The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Binasbasan ni Moises ang mga Lipi ng Israel
33 Ito ang mga pagpapalang binigkas ni Moises na lingkod ng Diyos, bago siya namatay.
2 “Dumating si Yahweh mula sa Bundok Sinai.
Sumikat sa Edom na parang araw,
at sa bayan niya'y nagpakita sa Bundok Paran.
Sampung libong anghel ang kanyang kasama,
nagliliyab na apoy ang nasa kanang kamay niya.
3 Minamahal ni Yahweh ang kanyang bayan[a]
at iniingatan ang kanyang hinirang.
Kaya't yumuyukod kami sa kanyang paanan,
at sinusunod ang kanyang kautusan.
4 Binigyan kami ni Moises ng kautusan,
na siyang yaman ng aming bayan.
5 Naging hari si Yahweh ng Israel na kanyang bayang hirang,
nang ang mga pinuno ng mga lipi nito ay nagkakabuklod.
6 “Ang lipi ni Ruben sana'y manatili,
kahit ang bilang niya'y kakaunti.”
7 Tungkol kay Juda ay ganito ang sinabi:
“Dinggin mo, Yahweh, ang daing nitong Juda,
ibalik mo siya sa piling ng kanyang bayan,
at tulungan siya sa pakikipaglaban.”
8 Tungkol(A) kay Levi ay kanyang sinabi:
“Ang Tumim ay kay Levi, ang Urim ay sa tapat mong alipin;
sa kanya na iyong sinubok sa Masah at sa may tubig ng Meriba.
9 Higit ka niyang pinahalagahan kaysa kanyang mga magulang,
pati anak at kapatid ay hindi isinaalang-alang.
Upang masunod lang ang iyong kautusan,
at maging tapat sa iyong kasunduan.
10 Kaya't siya ang magtuturo sa Israel ng iyong kautusan,
siya ang magsusunog ng insenso at mga alay sa altar.
11 Palakasin mo nawa, Yahweh, ang kanyang angkan,
paglilingkod niya'y iyong pahalagahan.
Durugin mong lahat ang kanyang kaaway,
upang di na makabangon kailanman.”
12 Tungkol naman kay Benjamin, ganito ang sinabi:
“Mahal ka ni Yahweh at iniingatan,
sa buong maghapon ika'y binabantayan,
at sa kanyang mga balikat ika'y mananahan.”
13 Tungkol kay Jose ay sinabi:
“Pagpalain nawa ni Yahweh ang kanilang lupain,
sa hamog at ulan ay palaging diligin,
at tubig mula sa lupa ay pabukalin.
14 Magkaroon nawa siya ng mga bungang hinog araw-araw,
at mga pagkaing inani sa kapanahunan.
15 Mapupuno ng prutas maging matandang kabundukan.
16 Ang lupain niya'y sasagana sa lahat ng kabutihan,
mula kay Yahweh na nagsalita mula sa nag-aapoy na halaman.
Tamasahin nawa ng lipi ni Jose ang mga pagpapalang ito,
sapagkat sa ibang lipi'y siya ang namuno.
17 Ang panganay niya ay magiging makapangyarihan;
parang lakas ng toro ang kanyang taglay.
Ang mga bansa'y sama-samang itataboy hanggang dulo ng daigdig.
Ganyan ang kapangyarihan ng laksa-laksang kawal ni Efraim,
sa ganyan matutulad libu-libong kawal ni Manases.”
18 Tungkol kina Zebulun at Isacar ay sinabi:
“Magtagumpay nawa si Zebulun sa pangangalakal sa karagatan,
at sa bayan ni Isacar ay dumami ang kayamanan.
19 Ang ibang mga bansa ay dadalo
sa paghahandog ninyo doon sa bundok,
pagkat ang yaman nila'y buhat sa dagat
at sa buhanginan sa baybay nito.”
20 Tungkol kay Gad ay sinabi:
“Purihin ang Diyos na nagpalawak ng lupain ni Gad.
Si Gad ay parang leon na nag-aabang
at handang sumakmal ng leeg o kamay.
21 Pinili nila ang pinakamainam na lupain,
lupaing nababagay sa isang pangunahin.
Sumama siya sa mga pinuno ng Israel
upang mga utos ni Yahweh ay kanilang tuparin.”
22 Tungkol kay Dan ay sinabi:
“Isang batang leon ang katulad ni Dan,
na palukso-lukso mula sa Bashan.”
23 Tungkol kay Neftali ay sinabi:
“Lubos na pinagpala ni Yahweh itong si Neftali,
mula sa lawa hanggang timog ang kanilang kaparte.”
24 Tungkol kay Asher ay sinabi:
“Higit na pinagpala kaysa ibang lipi itong si Asher,
kagiliwan sana siya ng mga anak ni Israel.
Sumagana sa langis olibo ang kanyang lupain.
25 Bakal at tanso sana ang pintuan ng iyong mga bayan.
Maging mahaba at matatag nawa ang iyong pamumuhay.”
26 Ang iyong Diyos, O Israel, ay walang kagaya,
mula sa langit dumarating upang tulungan ka.
27 Sa mula't mula pa'y ang Diyos na ang inyong tanggulan,
walang hanggan niyang bisig ang inyong kanlungan.
Mga kaaway ninyo'y kanyang ipinagtabuyan,
at inutusan kayong sila'y lipuling lubusan.
28 Kaya ang bayang Israel ay nanirahang tiwasay,
sa lupaing sagana sa lahat ng bagay,
at laging dinidilig ng hamog sa kalangitan.
29 Bansang Israel, ikaw ay mapalad!
Walang bansa na iyong katulad,
pagkat si Yahweh ang sa iyo'y nagligtas.
Siya ang kalasag ng iyong kaligtasan,
at tabak ng iyong tagumpay.
Magmamakaawa ang iyong mga kaaway,
ngunit sila'y iyong tatapakan.
Magsisi Upang Hindi Mapahamak
13 Dumating noon ang ilang tao at ibinalita kay Jesus na ipinapatay ni Pilato ang ilang mga taga-Galilea habang ang mga ito'y naghahandog sa Diyos. 2 Sinabi niya sa kanila, “Akala ba ninyo, dahil sa sinapit nilang iyon, higit silang masama kaysa sa ibang mga taga-Galilea? 3 Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong tulad nila. 4 At ang labingwalong namatay nang mabagsakan ng tore sa Siloe, sa akala ba ninyo'y higit silang makasalanan kaysa sa ibang naninirahan sa Jerusalem? 5 Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong tulad nila.”
Ang Talinghaga ng Puno ng Igos
6 Sinabi pa sa kanila ni Jesus ang talinghagang ito. “May isang taong may tanim na puno ng igos sa kanyang ubasan. Minsan, tiningnan niya kung may bunga ang puno, ngunit wala siyang nakita. 7 Dahil dito, sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, ‘Tatlong taon na akong pumaparito at naghahanap ng bunga sa punong ito, ngunit wala akong makita. Putulin mo na't nakakasikip lang iyan!’ 8 Ngunit sumagot ang tagapag-alaga, ‘Huwag po muna nating putulin ngayon. Huhukayan ko po ang palibot at lalagyan ng pataba, 9 baka sakaling mamunga na sa susunod na taon. Kung hindi pa, saka po ninyo ipaputol.’”
Pinagaling ni Jesus ang Babaing Kuba
10 Isang Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay nagtuturo sa isang sinagoga. 11 May isang babae roon na labingwalong taon nang may karamdamang sanhi ng isang masamang espiritu. Siya'y nakukuba at hindi na makaunat. 12 Nang siya'y makita ni Jesus, tinawag siya at sinabi, “Malaya ka na sa iyong karamdaman.” 13 Ipinatong ni Jesus ang kanyang mga kamay sa babae, at noon di'y nakatayo siya nang tuwid at nagpuri sa Diyos.
14 Ngunit(A) nagalit ang tagapamahala ng sinagoga sapagkat nagpagaling si Jesus sa Araw ng Pamamahinga. Kaya't sinabi ng tagapamahala sa mga tao, “May anim na araw na inilaan upang kayo'y magtrabaho. Sa mga araw na iyon kayo pumarito upang pagalingin at huwag sa Araw ng Pamamahinga.”
15 Sinagot siya ng Panginoon, “Mga mapagkunwari! Hindi ba't kinakalag ninyo sa sabsaban ang inyong baka o asno at dinadala sa painuman kahit sa Araw ng Pamamahinga? 16 Ang anak na ito ni Abraham ay ginapos ni Satanas sa loob ng labingwalong taon. Hindi ba dapat siyang kalagan kahit na sa Araw ng Pamamahinga?” 17 Napahiya ang lahat ng kumakalaban kay Jesus dahil sa isinagot niya. Natuwa naman ang mga tao dahil sa lahat ng mga kahanga-hangang bagay na ginawa niya.
Ang Talinghaga ng Buto ng Mustasa(B)
18 Sinabi ni Jesus, “Ano ang katulad ng kaharian ng Diyos? Saan ko ito maihahambing? 19 Ang katulad nito'y isang buto ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang halamanan. Ito'y lumaki hanggang sa maging isang punongkahoy, at ang mga ibon ay nagpugad sa mga sanga nito.”
Ang Talinghaga ng Pampaalsa(C)
20 Sinabi pa ni Jesus, “Saan ko ihahambing ang kaharian ng Diyos? 21 Ito ay katulad ng pampaalsa na inihalo ng isang babae sa tatlong takal na harina,[a] kaya't umalsa ang buong masa.”
65 Parang tulog na gumising, si Yahweh ay nagbangon, ang katawan ay masigla, tumayo ang Panginoon;
parang taong nagpainit sa alak na iniinom.
66 Pinaurong ang kaaway, lahat niyang katunggali,
napahiya silang lahat, pawang galit na umuwi.
67 Maging ang lahi ni Jose, sadya niyang itinakwil,
at di niya pinagbigyan pati lahi ni Efraim.
68 Sa halip, pinili niya'y ang sambahayan ni Juda,
at ang bundok naman ng Zion ang tirahang minahal niya.
69 Doon niya itinayo yaong banal na santuwaryo,
katulad ng nasa langit na tahanan niyang dako;
lubos niyang pinatatag na tulad ng mundong ito.
70 Ang(A) kinuhang pangunahi'y sa mahirap pa hinugot,
isang pastol ang napili, si David na kanyang lingkod.
71 Ang alagang dati nito ay kawan ng mga hayop,
nang maghari sa Israel, nanguna sa bayan ng Diyos.
72 Matuwid na namahala, namalakad na mahusay,
lubos silang kinalinga sa tulong niya at patnubay.
25 Nagpapahina sa loob ng isang tao ang kabalisahan,
ngunit ang magandang balita'y may dulot na kasiglahan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.