunta sa mga sambahayan sa angkan ni Kohat.

27 Ang mga sambahayan sa angkan ni Gershon na anak ni Levi ay tumanggap naman ng dalawang lunsod buhat sa kalahating lipi ni Manases sa silangan ng Jordan. Napunta sa kanila ang Golan na sakop ng Bashan at isang lunsod-kanlungan, pati ang Beestera, kasama ang mga pastulan nito. 28 Buhat naman sa lipi ni Isacar, tumanggap sila ng apat na lunsod: ang Cision at Daberat, 29 Jarmut at En-ganim, kasama ang mga pastulan nito. 30 Apat ding lunsod ang tinanggap nila sa lipi ni Asher: ang Misal, Abdon, 31 Helcat, at Rehob, kasama ang mga pastulan nito. 32 Tatlong lunsod ang tinanggap nila sa lipi ni Neftali: ang Kades sa Galilea, isang lunsod-kanlungan, Hamotdor at Cartan, kasama ang mga pastulan nito. 33 Labingtatlong lunsod lahat ang napunta sa mga Levitang buhat sa angkan ni Gershon.

34 Ang mga lunsod na ito mula sa lipi ni Zebulun ay tinanggap ng iba pang Levita, mga angkang buhat sa lahi ni Merari: ang Jokneam, Carta, 35 Dimna, at Nahalal—apat na lunsod, kasama ang mga pastulan nito. 36 Buhat naman sa lipi ni Ruben, tinanggap nila ang Bezer, Jahaz, 37 Kedemot, at Mefaat—apat na lunsod, kasama ang mga pastulan nito. 38 At buhat sa lipi ni Gad, tinanggap nila ang Ramot sa Gilead, isa pa rin sa mga lunsod-kanlungan, Mahanaim, 39 Hesbon, at Jazer—apat na lunsod, kasama ang kanilang mga pastulan. 40 Labindalawang lunsod, kasama ang kanilang mga pastulan, ang tinanggap ng mga sambahayan sa angkan ni Merari.

41 Apatnapu't walong lunsod lahat, kasama ang kanilang mga pastulan, ang binawas sa lupain ng labing-isang lipi ni Israel at ibinigay sa mga Levita. 42 May kanya-kanyang pastulan ang bawat lunsod na ito.

Ang Pagsakop ng Israel sa Buong Lupain

43 Ibinigay nga ni Yahweh sa bayang Israel ang lahat ng lupaing ipinangako niya sa kanilang mga ninuno. Kaya't nang masakop na nila ang buong lupain, doon na sila nanirahan. 44 Binigyan sila ni Yahweh ng kapayapaan sa buong lupain, ayon sa ipinangako niya sa kanilang mga ninuno. Hindi sila natalo kailanman ng kanilang mga kaaway, sapagkat pinagtatagumpay sila ni Yahweh laban sa lahat ng kaaway. 45 Tinupad ni Yahweh ang lahat ng ipinangako niya sa sambayanang Israel.

Ang Altar sa Tabi ng Jordan

22 Pagkatapos, tinipon ni Josue ang mga mandirigma ng lipi ni Ruben, ni Gad at kalahati ng lipi ni Manases. Sinabi(A) niya, “Tinupad ninyo ang lahat ng tagubilin sa inyo ni Moises na lingkod ni Yahweh, at sinunod ninyo ang bawat utos ko. Hanggang sa panahong ito'y hindi ninyo pinabayaan ang mga kapatid ninyong Israelita. Tinupad ninyong mabuti ang lahat ng ipinag-utos ni Yahweh na inyong Diyos. At ngayon, naibigay na ni Yahweh na inyong Diyos sa inyong mga kapatid ang kapayapaang ipinangako niya. Kaya umuwi na kayo sa inyong mga tahanan sa kabila ng Jordan, sa lupaing ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ni Yahweh. Huwag lamang ninyong kakalimutang sundin ang mga tagubilin at kautusang ibinigay ni Moises sa inyo, “Ibigin ninyo si Yahweh na inyong Diyos. Sundin ninyo ang kanyang kalooban at tuparin ang kanyang mga utos. Maging tapat kayo sa kanya at paglingkuran ninyo siya nang buong puso't kaluluwa.” Binasbasan sila ni Josue, at umuwi na sila.

Ang kalahati ng lipi ni Manases ay binigyan ni Moises ng lupain sa Bashan; ang kalahati ay binigyan ni Josue ng lupa sa kanluran ng Jordan, katabi ng iba pang lipi ng Israel. Nang sila'y pauwi na, binasbasan sila ni Josue at sinabi sa kanila, “Mayayaman kayong babalik sa inyo—maraming baka, ginto, pilak, tanso, bakal at mga damit. Bahaginan ninyo ng mga nasamsam ninyo sa mga kaaway ang inyong mga kapatid.” Umuwi na nga ang mga mandirigma ng lipi ni Ruben, ni Gad at kalahati ng lipi ni Manases. Iniwan nila sa Canaan ang ibang mga Israelita at bumalik sila sa Gilead, sa lupaing naging bahagi nila ayon sa iniutos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.

10 Pagdating nila ng Jordan na nasa panig ng Canaan, nagtayo sila ng isang mataas at malaking altar sa tabi ng ilog. 11 Nalaman ito ng ibang mga Israelita at ganito ang kumalat na usap-usapan, “Alam ninyo, nagtayo ang mga lipi ni Ruben, ni Gad at ng kalahati ng lipi ni Manases ng isang altar sa hangganan ng Canaan bago tumawid ng Jordan.” 12 Pagkarinig nito'y nagtipun-tipon sila sa Shilo at humandang digmain ang nasabing mga lipi.

13 Sinugo ng bayang Israel si Finehas na anak ng paring si Eleazar, upang kausapin ang mga lipi ni Ruben, ni Gad at kalahati ng lipi ni Manases. 14 May kasama siyang sampung pinuno ng mga angkang buhat sa bawat lipi ni Israel. Bawat isa sa kanila ay pinuno ng mga angkan sa kani-kanilang mga lipi. 15 Pagdating sa Gilead, sinabi nila sa mga lipi ni Ruben, ni Gad at kalahati ng lipi ni Manases, 16 “Ito(B) ang ipinapasabi sa inyo ng buong sambayanan ni Yahweh: ‘Bakit ninyo ginawa ang ganitong pagtataksil sa Diyos ng Israel? Naghihimagsik kayo laban kay Yahweh sa pagtatayo ninyo ng sariling altar. Siya'y tinalikuran ninyo. 17 Nalimutan(C) na ba ninyo ang kasalanan natin sa Peor? Hanggang ngayon nga'y nagtitiis pa tayo sa parusang salot na iginawad ni Yahweh sa atin! Hindi pa ba sapat iyon, 18 at ngayo'y nangahas pa kayong talikuran siya? Kapag naghimagsik kayo kay Yahweh ngayon, bukas din ay magagalit siya sa buong Israel. 19 Kaya, kung ang inyong lupain ay hindi angkop sa pagsamba sa kanya, tumawid kayo sa gawi namin, sa kinaroroonan ng kanyang tabernakulo. Doon na kayo manirahan, huwag lamang kayong magtayo ng ibang altar maliban sa altar ni Yahweh na ating Diyos, sapagkat iyan ay paghihimagsik laban sa kanya at sa amin. 20 Nakalimutan(D) na ba ninyo si Acan na anak ni Zera? Nang sumuway siya sa utos tungkol sa mga bagay na dapat sunugin, kasama niyang naparusahan ang buong Israel! Hindi lamang siya ang namatay dahil sa kanyang kasalanan.”

Lucas 20:1-26

Pag-aalinlangan sa Kapangyarihan ni Jesus(A)

20 Isang araw, habang si Jesus ay nagtuturo sa loob ng Templo at nangangaral ng Magandang Balita, nilapitan siya ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan, kasama ang mga pinuno ng bayan. Sinabi nila sa kanya, “Sabihin mo nga sa amin kung ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng ganyang karapatan?”

Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko muna kayo. Sabihin ninyo sa akin kung kanino galing ang karapatan ni Juan na magbautismo, sa Diyos ba o sa tao?”

Kaya't nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating sa Diyos, sasabihin naman niya sa atin, ‘Bakit hindi kayo naniwala sa kanya?’ Subalit kung sasabihin naman nating mula sa tao, babatuhin tayo ng mga tao dahil naniniwala silang propeta si Juan.” Kaya't ang sagot na lamang nila'y, “Hindi namin alam!”

Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung gayon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nagbigay sa akin ng karapatan upang gawin ang mga ito.”

Ang Talinghaga ng Ubasan at sa mga Magsasaka(B)

Pagkatapos, isinalaysay(C) ni Jesus sa mga tao ang talinghagang ito. “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Pinaupahan niya iyon sa mga magsasaka at siya'y nangibang-bayan sa loob ng mahabang panahon. 10 Nang dumating ang panahon ng pitasan ng ubas, pinapunta niya sa mga magsasaka ang isa niyang alipin upang kunin ang kanyang bahagi. Ngunit binugbog ng mga magsasaka ang alipin at pinauwing walang dala. 11 Nagsugo siyang muli ng isa pang alipin at ito rin ay binugbog, hinamak at pinauwing walang dala. 12 Nagsugo pa siya ng ikatlo, subalit sinugatan din ito at ipinagtabuyan. 13 Napag-isip-isip ng may-ari ng ubasan, ‘Ano kaya ang mabuti kong gawin? Mabuti pa'y papuntahin ko ang minamahal kong anak. Tiyak na siya'y igagalang nila.’ 14 Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, nag-usap-usap sila at sinabi, ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at nang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’ 15 Siya'y inihagis nila sa labas ng ubasan at pinatay.

“Ano kaya ang gagawin sa kanila ng may-ari ng ubasan?” tanong ni Jesus. 16 “Pupunta siya roon at papatayin ang mga magsasakang iyon, at ipapaupa niya sa iba ang ubasan.”

Pagkarinig nito, sinabi ng mga tao, “Huwag nawa itong mangyari!” 17 Tiningnan(D) sila ni Jesus at tinanong, “Kung gayon, ano ang kahulugan ng nasusulat na ito,

‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
    ang siyang naging batong-panulukan’?

18 Ang bumagsak sa batong ito ay magkakadurug-durog at ang mabagsakan nito'y magkakaluray-luray.”

Tungkol sa Pagbabayad ng Buwis(E)

19 Tinangka ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga punong pari na dakpin si Jesus sa oras ding iyon sapagkat nahalata nilang sila ang tinutukoy niya sa talinghaga, ngunit natakot sila sa mga tao. 20 Kaya't naghintay sila ng magandang pagkakataon. Sinuhulan nila ang ilang katao upang magkunwaring tapat na naghahanap ng katotohanan. Ginawa nila ito upang siluin si Jesus sa kanyang pananalita, at nang sa gayon ay mapasailalim siya sa karapatan at kapangyarihan ng gobernador. 21 Sinabi ng mga espiya kay Jesus, “Guro, alam po naming totoo ang inyong sinasabi at itinuturo. Hindi kayo nagtatangi ng tao, kundi itinuturo ninyo nang buong katotohanan ang ibig ng Diyos na gawin ng tao. 22 Dapat po ba tayong magbayad ng buwis sa Emperador, o hindi?”

23 Alam ni Jesus ang kanilang masamang balak kaya't sinabi niya, 24 “Iabot ninyo sa akin ang isang salaping pilak. Kanino ang larawan at ang pangalang nakaukit dito?”

“Sa Emperador po,” tugon nila.

25 Sinabi naman ni Jesus, “Kung gayon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Diyos ang para sa Diyos.”

26 Nabigo sa harap ng madla ang hangarin nilang masilo siya sa kanyang pananalita. At hindi sila nakaimik dahil sa pagkamangha sa kanyang sagot.

Mga Awit 89:1-13

Panalangin sa Panahong Nagkakagulo ang Bansa

Isang(A) Maskil[a] E ni Etan, na mula sa angkan ni Ezra.

89 Pag-ibig mo, Yahweh, na di nagmamaliw, ang sa tuwi-t'wina'y aking aawitin;
    ang katapatan mo'y laging sasambitin.
Ang iyong pag-ibig walang katapusan,
    sintatag ng langit ang iyong katapatan.

Sabi mo, O Yahweh, isang kasunduan ang iyong ginawa kay David mong hirang
    at ito ang iyong pangakong iniwan:
“Isa(B) sa lahi mo'y laging maghahari,
    ang kaharian mo ay mamamalagi.” (Selah)[b]

Nagpupuri silang nilikha sa langit, ang iyong ginawa'y siyang binabanggit
    ang katapatan mo, Yahweh, ay inaawit.
O Yahweh, Makapangyarihan sa lahat, sino'ng kaparis mo doon sa itaas?
    Mga nilalang doon sa kalangitan, kay Yahweh ba sila ay maipapantay?
Sa pagtitipon man ng lahat ng hinirang,
    may banal na takot sa iyo at paggalang.

O Yahweh na Makapangyarihang Diyos, O Yahweh, mayroon pa kayang katulad kang lubos?
    Sa kapangyarihan ay tunay na puspos, kadakilaan mo'y sadyang lubus-lubos.
Sumusunod sa iyo dagat mang mabangis,
    alon mang malaki'y napapatahimik.
10 Iyang dambuhalang kung tawagi'y Rahab ay iyong dinurog sa taglay mong lakas,
    lahat mong kaaway ay iyong winasak, kapangyarihan mo'y ubod nang lakas.
11 Sa iyo ang langit, sa iyo ang lupa,
    ang buong daigdig ikaw ang maylikha, lahat nang naroo'y sa iyo nagmula.
12 Timog at hilaga, ikaw ang naglagay;
    Bundok Hermo't Tabor ay nag-aawitan, nagpupuri sila sa iyong pangalan.
13 Ang taglay mong lakas at kapangyarihan,
    ay walang kaparis, di matatawaran!

Mga Kawikaan 13:15-16

15 Ang katalinuhan ay umaani ng paggalang,
    ngunit ang kataksilan ay naghahatid sa kapahamakan.
16 Ang katalinuhan ng isang tao'y nakikita sa kanyang gawa,
    sa kilos ay nakikilala ang taong walang unawa.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.