Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Josue 15

Ang Lupang para sa Lipi ni Juda

15 Ang lupaing napapunta sa lipi ni Juda ay mula sa dulo ng Edom at hanggang sa ilang ng Zin sa kaduluhan sa gawing timog.

Ito ang pinaghati-hatian ng mga angkang bumubuo ng lipi. Nagmula ang hangganan ng lupaing ito sa timog ng Dagat na Patay, nagtuloy sa Landas ng Acrabim, at lumampas patungo sa ilang ng Zin. Buhat doo'y umahon sa Kades-barnea, nagdaan ng Hezron, nagtuloy sa Adar at lumikong patungo sa Carca. Matapos tahakin ang Asmona, tinunton ang batis ng Egipto at nagtapos sa Dagat Mediteraneo. Ito ang hangganan ng Juda sa timog.

Sa gawing silangan ang hangganan ng lupaing ito'y ang Dagat na Patay hanggang sa bunganga ng Jordan. Dito naman nagsimula ang hangganang hilaga. Umahon ito sa balikat ng Beth-hogla, dumaan sa hilaga ng Beth-araba at nagtuloy sa Bato ni Bohan, na anak ni Ruben. Buhat sa Libis ng Kaguluhan, umahon sa Debir at nagtuloy sa hilaga. Lumiko ito patungong Gilgal na nasa tapat ng Pag-ahon sa Adumim sa timog ng libis, tumawid ng batis ng En-shemes at nagtuloy sa Batis ng En-rogel. Buhat dito'y paahong tinahak ang Libis ng Ben Hinom na nasa timog ng burol ng mga Jebuseo (na tinatawag ding Jerusalem). Umahon uli patungo sa taluktok ng bundok na nasa tapat ng kanluran ng Libis ng Ben Hinom at sa dulong hilaga ng Libis ng Refaim. Buhat sa taluktok ng bundok ay lumikong patungo sa Batis ng Neftoa, at lumabas sa mga lunsod sa Bundok ng Efron, at bumaling na papuntang Baala (na tinatawag ding Lunsod ng Jearim). 10 Umikot sa kanluran ng Baala patungo sa Bundok ng Seir, nagdaan sa libis na hilaga ng Bundok Jearim (na tinatawag ding Kesalon), lumusong na patungong Beth-semes, at nagtuloy sa Timna. 11 Buhat naman dito, umahon sa libis ng Bundok sa hilaga ng Ekron at bumaling na papuntang Sicron. Tinahak ang Bundok ng Baala, lumabas sa Jabneel, at nagtapos sa Dagat Mediteraneo na siyang naging 12 hangganan sa kanluran. Ito ang mga hangganan ng lupaing napapunta sa lipi ni Juda na pinaghati-hatian ng mga angkang bumubuo ng lipi.

Sinakop ni Caleb ang Hebron at Debir(A)

13 Gaya(B) ng sinabi ni Yahweh kay Josue, isang bahagi ng lupaing kaparte ng lipi ni Juda ay ibinigay kay Caleb na anak ni Jefune. Ibinigay sa kanya ang Hebron, ang lunsod na dating sakop ni Arba na ama ni Anac. 14 Pinalayas ni Caleb sa lupaing iyon ang tatlong anak na lalaki ni Anac: sina Sesai, Ahiman at Talmai. 15 Pagkatapos, nilusob niya ang Debir, na noong una'y tinatawag na Lunsod ng Sefer. 16 At sinabi ni Caleb, “Ipakakasal ko ang anak kong si Acsa sa sinumang sumalakay at sumakop sa Lunsod ng Sefer.” 17 Si Otniel na anak ni Kenaz na kapatid ni Caleb ang nakagawa niyon, kaya't si Acsa'y ipinakasal ni Caleb kay Otniel. 18 Nang makasal na ang dalawa, sinabi ni Otniel sa asawa na humingi ng isang bukirin kay Caleb na kanyang ama. Pumunta nga si Acsa kay Caleb, at pagkababa sa asnong sinasakyan, tinanong siya ni Caleb, “Anong kailangan mo?”

19 Sumagot si Acsa, “Bigyan mo po ako ng makukunan ng tubig, sapagkat lupang tigang ang ibinigay mo sa akin.” Kaya't ibinigay sa kanya ni Caleb ang mga bukal sa gawing itaas at sa gawing ibaba.

Ang mga Lunsod ng Juda

20 Ito ang mga lupaing napapunta sa lipi ni Juda, at pinaghati-hatian ng mga angkang bumubuo ng lipi. 21 Ang mga lunsod na nasa kadulu-duluhang timog, sa may hangganan ng Edom ay ang Cabzeel, Eder at Jagur; 22 Cina, Dimona at Adada; 23 Kades, Hazor at Itnan; 24 Zif, Telem at Bealot; 25 Hazor-hadata, Kiryot-hesron (na tinatawag ding Hazor); 26 Amam, Shema at Molada; 27 Hazar-gada, Hesmon at Beth-pelet; 28 Hazar-shual, Beer-seba at Bizotia; 29 Baala, Iyim at Ezem; 30 Eltolad, Cesil at Horma; 31 Ziklag, Madmana at Sansana; 32 Lebaot, Silhim, Ayin at Rimon; dalawampu't siyam na lunsod, kasama ang mga nayon sa palibot.

33 Ang mga lunsod sa kapatagan ay ang sumusunod: Estaol, Zora at Asena; 34 Zanoa, En-ganim, Tapua at Enam; 35 Jarmut, Adullam, Soco at Azeka; 36 Saaraim, Aditaim, Gedera at Gederotaim. Lahat-lahat ay labing-apat na lunsod pati ang mga nayong nasa paligid.

37 Kasama rin ang mga sumusunod: Zenan, Hadasa at Migdal-gad; 38 Dilan, Mizpa at Jokteel; 39 Laquis, Bozcat at Eglon; 40 Cabon, Lamam at Kitlis; 41 Gederot, Beth-dagon, Naama at Makeda; labing-anim na lunsod, kasama ang mga nayong nasa paligid.

42 Kabilang din ang Libna, Eter at Asan; 43 Jefte, Asena at Nezib; 44 Keila, Aczib at Maresa—siyam na lunsod at ang mga nayon sa palibot.

45 Gayon din ang lunsod ng Ekron at ang mga bayan at nayon sa paligid; 46 ang lahat ng mga lunsod sa malapit sa Asdod buhat sa Ekron hanggang sa Dagat Mediteraneo.

47 Kasama rin ang mga lunsod ng Asdod at Gaza, at ang mga bayan at nayong sakop nila, hanggang sa batis ng Egipto at baybayin ng Dagat Mediteraneo.

48 Sa kaburulan naman ay ang mga lunsod ng Samir, Jatir, Soco; 49 Dana, Kiryat Sanna (na tinatawag ding Debir), 50 Anab, Estemoa at Anim; 51 Goshen, Holon at Gilo—labing-isang lunsod, kasama pati ang kanilang mga nayon.

52 Gayon din ang Arab, Duma at Eshan, 53 Janim, Beth-tapua at Afeca; 54 Humta, Lunsod ng Arba o Hebron at Sior—siyam na lunsod kasama ang mga nayon sa paligid.

55 Kabilang pa rin ang Maon, Carmelo, Zif at Juta; 56 Jezreel, Jocdeam at Zanoa, 57 Cain, Gabaa at Timna—sampung lunsod at ang mga nayon sa paligid.

58 Halhul, Beth-sur at Gedor, 59 Meara, Beth-anot at Eltecon—anim na lunsod, kasama ang kanilang mga nayon.

60 Kasama rin ang lunsod ng Baal (o Lunsod ng Jearim), at ang Rabba—dalawang lunsod kasama ang kanilang mga nayon.

61 Sa ilang naman, ang Beth-araba, Midin at Secaca; 62 Nibsan, ang Lunsod ng Asin at En-gedi—anim na lunsod, kasama pati ang mga nayon sa paligid nila.

63 Ngunit(C) hindi napaalis ng lipi ni Juda ang mga Jebuseo na naninirahan sa Jerusalem, kaya hanggang ngayo'y kasama nilang naninirahan doon ang mga ito.

Lucas 18:18-43

Ang Lalaking Mayaman(A)

18 May isang pinuno ng bayan na nagtanong kay Jesus, “Mabuting Guro, ano po ba ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?”

19 Sumagot si Jesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Ang Diyos lamang ang mabuti! 20 Alam(B) mo ang mga utos, ‘Huwag kang mangangalunya; huwag kang papatay; huwag kang magnanakaw; huwag kang tatayong saksi para sa kasinungalingan; at igalang mo ang iyong ama at ina.’”

21 Sinabi ng lalaki, “Ang lahat pong iyan ay tinupad ko na mula pa sa pagkabata.”

22 Pagkarinig nito ay sinabi ni Jesus, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Ipagbili mo ang lahat ng iyong ari-arian at ipamahagi ang pinagbilhan sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos ay bumalik ka, at sumunod ka sa akin.” 23 Nalungkot ang lalaki nang marinig iyon, sapagkat siya'y napakayaman.

24 Nakita ni Jesus na nalulungkot ang lalaki kaya't sinabi niya, “Napakahirap para sa mga mayayaman ang makapasok sa kaharian ng Diyos! 25 Mas madali pang makaraan sa butas ng karayom ang isang kamelyo kaysa makapasok sa kaharian ng Diyos ang isang mayaman.”

26 Nagtanong ang mga taong nakarinig nito, “Kung gayon, sino ang maliligtas?”

27 “Ang mga bagay na hindi kayang gawin ng tao ay kayang gawin ng Diyos,” tugon ni Jesus.

28 Sinabi naman ni Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan na namin ang aming mga tahanan at sumunod sa inyo.”

29 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Tandaan ninyo: kapag iniwan ninuman ang kanyang tahanan, asawa, mga kapatid, mga magulang, o mga anak alang-alang sa kaharian ng Diyos, 30 tatanggap siya ng higit pa sa panahong ito. At sa panahong darating, tatanggap siya ng buhay na walang hanggan.”

Ikatlong Pagsasabi ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(C)

31 Ibinukod ni Jesus ang Labindalawa at sinabi sa kanila, “Pupunta tayo sa Jerusalem at doo'y matutupad ang lahat ng isinulat ng mga propeta tungkol sa Anak ng Tao. 32 Siya'y ibibigay sa kamay ng mga Hentil; kukutyain, hahamakin, at duduraan. 33 Siya'y hahagupitin at papatayin, ngunit sa ikatlong araw ay muli siyang mabubuhay.” 34 Subalit ang Labindalawa ay walang naunawaan sa kanilang narinig; inilihim sa kanila ang kahulugan niyon, at hindi nila nalalaman ang sinasabi ni Jesus.

Pinagaling ang Lalaking Bulag(D)

35 Nang malapit na si Jesus sa Jerico, may isang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. 36 Nang marinig niyang nagdaraan ang maraming tao, itinanong niya kung ano ang nangyayari.

37 “Nagdaraan si Jesus na taga-Nazaret,” sabi nila sa kanya.

38 At siya'y sumigaw, “Jesus, Anak ni David! Mahabag po kayo sa akin!” 39 Sinaway siya ng mga taong nasa unahan, ngunit lalo pa niyang nilakasan ang pagsigaw, “Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!”

40 Tumigil si Jesus at ipinatawag ang bulag. Paglapit ng bulag ay tinanong siya ni Jesus, 41 “Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?” “Panginoon, gusto ko po sanang makakitang muli,” sagot niya.

42 At sinabi ni Jesus, “Makakita ka! Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”

43 Noon di'y nakakita ang bulag at nagpupuri sa Diyos na sumunod kay Jesus. Nang makita ito ng mga tao, silang lahat ay nagpuri sa Diyos.

Mga Awit 86

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Isang Panalangin ni David.

86 Sa aking dalangin, ako'y iyong dinggin,
    tugunin mo, Yahweh, ang aking pagdaing;
    ako'y mahina na't wala nang tumingin.
Pagkat tapat sa iyo, buhay ko'y ingatan,
    lingkod mo'y iligtas sa kapahamakan pagkat may tiwala sa iyo kailanman.

Ikaw ang aking Diyos, ako'y kahabagan,
    sa buong maghapo'y siyang tinatawagan.
Panginoon, lingkod mo'y dulutan ng galak,
    pagkat sa iyo kaluluwa'y tumatawag.
Mapagpatawad ka at napakabuti;
    sa dumadalangin at sa nagsisisi,
    ang iyong pag-ibig ay mananatili.

Pakinggan mo, Yahweh, ang aking dalangin,
    tulungan mo na po, ako'y iyong dinggin.
Dumaraing ako kapag mayro'ng bagabag,
    iyong tinutugon ang aking pagtawag.

Sa sinumang diyos wala kang kawangis,
    sa iyong gawai'y walang makaparis.

Ang(A) lahat ng bansa na iyong nilalang,
    lalapit sa iyo't magbibigay galang;
    sila'y magpupuri sa iyong pangalan.
10 Pagkat ikaw lamang ang Diyos na dakila
    na anumang gawin ay kahanga-hanga!

11 Ang kalooban mo'y ituro sa akin,
    at tapat ang puso ko na ito'y susundin;
    turuang maglingkod nang buong taimtim.
12 O Panginoong Diyos, buong puso'y laan, pupurihin kita magpakailanman
    at ihahayag ko, iyong kadakilaan.
13 O pagkadakila! Pag-ibig mong wagas, dahil sa pag-ibig, ako'y iniligtas;
    di hinayaang masadlak sa daigdig ng mga patay.
14 Mayroong mga taong ayaw kang kilanlin,
    taong mararahas, na ang adhikain
    ay labanan ako't ang buhay ay kitlin.
15 Ngunit ikaw, Panginoon, tunay na mabait,
    wagas ang pag-ibig, di madaling magalit,
    lubhang mahabagi't banayad magalit.
16 Pansinin mo ako, iyong kahabagan,
    iligtas mo ako't bigyang kalakasan,
    pagkat ako'y lingkod mo rin tulad ng aking nanay.
17 Pagtulong sa aki'y iyong patunayan;
    upang mapahiya ang aking kaaway,
    kung makita nilang mayroong katibayan na ako'y inaliw mo at tinulungan!

Mga Kawikaan 13:9-10

Ang matuwid ay tulad ng maningning na ilaw,
    ngunit ang masama ay lamparang namamatay.
10 Ang kapalaluan ay nagbubunga ng kaguluhan,
    ngunit ang pakikinig sa payo'y nagbabadya ng karunungan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.