The Daily Audio Bible
Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.
16 Kinabukasan, maagang bumangon si Josue at pinahanay ang buong Israel ayon sa kani-kanilang lipi, at napili ang lipi ni Juda. 17 Tinawag ang lipi ni Juda at napili ang angkan ni Zera. Tinawag ang angkan ni Zera at napili ang sambahayan ni Zabdi. 18 Tinawag ang sambahayan ni Zabdi at napili si Acan, na anak ni Karmi at apo ni Zabdi, na anak ni Zera. 19 Kaya't sinabi ni Josue kay Acan, “Anak, nasa harapan ka ni Yahweh, ang Diyos ng Israel! Igalang mo ang kanyang pangalan. Magsabi ka ng totoo. Huwag kang magkakaila ng anuman! Ano ang ginawa mo?”
20 Sumagot si Acan, “Totoo pong nagkasala ako kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. 21 Sa mga bagay na nasamsam ko sa Jerico, may nakita akong isang mamahaling balabal na yari sa Babilonia, halos walong librang pilak, at isang baretang ginto na mahigit pang dalawang libra. Kinuha ko ang mga iyon at ibinaon sa lupa, sa loob ng aking tolda. Nasa kailaliman po ang pilak.”
22 Nagsugo si Josue ng dalawang tao na patakbong pumunta sa tolda ni Acan. Nakabaon nga roon ang damit at nasa ilalim nito ang pilak. 23 Iniharap nila kay Josue at sa buong Israel ang lahat ng iyon, at inilatag sa harapan ni Yahweh. 24 Dinala ni Josue at ng buong bayan si Acan, gayundin ang pilak, ang damit, at ang barang ginto, sa Libis ng Kaguluhan. Isinama rin nila ang kanyang asawa, mga anak, mga baka, kabayo, at tupa, tolda at lahat niyang ari-arian. 25 At sinabi ni Josue, “Bakit mo kami ipinahamak? Ikaw naman ngayon ang ipapahamak ni Yahweh.” At pinagbabato ng buong bayan si Acan at ang buo niyang sambahayan hanggang mamatay. Sinunog silang lahat kasama ng kanilang ari-arian. 26 Pagkatapos, tinabunan nila ng mga bato. Naroon pa hanggang ngayon ang mga batong iyon.
Nawala ang galit ni Yahweh. Mula noon, ang pook na iyo'y tinawag na Libis ng Kaguluhan.
Ang Plano Laban sa Lunsod ng Ai
8 At sinabi ni Yahweh kay Josue, “Huwag kang matakot, lakasan mo ang iyong loob. Tipunin mo ang lahat mong mga kawal at salakayin ninyo ang lunsod ng Ai. Ibibigay ko sa inyo ang hari ng Ai, ang kanyang mga tauhan, lunsod at mga lupain. 2 Gagawin ninyo sa Ai ang ginawa ninyo sa Jerico. Ngunit maaari ninyong kunin ang kanilang mga alagang hayop at mga ari-arian. Maghanda kayo at salakayin ninyo ang lunsod buhat sa likuran.”
3 Inihanda nga ni Josue ang lahat niyang kawal upang salakayin ang Ai. Pumili siya ng tatlumpung libong magigiting na kawal, at kinagabiha'y pinalabas ng kampo. 4 Ganito ang tagubilin niya sa kanila: “Magtago kayo sa dakong likuran ng lunsod, sa di kalayuan, at humanda kayong sumalakay sa anumang oras. 5 Kami ng mga kasama ko ay sasalakay sa harapan. Kapag hinabol kami ng mga taga-lunsod, aatras kami gaya ng ginawa natin noong nakaraan. 6 Aakalain nilang natakot kami tulad noong una, kaya hahabulin nila kami hanggang sa sila'y mapalayo sa lunsod. 7 Lalabas naman kayo sa inyong pinagtataguan at papasukin ninyo ang lunsod. Ito'y ibibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. 8 Kapag nasakop na ninyo ang lunsod, sunugin ninyo ito, gaya ng sinabi ni Yahweh. Tandaan ninyo ang mga tagubilin kong ito.” 9 Pinalabas nga sila ni Josue, at sila'y nagtago sa dakong likuran ng Ai—sa pagitan nito at ng Bethel. Samantala, nanatili si Josue sa kampo kasama ng ibang tauhan ng Israel.
Ang Pagsakop sa Lunsod ng Ai
10 Kinabukasan, maaga pa'y bumangon na si Josue at tinipon ang buong hukbo. Siya at ang mga pinuno ng Israel ang nanguna patungo sa Ai. 11 Pumunta sila sa gawing bukana ng lunsod at nagtayo ng kampo sa harap niyon, sa gawing hilaga. Isang libis ang nasa pagitan nila at ng lunsod ng Ai. 12 Nagbukod si Josue ng limanlibong mandirigma na pinakubli niya sa kanluran ng lunsod—sa pagitan nito at ng Bethel. 13 Ganito ang hanay ng mga kawal sa simula ng labanan: ang pinakamalaking bahagi ay sa harapan sa dakong hilaga ng lunsod at ang mga nakakubling mandirigma, sa gawing kanluran naman. Sa libis na iyon nagpalipas ng gabi si Josue. 14 Hindi nag-aksaya ng panahon ang hari at ang mga taga-Ai nang makita ang pangkat ni Josue. Lumabas sila ng lunsod at nilusob ang hukbo ng Israel sa Kapatagan ng Jordan, sa dating pinaglabanan nila. Wala silang malay na may sasalakay sa kanilang likuran. 15 Si Josue naman at ang mga kasama niya'y nagkunwaring natatalo at umatras patungo sa ilang. 16 Kaya't hinabol sila ng lahat ng kalalakihan ng Ai hanggang sa mapalayo sila sa lunsod. 17 Lahat ng lalaki sa Ai at sa Bethel ay sumama sa paghabol sa mga Israelita at naiwang walang bantay ang lunsod.
18 Noon sinabi ni Yahweh kay Josue, “Ituro mo sa Ai ang iyong sibat. Ito'y ibinibigay ko sa inyo ngayon.” Ganoon nga ang ginawa ni Josue. 19 Pagkataas ng kanyang kamay, naglabasan ang mga tauhan niya sa kanilang pinagtataguan. Pinasok nila ang lunsod at sinunog iyon. 20 Nang lumingon ang mga taga-Ai, nakita nilang abot sa langit ang usok na nagmumula sa lunsod. Hindi naman sila makasulong o makaurong; bigla silang hinarap ng mga Israelitang hinahabol nilang patungo sa ilang. 21 Sapagkat nang makita ni Josue at ng mga Israelita na ang mga kasama nilang nakakubli'y pumasok na sa lunsod at ito'y nasusunog na, bumalik sila at pinagpapatay ang mga taga-Ai. 22 Dumagsa rin buhat sa lunsod ang mga Israelitang pumasok doon, kaya't ganap na napalibutan ang mga taga-Ai. Namatay silang lahat, at walang nakaligtas o nakatakas ni isa man. 23 Ang hari lang ang binihag nilang buháy at dinala kay Josue.
24 Napatay nga ng mga Israelita ang lahat ng humabol sa kanila. Pagkatapos, bumalik sila sa lunsod at nilipol din ang lahat ng naiwan doon. 25 Nang araw na iyon ay pinuksa nila ang lahat ng tao sa Ai, at may labindalawang libo ang namatay. 26 Patuloy na itinuro ni Josue sa Ai ang kanyang sibat hanggang sa mapatay ang lahat ng tagaroon. 27 Walang kinuha ang mga Israelita mula sa lunsod kundi ang mga baka at mga ari-arian, ayon sa sinabi ni Yahweh kay Josue. 28 Sinunog ni Josue ang Ai at iniwang wasak tulad ng makikita hanggang sa ngayon. 29 Ipinabitay niya ang hari sa isang punongkahoy, at pinabayaan doon ang bangkay hanggang sumapit ang dilim. Paglubog ng araw, ipinababa niya ang bangkay at ipinatapon sa may pintuan ng lunsod. Pinatabunan niya iyon ng malalaking bato na makikita pa roon magpahanggang ngayon.
Binasa ang Kautusan sa Bundok ng Ebal
30 Nagtayo(A) si Josue ng isang altar sa Bundok ng Ebal para kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. 31 Mga(B) batong hindi tinapyas ng paet ang ginamit niya sa altar ayon sa bilin ni Moises at nasasaad sa Kautusan. Sa ibabaw ng altar na iyon ay nag-alay sila kay Yahweh ng mga handog na sinusunog at mga handog na pinagsasaluhan. 32 Sa lugar na iyon, sa harapan ng buong Israel, iniukit ni Josue sa mga bato ng altar ang kopya ng Kautusang isinulat ni Moises. 33 Lahat(C) ng Israelita, kasama ang mga matatanda, ang mga pinuno, at ang mga hukom, at pati ang mga dayuhang kasama nila, ay tumayo sa magkabilang panig ng Kaban ng Tipan ni Yahweh, paharap sa mga paring Levita na may dala niyon. Ang kalahati ng bayan ay tumayo sa tapat ng Bundok ng Gerizim, at ang kalahati'y sa tapat ng Bundok ng Ebal. Ganito ang utos ni Moises na gagawin nila pagsapit ng panahong tatanggapin na nila ang pagbabasbas. 34 Sa sandaling iyo'y binasa ni Josue ang Kautusan, ang mga pagpapala at ang mga sumpa, ayon sa nasusulat sa aklat ng Kautusan. 35 Isa-isang binasa ni Josue ang mga Kautusan sa lahat ng taong naroon, pati sa mga babae at mga bata, at sa mga dayuhang kasama nila.
Nilinlang ng mga Taga-Gibeon si Josue
9 Ang mga tagumpay ng Israel ay nabalitaan ng lahat ng mga hari sa ibayo ng Jordan, sa kaburulan, sa kapatagan, at sa baybayin ng Dagat Mediteraneo hanggang sa Lebanon, sa dulong hilaga. Ang mga haring ito ng mga Heteo, ng mga Amoreo, ng mga Cananeo, ng mga Perezeo, ng mga Hivita, at ng mga Jebuseo 2 ay nagsama-sama upang lusubin si Josue at ang bayang Israel.
Ang Talinghaga ng Tusong Katiwala
16 Sinabi rin ni Jesus sa kanyang mga alagad, “May taong mayaman na may isang katiwala. May nagsumbong sa kanyang nilulustay nito ang kanyang ari-arian. 2 Kaya't ipinatawag niya ang katiwala at tinanong, ‘Ano ba itong naririnig ko tungkol sa iyo? Ibigay mo sa akin ang ulat ng iyong pangangasiwa sapagkat tatanggalin na kita sa iyong tungkulin.’ 3 Sinabi ng katiwala sa kanyang sarili, ‘Ano ang gagawin ko? Aalisin na ako ng aking amo sa pangangasiwa. Hindi ko kayang magbungkal ng lupa; nahihiya naman akong magpalimos. 4 Alam ko na ang aking gagawin! Maalis man ako sa pangangasiwa ay may tatanggap naman sa akin sa kanilang tahanan.’ 5 Kaya't isa-isa niyang tinawag ang mga may utang sa kanyang amo. Tinanong niya ang una, ‘Magkano ang utang mo sa aking amo?’ 6 Sumagot ito, ‘Isandaang tapayang[a] langis po.’ Kaya sabi ng katiwala, ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang. Dali! Maupo ka't palitan mo, gawin mong limampu.’ 7 At tinanong naman niya ang isa, ‘Ikaw, gaano ang utang mo?’ Sumagot ito, ‘Isandaang kabang trigo po.’ ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang,’ sabi niya. ‘Isulat mo, walumpu.’ 8 Pinuri ng amo ang madayang katiwala dahil sa katusuhang ipinamalas nito. Sapagkat ang mga makasanlibutan ay mas tuso kaysa mga maka-Diyos sa paggamit ng mga bagay ng mundong ito.”
9 At(A) nagpatuloy si Jesus sa pagsasalita, “Kaya't sinasabi ko sa inyo, gamitin ninyo ang kayamanan ng mundong ito sa paggawa ng mabuti sa inyong mga kapwa upang kung maubos na iyon ay tanggapin naman kayo sa tahanang walang hanggan. 10 Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay; ang mandaraya sa maliit na bagay ay mandaraya rin sa malaking bagay. 11 Kaya kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa mga kayamanan ng mundong ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? 12 At kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng talagang para sa inyo?
13 “Walang(B) aliping maaaring maglingkod sa dalawang panginoon sapagkat kamumuhian niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring maglingkod sa Diyos at sa kayamanan.”
Hindi Mawawalan ng Bisa ang Kautusan(C)
14 Nang marinig ito ng mga Pariseo, na mga sakim sa salapi, ay kinutya nila si Jesus. 15 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Kayo ang nagpapanggap na matuwid sa harapan ng mga tao, ngunit alam ng Diyos ang nilalaman ng inyong mga puso. Sapagkat ang itinuturing na mahalaga ng mga tao ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos.
16 “Ang(D) Kautusan ni Moises at ang sinulat ng mga propeta ay may bisa hanggang sa pagdating ni Juan na Tagapagbautismo. Buhat noon ay ipinapangaral na ang Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos, at ang lahat ay nagpupumilit na makapasok dito. 17 Mas(E) madali pang maglaho ang langit at ang lupa kaysa mawalan ng bisa ang kahit isang tuldok ng Kautusan.
18 “Kapag(F) hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa, at mag-asawa sa iba, siya ay nagkakasala ng pangangalunya, at ang mag-aasawa naman sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya.”
Diyos ang Kataas-taasang Hari
Awit ni Asaf.
82 Ang Diyos ang namumuno ng pulong sa kalangitan,
sa pulong ng mga diyos, ganito ang kapasyahan:
2 “Dapat ninyong itigil na, paghatol na hindi tama,
tumigil na ng paghatol na panig sa masasama. (Selah)[a]
3 Bigyan ninyong katarungan ang mahina at ulila,
at huwag ninyong aapihin ang mahirap at may dusa.
4 Ang marapat na tulunga'y ang mahina at mahirap, sa kamay ng masasama sila'y dapat na iligtas!
5 “Anong pagkamangmang ninyo, wala kayong nalalaman!
Sa gitna ng kadilima'y doon kayo nananahan,
sa ibabaw ng daigdig ay wala nang katarungan.
6 Ang(A) sabi ko, kayo'y diyos, anak ng Kataas-taasan,
7 ngunit tulad nitong tao, lahat kayo'y mamamatay;
katulad din ng prinsipe, papanaw ang inyong buhay.”
8 O Diyos, ikaw ay magbangon at daigdig pagharian,
ang lahat ng mga bansa ay hawak ng iyong kamay!
2 Natatamo ng mabuti ang bunga ng kanyang kabaitan,
ngunit ang ninanasa ng masama ay puro karahasan.
3 Ang(A) maingat magsalita ay nag-iingat ng kanyang buhay,
ngunit ang taong madaldal ay nasasadlak sa kapahamakan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.