Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Josue 19-20

Ang Bahagi ng Lipi ni Simeon

19 Pangalawang lumabas sa palabunutan ang bahagi ng lipi ni Simeon. Nasa loob ng lupain ng Juda ang lupaing ibinigay sa kanila. Sakop(A) nito ang Beer-seba, Seba at Molada; Hazar-shual, Bala at Ezem; Eltolad, Bethul at Horma; Ziklag, Beth-marcabot at Hazar-susa; Beth-lebaot at Saruhen—labingtatlong lunsod at bayan ang sakop nila.

Kasama rin ang apat na lunsod ng Ayin, Rimon, Eter at Asan at ang mga karatig-bayan nito. Sakop nito ang mga nayon sa paligid hanggang Baalat-beer o Rama ng Negeb. Ito ang lupaing napunta sa lipi ni Simeon bilang bahagi nila. Ang bahaging ito ay nasa loob ng teritoryo ng Juda; sapagkat ang lipi ni Juda ay tumanggap nang higit sa kanilang kinakailangan, ang bahagi nito ay ibinigay sa lipi ni Simeon.

Ang Bahagi ng Lipi ni Zebulun

10 Pangatlong lumabas sa palabunutan ang bahagi ng lipi ni Zebulun. Ang lupaing napunta sa kanila ay abot sa Sarid.[a] 11 Buhat dito ang kanyang hanggana'y umahong pakanluran patungo sa Marala, nagtuloy sa Dabeset, at sa batis na nasa silangan ng Jokneam. 12 Buhat din sa Sarid, ang hanggana'y pumasilangan hanggang sa Kislot-tabor, lumabas patungong Daberat, at umahon sa Jafia. 13 Buhat doon, nagpatuloy sa Gat-hefer, nagdaan ng Itcazin, lumabas sa Rimon, at lumikong patungo sa Nea. 14 Sa hilaga naman, ang hanggana'y lumikong patungo sa Hanaton, at nagtapos sa Kapatagan ng Jefte-el. 15 Ito ang mga lunsod ng Zebulun: Catat, Nahalal, Simron, Idala, Bethlehem—labindalawang lunsod kasama ang mga nayon nito. 16 Ang mga lunsod na ito at ang mga nayong sakop nila ang napapunta sa lipi ni Zebulun.

Ang Bahagi ng Lipi ni Isacar

17 Napunta sa lipi ni Isacar ang pang-apat na bahagi. 18 Sakop nito ang Jezreel, Kesulot at Sunem; 19 Hafaraim, Shion at Anaharat; 20 Rabit, Cision at Ebez; 21 Remet, En-ganim, En-hada at Beth-pazez. 22 Abot sa Tabor, sa Sahazuma at Beth-semes ang kanyang mga hangganan, at nagtapos sa Ilog Jordan. Labing-anim na lunsod, kasama ang kanilang mga sakop na nayon, ang nasasaklaw ng lupaing ito. 23 Ang mga lunsod at bayang ito ang bahaging napunta sa lipi ni Isacar.

Ang Bahagi ng Lipi ni Asher

24 Napunta naman sa lipi ni Asher ang ikalimang bahagi. 25 Sakop nito ang Helcat, Hali, Bethen at Acsaf; 26 ang Alamelec, Amad at Misal; abot sa Carmelo at sa Sihor-libnat ang hangganan sa kanluran. 27 Sa pasilangan naman, ang hanggana'y nagtungo sa Beth-dagon, at sa pahilaga, nagdaan sa gilid ng Zebulun at sa Kapatagan ng Jefte-el patungong Beth-emec at Neiel at nagtuloy sa Cabul. 28 Saklaw pa rin sa gawing hilaga ang Ebron, Rehob, Hamon, Cana at hanggang sa Dakilang Sidon. 29 Pagkatapos, ang hanggana'y lumikong patungo sa Rama, at nagtuloy sa Tiro, isang lunsod na napapaligiran ng pader; lumikong muli patungong Hosa, at nagtapos sa Dagat Mediteraneo. Kasama sa hilagang-silangan ng lupaing iyon ang Mahalab, Aczib, 30 Uma, Afec at Rehob—dalawampu't dalawang lunsod, kasama ang mga nayong sakop nila. 31 Ang mga lunsod at nayong ito ang naging bahagi ng mga angkan ng lipi ni Asher.

Ang Bahagi ng Lipi ni Neftali

32 Napunta naman sa lipi ni Neftali ang ikaanim na bahagi. 33 Buhat sa Helef, sa gubat ng mga punong roble sa Zaananim, ang hangganan nito'y nagtungo sa Adamineceb, lumampas ng Jabneel, nagtuloy sa Lacum at nagtapos sa Jordan. 34 Sa pakanluran naman, ang hanggana'y nagtungo sa Aznot-tabor at lumampas na papuntang Hucoca. Karatig ng lupaing ito sa timog ang lupain ng Zebulun, sa kanluran ang lupain ng Asher, at sa silangan ang Juda sa kabila ng Jordan. 35 Ito ang mga lunsod ng Neftali na may mga pader: Sidim, Ser, Hamat, Racat, Cineret, 36 Adama, Rama, Hazor, 37 Kades, Edrei, En-hazor, 38 Jiron, Migdal-el, Horem, Beth-anat at Beth-semes—labinsiyam na lunsod kasama ang mga nayong sakop nila. 39 Ang mga lunsod at nayong ito ang naging bahagi ng lipi ni Neftali.

Ang Bahagi ng Lipi ni Dan

40 Napapunta sa lipi ni Dan ang ikapitong bahagi. 41 Sakop nito ang mga sumusunod: Zora, Estaol, Ir-semes, 42 Saalabin, Ayalon, Itla, 43 Elon, Timna, Ekron, 44 Elteque, Gibeton, Baalat, 45 Jehud, Bene-berac, Gat-rimon, 46 Me-jarcon, Racon at ang lupaing nasa tapat ng Joppa. 47 May(B) mga lupain para sa lipi ni Dan na hindi pa nila nasasakop. Kaya't nang kulangin sila ng lupain, sinalakay nila ang Lesem, sinakop ito at nilipol ang mga tagaroon. Pagkatapos nilang makuha ang Lesem, pinalitan nila ang pangalan nito at tinawag na Dan, alang-alang kay Dan na kanilang ninuno. 48 Ang mga lunsod at nayong ito ang naging bahagi ng lipi ni Dan, at pinaghati-hatian ng mga angkang bumubuo ng lipi.

Ang Lupaing Ibinigay kay Josue

49 Matapos tanggapin ng mga Israelita ang kani-kanilang bahagi ng lupain, binigyan naman nila si Josue na anak ni Nun ng para sa kanya. 50 Ayon sa ipinag-utos ni Yahweh, ibinigay nila sa kanya ang lunsod na kanyang hiniling, ang Timnat-sera na nasa lupain ng Efraim. Muli itong itinayo ni Josue at doon siya nanirahan.

51 Ginawa ng paring si Eleazar at ni Josue na anak ni Nun ang pagbabahagi ng lupain sa pamamagitan ng palabunutan. Ginawa nila ito sa Shilo, sa harapan ni Yahweh, sa may pintuan ng Toldang Tipanan, katulong ang mga pinuno ng mga angkan. Sa ganitong paraan natapos ang pagbibigay sa bawat lipi ng kani-kanilang bahagi sa lupain.

Ang mga Lunsod-Kanlungan

20 Sinabi(C) ni Yahweh kay Josue, “Sabihin(D) mo sa bayang Israel na pumili sila ng mga lunsod-kanlungan ayon sa sinabi ko kay Moises. Ang makapatay nang di sinasadya ay maaaring tumakbo roon upang makaligtas sa paghihiganti ng namatayan. Maaari siyang tumakbo sa isa sa mga lunsod na ito, humarap sa hukuman na nasa pagpasok ng lunsod, at ipaliwanag sa matatanda ang nangyari. Papapasukin siya, at doon papatirahin. Kapag sinundan siya roon ng mga nagnanais maghiganti, hindi siya isusuko ng mga tagaroon sapagkat nakamatay siya ng kapwa Israelita nang di sinasadya at hindi bunsod ng galit. Mananatili siya roon hanggang sa litisin sa harap ng mga taong-bayan, at hanggang hindi namamatay ang Pinakapunong Pari na nanunungkulan nang panahong iyon. Kung mangyari ito, maaari na siyang umuwi sa kanyang sariling bayan kung saan siya'y nakapatay.”

Pinili nga nila ang Kades, sa Galilea, sa kaburulan ng Neftali; ang Shekem sa kaburulan ng Efraim; at ang Lunsod ng Arba (o Hebron) sa kaburulan ng Juda. Sa ibayo naman ng Jordan, sa kaburulang nasa silangan ng Jerico, pinili nila ang Bezer sa lupain ni Ruben; ang Ramot sa Gilead, sa lupain ni Gad; at ang Golan sa Bashan, sa lupain ni Manases. Ito ang mga lunsod-kanlungan na pinili para sa mga Israelita at para sa sinumang dayuhang naninirahang kasama nila. Ang makapatay nang di sinasadya ay maaaring pumunta roon hanggang sa siya'y litisin sa harap ng mga taong-bayan, upang huwag mapatay ng mga kamag-anak ng namatay.

Lucas 19:28-48

Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(A)

28 Pagkasabi(B) nito, nauna si Jesus papuntang Jerusalem. 29 Nang malapit na siya sa Bethfage at Bethania, sa Bundok ng mga Olibo, isinugo niya ang dalawa sa kanyang mga alagad. 30 Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Sa pagpasok doo'y matatagpuan ninyo ang isang batang asno na nakatali; hindi pa iyon nasasakyan ninuman. Kalagan ninyo at dalhin dito. 31 Kapag may nagtanong kung bakit ninyo iyon kinakalagan, sabihin ninyong kailangan iyon ng Panginoon.”

32 Lumakad nga ang mga inutusan at natagpuan nila ang asno, ayon sa sinabi ni Jesus. 33 Habang kinakalagan nila ang batang asno, tinanong sila ng mga may-ari, “Bakit ninyo kinakalagan iyan?”

34 “Kailangan po ito ng Panginoon,” tugon nila.

35 Dinala nila kay Jesus ang asno, at matapos isapin sa likod nito ang kanilang mga balabal, siya'y pinasakay nila. 36 Habang siya'y nakasakay sa asno, inilalatag naman ng mga tao ang kanilang mga balabal sa kanyang dinaraanan. 37 Nang siya'y malapit na sa lungsod, palusong na sa libis ng Bundok ng mga Olibo, nagsigawan sa tuwa ang lahat ng alagad niya at malakas na nagpuri sa Diyos dahil sa mga kahanga-hangang pangyayaring kanilang nasaksihan. 38 Sinabi nila, “Pinagpala ang haring dumarating sa pangalan ng Panginoon! Kapayapaan sa langit! Papuri sa Kataas-taasan!”

39 Sinabi naman sa kanya ng ilang Pariseong kasama ng karamihan, “Guro, patigilin ninyo ang inyong mga alagad.”

40 Sumagot siya, “Sinasabi ko sa inyo, kapag tumahimik sila, ang mga bato na ang sisigaw.”

Tinangisan ni Jesus ang Jerusalem

41 Nang malapit na siya sa Jerusalem at natatanaw na niya ang lungsod, ito'y kanyang tinangisan. 42 Sinabi niya, “Kung nalalaman mo lamang sa araw na ito kung ano ang makakapagdulot sa iyo ng kapayapaan! Ngunit ito'y lingid ngayon sa iyong paningin. 43 Darating ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, palilibutan ka nila at gigipitin sa kabi-kabila. 44 Wawasakin ka nila at lilipulin ang lahat ng iyong mamamayan. Wala silang iiwanang magkapatong na bato sapagkat hindi mo pinansin ang pagdalaw sa iyo ng Diyos.”

Si Jesus sa Templo(C)

45 Pumasok si Jesus sa Templo at sinimulang ipagtabuyan ang mga nagtitinda roon. 46 Sinabi(D) niya sa kanila, “Nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan.’ Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw.”

47 Araw-araw,(E) si Jesus ay nagtuturo sa loob ng Templo. Pinagsikapan siyang ipapatay ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan. 48 Subalit wala silang makitang paraan upang maisagawa ito dahil taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.

Mga Awit 88

Panalangin ng Paghingi ng Tulong

Isang Awit na katha ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng Mahalath Leanoth.[a] Isang Maskil[b] ni Heman, na mula sa angkan ni Ezra.

88 Yahweh, aking Diyos, tanging ikaw lamang, aking kaligtasan,
    pagsapit ng gabi, dumudulog ako sa iyong harapan.
Ako ay dinggin mo, sa pagdalangin ko ako ay pakinggan,
    sa aking pagdaing ako ay tulungan.

Ang kaluluwa ko ay nababahala't puspos ng problema.
    Dahilan sa hirap pakiwari'y buhay ko'y umiiksi na.
Ibinilang ako niyong malapit nang sa hukay ilagak,
    ang aking katulad ay mahina na't ubos na ang lakas.
Ang katulad ko pa ay ang iniwanan sa gitna ng patay,
    animo'y nasawi na nananahimik sa kanyang libingan.
Tulad na rin ako nitong mga tao na iyong nilimot,
    parang mga tao na sa iyong tulong ay hindi maabot.
Dinala mo ako sa may kadilimang hukay na malalim,
    na tulad ng libingan na ubod ng dilim.
Ikaw ay nagalit, at ang bigat nito'y sa akin nabunton,
    ang katulad ko'y tinabunan ng malaking alon. (Selah)[c]

Mga kasama ko'y hinayaan mo na ako ay iwan,
    hinayaan silang mamuhi sa aki't ako'y katakutan,
kaya hindi ako makatakas ngayo't pintua'y nasarhan.
    Dahilan sa lungkot, ang aking paningi'y waring lumalamlam,
kaya naman, Yahweh, tumatawag ako sa iyo araw-araw,
    sa pagdalangin ko ay taas ang kamay.

10 Makakagawa ba ikaw, Panginoon, ng kababalaghan,
    para purihin ka niyong mga patay? (Selah)[d]
11 Ang pag-ibig mo ba doon sa libinga'y ipinapahayag,
    o sa kaharian niyong mga patay ang iyong pagtatapat?
12 Doon ba sa dilim ang dakilang gawa mo ba'y makikita,
    o iyong kabutihan, sa mga lupaing tila nalimot na?

13 Sa iyo, O Yahweh, ako'y nananangis at nananawagan,
    sa tuwing umaga ako'y tumatawag sa iyong harapan.
14 Di mo ako pansin, Yahweh, aking Diyos, di ka kumikibo.
    Bakit ang mukha mo'y ikinukubli mo, ika'y nagtatago?
15 Mula pagkabata ako'y nagtiis na, halos ikamatay;
    ang iyong parusa'y siyang nagpahina sa aking katawan.
16 Sa aking sarili, tindi ng galit mo'y aking nadarama,
    ako'y mamamatay kundi ka hihinto ng pagpaparusa.
17 Parang baha sila kung sumasalakay sa aking paligid,
    sa buong maghapon kinukubkob ako sa lahat ng panig.
18 Iyong pinalayo mga kaibigan pati kapitbahay;
    ang tanging natira na aking kasama ay ang kadiliman.

Mga Kawikaan 13:12-14

12 Ang matagal na paghihintay ay nagpapahina ng kalooban,
    ngunit ang pangarap na natupad ay may dulot na kasiyahan.
13 Ang nagwawalang-bahala sa payo ay hahantong sa sariling kapahamakan,
    ngunit ang nagpapahalaga sa utos ay gagantimpalaan.
14 Ang mga turo ng matalino ay bukal ng buhay,
    ito ay maglalayo sa bitag ng kamatayan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.