Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Deuteronomio 2-3

Tulad(A) ng utos sa akin ni Yahweh, nagbalik tayo sa ilang, tungo sa Dagat na Pula.[a] Matagal din tayong naglakbay sa kaburulan ng Seir.

“Pagkatapos, sinabi sa akin ni Yahweh, ‘Matagal na rin kayong nagpapaikut-ikot sa kaburulang ito. Ngayon, lumakad na kayo papuntang hilaga. Dadaan(B) kayo sa Seir, ang lupain ng mga kamag-anak ninyo, ang lahi ni Esau. Takot sila sa inyo ngunit mag-ingat pa rin kayo. Huwag ninyo silang kakalabanin sapagkat kapiraso man ng lupain nila'y hindi ko ibibigay sa inyo. Ibinigay ko na sa lahi ni Esau ang kaburulan ng Seir. Bibilhin ninyo ang pagkain at inuming kukunin ninyo sa kanila.’

“Pinagpala kayo ni Yahweh sa lahat ng inyong ginawa, at hindi niya kayo hiniwalayan sa inyong paglalakbay sa ilang. Sa loob ng apatnapung taon, hindi kayo nagkulang sa anumang bagay.

“Kaya dumaan lamang tayo sa kanilang lupain at nagpatuloy sa paglalakbay palayo sa Araba, Elat at Ezion-geber. At tayo ay napunta sa ilang ng Moab.

“At(C) sinabi sa akin ni Yahweh, ‘Huwag rin ninyong guguluhin o sasalakayin ang mga Moabita sapagkat kapiraso man ng lupain nila ay hindi ko ibibigay sa inyo. Ang lupain ng Ar ay ibinigay ko na sa lahi ni Lot.’”

(10 Ang dating nakatira roon ay ang mga Emita. Marami sila at malalaki ring tulad ng mga higante. 11 Tulad ng mga higante, kilala rin sila sa tawag na Refaim, ngunit Emita ang tawag sa kanila ng mga Moabita. 12 Dati, nakatira rin sa Seir ang mga taga-Hor, ngunit pinuksa sila ng mga anak ni Esau, at sila ang nanirahan roon, tulad ng ginawa ng mga Israelita sa lupaing ibinigay sa kanila ni Yahweh.)

13 “‘Ngayon nga'y magpatuloy kayo; tumawid kayo sa batis ng Zared.’ At ganoon nga ang ginawa natin. 14 Tatlumpu't(D) walong taon ang nakalipas mula nang umalis tayo sa Kades-barnea hanggang sa pagtawid natin sa Zared. Tulad ng isinumpa ni Yahweh, walang natira sa mga mandirigma ng salinlahing iyon. 15 Patuloy silang nilabanan ni Yahweh hanggang malipol silang lahat.

16 “Nang wala na ngang natitira sa mga mandirigma ng lahing iyon, 17 sinabi sa akin ni Yahweh, 18 ‘Ngayon ay tumawid kayo sa Ar, sa hangganan ng Moab. 19 Pagdaan(E) ninyo sa lupain ng mga anak ni Ammon, huwag ninyo silang guguluhin o didigmain sapagkat kapiraso man ng lupa nila'y hindi ko ibibigay sa inyo. Ibinigay ko na iyon sa mga anak ni Lot.’”

(20 Ang lupaing iyon ay dating sakop ng mga Refaim, na ang tawag ng mga Ammonita ay Zamzumim. 21 Marami rin sila at malalaking tulad ng mga higante. Ngunit pinuksa sila ni Yahweh; kaya't itinaboy sila ng mga Ammonita upang ang mga ito ang tumira roon. 22 Gayundin ang ginawa ni Yahweh sa lahi ni Esau nang ang mga ito'y magpunta sa Seir; itinaboy niya ang mga taga-Hor at ang lahi ni Esau ang nanirahan roon. 23 Ang mga taga-Awim naman sa Gaza ay itinaboy ng mga taga-Caftor at sila ang tumira roon.)

24 “At doon ay sinabi ni Yahweh, ‘Magpatuloy kayo; tumawid kayo sa Ilog Arnon. Mabibihag ninyo si Sihon, ang hari ng mga Amoreo sa Hesbon, at masasakop ninyo ang kanyang lupain. Kaya't simulan na ninyo ang pagsakop sa lupain niya. 25 Dahil sa gagawin ko ay matatakot sa inyo ang lahat ng bansa sa daigdig. Mabanggit lamang kayo'y manginginig na sila sa takot.’

Nalupig ng Israel si Haring Sihon(F)

26 “At mula sa ilang ng Kedemot, nagpadala ako ng sugo kay Haring Sihon na taga-Hesbon upang mag-alok ng kapayapaan: 27 ‘Makikiraan kami sa iyong lupain. Hindi kami lilihis ng daan. 28 Babayaran namin ang aming kakainin at iinumin. Kung maaari'y paraanin mo lang kami 29 tulad ng ginawa ng mga anak ni Esau sa Seir at ng mga Moabita sa Ar. Makikiraan lamang kami para makarating sa kabila ng Jordan, sa lupaing ibinigay sa amin ni Yahweh, na aming Diyos.’

30 “Ngunit hindi niya ito pinahintulutan. Siya'y pinagmatigas ni Yahweh para matalo natin at makuha ang kanyang lupain na hanggang ngayon ay sakop natin.

31 “At sinabi sa akin ni Yahweh, ‘Ito na ang simula ng pagbagsak ng kaharian ni Haring Sihon sa inyong mga kamay; sakupin na ninyo ang kanyang lupain.’ 32 Sinalakay tayo ni Sihon at ng lahat ng kanyang mga tauhan sa Jahaz. 33 Ngunit siya at ang kanyang mga tauhan ay natalo natin sa tulong ni Yahweh. 34 Nasakop natin ang kanyang mga lunsod; giniba natin ang mga ito at walang itinirang buháy isa man sa mga tagaroon. 35 Ang kanilang mga hayop at ari-arian ay sinamsam natin. 36 Walang lunsod na hindi natin napasok, mula sa Aroer hanggang Gilead; lahat ay nasakop natin sa tulong ni Yahweh. 37 Ngunit hindi natin ginalaw ang lupain ng lahi ni Ammon, ang baybayin ng Ilog Jabok, at ang kaburulan, sapagkat iyon ang kabilin-bilinan ni Yahweh na ating Diyos.

Nalupig ng Israel si Haring Og(G)

“Nagpatuloy tayo papuntang Bashan ngunit pagdating natin sa Edrei, sinalakay tayo ni Haring Og ng Bashan. Sinabi sa akin ni Yahweh, ‘Huwag kayong matakot sa kanya sapagkat matatalo ninyo sila tulad ng ginawa ninyo kay Haring Sihon ng Hesbon at sa mga Amoreo.’

“Sa tulong ni Yahweh, natalo nga natin si Haring Og at ang buong Bashan; wala tayong itinirang buháy isa man sa kanila. Nasakop natin ang animnapu nilang lunsod sa Argob, ang buong kaharian ni Og sa Bashan, ang maraming maliliit na nayon, at ang malalaki nilang lunsod na napapaligiran ng pader. Tulad ng ginawa natin kay Haring Sihon ng Hesbon, nilipol natin sila pati mga kababaihan at mga bata. Ang itinira lamang natin ay ang mga hayop at iba pang ari-arian nilang sinamsam natin.

“Nasakop natin noon ang lupain ng dalawang haring Amoreo, ang lupain nila sa silangan ng Jordan, mula sa Ilog Arnon hanggang sa Bundok ng Hermon. (Sirion ang tawag ng mga taga-Sidon sa Bundok ng Hermon at Senir naman ang tawag doon ng mga Amoreo.) 10 Nasakop din natin ang mga lunsod sa matataas na kapatagan, ang buong Gilead, ang Bashan, hanggang Salca at Edrei, na pawang sakop ni Haring Og.”

(11 Si Haring Og lamang ang natira sa mga taga-Refaim. Ang kabaong[b][c] niyang bato ay apat na metro ang haba at dalawang metro ang lapad. Ito ay nasa Lunsod ng Rabba, sa lupain ng Ammon, hanggang ngayon.)

Ang mga Liping Nanirahan sa Silangan ng Jordan(H)

12 “Nang masakop natin ang bansang iyon, ibinigay ko sa lipi nina Ruben at Gad ang lupain mula sa Aroer na nasa tabi ng Ilog Arnon, at ang kalahati ng Gilead. 13 Ang kalahati naman ng Gilead, ang Bashan, samakatuwid ang buong Argob ay ibinigay ko sa kalahati ng lipi ni Manases.”

(Ang buong Bashan ay tinatawag na lupain ng mga Refaim. 14 Ang buong lupain nga ng Argob, at ang Bashan, hanggang sa hangganan ng mga Gesureo at Maacateo, ay napunta kay Jair na anak ni Manases. Hanggang ngayon, may ilang nayon doon na tinatawag na Mga Nayon ni Jair, sunod sa pangalan niya.)

15 “Ang Gilead naman ay ibinigay ko kay Maquir. 16 Sa mga lipi naman nina Ruben at Gad ay ibinigay ko ang lupain mula sa Gilead hanggang sa kalagitnaan ng Ilog Arnon. Ang Ilog Arnon ang hangganan nito sa timog at ang Ilog Jabok naman sa hilaga. Dito naman nagsimula ang lupain ng lahi ni Ammon. 17 Sa kanluran ang lupain nila'y abot sa Ilog Jordan, mula sa Lawa ng Cineret hanggang sa Dagat na Patay. Abot naman sa Bundok Pisga sa gawing silangan.

18 “Sinabi(I) ko sa kanila noon: ‘Ang lupaing ito ang ibinibigay sa inyo ni Yahweh na ating Diyos, ngunit ang lahat ng mandirigma ay makikipaglaban munang kasama ng ibang Israelita. 19 Maiiwan dito ang inyong mga pamilya at ang inyong mga hayop sapagkat alam kong marami kayong alagang hayop. 20 Hindi kayo babalik dito hanggang ang mga kapatid ninyong Israelita ay hindi napapanatag sa lupaing ibinigay sa kanila ni Yahweh.’

21 “Ito naman ang sinabi ko kay Josue: ‘Nakita mo ang ginawa ni Yahweh sa dalawang haring Amoreo; ganoon din ang gagawin ni Yahweh sa mga hari ng lupaing pupuntahan ninyo. 22 Huwag kang matatakot sa kanila sapagkat si Yahweh ang siyang nakikipaglaban para sa inyo.’

Hindi Pinapasok sa Canaan si Moises

23 “Nakiusap(J) ako noon kay Yahweh. Ang sabi ko, 24 ‘Panginoong Yahweh, pinasimulan mo nang ipakita sa akin ang iyong kapangyarihan. Sinong diyos sa langit o sa lupa ang makakagawa ng iyong ginagawa? 25 Hinihiling ko sa iyong patawirin mo ako sa ibayo ng Jordan upang makita ko ang maganda at masaganang lupaing iyon, ang kaburulan at ang Bundok Lebanon.’

26 “Ngunit hindi niya ako pinakinggan sapagkat nagalit nga siya sa akin dahil sa inyo. Ang sagot niya sa akin: ‘Tumigil ka na! Huwag mo nang mabanggit-banggit sa akin ang bagay na ito. 27 Umakyat ka na lamang sa tuktok ng Pisga at tanawin mo ang paligid sapagkat hindi ka makakatawid ng Jordan. 28 Ituro mo kay Josue ang dapat niyang gawin, at palakasin mo ang kanyang loob sapagkat siya ang mangunguna sa Israel sa pagsakop sa lupaing matatanaw mo.’

29 “At nanatili tayo sa libis na nasa tapat ng Beth-peor.

Lucas 6:12-38

Pinili ang Labindalawa(A)

12 Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa isang bundok at magdamag siyang nanalangin sa Diyos. 13 Kinaumagahan, tinawag niya ang kanyang mga alagad. Mula sa kanila ay pumili siya ng labindalawa na tinawag niyang mga apostol. 14 Sila ay sina Simon, na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito, sina Santiago, Juan, Felipe, Bartolome, 15 Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan, 16 si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote na naging taksil.

Nagturo at Nagpagaling si Jesus(B)

17 Pagbaba ni Jesus kasama ang mga apostol, nadatnan nila sa isang patag na lugar ang marami sa kanyang mga alagad, kasama ang napakaraming taong buhat sa Judea, Jerusalem, at mga bayan sa baybaying-dagat ng Tiro at Sidon. 18 Pumaroon sila upang makinig, at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Pinagaling nga sila ni Jesus, pati na rin ang mga pinapahirapan ng masasamang espiritu. 19 Sinisikap ng lahat ng maysakit na makahawak man lamang sa kanya, sapagkat may kapangyarihang nanggagaling sa kanya na nagpapagaling sa lahat.

Ang Pinagpala at ang Kahabag-habag(C)

20 Tumingin si Jesus sa mga alagad, at sinabi,

“Pinagpala kayong mga dukha,
    sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos!
21 “Pinagpala kayong mga nagugutom ngayon,
    sapagkat kayo'y bubusugin.
“Pinagpala kayong mga tumatangis ngayon,
    sapagkat kayo'y magsisitawa!

22 “Pinagpala(D) kayo kung dahil sa inyong pagsunod sa Anak ng Tao ay kinapopootan kayo, ipinagtatabuyan at nilalait ng mga tao, at pinaparatangang kayo ay masama. 23 Magalak(E) kayo at lumukso sa tuwa kung gayon ang mangyari sa inyo, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta.

24 “Ngunit kahabag-habag kayong mga mayayaman ngayon,
    sapagkat natamasa na ninyo ang kaginhawahan.
25 “Kahabag-habag kayong mga busog ngayon,
    sapagkat kayo'y magugutom!
“Kahabag-habag kayong mga tumatawa ngayon,
    sapagkat kayo'y magdadalamhati at magsisitangis!

26 “Kahabag-habag kayo, kung kayo'y pinupuri ng lahat ng tao, sapagkat gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga huwad na propeta.”

Ang Pag-ibig sa Kaaway(F)

27 “Subalit sinasabi ko sa inyong mga nakikinig sa akin: Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gawan ng mabuti ang mga napopoot sa inyo. 28 Pagpalain ninyo ang sumusumpa sa inyo at ipanalangin ang mga nang-aapi sa inyo. 29 Kapag sinampal ka sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Kapag inagaw ang iyong balabal, huwag mong ipagkait ang iyong damit. 30 Bigyan mo ang bawat humihingi sa iyo; at kung may kumuha ng iyong ari-arian, huwag mo nang bawiin pa ang mga iyon. 31 Gawin(G) ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo.

32 “Kung ang nagmamahal lamang sa inyo ang inyong mamahalin, anong pagpapala ang nararapat sa inyo? Ang mga makasalanan man ay nagmamahal din sa mga nagmamahal sa kanila. 33 Kung ang mga gumagawa lamang ng mabuti sa inyo ang gagawan ninyo ng mabuti, anong pagpapala ang nararapat sa inyo? Kahit ang masasamang tao ay gumagawa rin niyan! 34 At kung ang makakabayad lamang ang inyong pauutangin, anong pagpapala ang nararapat sa inyo? Kahit ang masasamang tao ay nagpapautang din sa kapwa nila masama, sa pag-asang sila'y mababayaran. 35 Sa(H) halip, mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti sa kanila. Magpahiram kayo na hindi umaasa ng anumang kabayaran. Sa gayon, malaking gantimpala ang tatamuhin ninyo, at kayo'y magiging mga anak ng Kataas-taasang Diyos. Sapagkat siya'y mabuti kahit sa masasama at sa mga hindi marunong magpasalamat. 36 Maging mahabagin kayo tulad ng inyong Ama na mahabagin.”

Ang Paghatol sa Kapwa(I)

37 “Huwag kayong humatol at hindi kayo hahatulan. Huwag kayong magparusa at hindi kayo parurusahan. Magpatawad kayo at kayo'y patatawarin. 38 Magbigay kayo at kayo'y bibigyan din; hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo.”

Mga Awit 67

Awit ng Pagpapasalamat

Isang Awit na kinatha upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.

67 O Diyos, pagpalain kami't kahabagan,
    kami Panginoo'y iyong kaawaan, (Selah)[a]
upang sa daigdig mabatid ng lahat
    ang iyong kalooban at ang pagliligtas.

Purihin ka nawa ng lahat ng tao,
    purihin ka nila sa lahat ng dako.

Nawa'y purihin ka ng mga nilikha,
    pagkat matuwid kang humatol sa madla;
    ikaw ang patnubay ng lahat ng bansa. (Selah)[b]

Purihin ka nawa ng lahat ng tao,
    purihin ka nila sa lahat ng dako.

Nag-aning mabuti ang mga lupain,
    pinagpala kami ni Yahweh, Diyos namin!

Magpatuloy nawa iyong pagpapala
    upang igalang ka ng lahat ng bansa.

Mga Kawikaan 11:27

27 Kung mabuti ang hangarin, ikaw ay igagalang,
    kapag humanap ng gulo, iyon ay masusumpungan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.