Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Levitico 24:1-25:46

Ang mga Ilawan(A)

24 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Iutos mo sa mga Israelita na magdala ng dalisay na langis ng olibo upang patuloy na magningas ang ilawan sa labas ng tabing, sa loob ng Toldang Tipanan. Ang mga ilaw na iyon ay sisindihan ni Aaron tuwing hapon at pananatilihing may sindi hanggang umaga. Ito ay tuntuning susundin ninyo habang panahon. Pangangalagaan niya ang mga ilaw na ito na nasa patungang ginto upang manatiling maningas sa harapan ni Yahweh.

Ang Sagradong mga Tinapay

“Magluluto(B) kayo ng labindalawang tinapay; isang salop ng mainam na harina ang gagamitin sa bawat isa. Ang mga ito ay ihahanay nang tig-aanim sa ibabaw ng mesang ginto. Bawat hanay ay lalagyan ng dalisay na insenso at pagkatapos ay susunugin bilang handog kay Yahweh. Tuwing Araw ng Pamamahinga, ang tinapay na ito ay ihahandog kay Yahweh. Ito'y gagawin ng bayang Israel sa habang panahon. Pagkatapos(C) ihandog, ang mga tinapay na iyon ay ibibigay kay Aaron at sa kanyang mga anak. Kakainin nila iyon sa isang banal na lugar sapagkat iyon ay inilaan kay Yahweh. Ito ay tuntuning dapat sundin habang panahon.”

Paglapastangan at Kaparusahan

10-11 Nang panahong iyon, may isang lalaking pumasok sa kampo ng Israel. Ang ama niya ay isang Egipcio at Israelita naman ang kanyang ina na ang pangala'y Selomit, isa sa mga anak ni Debri at mula sa lipi ni Dan. Ang anak ng mga ito ay napaaway sa isang tunay na Israelita. Sa kanilang pag-aaway, nagmura siya at nagsalita ng masama laban sa pangalan ni Yahweh, kaya dinala siya kay Moises. 12 Siya ay ipinakulong habang hinihintay ang pasya ni Yahweh.

13 At sinabi ni Yahweh kay Moises, 14 “Ilabas ninyo sa kampo ang nagmura. Ipatong sa ulo niya ang kamay ng lahat ng nakarinig sa kanya, at pagkatapos ay batuhin siya hanggang mamatay. 15 Sabihin mo sa bayang Israel na mananagot ang sinumang lumapastangan sa kanyang Diyos. 16 Ang lumapastangan sa pangalan ni Yahweh, maging katutubong Israelita o dayuhan, ay babatuhin ng taong-bayan hanggang sa mamatay.

17 “Ang(D) sinumang pumatay ng kapwa ay papatayin din. 18 Kung hayop naman ang pinatay niya, papalitan niya iyon; kapag buhay ang inutang buhay rin ang kabayaran.

19 “Ang makapinsala sa kapwa ay pipinsalain din, tulad ng kanyang ginawa. 20 Baling(E) buto sa baling buto, mata sa mata, ngipin sa ngipin. Kung ano ang ginawa niya, gayundin ang gagawin sa kanya. 21 Ang makapatay ng hayop ng kanyang kapwa ay kinakailangang magbabayad ng hayop din, ngunit ang pumatay ng kapwa tao ay dapat patayin din. 22 Iisa(F) ang batas na paiiralin sa mga katutubong Israelita at sa mga dayuhan. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.”

23 Nang masabi na ito ni Moises, inilabas nila sa kampo ang lumapastangan at binato hanggang mamatay. Sinunod ng mga Israelita ang mga utos ni Yahweh na ibinigay niya kay Moises.

Ang Taon ng Pamamahinga(G)

25 Sinabi(H) pa ni Yahweh kay Moises nang sila'y nasa Bundok ng Sinai, “Sabihin mo sa mga Israelita na pagpasok nila sa lupaing ibinigay ko sa inyo, pati ang lupain ay pagpapahingahin tuwing ikapitong taon upang parangalan si Yahweh. Anim na taon ninyong tatamnan ang inyong bukirin at aalagaan ang mga ubasan. Ang ikapitong taon ay taon ng lubos na pamamahinga ng lupain, isang taóng nakatalaga para kay Yahweh. Huwag ninyong tatamnan sa taóng iyon ang inyong bukirin at huwag pipitasan ang mga punong ubas na hindi naalagaan. Ang lahat ng maaani roon ay para sa lahat: sa inyo, sa inyong mga alipin, sa mga bayarang manggagawa, sa mga dayuhan, sa inyong mga kawan at iba pang mga hayop.

Ang Taon ng Paglaya

“Bibilang kayo ng pitong tigpipitong taon, bale apatnapu't siyam na taon. Pagkalipas nito, sa ikasampung araw ng ikapitong buwan na siyang Araw ng Pagtubos sa Kasalanan, hihipan nang malakas ang trumpeta sa buong lupain. 10 Sa ganitong paraan, itatangi ninyo ang ikalimampung taon; ipahahayag ninyong malaya ang lahat sa buong lupain. Ito ay inyong Taon ng Paglaya; ang alipin ay babalik sa kanyang sariling tahanan at ang lupaing naipagbili ay isasauli sa dating may-ari. 11 Sa buong taóng iyon, huwag kayong magtatanim sa inyong bukirin. Huwag din ninyong aanihin ang bunga ng mga punong ubas na hindi naalagaan. 12 Sapagkat ito'y taon ng pagdiriwang at ito ay sagrado para sa inyo. Ang inyong kakainin ay ang mga halaman na kusang tumubo sa bukid.

13 “Sa taóng iyon, ang lahat ng ari-ariang naipagbili ay isasauli sa dating may-ari. 14 Kaya't kung magbebenta kayo o bibili sa inyong kapwa, huwag kayong mandaraya. 15 Magbabayad kayo ayon sa dami ng taon mula sa huling taon ng paglaya, at magbebenta naman ayon sa dami ng taon ng pamumunga bago dumating ang kasunod na Taon ng Paglaya. 16 Kung matagal pa, mataas ang halaga; kung iilang taon na lamang, mas mababa ang halaga sapagkat ang batayan ay ang dami ng maaani sa lupa. 17 Huwag kayong magdadayaan; sa halip ay matakot kayo sa akin. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.

18 “Kaya iingatan ninyo ang mga tuntunin at inyong tutuparin ang aking mga utos, upang kayo'y manatiling matatag sa lupaing pupuntahan ninyo. 19 Sa gayon, mag-aani kayo nang sagana; hindi kayo magugutom at magiging tiwasay ang pamumuhay ninyo sa lupaing iyon. 20 Huwag kayong mag-alala sa kakainin ninyo sa ikapitong taon kung hindi kayo magtatanim. 21 Pasasaganain ko ang inyong ani tuwing ikaanim na taon, at magiging sapat iyon para sa tatlong taon. 22 Kayo'y magtatanim na sa ikawalong taon ngunit ang dati pa rin ninyong inani ang kakainin ninyo hanggang sa anihan ng ikasiyam na taon.

Paglaya ng Ari-arian

23 “Hindi ninyo maipagbibili nang lubusan ang lupain sapagkat iyon ay akin; pinatitirhan ko lamang sa inyo iyon. 24 Kaya, maipagbili man ang alinmang bahagi ng inyong lupain, iyon ay maaaring tubusin ng dating may-ari.

25 “Kung sa inyo'y may maghirap at mapilitang magbenta ng kanyang ari-arian, iyon ay dapat tubusin agad ng pinakamalapit niyang kamag-anak. 26 Kung wala siyang kamag-anak na makakatubos niyon, siya na rin ang tutubos kapag umunlad uli ang kanyang kabuhayan. 27 Ibabalik niya sa bumili ang katumbas na halaga ng nalalabing taon bago dumating ang Taon ng Paglaya. Sa gayon, maibabalik sa kanya ang kanyang ari-arian. 28 Ngunit kung wala pa siyang sapat na pantubos, mananatili iyon sa bumili hanggang sa Taon ng Paglaya, at sa taóng iyon, ang ari-arian niya'y ibabalik sa kanya nang walang bayad.

29 “Kung may magbenta ng kanyang bahay na nasa loob ng lunsod na napapaderan, matutubos niya iyon sa loob ng isang taon. 30 Kung hindi niya matubos iyon sa loob ng isang taon, ang bahay ay magiging lubos nang pag-aari ng nakabili kahit sumapit pa ang Taon ng Paglaya. 31 Ang mga ipinagbiling bahay sa labas ng lunsod na napapaderan ay tulad ng lupang ipinagbili na maaaring matubos o kaya'y maisauli pagdating ng Taon ng Paglaya. 32 Ngunit ang mga bahay sa mga lunsod ng mga Levita, na kanilang ipinagbili ay maaari nilang tubusin kahit kailan. 33 Kung ayaw gamitin ng isang Levita ang karapatang ito, maibabalik iyon sa kanya pagdating ng Taon ng Paglaya kung ito'y nasa kanyang lunsod. Sapagkat ang mga gusaling tulad nito, ay lubos na pag-aari ng mga Levita, bilang kanilang bahagi sa bansang Israel. 34 Ngunit ang mga pastulan sa palibot ng kanilang mga lunsod ay hindi maaaring ipagbili, sapagkat iyo'y pag-aari nila magpakailanman.

Pagpapautang sa Mahihirap

35 “Kung(I) ang isang kababayan ninyo ay naghirap at hindi na niya kayang buhayin ang sarili, kupkupin ninyo siya tulad ng isang dayuhang nakikipamayan sa inyo. 36 Huwag ninyo siyang patutubuan kung siya'y mangutang sa inyo. Matakot kayo sa Diyos, at hayaan ninyo itong mabuhay na kasama ninyo. 37 Huwag(J) ninyong patutubuan ang pera o pagkaing inutang niya sa inyo. 38 Ako si Yahweh, ang inyong Diyos na nagpalaya sa inyo sa Egipto upang ibigay sa inyo ang Canaan at upang maging Diyos ninyo.

Paglaya ng mga Alipin

39 “Kung(K) dahil sa labis na kahirapan ay mapilitan ang isang Israelita na ipagbili sa inyo ang kanyang sarili, huwag ninyo siyang ituturing na alipin. 40 Ituring ninyo siyang katulong o dayuhang upahan, at maglilingkod siya sa inyo hanggang sumapit ang Taon ng Paglaya. 41 Pagdating ng panahong iyon, palalayain ninyo siya pati ang kanyang mga anak upang bumalik sa kanyang pamilya at ari-arian. 42 Akong si Yahweh ang naglabas sa kanila sa Egipto; hindi sila dapat ipagbili upang maging alipin. 43 Huwag ninyo silang pagmamalupitan; matakot kayo sa Diyos. 44 Kung kailangan ninyo ng aliping lalaki o babae, doon kayo bumili sa mga bansa sa inyong paligid. 45 Maaari ninyong bilhin bilang alipin ang mga anak ng mga dayuhang nakikipamayan sa inyo. 46 Maaari ninyo silang ipamigay sa inyong mga anak at maaari rin ninyo silang gawing alipin, ngunit huwag ninyong aalipinin o pagmamalupitan ang kapwa ninyo Israelita.

Marcos 10:13-31

Binasbasan ni Jesus ang Maliliit na Bata(A)

13 May mga taong nagdala ng mga bata kay Jesus upang hilinging ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay, ngunit sinaway sila ng mga alagad. 14 Nagalit si Jesus nang makita ito at sinabi sa kanila, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, at huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng Diyos. 15 Tandaan(B) ninyo: ang sinumang hindi tumatanggap sa kaharian ng Diyos, tulad sa pagtanggap ng isang bata, ay hinding-hindi makakapasok sa kaharian ng Diyos.” 16 Kinalong ni Jesus ang mga bata, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at binasbasan sila.

Ang Lalaking Mayaman(C)

17 Nang siya'y paalis na, may isang lalaking patakbong lumapit kay Jesus, lumuhod sa harapan niya at nagtanong, “Mabuting Guro, ano po ba ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?”

18 Sumagot si Jesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang. 19 Alam(D) mo ang mga utos ng Diyos, ‘Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang sasaksi nang walang katotohanan; huwag kang mandaraya; igalang mo ang iyong ama at ina.’”

20 Sumagot ang lalaki, “Guro, mula pa sa aking pagkabata ay tinupad ko na ang lahat ng mga iyan.”

21 Magiliw siyang tiningnan ni Jesus at sinabi, “May isang bagay pa na dapat mong gawin. Ipagbili mo ang iyong mga ari-arian at ipamigay mo sa mahihirap, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin.” 22 Nang marinig ito ng lalaki, siya'y nanlumo at malungkot na umalis sapagkat siya'y lubhang napakayaman.

23 Tiningnan ni Jesus ang mga nasa paligid niya at sinabi sa mga alagad, “Tunay ngang napakahirap para sa mayayaman ang makapasok sa kaharian ng Diyos!” 24 Nagtaka ang mga alagad sa sinabi niyang ito. Ngunit muling sinabi ni Jesus, “Mga anak, talagang napakahirap [para sa mga mayayaman na][a] makapasok sa kaharian ng Diyos! 25 Mas madali pang dumaan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa isang mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.”

26 Lalong nagtaka ang mga alagad, kaya't nagtanong sila, “Kung gayon, sino pa kaya ang maliligtas?”

27 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Hindi ito kayang gawin ng tao, ngunit hindi ito imposible sa Diyos. Sapagkat ang lahat ng bagay ay kayang gawin ng Diyos.”

28 At nagsalita si Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan na namin ang lahat at kami'y sumunod sa inyo.”

29 Sumagot si Jesus, “Tandaan ninyo: ang sinumang nag-iwan ng kanyang tahanan, o mga kapatid, mga magulang, mga anak, mga lupain, dahil sa akin at sa Magandang Balita, 30 ay tatanggap sa buhay na ito ng isandaang ulit pa ng mga iyon; mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, at mga lupain, ngunit may kalakip na pag-uusig. At sa panahong darating, magtatamo siya ng buhay na walang hanggan. 31 Ngunit(E) maraming nauuna na mahuhuli, at maraming nahúhulí ang mauuna.”

Mga Awit 44:9-26

Ngunit ngayo'y itinakwil, kaya kami
ay nalupig,
    hukbo nami'y binayaa't hindi mo na tinangkilik;
10 Hinayaan mo nga kami kaya kami ay tumakas;
    aming mga naiwanan ay sinamsam nilang lahat.
11 Kami'y iyong binayaang katayin na parang tupa,
    matapon sa ibang bansa upang doon ay magdusa.
12 Kami'y iyong pinagbili sa maliit na halaga;
    sa ginawang pagbebenta walang tubo na nakuha.

13 Sa sinapit naming ito, mga bansa ay nagtawa,
    kinukutya kaming lagi, iniinis sa tuwina.
14 Pati bansang walang Diyos, sa gitna ng sanlibutan,
    sa nangyari'y umiiling bilang tanda ng pag-uyam.
15 At lagi kong alaala mapait na karanasan,
    aking puso ay nanlumo sa malaking kahihiyan.
16     Ang malaking kahihiyang ngayo'y aking tinataglay,
    ay bunga ng pang-iinis at pagkutya ng kaaway.

17 Sa ganitong karanasan, kami'y lubhang nagtataka;
    ikaw nama'y nakaukit sa isipa't alaala,
    at ang tipan mo sa ami'y sinusunod sa tuwina.
18 Hindi namin sinusuway yaong iyong mga batas,
    hanggang ngayo'y tapat kami, hindi kami lumalabag.
19 Gayon pa ma'y iniwan mo, kami'y iyong binayaan,
    sa gitna ng mga ganid at pusikit na karimlan.

20 Kung pagsamba sa ating Diyos kusa naming itinigil,
    at sa ibang mga diyos doon kami dumalangin,
21 ito'y iyong mababatid pagkat sa iyo'y walang lihim,
    sa iyo ay walang lingid na isipan at damdamin.
22 Dahil(A) po sa inyo'y buong araw kaming pinapatay,
    turing nila sa amin ay mga tupang pangkatay.

23 Gumising ka sana, Yahweh! Sa paghimlay ay gumising.
    Bumangon ka! Kailanma'y 'wag po kaming itatakwil.
24 Kami'y huwag pagkublihan, pagtaguan ay huwag din,
    ang pangamba nami't hirap, huwag mo pong lilimutin.

25 Halos kami ay madurog nang bumagsak na sa lupa;
    sa bunton ng alikabok ay lupig na nabulagta.
26 Bumangon ka at tumulong, kami ngayon ay iligtas,
    dahilan sa pag-ibig mong kailanma'y di kukupas!

Mga Kawikaan 10:20-21

20 Ang dila ng matuwid ay tulad ng pilak na mahalaga,
    ngunit ang puso ng mangmang ay basura ang kagaya.
21 Ang labi ng matuwid sa marami ay pakinabang,
    ngunit ang mangmang ay namamatay nang walang karunungan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.