Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Levitico 25:47-27:13

47 “Kung dahil sa labis na kahirapan at mapilitan ang isang Israelita na ipagbili ang kanyang sarili sa isang dayuhang mayaman, 48 siya ay may karapatang lumaya. Maaari siyang tubusin ng kanyang kapatid, 49 amain, pinsan, kamag-anak o siya mismo kung kaya na niya. 50 Ang halaga ng pagkabili sa kanya ay kukuwentahin mula nang bilhin siya hanggang sa Taon ng Paglaya, at ang itutubos sa kanya ay katumbas ng sweldo ng isang manggagawa. 51 Kung matagal pa ang Taon ng Paglaya, malaki ang pagbabayaran ng tutubos. 52 Ngunit maliit lamang kung malapit na ang panahong iyon, sapagkat ang itutubos sa kanya ay batay sa dami ng taon na dapat pa niyang ipaglingkod. 53 Ituturing siyang bayarang manggagawa sa panahon ng kanyang paglilingkod ngunit hindi siya maaaring pagmalupitan. 54 Kung hindi siya matubos sa mga paraang nabanggit, siya at ang mga anak niya ay palalayain pagsapit ng Taon ng Paglaya, 55 sapagkat alipin ko ang mga Israelita, at ako ang nagpalaya sa kanila sa Egipto. Ako si Yahweh, ang Diyos ninyo.

Mga Pagpapala sa Pagiging Masunurin(A)

26 “Huwag(B) kayong gagawa ng mga diyus-diyosan o magtatayo ng mga inukit na rebulto o sagradong haligi, o mga batong hinugisan upang sambahin sa inyong lupain. Ako si Yahweh, ang Diyos ninyo. Igalang ninyo ang Araw ng Pamamahinga at ang aking santuwaryo. Ako si Yahweh.

“Kung susundin ninyo ang aking mga tuntunin at tutuparin ang aking mga utos, pauulanin ko sa tamang panahon at mamumunga nang sagana ang mga punongkahoy sa kaparangan. Kahit(C) tapos na ang panahon ng pitasan ng prutas at panahon ng muling pagtatanim ay gumigiik pa kayo. Sasagana kayo sa pagkain at mamumuhay nang panatag.

“Maghahari ang kapayapaan sa buong lupain at walang gagambala sa inyo. Palalayasin ko ang mababangis na hayop at wala nang dirigma sa inyo. Matatakot sa inyo ang inyong mga kaaway at malulupig ninyo sila sa labanan. Sapat na ang lima sa inyo upang talunin ang sandaang kaaway at ang sandaan para sa sampung libong kaaway. Malulupig ninyo ang inyong mga kalaban. Pagpapalain ko kayo; kayo'y uunlad at darami. Patuloy kong pagtitibayin ang ginawa kong kasunduan sa inyo. 10 Ang inyong ani ay sobra-sobra at tatagal sa mahabang panahon. Sa katunayan, sa dami ng inyong aanihin ay ilalabas ninyo ang mga luma upang maimbak lamang ang mga bagong ani. 11 Maninirahan ako sa kalagitnaan ninyo at hindi ko kayo pababayaan. 12 Ako'y(D) (E) inyong kasama saanman kayo magpunta; ako ang magiging Diyos ninyo at kayo naman ang magiging bayan ko. 13 Ako si Yahweh, ang Diyos ninyo, ang siyang naglabas sa inyo sa Egipto. Pinalaya ko na kayo kaya't wala na kayong dapat ikahiya kaninuman.

Mga Parusa sa Pagsuway(F)

14 “Ngunit kung hindi kayo makikinig sa akin at hindi tutuparin ang mga utos ko, 15 kung tatanggihan ninyo ang aking mga tuntunin at kautusan, kaya't ayaw ninyong sundin ang mga ito at sisirain ninyo ang ginawa kong kasunduan sa inyo, 16 padadalhan ko kayo ng mga sakuna. Makakaranas kayo ng matitinding sakit na magpapalabo ng inyong mata, at magpapahina ng inyong katawan. Hindi ninyo makakain ang pinagpagalan ninyo sapagkat ito'y kakainin ng inyong mga kaaway. 17 Hindi ko kayo gagabayan at pababayaan ko kayong malupig. Hahayaan ko kayong sakupin ng mga taong napopoot sa inyo, at kakaripas kayo ng takbo kahit walang humahabol sa inyo.

18 “Kung sa kabila nito'y hindi pa rin kayo makikinig, makapitong ibayo ang parusang igagawad ko sa inyo dahil sa inyong mga kasalanan. 19 Paparusahan ko kayo dahil sa katigasan ng inyong ulo; hindi ko pauulanin ang langit at matitigang ang lupa. 20 Mawawalan ng kabuluhan ang inyong pagpapagal sapagkat hindi maaanihan ang inyong lupain, at hindi mamumunga ang inyong mga bungangkahoy.

21 “Kung patuloy kayong susuway at hindi makikinig sa akin, makapitong ibayo ang parusang igagawad ko sa inyo dahil sa inyong kasalanan. 22 Pababayaan kong lapain ng mababangis na hayop ang inyong mga anak at mga alagang hayop. Kaunti lamang ang matitira sa inyo, at halos mawawalan na ng tao ang inyong mga lansangan.

23 “Kung sa kabila nito'y magmamatigas pa rin kayo at patuloy na susuway sa akin, 24 pitong ibayo pa ang parusang igagawad ko sa inyo dahil sa inyong kasalanan. 25 Ipasasalakay ko kayo sa mga kaaway ninyo kaya't marami ang mapapatay sa inyo dahil sa inyong pagsira sa kasunduang ginawa ko sa inyo. Makapagtago man kayo sa mga kuta, padadalhan ko kayo roon ng salot, kaya babagsak din kayo sa kamay ng inyong kaaway. 26 Kukulangin kayo sa pagkain kaya't iisang kalan ang paglulutuan ng sampung babae. Tatakalin ang inyong pagkain kaya't hindi kayo mabubusog.

27 “At kung sa kabila nito'y di pa rin kayo magbabago at patuloy pa ring sumuway sa akin, 28 magsisiklab na ang aking galit sa inyo, at ako na mismo ang magpaparusa sa inyo ng makapitong ibayo dahil sa inyong mga kasalanan. 29 Sa tindi ng gutom ay kakainin ninyo pati ang inyong mga anak. 30 Wawasakin ko ang inyong mga altar sa burol at ang altar na sunugan ng insenso. Itatakwil ko kayo at itatambak ang inyong mga bangkay sa ibabaw ng inyong mga diyus-diyosan. 31 Wawasakin ko ang inyong mga lunsod, at iiwanan kong tiwangwang ang mga santuwaryo at hindi ko tatanggapin ang mga handog ninyo. 32 Sasalantain ko ang inyong mga lupain at magtataka ang mga kaaway ninyong sasakop niyon. 33 Uusigin ko kayo ng tabak at magkakawatak-watak kayo sa iba't ibang lupain. Maiiwang nakatiwangwang ang inyong lupain at iguguho ang inyong mga lunsod. 34 Sa gayon, mamamahinga nang mahabang panahon ang inyong lupain samantalang kayo'y bihag sa ibang bansa. 35 Makakapagpahinga ang inyong lupain, hindi tulad nang kayo'y naroon.

36 “Ang mga maiiwan doon ay paghaharian ng matinding takot kaya't may malaglag lamang na dahon ng kahoy ay magkakandarapa na sila sa pagtakbo na parang hinahabol ng tagâ kahit wala naman. 37 Magkakadaganan sila sa pagtakbo na parang hinahabol ng tagâ, gayong wala namang humahabol. Hindi ninyo maipagtatanggol ang inyong sarili sa mga kaaway. 38 Mamamatay kayo sa lupain ng inyong mga kaaway. 39 Ang malalabi naman ay mamamatay sa hirap dahil sa kasalanan ninyo at ng inyong mga ninuno.

40 “Subalit kung pagsisihan nila ang kanilang mga kasalanan at ang mga kasalanan ng kanilang ninuno, at tanggapin na naghimagsik sila laban sa akin, 41 at iyon ang dahilan kung bakit sila'y aking pinabayaan; kung sila'y magpakumbaba at pagsisihan ang kanilang mga kasalanan, 42 aalalahanin(G) ko ang aking kasunduan kay Jacob, kay Isaac, at kay Abraham. At aalalahanin kong muli ang aking pangako patungkol sa lupang pangako. 43 Subalit paaalisin ko muna sila roon. Sa gayon, makakapagpahinga nang lubusan ang lupain at madarama naman nila ang bagsik ng parusang ipapataw ko dahil sa pagsuway nila sa aking mga tuntunin at kautusan. 44 Gayunman, hindi ko sila lubos na pababayaan sa lupain ng kanilang mga kaaway, baka kung puksain ko'y mawalan ng kabuluhan ang kasunduang ginawa ko sa kanila. Ako si Yahweh na kanilang Diyos. 45 Aalalahanin ko sila alang-alang sa aking kasunduan sa kanilang mga ninunong inilabas ko mula sa Egipto. Nasaksihan ng mga bansa ang ginawa kong ito upang ako'y maging Diyos nila. Ako si Yahweh.”

46 Ito ang mga tuntunin at mga utos ni Yahweh na ibinigay sa mga Israelita sa Bundok ng Sinai sa pamamagitan ni Moises.

Mga Batas tungkol sa mga Kaloob kay Yahweh

27 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita: Kung may mamanata kay Yahweh na maghandog ng tao, iyon ay tutubusin nang ganito: Kung anak na lalaki, mula sa dalawampu hanggang animnapung taóng gulang, ito ay susuriin upang palitan o tubusin sa halagang limampung pirasong pilak ayon sa timbangan sa santuwaryo at tatlumpung pirasong pilak naman kung babae. Mula sa lima hanggang dalawampung taon, dalawampung pirasong pilak kung lalaki at sampung pirasong pilak naman kung babae. Kapag isang buwan hanggang limang taon, limang pirasong pilak kung lalaki at tatlong pirasong pilak naman kung babae. Kung mahigit nang animnapung taon, labinlimang pirasong pilak kung lalaki at sampung pirasong pilak naman kung babae.

“Kung walang maitutubos dahil sa kahirapan, ang taong iyo'y ihaharap sa pari at siya ang magpapasya kung magkano ang itutubos ayon sa kakayahan ng may panata.

“Kung ang panatang handog ay hayop, dapat itong ilaan kay Yahweh. 10 Hindi ito maaaring palitan. Kapag pilit na pinalitan, ang papalitan at ipapalit ay parehong ilalaan kay Yahweh. 11 Kung ang ipinangakong hayop ay hindi karapat-dapat ihandog kay Yahweh, dadalhin iyon sa pari. 12 Hahalagahan niya ito, anuman ang uri ng hayop at hindi matatawaran ang halagang ipinasya ng pari. 13 Kung tutubusin ang hayop, magdaragdag kayo ng halaga ng ikalimang bahagi ng halaga ng hayop.

Marcos 10:32-52

Ang Ikatlong Pagbanggit tungkol sa Kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Jesus(A)

32 Nasa daan sila papuntang Jerusalem. Nauuna sa kanila si Jesus; nangangamba ang mga alagad at natatakot naman ang ibang mga taong sumusunod sa kanya. Muling ibinukod ni Jesus ang Labindalawa at sinabi sa kanila ang mangyayari sa kanya. 33 Sabi niya, “Papunta tayo ngayon sa Jerusalem kung saan ang Anak ng Tao'y ipagkakanulo sa mga punong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y hahatulan nila ng kamatayan at ibibigay sa mga Hentil. 34 Siya ay kanilang hahamakin, duduraan, hahagupitin, at papatayin. Ngunit pagkaraan ng tatlong araw, siya'y muling mabubuhay.”

Ang Pagiging Dakila(B)

35 Lumapit kay Jesus ang mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan. Sinabi nila, “Guro, may hihilingin po sana kami sa inyo.”

36 “Ano ang nais ninyo?” tanong ni Jesus.

37 Sumagot sila, “Sana po ay makasama kami sa inyong karangalan at maupo ang isa sa kanan at isa sa kaliwa.”

38 Ngunit(C) sabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Makakaya ba ninyong tiisin ang hirap na aking daranasin? Makakaya ba ninyo ang bautismong ibabautismo sa akin?”

39 “Opo,” tugon nila.

Sinabi ni Jesus, “Ang kopang aking iinuman ay iinuman nga ninyo, at babautismuhan nga kayo sa bautismong tatanggapin ko. 40 Ngunit hindi ako ang magpapasya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga karangalang iyan ay para sa mga pinaglaanan.”

41 Nang malaman ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. 42 Kaya't(D) pinalapit sila ni Jesus at sinabi, “Alam ninyo na ang mga itinuturing na pinuno ng mga Hentil ay namumuno bilang mga panginoon sa kanila, at ang kagustuhan ng mga nasa kapangyarihan ang siyang nasusunod. 43 Ngunit(E) hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na nais maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo, 44 at ang sinumang nais maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. 45 Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at upang mag-alay ng kanyang buhay para sa ikatutubos ng marami.”

Pinagaling si Bartimeo(F)

46 Dumating sina Jesus sa Jerico. Nang papaalis na siya kasama ang kanyang mga alagad at marami pang iba, may nadaanan silang isang bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. Siya'y si Bartimeo na anak ni Timeo. 47 Nang marinig ng bulag na ang nagdaraan ay si Jesus na taga-Nazaret, sumigaw siya nang sumigaw, “Jesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!”

48 Pinagsabihan siya ng mga taong naroroon upang tumahimik, ngunit lalo pa siyang nagsisigaw, “Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!”

49 Tumigil si Jesus at kanyang sinabi, “Dalhin ninyo siya rito.”

At tinawag nga nila ang bulag. “Lakasan mo ang iyong loob. Tumayo ka. Ipinapatawag ka ni Jesus,” sabi nila.

50 Inihagis niya ang kanyang balabal, paluksong tumayo at lumapit kay Jesus.

51 “Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?” tanong sa kanya ni Jesus.

Sumagot ang bulag, “Guro, gusto ko pong makakitang muli.”

52 Sinabi ni Jesus, “Makakaalis ka na. Magaling ka na dahil sa iyong pananampalataya.”

Noon di'y nakakita siyang muli, at sumunod kay Jesus.

Mga Awit 45

Awit sa Maharlikang Kasalan

Isang Maskil[a] ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit; isang awit ng pag-ibig.

45 Kay gagandang pangungusap ang naroon sa isipan,
    habang aking hinahabi ang awit sa haring mahal;
ang katulad ng dila ko ay panulat ng maalam,
    panulat ng dalubhasang sumulat ng kasaysayan.

Sa lahat nga ng nilikha, makisig kang hindi hamak,
    kapag nagtatalumpati'y pambihira kung mangusap;
    ikaw nga ay pinagpala ng Diyos sa tuwi-t’wina.
O ikaw na haring bantog, isakbat mo ang sandata;
    sagisag mo'y maharlika, malakas nga't dakila ka!

Maglakbay kang mayro'ng dangal tinataglay ang tagumpay,
    alang-alang sa matuwid, ipagtanggol ang katuwiran;
    tagumpay ay matatamo sa lakas mong tinataglay.
Palaso mo'y matatalim, pumapatay ng kaaway;
    susuko ang mga bansa at sa iyo'y magpupugay.

Iyang(A) tronong tinanggap mo na kaloob ng Diyos,[b]
    isang tronong magtatagal at hindi na matatapos;
matuwid kang maghahari sa bansa mong nasasakop.
Katarunga'y iyong mahal, sa masama'y namumuhi;
kaya naman ang iyong Diyos, tanging ikaw ang pinili;
    higit sa sinumang hari, kagalakang tanging-tangi.
Sa damit mo'y nalalanghap, tatlong uri ng pabango,
    mira, aloe saka kasia na buhat sa ibang dako;
    inaaliw ka ng tugtog sa garing na palasyo mo.
O kay gagandang prinsesa ang katulong na dalaga,
    samantalang sa kanan mo, nakatayo yaong reyna,
    palamuti'y gintong lantay sa damit na suot niya.

10 O kabiyak nitong hari, ang payo ko'y ulinigin;
    ang lahat mong kamag-anak at ang madla ay limutin.
11 Sa taglay mong kagandahan ang hari ang paibigin;
    siya'y iyong Panginoon, marapat na iyong sundin.
12 Yaong mga taga-Tiro, handog nila ay dadalhin,
    pati mga mayayaman sa iyo ay susuyo rin.

13 Ang prinsesa sa palasyo'y pagmasdan mo't anong ganda;
    sinulid na gintung-ginto ang hinabing damit niya.
14 Sa magara niyang damit, sa hari ay pinapunta,
    mga abay ay kasama, haharap sa hari nila.
15 Sama-samang masasaya, ang lahat ay nagagalak
    nagsipasok sa palasyo, kanyang hari ay hinanap.

16 Darami ang iyong supling, sa daigdig maghahari,
    kapalit ng ninuno mo sa sinundang mga lahi.
17 Dahilan sa aking awit, ikaw nama'y dadakila,
    kailanma'y pupurihin nitong lahat na nilikha!

Mga Kawikaan 10:22

22 Ang pagpapala ni Yahweh ay kayamanan,
    na walang kasamang kabalisahan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.