The Daily Audio Bible
Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.
Mga Tuntunin tungkol sa Kaparte ng Babaing Tagapagmana
36 Ang mga pinuno ng sambahayan ng angkan ni Gilead na anak ni Maquir at apo ni Manases na anak ni Jose ay lumapit kay Moises at sa mga pinuno ng Israel. 2 Sinabi(A) nila, “Iniutos sa inyo ni Yahweh na ipamahagi ang lupain sa pamamagitan ng palabunutan. Iniutos din po na ang bahagi ng kapatid naming si Zelofehad ay ibigay sa mga anak niyang babae. 3 Kung ang mapangasawa nila'y mula sa ibang lipi, ang bahagi nila'y mapupunta sa liping iyon, kaya't mababawasan ang bahagi ng aming lipi. 4 At pagdating ng Taon ng Paglaya, kapag ang lupaing naipagbili ay ibinalik nang tuluyan sa dating may-ari, ang bahagi nila'y mauuwi nang lubusan sa lipi ng kanilang asawa. Kapag nagkagayon, mababawas ito sa aming lipi.”
5 Dahil dito, sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Tama ang sinabi ng mga apo ni Jose. 6 Kaya't ang utos ni Yahweh tungkol sa mga anak ni Zelofehad ay malaya silang mag-asawa sa sinumang gusto nila, ngunit huwag lamang lalabas sa lipi ng kanilang ama. 7 Ang bahagi ng alinmang lipi ay hindi maaaring ilipat sa ibang lipi, iyon ay pananatilihin sa lipi ng kanilang ama. 8 Ang babaing may namana sa kanyang ama ay kailangang kumuha ng mapapangasawa mula rin sa lipi nito, upang hindi malipat sa ibang lipi ang kaparte ng kanilang ama. 9 Ang kaparte ng alinmang lipi ay hindi maaaring ilipat sa ibang lipi; pananatilihin ng bawat lipi ang kani-kanilang kaparte.”
10 Sinunod nga ng mga anak ni Zelofehad ang utos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises. 11 Sina Maala, Tirza, Hogla, Milca at Noa ay nag-asawa nga ng mga lalaking mula sa angkan ng kanilang ama, 12 na kabilang sa lipi ni Manases na anak ni Jose. Kaya, nanatili ang kanilang kaparte sa lipi ng kanilang ama.
13 Ito ang mga batas at tuntuning ibinigay ni Yahweh sa Israel sa pamamagitan ni Moises, sa kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan, sa tapat ng Jerico.
Sinariwa ni Moises ang Pangako ni Yahweh
1 Ito ang tagubilin ni Moises sa buong Israel nang sila'y nasa ilang sa ibayo ng Jordan, sa Araba. Ito ay nasa tapat ng Suf, sa pagitan ng bayan ng Paran, Tofel, Laban, Hazerot at Di-zahab. 2 (Labing-isang araw ang paglalakbay mula sa Sinai[a] hanggang sa Kades-barnea kung sa kaburulan ng Seir dadaan.) 3 Nang unang araw ng ikalabing-isang buwan ng ikaapatnapung taon mula nang sila'y umalis sa Egipto, sinabi ni Moises sa mga Israelita ang mga utos na ibinigay sa kanya ni Yahweh. 4 Nalupig(B) na niya noon ang mga haring Amoreo na sina Sihon ng Hesbon, at Og ng Bashan na nakatira sa Astarot at Edrei. 5 Ipinaliwanag ni Moises ang kautusang ito nang sila'y nasa lupain ng Moab sa silangan ng Jordan.
Ang sabi niya, 6 “Nang tayo'y nasa Sinai,[b] ganito ang sinabi sa atin ni Yahweh na ating Diyos, ‘Matagal-tagal na rin kayong nakatigil sa bundok na ito. 7 Magpatuloy na kayo ng paglalakbay papunta sa kaburulang tinitirhan ng mga Amoreo at sa mga karatig na lugar sa Araba, sa kaburulan, kapatagan, sa katimugang disyerto at sa baybay-dagat, samakatuwid ang buong lupain ng Canaan at Lebanon hanggang sa Ilog Eufrates. 8 Sakupin ninyo ang lupaing ito na inihanda ko para sa inyo. Iyan ang lupaing ipinangako ko sa inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob.’”
Ang Pagpili sa mga Hukom(C)
9 Patuloy pa ni Moises, “Sinabi ko sa inyo noon na hindi ko na kayo kayang pamahalaang mag-isa. 10 Pinarami kayo ni Yahweh na ating Diyos, at ngayon ay sindami na tayo ng bituin sa langit. 11 Nawa'y pagpalain niya kayo, at tulad ng kanyang pangako, paramihin nawa niya kayo ng sanlibo pang ulit. 12 Ngunit paano ko pa magagampanan ang aking tungkulin sa inyo at maigagawad ang angkop na hatol para sa inyong mga usapin? 13 Kaya, pinapili ko kayo ng mga taong matalino, maunawain at may sapat na karanasan upang italaga kong tagapamahala ninyo, 14 at sumang-ayon naman kayo sa akin. 15 Kaya't pumili kayo noon ng mga lalaking kilala sa inyong mga lipi, mga lalaking may talino at sapat na karanasan. Sila'y inilagay kong tagapamahala ng bawat angkan. Ang ilan sa kanila ay naging tagapamahala sa libu-libo, sa daan-daan, sa lima-limampu, at sa sampu-sampu.
16 “Ipinagbilin ko sa kanila noon na pag-aralang mabuti ang usaping idudulog sa kanila, at igawad ang kaukulang hatol nang walang kinikilingan, maging sa katutubong Israelita o sa dayuhan man. 17 Dapat maging pantay-pantay ang kanilang paghatol sa mga tao; ibibigay nila ang katarungan sa bawat tao, maging sinuman siya. Huwag silang matatakot kaninuman sapagkat ang ihahatol nila ay mula sa Diyos. Kung inaakala nilang mabigat ang usapin, dalhin nila ito sa akin at ako ang hahatol. 18 Sinabi ko rin sa inyo noon ang lahat ng dapat ninyong gawin.
Isinugo ang mga Espiya(D)
19 “Bilang pagsunod sa utos ni Yahweh, nagpatuloy tayo ng paglalakbay mula sa Sinai.[c] Pinasok natin ang napakalawak at nakakatakot na ilang bago tayo nakarating sa kaburulan ng mga Amoreo. At narating nga natin ang Kades-barnea. 20 Sinabi ko sa inyo noon, ‘Narito na tayo sa kaburulan ng mga Amoreo, sa lupaing ibinibigay sa atin ni Yahweh na ating Diyos. 21 Ang lupaing ito'y inihanda na niya sa atin. Huwag na kayong mag-atubili ni matakot man. Sakupin na ninyo agad iyon tulad ng ipinagbilin sa atin ng Diyos ng ating mga ninuno.’ 22 Ngunit hiniling ninyo na magpadala muna tayo ng mga espiya upang pag-aralan kung paano natin papasukin ang lugar na iyon. 23 Sa tingin ko'y mabuti ang sinabi ninyo, kaya pumili ako ng labindalawang kalalakihan, isa sa bawat lipi. 24 Pumunta sila sa kaburulang iyon hanggang sa libis ng Escol at doo'y nagsiyasat. 25 Nang sila'y magbalik, may dala silang mga prutas mula roon, at sinabi nilang maganda ang lupaing ibinibigay sa atin ni Yahweh.
26 “Ngunit(E) hindi kayo nagpunta; sa halip ay sinuway ninyo ang utos ni Yahweh. 27 Lihim kayong nag-usap-usap sa inyong mga tolda. Ang sabi ninyo, ‘Marahil ay galit sa atin si Yahweh kaya niya tayo inilabas sa Egipto at dinala rito upang ipapatay sa mga Amoreo. 28 Paano tayo makakarating sa lupaing iyon. Nakakatakot palang pumunta roon. Mas malalaki pala kaysa sa atin ang mga tao roon, malalaki ang lunsod, at ang pader ay abot sa langit; may mga higante pa roon!’
29 “Ang sabi ko naman sa inyo, ‘Huwag kayong matakot sa kanila 30 sapagkat si Yahweh ang mangunguna sa inyo at ipaglalaban niya kayong tulad ng nakita ninyong ginawa niya sa Egipto at sa ilang. 31 Dinala(F) niya kayong ligtas hanggang sa lugar na ito tulad ng pagkalong ng isang ama sa kanyang anak.’ 32 Sa(G) kabila ng sinabi ko'y hindi pa rin kayo nagtiwala sa kanya 33 gayong siya ang nanguna sa inyo. Pinatnubayan niya kayo sa pamamagitan ng haliging apoy kung gabi, at haliging ulap kung araw, at itinuro sa inyo ang inyong daraanan at ang inyong pagkakampuhan.
Pinarusahan ni Yahweh ang Israel(H)
34 “Narinig(I) ni Yahweh ang usapan ninyo, at siya'y nagalit. Dahil dito, isinumpa niya: 35 ‘Isa man sa inyo ay hindi makakarating sa lupaing aking ipinangako sa inyong mga ninuno, 36 maliban kay Caleb na anak ni Jefune. Siya lamang ang makakapasok doon. Ibibigay ko sa kanya at sa kanyang magiging angkan ang lupaing maaabot niya sapagkat lubusan siyang sumunod sa akin.’ 37 Nagalit din sa akin si Yahweh dahil sa inyo. Sinabi niya, ‘Kahit ikaw, Moises, ay hindi makakapasok sa lupaing iyon. 38 Ang kanang kamay mong si Josue ang papasok doon. Palakasin mo ang kanyang loob sapagkat siya ang mangunguna sa Israel sa pagsakop nila sa lupaing iyon.’
39 “Sinabi rin niya, ‘Makakarating doon ang mga maliliit ninyong anak na hindi pa nakakaalam ng mabuti at masama—ang inyong mga anak na sinasabi ninyong mabibihag ng mga kaaway. Ibibigay ko sa kanila ang lupain at sasakupin nila ito. 40 Ngunit kayo'y babalik sa ilang papuntang Dagat na Pula.’[d]
Ang Pagkatalo ng Israel sa Horma(J)
41 “Sinabi naman ninyo sa akin noon, ‘Nagkasala kami kay Yahweh. Pupunta na kami roon at makikipaglaban tulad ng iniutos niya sa amin.’ At kayong lahat ay dali-daling nagsakbat ng sandata sapagkat akala ninyo'y madali lamang ang paglusob sa kaburulan ng mga Amoreo.
42 “Ipinapigil kayo sa akin ni Yahweh sapagkat hindi niya kayo papatnubayan, at malulupig lamang kayo ng inyong sasalakayin. 43 Ngunit hindi kayo nakinig sa akin. Sinuway ninyo ang utos ni Yahweh at nagpatuloy kayo sa inyong paglusob. 44 Kaya naman parang mga bubuyog na dinagsa kayo ng mga Amoreo; ginapi nila kayo at tinugis hanggang Horma. 45 Dumaing kayo kay Yahweh, ngunit hindi niya kayo pinakinggan o pinansin man lamang.
Ang mga Taon sa Ilang
46 “Kaya, napilitan kayong tumigil nang matagal sa Kades.
29 Si Jesus ay hinandugan ni Levi ng isang malaking handaan sa kanyang bahay. Kasalo niya roon ang maraming maniningil ng buwis at iba pang mga tao. 30 Kaya't(A) nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at ang mga kasamahan nilang tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila sa mga alagad ni Jesus, “Bakit kayo kumakain at umiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?”
31 Sinagot sila ni Jesus, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. 32 Hindi ako naparito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan upang sila'y magsisi.”
Katanungan tungkol sa Pag-aayuno(B)
33 May ilan namang nagsabi kay Jesus ng ganito: “Ang mga alagad ni Juan ay malimit mag-ayuno at manalangin, gayundin ang mga alagad ng mga Pariseo. Subalit ang mga alagad mo'y patuloy sa pagkain at pag-inom.”
34 Sumagot si Jesus, “Hinahayaan ba ninyong hindi kumain ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Di ba hindi? 35 Darating ang araw na kukunin sa kanila ang lalaking ikinasal, at saka sila mag-aayuno.”
36 Sinabi rin niya sa kanila ang isang talinghaga, “Walang pumipiraso sa bagong damit upang itagpi sa luma. Kapag ganoon ang ginawa, masasayang ang bagong damit at ang tagping mula rito ay hindi naman babagay sa damit na luma. 37 Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kapag ganoon ang ginawa, papuputukin ng bagong alak ang lumang sisidlan, matatapon ang alak at masisira ang sisidlan. 38 Sa bagong sisidlang-balat dapat ilagay ang bagong alak. 39 Kapag nakainom ka na ng lumang alak, hindi mo na gugustuhing uminom ng bagong alak. Ang sasabihin mo, ‘Mas masarap ang lumang alak.’”
Katanungan tungkol sa Araw ng Pamamahinga(C)
6 Isang(D) Araw ng Pamamahinga,[a] nagdaraan sina Jesus sa isang triguhan. Ang kanyang mga alagad ay pumitas ng mga trigo, kinuskos sa kanilang mga kamay at kanila itong kinain. 2 “Bakit kayo gumagawa ng ipinagbabawal ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga?” tanong ng ilang Pariseo.
3 Sinagot(E) sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang minsang magutom sila ng kanyang mga kasama? 4 Di(F) ba't pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog, na bawal kainin ninuman maliban sa mga pari lamang? Binigyan pa niya ang kanyang mga kasama.” 5 At sinabi pa ni Jesus, “Ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.”
Ang Taong Paralisado ang Kamay(G)
6 Noong isa pang Araw ng Pamamahinga,[b] pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. Doon ay may isang lalaking paralisado ang kanang kamay. 7 Sa hangad ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na magkaroon ng maipaparatang kay Jesus, binantayan nila si Jesus upang tingnan kung siya'y magpapagaling ng maysakit sa Araw ng Pamamahinga. 8 Subalit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya sa lalaking paralisado ang kamay, “Halika, tumayo ka rito.” Lumapit ang lalaki at tumayo nga roon. 9 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Tatanungin ko kayo. Alin ba ang naaayon sa Kautusan, ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Ang magligtas ng buhay o ang pumatay?” 10 Tiningnan niyang isa-isa ang mga taong nakapaligid at pagkatapos ay sinabi sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay!” Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling.
11 Nagngitngit naman sa galit ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, at pinag-usapan nila kung ano ang maaari nilang gawin kay Jesus.
Awit ng Pagpupuri at Pasasalamat
Isang Awit na kinatha para sa Punong Mang-aawit.
66 Sumigaw sa galak ang mga nilalang!
2 At purihin ang Diyos na may kagalakan; wagas na papuri sa kanya'y ibigay!
Awitan siya't luwalhatiin siya!
3 Ito ang sabihin sa Diyos na Dakila:
“Ang mga gawa mo ay kahanga-hanga;
yuyuko sa takot ang mga kaaway, dahilan sa taglay mong kapangyarihan.
4 Ang lahat sa lupa ika'y sinasamba,
awit ng papuri yaong kinakanta;
ang iyong pangala'y pinupuri nila.” (Selah)[a]
5 Ang ginawa ng Diyos, lapit at pagmasdan,
ang kahanga-hangang ginawa sa tanan.
6 Naging(A) tuyong lupa kahit na karagatan,
mga ninuno nati'y doon dumaan;
doo'y naramdaman labis na kagalakan.
7 Makapangyarihang hari kailanman,
siya'y nagmamasid magpakailanman;
kaya huwag magtatangkang sa kanya'y lumaban. (Selah)[b]
8 Ang lahat ng bansa'y magpuri sa Diyos,
inyong iparinig papuring malugod.
9 Iningatan niya tayong pawang buháy,
di tayo bumagsak, di niya binayaan!
10 O Diyos, sinubok mo ang iyong mga hirang,
sinubok mo kami upang dumalisay;
at tulad ng pilak, kami'y idinarang.
11 Iyong binayaang mahulog sa bitag,
at pinagdala mo kami nang mabigat.
12 Sa mga kaaway ipinaubaya,
sinubok mo kami sa apoy at baha,
bago mo dinala sa dakong payapa.
13 Ako'y maghahandog sa banal mong templo
ng aking pangako na handog sa iyo.
14 Pati pangako ko, nang may suliranin,
ay ibibigay ko, sa iyo dadalhin.
15 Natatanging handog ang iaalay ko;
susunuging tupa, kambing, saka toro,
mababangong samyo, halimuyak nito. (Selah)[c]
16 Lapit at makinig, ang nagpaparangal sa Diyos,
at sa inyo'y aking isasaysay ang kanyang ginawang mga kabutihan.
17 Ako ay tumawag, sa Diyos ay nagpuri,
kanyang karangalan, aking sinasabi.
18 Kung sa kasalanan ako'y magpatuloy,
di sana ako dininig ng ating Panginoon.
19 Ngunit tunay akong dininig ng Diyos,
sa aking dalangin, ako ay sinagot.
20 Purihin ang Diyos! Siya'y papurihan,
pagkat ang daing ko'y kanyang pinakinggan,
at ang pag-ibig niya sa aki'y walang katapusan.
24 Ang taong mapagbigay ay lalong yumayaman,
ngunit naghihirap ang tikom na mga kamay.
25 Ang taong matulungin, sasagana ang pamumuhay,
at ang marunong tumulong ay tiyak na tutulungan.
26 Sinusumpa ng lahat ang nagkakait ng butil,
ngunit pinupuri ang nagbibigay ng pagkain.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.