Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Josue 9:3-10:43

Ngunit nang mabalitaan ng mga taga-Gibeon ang ginawa ni Josue sa Jerico at sa Ai, umisip sila ng paraan upang malinlang si Josue. Nagdala sila ng pagkain at kinargahan nila ang kanilang mga asno ng mga lumang sako at mga sisidlang-balat na tagpi-tagpi. Nagsuot sila ng mga pudpod at butas-butas na sandalyas, at damit na gula-gulanit. Matigas na at amagin pa ang baon nilang tinapay. Pumunta sila kay Josue sa kampo ng Israel sa Gilgal. Ganito ang sabi nila kay Josue at sa kasama niyang mga pinuno ng Israel: “Kami po'y galing pa sa malayong lupain; nais po naming makipagkasundo sa inyo!”

Ngunit(A) sumagot ang mga pinuno ng Israel, “Baka kayo'y mga tagarito. Hindi kami maaaring makipagtipan sa inyo.”

Nagmakaawa sila kay Josue, “Handa po kaming maglingkod sa inyo!”

Tinanong sila ni Josue, “Sino ba kayo? Saan kayo galing?”

At ganito ang kanilang salaysay: “Buhat po kami sa napakalayong lupain. Nagsadya po kami sa inyo sapagkat nabalitaan namin ang tungkol kay Yahweh, na inyong Diyos. Narinig po namin ang ginawa niya sa Egipto. 10 Nalaman(B) din po namin ang ginawa niya sa dalawang haring Amoreo sa silangan ng Jordan: kay Sihon na hari ng Hesbon at kay Og na hari ng Bashan, na nakatira sa Astarot. 11 Kaya't isinugo po kami ng aming matatanda at mga kababayan. Nagdala po kami ng baon at naglakbay hanggang dito upang makipagkita sa inyo at paabutin sa inyo na kami'y handang maglingkod sa inyo! Marapatin po sana ninyong makipagkasundo sa amin. 12 Tingnan po ninyo ang tinapay na baon namin. Mainit pa po iyan nang umalis kami sa amin. Ngunit ngayo'y matigas na at amagin. 13 Bago pa rin ang mga sisidlang-balat na iyan nang aming lagyan. Tingnan po ninyo! Sira-sira at tagpi-tagpi na ngayon. Gula-gulanit na po itong aming kasuotan at pudpod na itong aming sandalyas dahil sa kalayuan ng aming nilakbay.”

14 Tinikman ng mga pinuno ng Israel ang mga pagkain ngunit hindi man lamang sumangguni kay Yahweh. 15 Kaya't nakipagkasundo sa kanila si Josue at nangako na hindi sila papatayin. Sumang-ayon din sa kasunduan ang mga pinuno ng Israel.

16 Tatlong araw pagkatapos pagtibayin ang kasunduan, nalaman ng mga Israelita na hindi pala taga malayo ang mga taong iyon, kundi tagaroon din sa lupaing iyon. 17 Kaya lumakad sila, at pagkatapos ng tatlong araw ay natagpuan nila ang mga tinitirhan ng mga taong iyon: ang mga lunsod ng Gibeon, Cefira, Beerot at Lunsod ng Jearim. 18 Ngunit hindi magawang patayin ng mga Israelita ang mga taong iyon sapagkat ang mga pinuno ng Israel ay nanumpa sa kanila sa pangalan ni Yahweh. At nagreklamo ang buong bayan laban sa pangyayaring iyon. 19 Kaya't nagpaliwanag ang mga pinuno, “Nakipagkasundo kami sa kanila sa ngalan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Hindi natin sila maaaring saktan. 20 Kailangang igalang natin ang kanilang buhay; kung hindi, baka tayo parusahan ng Diyos dahil sa sumpang aming binitiwan sa kanila. 21 Hayaan ninyo silang mabuhay. Gagawin natin silang tagapangahoy at taga-igib.”

22 Ipinatawag naman ni Josue ang mga taga-Gibeon at kanyang sinabi, “Bakit ninyo kami nilinlang? Bakit ninyo sinabing kayo'y taga malayo, gayong tagarito pala kayo? 23 Dahil sa ginawa ninyo, isinusumpa kayo ng Diyos. Buhat ngayon, magiging alipin namin kayo, tagapangahoy at taga-igib sa bahay ng aking Diyos.”

24 Sumagot sila, “Ginawa po namin iyon sapagkat napatunayan namin na talagang iniutos ni Yahweh, na inyong Diyos, sa lingkod niyang si Moises na ipamahagi sa inyo ang mga lupaing ito at lipulin ang lahat ng taong nakatira dito. At ngayong kayo nga'y dumating na, natatakot po kaming baka kami'y lipulin ninyo. 25 Kami po'y nasa ilalim ng inyong kapangyarihan ngayon. Gawin po ninyo sa amin ang inyong mamarapatin.” 26 Kaya't ipinagtanggol ni Josue ang mga taong iyon at hindi pinabayaang patayin ng mga Israelita. 27 Subalit sila'y ginawa niyang mga alipin, tagapangahoy at taga-igib sa altar ni Yahweh. Nananatili sila sa kalagayang iyon hanggang ngayon, at naglilingkod sa altar ni Yahweh saanman sila kailanganin.

Nalupig ang mga Amoreo

10 Nabalitaan ni Adonizedec, hari ng Jerusalem, na sinakop at tinupok ni Josue ang lunsod ng Ai. Nabalitaan din niya ang ginawa ni Josue sa hari at mga mamamayan ng Ai, at ang ginawa niya sa hari ng Jerico at sa mga tagaroon. Nalaman din niya na ang mga taga-Gibeon ay nakipagkasundo at naninirahang kasama ng mga Israelita. Labis itong ikinabahala ng mga taga-Jerusalem, sapagkat ang Gibeon ay kasinlaki ng mga lunsod na may sariling hari, higit na malaki kaysa Ai, at magigiting ang mga mandirigma nito. Kaya nagpadala ng mensahe si Adonizedec kay Hoham, hari ng Hebron; kay Piream, hari ng Jarmut; kay Jafia, hari ng Laquis; at kay Debir, hari ng Eglon. Ganito ang kanyang ipinasabi: “Kailangan namin ang inyong tulong. Kailangang salakayin natin ang Gibeon sapagkat ang mga tagaroon ay nakipagkasundo kay Josue at sa mga Israelita.” Nagkaisa nga ang limang haring Amoreo; ang mga hari ng Jerusalem, ng Hebron, ng Jarmut, ng Laquis at ng Eglon, at pinaligiran nila at sinalakay ang Gibeon.

Tinulungan ni Josue ang mga Taga-Gilgal

Nagpasabi naman kay Josue sa kampo ng Gilgal ang mga taga-Gibeon, “Huwag po ninyong pabayaan itong inyong mga abang alipin! Pumarito po kayong madali upang kami'y saklolohan. Iligtas ninyo kami! Pinagtutulung-tulungan po kami ng lahat ng mga haring Amoreong naninirahan sa kaburulan.”

Kaya nga't dumating si Josue buhat sa Gilgal, kasama ang kanyang buong hukbo pati ang magigiting niyang mandirigma. Sinabi ni Yahweh kay Josue, “Huwag kang matakot sa kanila. Ibinigay ko na sila sa iyong mga kamay. Wala ni isa man sa kanilang makakatalo sa inyo.” Magdamag na naglakbay si Josue at ang kanyang hukbo buhat sa Gilgal at bigla nilang sinalakay ang mga Amoreo. 10 Niloob ni Yahweh na magulo ang mga ito dahil sa takot nang makita ang hukbo ng Israel. Nilipol sila ng mga Israelita sa Gibeon; hinabol sila sa paglusong ng Beth-horon hanggang sa Azeka at sa Makeda. 11 Samantalang tumatakas sila sa paghabol ng mga Israelita, pinaulanan sila ni Yahweh ng malalaking tipak ng yelo buhat sa langit; umabot ito hanggang sa Azeka at napakaraming namatay. Mas marami pa ang namatay sa pagbagsak ng yelo kaysa tabak ng mga Israelita.

Tumigil ang Araw at ang Buwan

12 Noong araw na ang mga Israelita'y pinagtagumpay ni Yahweh laban sa mga Amoreo, nakipag-usap si Josue kay Yahweh. Ito ang sinabi niya na naririnig ng buong bayan:

“Huminto ka, Araw, sa tapat ng Gibeon,
at ikaw rin, Buwan, sa Libis ng Ayalon.”

13 Tumigil(C) nga ang araw at hindi gumalaw ang buwan hanggang sa matalo ng mga Israelita ang kanilang mga kaaway. Hindi ba't nasusulat ito sa Aklat ni Jasher? Tumigil ang araw sa gitna ng langit at hindi lumubog sa buong maghapon. 14 Kailanma'y hindi pa nangyari at hindi na muling mangyayari na si Yahweh ay sumunod sa isang tao at nakipaglaban sa panig ng Israel.

Pinuksa ang mga Amoreo

15 Pagkatapos nito, si Josue at ang mga tauhan niya ay bumalik sa Gilgal.

16 Nakatakas ang limang hari at nagtago sa yungib ng Makeda. 17 Ngunit may nakaalam na doon sila nagtago, at ito'y ipinasabi kay Josue. 18 Kaya't iniutos ni Josue, “Takpan ninyo ng malalaking bato ang bunganga ng yungib at inyong pabantayan iyon. 19 Ngunit huwag kayong titigil doon. Habulin ninyo ang kaaway, unahan sila at harangin upang huwag makapasok sa kani-kanilang lunsod. Inilagay na sila ni Yahweh sa inyong kapangyarihan.” 20 At sila nga'y pinuksa ni Josue at ng kanyang mga kawal kahit may ilang nakatakbo at nakapasok sa mga napapaderang lunsod. 21 At bumalik na sa kampo sa Makeda ang lahat ng mga kawal ni Josue.

Buhat noon, wala nang nangahas magsalita laban sa mga Israelita.

22 Iniutos ni Josue sa kanyang mga tauhan, “Alisin ninyo ang nakatakip na bato sa bunganga ng yungib, ilabas ninyo ang limang haring iyon at iharap sa akin.” 23 Ganoon nga ang ginawa nila. Inilabas sa yungib ang mga hari ng Jerusalem, ng Hebron, ng Jarmut, ng Laquis at ng Eglon. 24 Nang nasa harapan na ni Josue ang limang hari, tinipon niya ang kanyang mga mandirigma at iniutos sa mga pinuno, “Halikayo! Tapakan ninyo sa leeg ang mga haring ito.” At ganoon nga ang ginawa nila. 25 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong matatakot o panghihinaan ng loob. Ganito ang gagawin ni Yahweh sa lahat ng inyong mga kaaway.” 26 Ang limang hari ay ipinapatay ni Josue at maghapong ibinitin sa limang punongkahoy. 27 Nang palubog na ang araw, iniutos ni Josue na ibaba sila sa pagkakabitin at ipinatapon sa yungib na pinagtaguan nila. Ang bunganga ng yungib ay pinatakpan ng malalaking bato na naroroon pa magpahanggang ngayon.

Sinakop ni Josue ang Buong Bayan ng mga Amoreo

28 Nang araw ding iyon, nasakop ni Josue ang Makeda at pinatay ang hari roon. Nilipol din niya ang buong bayan at wala siyang itinirang buháy isa man. Ginawa niya sa hari ng Makeda ang ginawa niya sa hari ng Jerico.

29 Buhat sa Makeda, sinalakay naman ni Josue at ng mga Israelita ang Libna. 30 Ibinigay rin ni Yahweh sa kanilang kapangyarihan ang hari at ang lahat ng mamamayan doon. Pinatay nilang lahat ang mga tagaroon, at walang itinira isa man. Ginawa ni Josue sa hari ng Libna ang ginawa niya sa hari ng Jerico.

31 Pagkatapos nito, kinubkob naman at sinalakay ni Josue at ng mga Israelita ang Laquis. 32 Sa ikalawang araw ng labanan, muli silang pinagtagumpay ni Yahweh. Nilipol din nila ang lahat ng tagaroon tulad ng ginawa nila sa Libna. 33 Si Horam, na hari ng Gezer, ay sumaklolo sa mga taga-Laquis. Ngunit tinalo rin sila ni Josue at walang itinirang buháy sa kanyang mga tauhan.

34 Buhat sa Laquis, kinubkob at sinalakay ni Josue at ng mga Israelita ang Eglon. 35 Sa araw ring iyon, nasakop nila ang Eglon at pinatay ang lahat ng tagaroon, tulad ng ginawa nila sa Laquis.

36 Pagkatapos nito, si Josue at ang buong hukbo ng Israel ay umakyat sa mga bulubundukin at sinalakay nila ang Hebron. 37 Nasakop nila ang lunsod at pinatay ang lahat ng tagaroon, buhat sa hari hanggang sa kahuli-hulihang mamamayan. Gayundin ang ginawa nila sa mga karatig-bayan ng Hebron. Sinunog nila ang lunsod at walang iniwang buháy, gaya nang ginawa nila sa Eglon.

38 Hinarap naman ni Josue at ng buong hukbo ng Israel ang Debir. 39 Sinakop nila ang lunsod at ang mga karatig-bayan nito. Pinatay nila ang hari at nilipol ang lahat ng mamamayan. Ginawa rin nila sa Debir ang ginawa nila sa Hebron, sa Libna, at sa kanilang mga hari.

40 Sinakop nga ni Josue ang buong lupain: ang kaburulan sa silangan, ang mga nasa paanan ng mga bundok sa kanluran, pati ang mga lupain sa katimugan. Natalo nila ang mga hari sa mga lugar na ito at nilipol ang lahat ng naninirahan doon, at walang itinirang buháy ayon sa ipinag-utos ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. 41 Sinakop ni Josue ang lahat ng lupain buhat sa Kades-barnea hanggang sa Gaza, pati ang nasasakupan ng Goshen hanggang sa Gibeon sa dakong hilaga. 42 Sinakop niya ang lahat ng mga lupain at mga kahariang ito sa loob lamang ng isang tuluy-tuloy na pananalakay sapagkat si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ay kasama ng mga Israelita sa kanilang pakikipaglaban. 43 Pagkatapos, bumalik si Josue at ang buong hukbo ng Israel sa kampo ng Gilgal.

Lucas 16:19-17:10

Ang Mayaman at si Lazaro

19 “May isang mayamang laging nakasuot ng mamahaling damit at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. 20 May isa namang pulubing nagngangalang Lazaro na tadtad ng sugat sa katawan at nakahiga sa may pintuan ng mayaman 21 sa hangad na matapunan man lamang ng mga mumong nahuhulog mula sa hapag ng mayaman. At doo'y nilalapitan siya ng mga aso at dinidilaan ang kanyang mga sugat. 22 Namatay ang pulubi at siya'y dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay rin ang mayaman at inilibing. 23 Sa gitna ng kanyang pagdurusa sa daigdig ng mga patay,[a] natanaw ng mayaman si Lazaro sa piling ni Abraham. 24 Kaya't sumigaw siya, ‘Amang Abraham, maawa po kayo sa akin. Utusan po ninyo si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at basain ang aking dila, dahil ako'y naghihirap sa apoy na ito.’ 25 Ngunit sumagot si Abraham, ‘Anak, alalahanin mong nagpasasa ka sa buhay noong ikaw ay nasa lupa, at si Lazaro naman ay nagtiis ng kahirapan. Subalit ngayon ay inaaliw siya rito samantalang ikaw nama'y nagdurusa riyan. 26 Bukod dito, may malaking bangin sa pagitan natin, kaya't ang mga naririto ay hindi makakapunta diyan at ang mga naririyan ay hindi makakapunta rito.’

27 “Ngunit sinabi ng mayaman, ‘Kung gayon po, Amang Abraham, ipinapakiusap kong papuntahin na lamang ninyo si Lazaro sa bahay ng aking ama, 28 sa aking limang kapatid na lalaki. Suguin po ninyo siya upang sila'y bigyang-babala at nang hindi sila humantong sa dakong ito ng pagdurusa.’ 29 Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Nasa kanila ang mga kasulatan ni Moises at ng mga propeta; iyon ang kanilang pakinggan.’ 30 Sumagot ang mayaman, ‘Hindi po sapat ang mga iyon. Ngunit kung magpapakita sa kanila ang isang patay na muling nabuhay, magsisisi sila't tatalikuran ang kanilang mga kasalanan.’ 31 Sinabi naman sa kanya ni Abraham, ‘Kung ayaw nilang pakinggan ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta, hindi rin nila paniniwalaan kahit ang isang patay na muling nabuhay.’”

Mga Sanhi ng Pagkakasala(A)

17 Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Tiyak na darating ang mga sanhi ng pagkakasala; ngunit kakila-kilabot ang sasapitin ng taong panggagalingan niyon! Mabuti pa sa kanya ang bitinan sa leeg ng isang gilingang-bato at itapon sa dagat, kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng sinuman sa mga maliliit na ito. Kaya't(B) mag-ingat kayo!

“Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, pagsabihan mo; at kung siya'y magsisi, patawarin mo. Kung pitong ulit siyang magkasala sa iyo sa maghapon, at pitong ulit ding lumapit sa iyo at sabihin niyang, ‘Nagsisisi ako,’ dapat mo siyang patawarin.”

Pananampalataya sa Diyos

Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan po ninyo ang aming pananampalataya!”

Tumugon ang Panginoon, “Kung ang inyong pananampalataya ay sinlaki ng butil ng mustasa, masasabi ninyo sa punong ito ng sikamoro, ‘Mabunot ka at matanim sa dagat!’ at susundin kayo nito.”

Ang Tungkulin ng Alipin

“Kapag nanggaling ang inyong alipin sa pag-aararo o pagpapastol ng mga tupa sa bukid, inaanyayahan ba ninyo siya agad upang kumain? Hindi ba't ang sasabihin ninyo ay, ‘Ipaghanda mo ako ng hapunan, magbihis ka, at pagsilbihan mo ako habang ako'y kumakain. Pagkakain ko, saka ka kumain.’ Pinasasalamatan ba ng amo ang kanyang alipin dahil sinusunod siya nito? 10 Ganoon din naman kayo; kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniuutos sa inyo, sabihin ninyo, ‘Kami'y mga aliping walang kabuluhan; tumutupad lamang kami sa aming tungkulin.’”

Mga Awit 83

Panalangin Upang Matalo ang mga Kalaban

Awit ni Asaf.

83 Huwag kang manahimik, O Diyos, huwag kang magpabaya, ikaw ay kumilos.
Hayun! Ang kaaway nagsisipag-alsa,
    at ang namumuhi'y kinakalaban ka.
Sila'y nagbabalak laban sa hinirang,
    laban sa lahat ng iyong iningatan.
Ganito ang sabi, “Ating papawiin, ang kanilang bansa'y ating lilipulin;
    upang ang Israel, malimutan na rin!”

Nagkakaisang lahat, sila ay nagplano,
    kanilang pasya ay lumaban sa iyo.
Ang lahi ni Edom at ang Ismaelita,
    Moab at Agarenos lahat nagkaisa.
Ang Gebal at Ammon gayon din ang pasya,
    Amalek at Tiro at ang Filistia.
Pati ang Asiria'y nakipagsabwatan,
    sa lahi ni Lot, nakipagtulungan. (Selah)[a]

Mga(A) bansang ito'y iyong parusahan, tulad ng parusang ginawa sa Midian,
    kay Jabi't Siserang nalupig sa laban nang sa Ilog Kison, buhay winakasan.
10 Pinatay lahat at ang hukbo'y nawasak,
    sa Endor, ang bangkay nila ay nagkalat.
11 Yaong(B) mga bantog nilang punong-kawal, kay Oreb at Zeeb iparis ang buhay.
    Lupigin mong lahat ang pinuno nila tulad ng sinapit ni Zeba't Zalmuna,
12 sila ang nagsabing, “Ang pastulan ng Diyos
    ay ating kamkami't maging ating lubos.”

13 Ikalat mo silang parang alikabok,
    tulad ng dayami na tangay ng unos.
14 Tulad ng pagtupok ng apoy sa gubat,
    nang ang kaburula'y kubkob na ng ningas,
15 gayon mo habulin ng bagyong malakas,
    ito ang gawin mo't nang sila'y masindak.
16 Mga taong yaon sana'y hiyain mo,
    upang matutong maglingkod sa iyo.
17 Lupigin mo sila't takuting lubusan,
    lubos mong hiyain hanggang sa mamatay.
18 Sana ikaw, Yahweh, kanilang mabatid,
    ang tangi't dakilang hari ng daigdig!

Mga Kawikaan 13:4

Ang tamad ay nangangarap ngunit hindi natutupad,
    ang hangarin ng masikap ay laging nagaganap.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.