Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the ESV. Switch to the ESV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Bilang 28:16-29:40

Ang Handog Tuwing Kapistahan(A)

16 “Ang(B) ika-14 na araw ng unang buwan ay Pista ng Paskwa ni Yahweh. 17 Ang(C) ika-15 araw ang simula ng pista, at pitong araw kayong kakain ng tinapay na walang pampaalsa. 18 Sa unang araw, magdaraos kayo ng banal na pagpupulong. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon. 19 Sa halip, magdala kayo ng handog na susunugin. Ito ang ihahandog ninyo: dalawang batang toro, isang lalaking tupa at pitong tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. 20 Ito'y sasamahan ninyo ng handog na pagkaing butil: isa't kalahating salop ng harina na minasa sa langis para sa bawat toro, isang salop sa bawat lalaking tupa 21 at kalahating salop sa bawat batang tupa. 22 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa katubusan ng kasalanan ng bayan. 23 Ang mga ito'y ihahandog ninyo bukod pa sa pang-araw-araw na handog. 24 Sa loob ng pitong araw, iyan ang mga handog na inyong susunugin, isang mabangong samyo para sa akin. Ito'y inyong gagawin maliban pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog at sa inuming handog. 25 Sa ikapitong araw, magdaraos muli kayo ng banal na pagpupulong. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon.

Ang Handog sa Pista ng Pag-aani(D)

26 “Sa(E) unang araw ng Pista ng Pag-aani, magdaraos din kayo ng banal na pagpupulong at doon ninyo ihahandog ang unang ani ng inyong mga bukid. Huwag din kayong magtatrabaho sa araw na iyon. 27 Sa halip, mag-alay kayo ng handog na susunugin; handog na mabangong samyo kay Yahweh. Ito ang inyong ihahandog: dalawang batang toro, isang lalaking tupa, at pitong batang tupa. 28 Sasamahan ninyo ito ng handog na pagkaing butil: isa't kalahating salop ng harina na minasa sa langis ng olibo para sa bawat toro, isang salop para sa bawat lalaking tupa 29 at kalahating salop para sa bawat batang tupa. 30 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa katubusan ng kasalanan ng bayan. 31 Ito'y ihahandog ninyo, kasama ng handog na inumin, bukod sa pang-araw-araw na handog na susunugin at handog na pagkaing butil. Kinakailangang ang mga ito'y walang kapintasan.

Ang Handog sa Pagdiriwang ng Bagong Taon(F)

29 “Sa unang araw ng ikapitong buwan, magdaraos kayo ng banal na pagpupulong, at huwag kayong magtatrabaho. Sa araw na iyon ay hipan ninyo ang mga trumpeta. Mag-alay kayo ng handog na susunugin; handog na mabangong samyo para sa akin. Ihandog ninyo ang isang batang toro, isang lalaking tupa at pitong walang kapintasang tupa na tig-iisang taon pa lamang. Samahan ninyo ito ng handog na pagkaing butil: isa't kalahating salop ng harinang minasa sa langis para sa toro, isang salop para sa tupa, at kalahating salop para naman sa bawat batang tupa. Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa katubusan ng inyong mga kasalanan. Ang mga handog na ito'y bukod pa sa mga handog na susunugin, at handog na pagkaing butil at inumin sa bagong buwan, at sa araw-araw. Ito'y susunugin ninyo upang ang usok nito'y maging mabangong samyo kay Yahweh.

Ang Handog sa Araw ng Pagtubos ng Kasalanan(G)

“Sa(H) ika-10 araw ng ikapitong buwan, magdaraos din kayo ng banal na pagpupulong. Huwag kayong kakain ni magtatrabaho sa araw na iyon. Sa halip, mag-alay kayo ng handog na susunugin; handog na mabangong samyo para kay Yahweh. Ihandog ninyo ang isang batang toro, isang lalaking tupa at pitong tig-iisang taóng tupa na pawang walang kapintasan. Sasamahan ninyo ito ng handog na pagkaing butil: isa't kalahating salop ng harina na minasa sa langis para sa toro, isang salop naman para sa tupang lalaki 10 at kalahating salop naman para sa bawat tupa. 11 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito ay bukod pa sa pang-araw-araw na handog para sa kapatawaran ng kasalanan, handog na susunugin, at handog na pagkaing butil at inumin.

Ang Handog sa Pista ng mga Tolda(I)

12 “Sa(J) ika-15 araw ng ikapitong buwan, magdaraos din kayo ng banal na pagpupulong. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon at pitong araw kayong magpipista bilang parangal kay Yahweh. 13 Kayo'y magdala ng handog na susunugin; handog na mabangong samyo para kay Yahweh. Sa unang araw, ihahandog ninyo ang labingtatlong batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. 14 Sasamahan din ninyo ito ng handog na pagkaing butil: isa't kalahating salop ng harina na minasa sa langis para sa bawat toro, isang salop para sa bawat lalaking tupa 15 at kalahating salop naman para sa bawat tupa. Sasamahan din ninyo ito ng nakatakdang handog na inumin. 16 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na handog.

17 “Sa ikalawang araw, ang ihahandog ninyo'y labindalawang batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. 18 Sasamahan ito ng handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw. 19 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog.

20 “Sa ikatlong araw, ang ihahandog ninyo'y labing-isang batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. 21 Sasamahan din ito ng handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw. 22 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog.

23 “Sa ikaapat na araw, ang ihahandog ninyo'y sampung batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. 24 Sasamahan ninyo ito ng handog na pagkaing butil at inuming gaya ng nakatakda para sa unang araw. 25 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog.

26 “Sa ikalimang araw, ang ihahandog ninyo'y siyam na batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. 27 Sasamahan ninyo ito ng mga handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw. 28 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog.

29 “Sa ikaanim na araw, ang ihahandog ninyo'y walong batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. 30 Sasamahan ninyo ito ng mga handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw. 31 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog.

32 “Sa ikapitong araw, ang ihahandog ninyo'y pitong batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. 33 Sasamahan din ninyo ito ng mga handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw. 34 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog.

35 “Sa ikawalong araw, magdaos kayo ng banal na pagpupulong at huwag kayong magtatrabaho. 36 Sa araw na iyon, mag-aalay kayo ng handog na susunugin; handog na mabangong samyo para kay Yahweh. Ito ang inyong ihahandog: isang batang toro, isang lalaking tupa at pitong tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. 37 Ito'y sasamahan ninyo ng handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw. 38 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog.

39 “Ang mga nabanggit ay ihahandog ninyo kay Yahweh tuwing ipagdiriwang ang mga takdang pista, bukod sa mga panatang handog, kusang-loob na handog, handog na susunugin, handog na pagkaing butil at inumin, at handog na pangkapayapaan.”

40 Lahat ng ito ay sinabi ni Moises sa mga Israelita ayon sa iniutos sa kanya ni Yahweh.

Lucas 3:23-38

Ang Talaan ng mga Ninuno ni Jesus(A)

23 Magtatatlumpung taon na si Jesus nang siya'y magsimulang mangaral. Ipinapalagay ng mga tao na siya'y anak ni Jose. Si Jose naman ay anak ni Eli, 24 na anak ni Matat. Si Matat ay anak ni Levi na anak ni Melqui, at si Melqui nama'y anak ni Janai na anak ni Jose. 25 Si Jose ay anak ni Matatias na anak ni Amos. Si Amos ay anak ni Nahum na anak ni Esli. Si Esli ay anak ni Nagai, 26 anak ni Maat na anak ni Matatias. Si Matatias ay anak ni Semei na anak ni Josec. Si Josec ay anak ni Joda 27 na anak ni Joanan. At si Joanan ay anak ni Resa na anak ni Zerubabel, anak ni Salatiel na anak ni Neri. 28 Si Neri ay anak ni Melqui na anak ni Adi. Si Adi ay anak ni Cosam na anak ni Elmadam, na anak ni Er. 29 Si Er ay anak ni Josue na anak ni Eliezer, anak ni Jorim na anak ni Matat. Si Matat ay anak ni Levi 30 na anak ni Simeon na anak ni Juda. Si Juda ay anak ni Jose. Si Jose ay anak ni Jonam na anak ni Eliaquim, 31 na anak ni Melea. Si Melea ay anak ni Menna na anak ni Matata, anak ni Natan na anak ni David. 32 Si David ay anak ni Jesse na anak ni Obed, at si Obed ay anak naman ni Boaz. Si Boaz ay anak ni Salmon na anak ni Naason, 33 anak ni Aminadab na anak ni Admin. Si Admin ay anak ni Arni na anak ni Esrom, na anak ni Fares. Si Fares ay anak ni Juda 34 na anak ni Jacob. Si Jacob ay anak ni Isaac na anak ni Abraham. Si Abraham ay anak ni Terah na anak ni Nahor. 35 Si Nahor ay anak ni Serug na anak ni Reu, na anak ni Peleg, at si Peleg ay anak ni Eber na anak ni Sala. 36 Si Sala ay anak ni Cainan na anak ni Arfaxad na anak ni Shem. Si Shem ay anak ni Noe, anak ni Lamec 37 na anak ni Matusalem na anak ni Enoc. Si Enoc ay anak ni Jared na anak ni Mahalaleel na anak ni Kenan. 38 Si Kenan ay anak ni Enos na anak ni Set. At si Set ay anak ni Adan na anak ng Diyos.

Mga Awit 62

Pagtitiwala sa Pag-iingat ng Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit na si Jeduthun.

62 Tanging sa Diyos lamang ako ay aasa;
    ang kaligtasa'y nagbubuhat sa kanya.
Tanging siya lamang ang tagapagligtas,
    tagapagtanggol ko at aking kalasag;
    akin ang tagumpay sa lahat ng oras!

Hanggang kailan ba ninyo lulupigin ang sinuman na nais ninyong patayin?
    Tulad ng isang pader siya'y ibagsak, gaya ng bakod siya'y mawawasak.
Nais lamang ninyong siya ay siraan, sa inyong adhikang ibaba ang dangal;
    ang magsinungaling, inyong kasiyahan.
Pangungusap ninyo, kunwa'y pagpapala,
    subalit sa puso'y inyong sinusumpa. (Selah)[a]

Tanging sa Diyos lang ako umaasa;
    ang aking pag-asa'y tanging nasa kanya.
Tanging siya lamang ang tagapagligtas,
    tagapagtanggol ko at aking kalasag;
    akin ang tagumpay sa lahat ng oras!
Ang kaligtasan ko't aking karangalan ay buhat sa Diyos, nasa kanya lamang.
    Siya'y malakas kong tagapagsanggalang,
    matibay na muog na aking kanlungan.

Mga kababayan, sa lahat ng oras magtiwala sa Diyos; sa kanya ilagak
    ang inyong pasaning ngayo'y dinaranas;
    siya ang kublihang may dulot na lunas. (Selah)[b]

Ang taong nilalang ay katulad lamang
    ng ating hiningang madaling mapatid.
Pagsamahin mo ma't dalhin sa timbangan,
    katumbas na bigat ay hininga lamang.
10 Huwag kang magtiwala sa gawang marahas,
    ni sa panghaharang, umasang uunlad;
kahit umunlad pa ang iyong kabuhayan
    ang lahat ng ito'y di dapat asahan.

11 Hindi na miminsang aking napakinggan
    na taglay ng Diyos ang kapangyarihan,
12     at(A) di magbabago kanyang pagmamahal.
Ayon sa ginawa ng sinumang tao, doon nababatay ang gantimpala mo.

Mga Kawikaan 11:18-19

18 Anuman ang anihin ng masama ay walang kabuluhan,
    ngunit ang gawang mabuti ay may pagpapalang taglay.
19 Ang taong nasa matuwid ay makasusumpong ng buhay,
    ngunit ang landas ng masama ay patungo sa kamatayan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.