The Daily Audio Bible
Today's audio is from the ESV. Switch to the ESV to read along with the audio.
24 Nang matiyak ni Balaam na talagang gusto ni Yahweh na basbasan niya ang Israel, hindi na siya humanap ng palatandaan tulad ng dati. Tumanaw siya sa ilang 2 at nakita niya ang kampo ng Israel, sama-sama bawat lipi. Nilukuban siya ng Espiritu[a] ng Diyos 3 at siya'y nagsalita,
“Ang pahayag ni Balaam na anak ni Beor,
ang pahayag ng taong may malinaw na paningin.[b]
4 Ang pahayag ng nakikinig sa mga salita ng Diyos,
at nakakakita ng pangitain buhat sa Makapangyarihan.
Kahit nabulagta sa lupa ngunit nanatiling malinaw ang paningin.
5 Anong ganda, O Jacob, ng iyong mga tolda;
kay inam, O Israel, ng iyong mga tirahan.
6 Wari'y napakalawak na libis,
parang hardin sa tabi ng batis.
Wari'y punongkahoy na mabango, itinanim ni Yahweh,
matataas na punong sedar sa tabi
ng mga bukal.
7 Ang tubig ay aapaw sa lahat niyang sisidlan,
kapangyarihan niya'y madarama sa lahat ng lugar.
Ang hari niya ay magiging mas malakas kaysa kay Agag,
at ang kanyang kaharian ay magiging napakalawak.
8 Inilabas siya ng Diyos sa bansang Egipto;
ang lakas na ginamit niya'y waring lakas ng toro.
Kaaway niya'y lulupigin pati buto'y dudurugin;
sa tulis ng kanyang pana, lahat sila'y tutuhugin.
9 Siya'y(A) parang leon sa kanyang higaan,
walang mangahas gumambala sa kanyang pagkahimlay.
Pagpalain nawa ang sa iyo ay nagpapala;
susumpain ang lahat ng sa iyo ay susumpa.”
Ang Pahayag ni Balaam
10 Galit na galit si Balac kay Balaam. Nanggigil siya sa galit at kanyang sinabi, “Ipinatawag kita upang sumpain ang aking mga kaaway. Ngunit anong ginawa mo? Tatlong beses mo pa silang binasbasan! 11 Mabuti pa'y umuwi ka na! Pararangalan sana kita pero hinadlangan iyon ni Yahweh.”
12 Sinabi ni Balaam kay Balac, “Sinabi ko na sa iyong mga sugo 13 na kahit ibigay mo sa akin ang lahat ng pilak at ginto sa iyong sambahayan ay hindi ko gagawin ang hindi ipinagagawa sa akin ni Yahweh. Sinabi ko rin sa kanila na ang sasabihin lamang sa akin ni Yahweh ang siya kong sasabihin.”
14 “Oo, uuwi ako. Ngunit sasabihin ko muna sa iyo kung ano ang gagawin sa inyo ng bayang ito balang araw.”
15 Muli siyang nagsalita,
“Ang pahayag ni Balaam na anak ni Beor,
ang mensahe ng taong may malinaw na paningin.[c]
16 Ang pahayag ng isang taong nakikinig sa salita ng Diyos,
ng nakakaalam ng kalooban ng Kataas-taasang Diyos,
ng nakakakita ng pangitain buhat sa Makapangyarihan.
Kahit nabuwal sa lupa'y malinaw pa rin ang aking paningin.
17 Mayroon akong nakikita ngunit hindi pa ngayon magaganap,
nakikita ko ngayon ang mangyayari sa hinaharap.
Mula sa lahi ni Jacob ay lilitaw ang isang bituin,
sa lahi ni Israel ay may maghahari rin.
Mga pinuno ni Moab ay kanyang lilipulin,
lahat ng mga anak ni Set ay kanyang pababagsakin.
18 Sasakupin niya ang Edom at ang mga kaaway niya sa Seir,
samantala'y patuloy na magwawagi ang bansang Israel.
19 Lulupigin silang lahat nitong bansang Israel,
ang natitirang buháy sa mga lunsod ay kanilang uubusin.”
20 Nang makita niya sa pangitain ang Amalek ay ganito ang sinabi niya:
“Ang Amalek ay bansang pangunahin,
ngunit sa huli, siya ay lilipulin.”
21 Sinabi pa niya nang makita sa pangitain ang mga Cineo:
“Tirahan mo ay matibay at matatag.
22 Gayunman, ang bansang Cineo ay parang pugad na nasa mataas.
Di magtatagal, bibihagin ka ni Asur.”
23 Nagpatuloy siya sa kanyang pahayag,
“Sino'ng maaaring mabuhay kapag ito'y isinagawa ng Diyos?
24 Darating ang mga barko, mula sa Kitim
upang kanilang lusubin si Asur at si Eber,
ngunit sa bandang huli, siya'y malulupig din.”
25 Pagkatapos, si Balaam ay umuwi na, at ganoon din si Balac.
Sumamba ang Israel kay Baal-peor
25 Samantalang nakahimpil sa Sitim ang Israel, ang mga kalalakihan nila'y nakipagtalik sa mga babaing Moabita na naroroon. 2 Inanyayahan sila ng mga ito sa paghahandog nila sa mga diyus-diyosan. Ang mga Israelita'y nakikain sa mga atang na iyon at sumamba rin sa mga diyus-diyosan doon. 3 Sumali sa pagsamba kay Baal-peor ang mga Israelita kaya nagalit sa kanila si Yahweh. 4 Sinabi niya kay Moises, “Tipunin mo ang mga pinuno ng Israel at patayin mo sila sa harap ng madla para mapawi ang galit ko sa Israel.” 5 Iniutos ni Moises sa mga hukom ng Israel, “Patayin ninyo ang lahat ng kasamahan ninyong sumamba kay Baal-peor.”
6 Samantalang si Moises at ang buong bayan ay nananangis sa harap ng Toldang Tipanan, dumating ang isang Israelita. May kasama itong Midianita, at hayagang ipinasok sa kanyang tolda. 7 Nang makita ito ni Finehas na anak ni Eleazar at apo ni Aaron, umuwi siya at kumuha ng sibat. 8 Sinundan niya sa tolda ang Israelitang may kasamang Midianita at tinuhog silang dalawa ng sibat. Dahil dito, tumigil ang salot na sumasalanta sa Israel. 9 Gayunman, dalawampu't apat na libo na ang namatay sa salot na iyon.
10 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 11 “Dahil sa ginawa ni Finehas, pinahalagahan niya ang aking karangalan. Kaya, hindi ko nilipol ang mga Israelita dahil sa aking galit. 12 Sabihin mo sa kanyang ako'y gumagawa ng isang kasunduan sa kanya; ipinapangako kong hindi ko siya pababayaan kailanman. 13 Mananatili ang walang katapusang pagkapari sa kanya at sa kanyang angkan sapagkat ipinagtanggol niya ang aking karangalan, at ginawa niya ang pagtubos sa kasalanan ng sambayanang Israel.”
14 Ang Israelitang nagsama ng Midianita at napatay ni Finehas ay si Zimri na anak ni Salu at isa sa mga pinuno ng angkan sa lipi ni Simeon. 15 Ang Midianita naman ay si Cozbi na anak ni Zur, na isa sa mga pinuno ng angkan sa Midian.
16 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 17 “Salakayin ninyo ang mga Midianita at puksain sila 18 dahil sa kasamaang ginawa nila sa inyo nang akitin nila kayong sumamba sa mga diyus-diyosan sa Peor, at sa ginawa ng kababayan nilang si Cozbi na pinatay ni Finehas noong sinasalanta kayo ng salot sa Peor.”
Ang Pagsilang ni Jesus(A)
2 Nang panahong iyon, iniutos ni Emperador Augusto na magkaroon ng sensus sa lahat ng nasasakupan ng Imperyo ng Roma. 2 Ang unang sensus na ito ay ginawa noong si Cirenio ang gobernador ng Siria. 3 Kaya't umuwi ang mga tao sa sarili nilang bayan upang magpatala.
4 Mula sa Nazaret, isang lungsod sa Galilea, si Jose ay pumunta sa Judea, sa Bethlehem na bayang sinilangan ni Haring David, sapagkat siya'y mula sa angkan ni David. 5 Kasama rin niyang umuwi upang magpatala si Maria na kanyang magiging asawa, na noon ay nagdadalang-tao. 6 Habang sila'y nasa Bethlehem, sumapit ang oras ng panganganak ni Maria. 7 Isinilang niya ang kanyang panganay, na isang lalaki. Binalot niya sa lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan.
Ang mga Pastol at ang mga Anghel
8 Doon ay may mga pastol na nasa parang at nagbabantay ng kanilang mga tupa nang gabing iyon. 9 At tumayo(B) sa harapan nila ang isang anghel ng Panginoon at nagliwanag sa kapaligiran nila ang kaluwalhatian ng Panginoon. Ganoon na lamang ang kanilang pagkatakot. 10 Ngunit sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot! Ako'y may dalang magandang balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. 11 Isinilang sa inyo ngayon sa bayan ni David ang Tagapagligtas, ang Cristong Panginoon. 12 Ito ang inyong palatandaan: matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban.”
13 Biglang lumitaw kasama ng anghel ang isang malaking hukbo ng mga anghel sa kalangitan. Sila'y nagpupuri sa Diyos at umaawit,
14 “Papuri sa Diyos sa kaitaasan,
at sa lupa ay kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!”
15 Nang makaalis na ang mga anghel pabalik sa langit, ang mga pastol ay nag-usap-usap, “Tayo na sa Bethlehem! Tingnan natin ang pangyayaring ito na ibinalita sa atin ng Panginoon.” 16 Nagmamadali silang pumunta roon at natagpuan nila sina Maria at Jose, at naroon ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. 17 Nang makita ng mga pastol ang sanggol, isinalaysay nila ang sinabi ng anghel tungkol dito. 18 Namangha ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng mga pastol. 19 Tinandaan ni Maria ang mga bagay na ito, at ito'y kanyang pinagbulay-bulayan.
20 Umalis ang mga pastol na nagpupuri sa Diyos at nagpapahayag ng kanyang kadakilaan dahil sa lahat ng narinig nila at nakita, ayon sa sinabi sa kanila ng anghel.
Pinangalanan si Jesus
21 Pagsapit(C) ng ikawalong araw, tinuli ang bata at pinangalanang Jesus. Ito ang pangalang sinabi ng anghel bago pa siya ipaglihi.
Dinala si Jesus sa Templo
22 Nang(D) sumapit ang araw ng kanilang pagtupad sa seremonya ng paglilinis ayon sa Kautusan ni Moises, pumunta sila sa Jerusalem. Dinala nila ang sanggol upang iharap sa Panginoon, 23 sapagkat(E) ganito ang nasusulat sa Kautusan ng Panginoon, “Bawat panganay na lalaki ay itatalaga sa Panginoon.” 24 Nag-alay din sila ng handog ayon sa nakasaad sa Kautusan ng Panginoon: magkapares na ibong batu-bato, o kaya'y dalawang inakay na kalapati.
25 May isang tao noon sa Jerusalem na ang pangala'y Simeon, isang lalaking matuwid, may takot sa Diyos at naghihintay sa katubusan ng Israel. Nasa kanya ang Espiritu Santo. 26 Ipinahayag ng Espiritu Santo sa kanya na hindi siya mamamatay hangga't hindi niya nakikita ang Cristo na ipinangako ng Panginoon. 27 Sa patnubay ng Espiritu, si Simeon ay pumasok sa Templo. At nang dalhin doon nina Jose at Maria ang sanggol na si Jesus upang tuparin ang ayon sa itinatakda ng Kautusan, 28 kinarga ni Simeon ang sanggol. Pagkatapos, nagpuri siya sa Diyos,
29 “Ngayon, Panginoon, maaari na pong yumaong mapayapa
ang inyong abang alipin ayon sa inyong pangako.
30 Yamang nakita na po ng aking mga mata ang inyong pagliligtas,
31 na inyong inihanda sa harapan ng lahat ng bansa.
32 Ito(F) po ay liwanag na tatanglaw sa mga Hentil
at magbibigay-dangal sa inyong bansang Israel.”
33 Namangha ang mga magulang ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa bata. 34 Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, “Tandaan mo, ang batang ito'y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel. Siya ang magiging tanda mula sa Diyos ngunit tutuligsain siya ng marami, 35 kaya't mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil dito, magdaranas ka ng matinding kapighatiang parang isang patalim na itinarak sa iyong puso.”
Panalangin Upang Ingatan ng Diyos
Katha(A) ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Huwag Mong Sirain”. Isang Miktam,[a] nang pamanmanan ni Saul ang kanyang bahay upang siya'y mapatay.
59 Sa aking kaaway,
iligtas mo ako, O aking Diyos;
ingatan mo ako kapag sila'y lumusob.
2 Sa masamang tao,
ako ay iligtas, at sa pumapatay
agawin mo ako at iyong ingatan.
3 Sila'y nag-aabang,
pagmasdan mo yaong taong mababagsik;
nagtipo't ang layon ako ay iligpit.
Ang dahilan nito,
di dahil sa ako'y may pagkakamali,
4 o may pagkukulang na ako ang sanhi;
O Diyos, masdan sila at nagdudumali.
5 Tulungan mo ako,
Yahweh, Makapangyarihang Diyos.
Ikaw ang magmasid, O Diyos ng Israel!
Ikaw ay gumising,
at ang mga bansa'y iyong parusahan;
yaong mga taksil, huwag mong kahabagan. (Selah)[b]
6 Pagdating ng gabi,
sila'y nagbabalik sa loob ng lunsod;
asong kumakahol ang nakakatulad
habang naglilibot.
7 Dinggin ang salita't
parang mga tabak ang dila ng bibig!
Ngunit nagtatanong:
“Sa amin ay sino ang makikinig?”
8 Ngunit ikaw, Yahweh,
tinatawanan mo't iyong kinukutya;
gayon ang gawa mo sa may salang bansa.
9 Ikaw, Panginoon,
ang aking Diyos, aking kalakasan;
ikaw ang muog ko at aking kanlungan.
10 Ako'y minamahal,
mahal ako ng Diyos, ako'y lalapitan
upang ipamalas ang kanyang paglupig sa mga kaaway.
11 Huwag mong papatayin,
nang di malimutan ng iyong mga lingkod.
Sa taglay mong lakas pangalatin sila at iyong isabog;
ikaw ang sanggalang, Yahweh, aming Diyos.
12 Sa kanilang labi'y
pawang kasamaan ang namumutawi;
sa pagmamataas, ang aking dalangin, sila ay mahuli,
pagkat sinungaling at sa pangungutya, sila'y nawiwili.
13 Wasakin mong lubos,
dahil sa iyong galit, ganap mong wasakin;
dito malalaman
ng lahat, na ika'y hari ng Israel,
at sa sansinukob ikaw ang hari din. (Selah)[c]
14 Pagdating ng gabi,
sila'y nagbabalik sa loob ng lunsod;
asong kumakahol ang nakakatulad
habang naglilibot.
15 Animo'y lagalag,
lakad lang nang lakad, pagkain ang hanap;
hindi masiyahan, kapag ang nakuha nila'y hindi sapat.
16 Ngunit aawit ako,
pagkat ang taglay mo'y pambihirang lakas,
sa tuwing umaga ang aawitin ko'y pag-ibig mong wagas;
pagkat ika'y muog, sa buhay kong ito,
at aking kanlungan kapag lugmok ako.
17 Pupurihin kita,
tagapagtanggol ko at aking kanlungan,
Diyos kong mapagmahal.
14 Sa(A) kakulangan ng tuntunin, ang bansa ay bumabagsak,
ngunit sa payo ng nakararami, tagumpay ay tiyak.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.