Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Deuteronomio 34 - Josue 2

Ang Kamatayan ni Moises

34 Umahon si Moises mula sa kapatagan ng Moab patungo sa Bundok ng Nebo, sa taluktok ng Pisga, sa gawing silangan ng Jerico. Ipinakita sa kanya roon ni Yahweh ang buong lupain. Mula sa Gilead hanggang Dan, ang buong Neftali, ang lupain ng Efraim at Manases, ang buong lupain ng Juda hanggang sa Dagat ng Mediteraneo, ang katimugan at ang kapatagan, samakatuwid ay ang libis ng Jerico, ang lunsod ng mga palmera, hanggang Zoar. Sinabi(A) sa kanya ni Yahweh, “Iyan ang lupain na aking ipinangako sa iyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Sinabi ko sa kanilang ibibigay ko ito sa kanilang lahi. Ipinakita ko ito sa iyo ngunit hindi mo mararating.”

At si Moises na lingkod ni Yahweh ay namatay sa lupain ng Moab, tulad ng sinabi ni Yahweh. Inilibing siya ni Yahweh sa isang libis sa Moab sa tapat ng Beth-peor, ngunit hanggang ngayo'y walang nakakaalam ng tiyak na lugar. Siya'y sandaa't dalawampung taóng gulang nang mamatay. Hindi lumabo ang kanyang paningin at hindi rin nanghina ang kanyang pangangatawan. Tatlumpung araw siyang ipinagluksa ng Israel sa kapatagan ng Moab.

Si Josue na anak ni Nun ay napuno ng karunungan sa pamamahala sapagkat ipinatong sa kanya ni Moises ang kanyang mga kamay. Sumunod sa kanya ang mga Israelita at ginawa nila ang lahat ng utos na ibinigay ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.

10 Mula(B) noon ay wala nang lumitaw sa Israel na propetang katulad ni Moises na nakipag-usap nang harap-harapan kay Yahweh. 11 Wala na ring nakagawa ng mga kababalaghang tulad ng ipinagawa sa kanya ni Yahweh sa Egipto, sa harapan ng Faraon at ng mga lingkod nito. 12 Walang ibang nakagawa ng makapangyarihan at pambihirang mga gawa tulad ng ginawa ni Moises sa harapan ng bayang Israel.

Paghahanda sa Pananakop

Pagkamatay ni Moises na lingkod ni Yahweh, sinabi ni Yahweh kay Josue na anak ni Nun at lingkod ni Moises, “Patay na ang lingkod kong si Moises. Ngayo'y humanda ka at ang buong Israel, at tumawid kayo sa Ilog Jordan, patungo sa lupaing ibinibigay ko sa kanila. Gaya(C) ng aking sinabi kay Moises, ibinigay ko na sa inyo ang lahat ng lupaing inyong mararating. Ito ang magiging hangganan ninyo: sa hilaga ay ang kabundukan ng Lebanon; sa timog ay ang disyerto; sa silangan, ang malaking Ilog Eufrates; at sa kanluran, mula sa lupain ng mga Heteo hanggang sa Dagat Mediteraneo. Walang(D) makakagapi sa iyo habang ikaw ay nabubuhay. Sasamahan kita gaya ng pagpatnubay ko kay Moises. Hindi kita iiwan ni hindi pababayaan man. Magpakatatag(E) ka at lakasan mo ang iyong loob sapagkat ikaw ang mamumuno sa bayang ito sa pagsakop nila sa lupaing ibibigay ko sa kanila, ayon sa aking pangako sa inyong mga ninuno. Basta't magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Sundin mong mabuti ang buong Kautusang ibinigay sa inyo ni Moises. Huwag kang susuway sa anumang nakasaad doon, at magtatagumpay ka saan ka man magpunta. Huwag mong kaliligtaang basahin ang aklat ng kautusan. Pagbulay-bulayan mo iyon araw at gabi upang matupad mo ang lahat ng nakasaad doon. Sa ganoon, magiging masagana at matagumpay ang iyong pamumuhay. Tandaan mo ang bilin ko: Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Huwag kang matatakot o mawawalan ng pag-asa sapagkat akong si Yahweh, na iyong Diyos, ay kasama mo saan ka man magpunta.”

10 Kaya't ipinag-utos ni Josue sa mga pinuno ng bayan, 11 “Libutin ninyo ang buong kampo at paghandain ng pagkain ang mga tao. Sa ikatlong araw, tatawid tayo ng Ilog Jordan upang sakupin ang lupaing ibinibigay sa atin ni Yahweh na ating Diyos.”

12 Sinabi(F) naman ni Josue sa mga lipi nina Ruben, Gad at sa kalahating lipi ni Manases, 13 “Alalahanin ninyo ang sinabi sa inyo ni Moises na lingkod ni Yahweh: ‘Ibibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos ang lupaing ito upang dito kayo manirahan.’ 14 Ang inyong mga asawa, mga anak at mga kawan ay maiiwan sa lupaing ibinigay sa inyo ni Moises sa silangan ng Jordan. Ngunit ang inyong mga mandirigma ay tatawid at mauuna sa iba pa ninyong mga kapatid upang tumulong sa kanila sa pakikidigma. 15 Kapag nasakop na rin nila ang mga lupaing ibinigay sa kanila ni Yahweh, maaari na kayong bumalik at manirahan dito sa lupaing ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng Diyos.”

16 Sumagot sila kay Josue, “Gagawin namin ang lahat ng sinabi mo, at pupunta kami saan mo man kami gustong papuntahin. 17 Kung paanong sinunod namin si Moises, susundin ka rin namin nang gayon. Samahan ka nawa ni Yahweh, tulad ng ginawa niya kay Moises. 18 Ang sinumang tututol o susuway sa utos mo ay dapat patayin. Kaya't magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob.”

Nagpadala ng mga Espiya sa Jerico

Buhat(G) sa kampo ng Sitim, si Josue na anak ni Nun ay nagpadala ng dalawang espiya. Sila'y pinagbilinan niya ng ganito: “Pumunta kayo sa lupain ng Canaan, manmanan ninyo ito, lalung-lalo na ang lunsod ng Jerico.” Pumunta nga sila roon at tumuloy sa bahay ni Rahab, isang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw at doon sila nagpalipas ng gabi. Nakaabot sa kaalaman ng hari ng Jerico ang balita na may mga espiyang Israelita na nakapasok sa bayan nang gabing iyon. Kaya't ang hari ay nagpadala ng sugo kay Rahab at ipinasabi, “Ilabas mo ang mga lalaking nasa bahay mo. Naparito ang mga iyan upang lihim na magsiyasat sa ating lupain.”

Ngunit itinago ni Rahab ang dalawa, at pagkatapos ay ganito ang isinagot, “Mayroon nga pong mga lalaking nakituloy sa amin, ngunit hindi ko po alam kung tagasaan sila. Umalis po sila nang isasara na ang pintuan ng lunsod bago kumagat ang dilim. Hindi ko po natanong kung saan sila papunta, ngunit kung hahabulin ninyo agad ay aabutan pa ninyo.”

Sa itaas ng bubong niya pinatago ang dalawang espiya, at tinabunan ng mga tangkay ng lino na isinalansan niya roon. Hinabol nga ng mga tauhan ng hari ang dalawang espiya hanggang sa tawiran ng Ilog Jordan. Pagkalabas ng mga humahabol, isinara ang pinto ng lunsod.

Bago natulog ang mga espiya, umakyat si Rahab sa bubong at sinabi sa kanila, “Alam kong ibinigay na sa inyo ni Yahweh ang lupaing ito, at ang mga tagarito'y takot na takot sa inyo. 10 Nabalitaan(H) namin kung paanong pinatuyo ni Yahweh ang Dagat na Pula[a] nang kayo'y tumawid galing sa Egipto. Nalaman din namin na pinatay ninyo sina Sihon at Og, mga hari ng mga Amoreo sa silangan ng Jordan, at nilipol ang kanilang mga hukbo. 11 Kinilabutan kami nang marinig ang mga balitang iyon. Natakot kaming humarap sa inyo, sapagkat si Yahweh na inyong Diyos ay Diyos ng langit at ng lupa. 12 Kaya ngayo'y ipangako ninyo sa ngalan ni Yahweh na hindi ninyo gagawan ng masama ang aking sambahayan alang-alang sa pagtulong kong ito sa inyo. Bigyan ninyo ako ng isang katibayang 13 ililigtas nga ninyo ang aking ama't ina, ang aking mga kapatid at ang kanilang mga pamilya; katibayang hindi ninyo kami hahayaang mapatay.”

14 Sinabi sa kanya ng mga espiya, “Ang buhay namin ang garantiya sa buhay ninyo. Huwag mo lang ipagsasabi ang pakay namin dito, ipinapangako naming walang masamang mangyayari sa inyo kapag ibinigay na sa amin ni Yahweh ang lupaing ito.”

15 Nakakabit sa pader ng lunsod ang bahay ni Rahab, kaya't buhat sa kanyang bintana'y inihugos niya sa labas ng lunsod ang dalawang espiya. 16 Ngunit bago sila umalis, sila'y pinagbilinan niya ng ganito: “Pumunta muna kayo sa kaburulan at magtago kayo roon ng tatlong araw upang hindi kayo makita ng mga tauhan ng hari. Kapag nakabalik na sila sa lunsod, saka na kayo lumakad.”

17 Sinabi naman sa kanya ng dalawa, “Tutuparin namin ang aming pangako alang-alang sa iyo. 18 Kailangang gawin mo ito: Pagbalik namin para sakupin ang inyong lunsod, ilawit mo ang pulang lubid na ito sa bintanang aming bababaan. Tipunin mo sa iyong bahay ang iyong ama't ina, ang iyong mga kapatid at ang buong angkan ng iyong ama. 19 Hindi kami mananagot kung may lumabas ng bahay at mapatay, ngunit pananagutan namin kapag may nasaktan sa sinumang nasa loob ng bahay. 20 Subalit kapag ipinagsabi mo itong ating pinag-usapan, huwag mo nang asahan ang pangako namin sa iyo.”

21 Pumayag ang babae at pagkatapos ay pinaalis na ang mga espiya. Pagkatapos, itinali niya sa labas ng bintana ang lubid na pula.

22 Pumunta nga ang mga espiya sa kaburulan at tatlong araw na nagtago roon habang pinaghahanap sila ng mga tauhan ng hari. Pagkatapos, bumalik na ang mga ito sa lunsod nang hindi nila makita ang mga espiya. 23 Bumabâ naman mula sa kaburulan ang mga espiya, tumawid ng ilog at nagbalik kay Josue. Iniulat nila kay Josue ang buong pangyayari. 24 “Ibinigay na sa atin ni Yahweh ang lupaing iyon,” ang sabi nila. “Mabanggit lamang ang pangalan nati'y nangangatog na sa takot ang mga tagaroon.”

Lucas 13:22-14:6

Ang Makipot na Pintuan(A)

22 Habang nagpapatuloy si Jesus papuntang Jerusalem, siya'y nagtuturo sa bawat bayan at nayon na kanyang dinaraanan. 23 Minsan may nagtanong sa kanya, “Ginoo, kakaunti po ba ang maliligtas?”

Sinabi niya sa kanila, 24 “Pagsikapan ninyong makapasok sa makipot na pintuan. Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpupumilit pumasok ngunit hindi makakapasok. 25 Kapag tumayo na ang pinuno ng sambahayan at isinara na ang pinto, magtitiis kayong nakatayo sa labas at katok nang katok. Sasabihin ninyo, ‘Panginoon, papasukin po ninyo kami.’ Ngunit sasabihin niya sa inyo, ‘Hindi ko kayo kilala!’ 26 Sasabihin naman ninyo, ‘Kumain po kami at uminom na kasalo ninyo, at nagturo pa kayo sa aming mga lansangan.’ 27 Sasagot(B) naman siya, ‘Hindi ko kayo kilala! Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan!’ 28 Iiyak(C)(D) kayo at magngangalit ang mga ngipin kapag nakita ninyong nasa kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac at Jacob, at ang lahat ng propeta, habang kayo nama'y ipinagtatabuyan! 29 Darating ang mga tao buhat sa silangan at sa kanluran, sa hilaga at sa timog, at kakain sa handaan sa kaharian ng Diyos. 30 Tunay(E) ngang may nahuhuling mauuna, at may nauunang mahuhuli.”

Ang Pagmamahal ni Jesus para sa Jerusalem(F)

31 Dumating noon ang ilang Pariseo at sinabi nila kay Jesus, “Umalis na kayo rito dahil gusto kayong ipapatay ni Herodes.”

32 Subalit sumagot siya, “Sabihin ninyo sa asong-gubat na iyon na nagpapalayas pa ako ngayon ng mga demonyo at nagpapagaling ng mga maysakit. Gayundin ang gagawin ko bukas, at sa ikatlong araw ay tatapusin ko ang aking gawain. 33 Ngunit dapat akong magpatuloy sa aking lakad ngayon, bukas, at sa makalawa, sapagkat hindi dapat mamatay sa labas ng Jerusalem ang isang propeta.

34 “Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang mga propeta at binabato ang mga isinusugo sa iyo!

Ilang beses kong sinikap na kupkupin ang iyong mga anak, gaya ng pag-aaruga ng isang inahin sa kanyang mga sisiw, ngunit ayaw mo. 35 Kaya't(G) pababayaan nang lubusan ang iyong Templo. Sinasabi ko sa iyo, hindi mo na ako makikita hanggang sa dumating ang oras na sasabihin mo, ‘Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!’”

Pinagaling ni Jesus ang Lalaking may Manas

14 Isang Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay inanyayahang kumain sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo, at binabantayan nilang mabuti ang kanyang mga kilos. Lumapit kay Jesus ang isang lalaking may manas. Kaya't tinanong niya ang mga Pariseo at ang mga dalubhasa sa Kautusan, “Naaayon ba sa Kautusan ang magpagaling sa Araw ng Pamamahinga o hindi?”

Ngunit hindi sila umimik, kaya't hinawakan ni Jesus ang maysakit, pinagaling ito at saka pinauwi. Pagkatapos(H) ay sinabi niya sa kanila, “Kung ang inyong anak o ang inyong baka ang mahulog sa balon, hindi ba't iaahon ninyo ito kaagad kahit Araw ng Pamamahinga?”

Hindi sila nakasagot sa tanong na ito.

Mga Awit 79

Panalangin Upang Iligtas ang Buong Bansa

Awit ni Asaf.

79 O(A) Diyos,
pinasok ng Hentil ang lupang pangako, hayo't iyong masdan!
Winasak ang lunsod, ang banal mong templo ay nilapastangan;
ang mga katawan
ng mga lingkod mo ay ginawang pagkain ng mga ibon,
ang kanilang laman, sa mga halimaw ay ipinalamon.
Dugo ng bayan mo'y
ibinubo nila, sa buong palibot nitong Jerusalem,
katulad ay tubig; sa dami ng patay ay walang maglibing.
Ang karatig-bansang
doo'y nakasaksi, kami'y kinutya at nagtatawa sila,
lahat sa palibot ay humahalakhak sa gayong nakita.

Iyang iyong galit
sa amin, O Yahweh, hanggang kailan ba kaya matatapos?
Di na ba titigil ang pagkagalit mong sa ami'y tutupok?
Doon mo ibaling
ang matinding galit sa maraming bansang ayaw kang kilanlin,
mga kahariang ang banal mong ngala'y ayaw na tawagin.
Masdan ang ginawa
nila sa bayan mo, ang mga lingkod mo ay pinatay nila,
pati ang tahanan nila ay winasak, walang itinira.

Huwag mong parusahan
kaming mga anak, sa pagkakasala ng aming magulang,
ikaw ay mahabag sa mga lingkod mong pag-asa'y pumanaw.
Mahabag ka sana,
kami ay tulungan, Diyos na aming Tagapagligtas,
dahil sa ngalan mo, kaming nagkasala'y patawaring ganap;
at sa karangalan ng iyong pangalan, kami ay iligtas.
10 Bakit magtatanong
itong mga bansa ng katagang ito: “Ang Diyos mo'y nasaan?”
Ipaghiganti mo ang mga lingkod mong kanilang pinatay,
ang pagpaparusa'y iyong ipakita sa iyong mga hirang.

11 Iyong kahabagan
ang mga bilanggong kanilang hinuli, dinggin mo ang daing,
sa taglay mong lakas, iligtas mo silang takdang papatayin.
12 Iyong parusahan
yaong mga bansang sa iyo, O Yahweh, lumalapastangan,
parusahan sila ng pitong ibayo sa gawang pag-uyam.
13 Kaya nga, O Yahweh,
kaming iyong lingkod, parang mga tupa sa iyong pastulan,
magpupuring lagi't magpapasalamat sa iyong pangalan!

Mga Kawikaan 12:26

26 Ang payo ng kaibigang matuwid ay isang gabay,
    ngunit ang daan ng masama ay tungo sa pagkaligaw.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.