Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Deuteronomio 5-6

Ang Sampung Utos(A)

Tinipon ni Moises ang buong Israel at kanyang sinabi, “Bayang Israel, dinggin ninyo ang kautusan at ang mga tuntuning ibibigay ko sa inyo ngayon. Unawain ninyong mabuti at tuparin ang mga ito. Ang Diyos nating si Yahweh ay gumawa ng kasunduan sa atin sa Bundok ng Sinai,[a] hindi sa ating mga ninuno kundi sa ating nabubuhay ngayon. Harap-harapan siyang nakipag-usap sa inyo sa bundok mula sa naglalagablab na apoy. Habang ibinibigay niya ang kanyang mga utos, nakatayo ako sa pagitan ninyo at ni Yahweh sapagkat natatakot kayo sa ningas at ayaw ninyong umakyat sa bundok. Sinabi niya:

“‘Ako si Yahweh, ang iyong Diyos na naglabas sa iyo sa Egipto at nagpalaya sa iyo mula sa pagkaalipin.

“‘Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin.

“‘Huwag(B) kang gagawa ng diyus-diyosang imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin. Huwag(C) mo silang yuyukuran ni sasambahin sapagkat akong si Yahweh na iyong Diyos ay mapanibughuing Diyos. Ang kasalanan ng mga magulang ay sinisingil ko sa kanilang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi. 10 Ngunit ipinadarama ko ang aking pag-ibig at pagkalinga sa libu-libong salinlahi ng mga umiibig sa akin at tumutupad sa aking mga kautusan.

11 “‘Huwag(D) mong gagamitin sa walang kabuluhan ang pangalan ni Yahweh na iyong Diyos. Tiyak na paparusahan ko ang gumamit nito nang walang kabuluhan.

12 “‘Ilaan(E) mo para sa akin ang Araw ng Pamamahinga, tulad ng ipinag-uutos ni Yahweh na iyong Diyos. 13 Anim(F) na araw kang magtatrabaho, at tapusin mo ang dapat gawin. 14 Subalit ang ikapitong araw ay para kay Yahweh na iyong Diyos; ito ay Araw ng Pamamahinga. Sa araw na iyo'y huwag magtatrabaho ang sinuman sa inyo; ikaw, ang iyong mga anak, mga aliping lalaki o babae, ni alinman sa mga alaga mong hayop, ni ang mga dayuhang nakikipamayan sa inyo. Ang iyong alipin, lalaki man o babae ay kailangang mamahingang tulad mo. 15 Alalahanin mong naging alipin ka rin sa Egipto at mula roo'y inilabas kita sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. Kaya iniutos ko na panatilihin mong nakalaan kay Yahweh ang Araw ng Pamamahinga.

16 “‘Igalang(G) mo ang iyong ama at ina tulad ng iniutos ko sa iyo. Sa gayo'y mabubuhay ka nang matagal at sagana sa lupaing ibinibigay sa iyo ni Yahweh na iyong Diyos.

17 “‘Huwag(H) kang papatay.

18 “‘Huwag(I) kang mangangalunya.

19 “‘Huwag(J) kang magnanakaw.

20 “‘Huwag(K) kang sasaksi nang walang katotohanan laban sa iyong kapwa.

21 “‘Huwag(L) mong pagnanasaang maangkin ang asawa ng iyong kapwa. Huwag mong pagnasaang maangkin ang kanyang sambahayan, bukid, alilang lalaki o babae, baka, asno o anumang pag-aari niya.’

22 “Ang(M) mga ito'y sinabi sa inyo ni Yahweh doon sa bundok, mula sa naglalagablab na apoy at makapal na usok. Liban doon, hindi na siya nagsalita sa inyo. Pagkatapos, isinulat niya ang mga ito sa dalawang tapyas na bato at ibinigay sa akin.

Pinagharian ng Takot ang Lahat(N)

23 “Nang marinig ninyo ang kanyang tinig mula sa kadiliman, habang nagliliyab ang bundok, lumapit sa akin ang pinuno ng bawat angkan at ang inyong matatandang pinuno. 24 Sinabi nila, ‘Ipinakita sa atin ni Yahweh na ating Diyos ang kanyang kaluwalhatian at kadakilaan, at ipinarinig sa atin ang kanyang tinig. Nakipag-usap siya sa atin nang harapan ngunit hindi tayo namatay. 25 Bakit natin hihintaying mamatay tayo rito? Lalamunin tayo ng apoy na ito at tiyak na mamamatay tayo kapag nagsalita pa siya sa atin. 26 Sinong tao ang nanatiling buháy matapos marinig mula sa apoy ang tinig ng Diyos na buháy? 27 Ikaw na lang ang makipag-usap kay Yahweh na ating Diyos. Sabihin mo na lamang sa amin ang lahat ng sasabihin niya sa iyo, at susundin namin.’

28 “Narinig ni Yahweh ang sinabi ninyo noon at ito naman ang kanyang sinabi sa akin: ‘Narinig ko ang sinabi nila sa iyo at tamang lahat iyon. 29 Sana nga'y manatili ang takot nila sa akin at lagi nilang sundin ang aking mga utos upang maging matiwasay ang buhay nila at ng kanilang mga anak habang panahon. 30 Magbalik ka sa kanila at pauwiin mo na sila. 31 Ngunit mananatili ka rito at sasabihin ko sa iyo ang aking mga batas at mga tuntunin. Ituturo mo ito sa kanila upang kanilang sundin sa lupaing ibibigay ko sa kanila.’

32 “Sundin ninyong mabuti ang lahat ng iniuutos sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. Huwag kayong lilihis sa mga ito. 33 Mamuhay kayo ayon sa kanyang mga utos. Sa ganoon, sasagana kayo at hahaba ang buhay ninyo sa lupaing sasakupin ninyo.

Ang Pangunahing Utos

“Ito nga ang Kautusan at mga tuntuning ibinigay niya sa akin, na siya ninyong susundin sa lupaing inyong sasakupin. Ang mga ito'y ibinigay sa inyo ni Yahweh at sa inyong mga anak at sa mga susunod na salinlahi upang magkaroon kayo ng takot sa kanya. Kung ito'y susundin ninyo, hahaba ang inyong buhay. Kaya nga, pakinggan ninyo ito at sunding mabuti. Kung magkagayo'y sasagana kayo, at darami ang inyong lahi pagdating ninyo sa lupaing ipinangako ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno, sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay.

“Pakinggan(O) mo, O Israel: Si Yahweh na ating Diyos ang tanging Yahweh.[b] Ibigin(P) mo si Yahweh na iyong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa at buong lakas. Ang(Q) mga utos niya'y itanim ninyo sa inyong puso. Ituro ninyo ito sa inyong mga anak; pag-aralan ninyo ito sa inyong tahanan, sa inyong paglalakbay, sa inyong pagtulog sa gabi, at sa inyong pagbangon sa umaga. Ipulupot ninyo ito sa inyong mga kamay bilang tanda, itali sa inyong noo, isulat sa mga hamba ng pintuan ng inyong bahay at mga tarangkahan.

Babala Laban sa Pagsuway

10 “Malapit(R) na kayong dalhin ni Yahweh sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Maninirahan kayo sa malalaki at magagandang lunsod na hindi kayo ang nagtatag. 11 Titira kayo sa mga tahanang sagana sa lahat ng bagay ngunit hindi ninyo pinaghirapan. Iinom kayo ng tubig na galing sa mga balong hindi ninyo hinukay. Mamimitas kayo sa mga ubasan at sa mga olibong hindi ninyo itinanim. Kung kayo'y naroon na at masagana na sa lahat ng bagay, 12 huwag na huwag ninyong kalilimutan si Yahweh na naglabas sa inyo sa Egipto, sa bayan ng pagkaalipin. 13 Magkaroon(S) kayo ng takot kay Yahweh, paglingkuran ninyo siya at sa kanyang pangalan kayo manumpa. 14 Huwag kayong maglilingkod sa diyus-diyosan ng mga bayang pupuntahan ninyo 15 sapagkat si Yahweh na inyong Diyos ay mapanibughuing Diyos; kapag sumamba kayo sa diyus-diyosan magagalit siya sa inyo at lilipulin niya kayong lahat.

16 “Huwag(T) ninyong susubukin si Yahweh na inyong Diyos, tulad ng ginawa ninyo sa Masah. 17 Sundin ninyong mabuti ang kanyang mga utos at mga tuntunin. 18 Gawin ninyo kung ano ang tama at mabuti sa paningin ni Yahweh, at mamumuhay kayong matiwasay. Masasakop ninyo ang lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ninuno; 19 mapapalayas ninyo ang inyong mga kaaway, tulad ng pangako niya sa inyo.

20 “Kapag dumating ang araw na itanong ng inyong mga anak kung bakit kayo binigyan ni Yahweh ng kautusan at mga tuntunin, 21 ganito ang sabihin ninyo: ‘Noong araw, inalipin kami ng Faraon sa Egipto. Pinalaya kami roon ni Yahweh sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. 22 Nasaksihan namin ang maraming kababalaghang ginawa niya laban sa Faraon at sa mga Egipcio. 23 Inilabas niya kami sa Egipto upang dalhin sa lupaing ipinangako niya sa ating mga ninuno. 24 Ibinigay niya sa amin ang kautusan at mga tuntuning ito upang magtaglay kami ng takot sa kanya. Sa ganoon, sasagana tayo at iingatan niyang tulad ng ginagawa niya sa atin ngayon. 25 Kalulugdan tayo ng Diyos nating si Yahweh kung susundin natin nang buong katapatan ang lahat ng ipinag-uutos niya sa atin.’

Lucas 7:11-35

Muling Binuhay ang Anak ng Isang Biyuda

11 Pagkatapos nito, nagpunta naman si Jesus sa isang bayang tinatawag na Nain. Sumama sa kanya ang mga alagad at ang napakaraming tao. 12 Nang malapit na siya sa pintuan ng bayan, may isang lalaking namatay na dala ng mga tao patungo sa libingan. Ito ay kaisa-isang anak na lalaki ng isang biyuda. Napakaraming tao mula sa bayan ang sumama upang makipaglibing. 13 Nahabag ang Panginoon nang kanyang makita ang ina ng namatay kaya't sinabi niya rito, “Huwag kang umiyak.” 14 Nilapitan niya at hinipo ang kabaong at tumigil ang mga may pasan nito. Sinabi niya, “Binata, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka!”

15 Bumangon ang patay at nagsalita; at siya'y ibinigay ni Jesus sa kanyang ina.

16 Natakot ang lahat at sila'y nagpuri sa Diyos. Sabi nila, “Dumating sa atin ang isang dakilang propeta! Dinalaw ng Diyos ang kanyang bayan!”

17 At kumalat sa buong Judea at sa palibot na lupain ang balitang ito tungkol sa ginawa ni Jesus.

Ang mga Sugo ni Juan na Tagapagbautismo(A)

18 Ibinalita kay Juan ng kanyang mga alagad ang lahat ng mga pangyayaring ito. Kaya't tinawag ni Juan ang dalawa sa kanila 19 at pinapunta sa Panginoon[a] upang itanong kung siya na nga ang ipinangakong darating, o kung maghihintay pa sila ng iba. 20 Pagdating doo'y sinabi nila kay Jesus, “Pinapunta po kami dito ni Juan na Tagapagbautismo upang itanong kung kayo na nga ang darating, o maghihintay pa kami ng iba.” 21 Nang oras na iyon, pinagaling ni Jesus ang maraming taong may sakit, may karamdaman at sinasapian ng masasamang espiritu. Maraming mga bulag ang binigyan niya ng paningin. 22 Kaya't(B) sinabi niya sa mga sugo ni Juan, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin ninyo sa kanya ang inyong nakita at narinig; nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling at lumilinis ang mga ketongin, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga dukha ang Magandang Balita. 23 Pinagpala ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!”

24 Pagkaalis ng mga sugo, nagsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan, “Bakit kayo pumunta sa ilang? Ano ang ibig ninyong makita? Isang halamang tambo na inihahapay ng hangin? 25 Ano nga ba ang inyong dinayo roon? Isang taong may magarang damit? Ang mga nagdaramit ng mamahalin at namumuhay sa karangyaan ay nasa palasyo ng mga hari. 26 Ano nga ang inyong dinayo? Isang propeta? Oo. At sinasabi ko sa inyo, siya'y higit pa sa isang propeta. 27 Sapagkat(C) si Juan ang tinutukoy ng kasulatan:

‘Narito, ipinapadala ko ang aking sugo na mauuna sa iyo,
    upang ihanda ang iyong daraanan.’

28 Sinasabi ko sa inyo, wala pang isinilang na mas dakila kaysa kanya. Ngunit mas dakila kay Juan ang pinakamababa sa kaharian ng Diyos.”

29 Ang(D) lahat ng mga taong nakarinig sa kanya, pati na ang mga maniningil ng buwis ay nagpuri sa Diyos. Ang mga ito'y binautismuhan ni Juan. 30 Ngunit ang mga Pariseo at ang mga dalubhasa sa Kautusan ay tumanggi sa layunin ng Diyos para sa kanila sapagkat ayaw nilang magpabautismo kay Juan.

31 Sinabi pa ni Jesus, “Kanino ko maihahambing ang mga tao ngayon? Ano ang nakakatulad nila? 32 Ang katulad nila'y mga batang nakaupo sa palengke at sumisigaw sa kanilang mga kalaro,

‘Tinugtugan namin kayo ng plauta, ngunit hindi kayo sumayaw!
Umawit kami ng panaghoy, ngunit hindi kayo umiyak!’

33 Sapagkat nang dumating si Juan na Tagapagbautismo, siya'y nag-aayuno at hindi umiinom ng alak; at ang sabi ninyo, ‘Sinasapian ng demonyo ang taong iyan!’ 34 Nang dumating naman ang Anak ng Tao, siya'y kumakain at umiinom, ngunit sinasabi naman ninyo, ‘Tingnan ninyo ang taong iyan! Matakaw, lasenggo at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!’ 35 Ngunit ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang tama sa pamamagitan ng mga tumatanggap nito.”

Mga Awit 68:19-35

19 Purihin ang Panginoon, ang Diyos nating nagliligtas,
    dinadala araw-araw, ang pasanin nating hawak. (Selah)[a]
20 Ang ating Diyos ay isang Diyos na ang gawa ay magligtas,
    si Yahweh ang Panginoon, Panginoon nating lahat!
    Sa bingit ng kamataya'y hinahango tayo agad.

21 Mga ulo ng kaaway ay babasagin ng Diyos,
    kapag sila ay nagpilit sa kanilang gawang buktot.
22 Si Yahweh ang nagsalita: “Ibabalik ko sa iyo kaaway na nasa Bashan;
    hahanguin ko nga sila sa gitna ng karagatan,
23 upang kayo'y magtampisaw sa dugo na bubuhos,
    sa dugo nilang yaon, pati aso ay hihimod.”

24 Mamamasdan ng marami ang lakad mong matagumpay,
    pagpasok ng Diyos kong hari, sa may dako niyang banal.
25 Sa unaha'y umaawit, tumutugtog sa hulihan,
    sa gitna'y nagtatamburin ang babaing karamihan.
26 “Ang Diyos ay papurihan, kung magtipong sama-sama,
    buong lahi ng Israel papurihan ninyo siya!”
27 Yaong lahi ni Benjamin, maliit ma'y nangunguna,
    kasunod ay mga puno at pulutong nitong Juda;
    mga puno ng Zebulun at Neftali'y kasunod na.

28 Sana'y iyong ipadama ang taglay mong kalakasan,
    ang lakas na ginamit mo noong kami'y isanggalang.
29 Magmula sa Jerusalem, sa iyong tahanang templo,
    na pati ang mga hari doo'y naghahandog sa iyo,
30 pagwikaan mo ang hayop, ang mailap na Egipto;
    sabihan ang mga bansang parang torong may bisiro;
    hanggang sila ay sumuko, maghandog ng pilak sa iyo.
Ang lahat ng maibigin sa digmaa'y ikalat mo!
31 Mula roon sa Egipto, mga sugo ay darating,
    ang Etiopia'y[b] daup-palad na sa Diyos dadalangin.

32 Umawit sa Panginoon ang lahat ng kaharian,
    awitin ang pagpupuri't si Yahweh ay papurihan! (Selah)[c]

33 Purihin ang naglalakbay sa matandang kalangitan;
    mula roo'y maririnig ang malakas niyang sigaw!
34 Ipahayag ng balana, taglay niyang kalakasan,
    siya'y hari ng Israel, maghahari siyang tunay;
    'yang taglay niyang lakas ay buhat sa kalangitan.
35 Kahanga-hanga ang Diyos sa santuwaryo niyang banal,
    siya ang Diyos ng Israel na sa tana'y nagbibigay
    ng kapangyariha't lakas na kanilang kailangan.

Ang Diyos ay papurihan!

Mga Kawikaan 11:29-31

29 Ang nagpupunla ng gulo sa sariling sambahayan,
    mag-aani ng problema, gugulo ang pamumuhay.
Ang taong mangmang at walang nalalaman,
    ay alipin ng matalino habang siya'y nabubuhay.
30 Buhay ang dulot ng matuwid na pamumuhay,
    at kamatayan naman ang hatid ng karahasan.[a]
31 Ang(A) matuwid ay ginagantimpalaan dito sa lupa,
    ngunit paparusahan naman ang mga makasalanan at masasama!

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.