Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the ESV. Switch to the ESV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Bilang 19-20

Ang Abo ng Pulang Baka

19 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Sabihin ninyo sa mga Israelita na pumili ng isang mapula-pulang dumalagang baka na walang kapintasan at hindi pa napagtatrabaho kahit kailan. Ito'y dadalhin nila sa inyo, at ibibigay naman ninyo kay Eleazar upang patayin sa labas ng kampo habang siya'y nakatingin. Ilulubog ni Eleazar ang kanyang mga daliri sa dugo nito at pitong ulit na wiwisikan ang harap ng Toldang Tipanan. Pagkatapos, ang baka'y susunugin nang buo sa harapan ng pari, pati balat, dugo at dumi. Habang sinusunog ito, ang pari ay kukuha naman ng kahoy na sedar, ng hisopo at lana, at isasama sa bakang sinusunog. Pagkatapos, lalabhan ng pari ang kanyang kasuotan, maliligo siya, saka papasok sa kampo. Ituturing siyang marumi ayon sa Kautusan hanggang kinagabihan. Ang kasuotan ng katulong sa pagsusunog ng dumalagang baka ay dapat ding labhan. Kailangan din siyang maligo at ituturing din siyang marumi hanggang kinagabihan. Ang(A) abo ng sinunog na baka ay iipunin ng sinumang malinis ayon sa Kautusan. Ilalagay ito sa isang malinis na lugar sa labas ng kampo. Ito ang gagamitin ng mga Israelita sa paghahanda ng tubig na panlinis ayon sa Kautusan, sapagkat ang dumalagang bakang iyon ay handog para sa kapatawaran ng kasalanan. 10 Ang kasuotan ng mag-iipon ng abo ay lalabhan at ituturing din siyang marumi hanggang sa kinagabihan. Ang tuntuning ito'y susundin ng lahat habang panahon, para sa mga Israelita at maging sa mga dayuhang naninirahan sa bayan nila.

Mga Dapat Gawin Kapag Nakahawak ng Patay

11 “Sinumang makahawak sa patay ay ituturing na marumi sa loob ng pitong araw. 12 Upang maging malinis muli, kailangang linisin niya ang kanyang sarili sa ikatlo at ikapitong araw sa pamamagitan ng tubig na inilaan para dito. Kapag hindi niya ginawa ito, hindi siya magiging malinis. 13 Sinumang humawak ng bangkay at hindi maglinis ng sarili sa pamamagitan ng tubig na panlinis ay nagpaparumi sa tabernakulo ni Yahweh. Siya'y mananatiling marumi habang panahon, at ititiwalag sa sambayanang Israel.

14 “Ito ang tuntunin kapag may namatay sa loob ng tolda: lahat ng naroroon o sinumang pumasok doon ay ituturing na marumi sa loob ng pitong araw. 15 Pati mga sisidlang walang takip ay ituturing din na marumi.

16 “Lahat namang makahawak ng patay o kalansay sa labas ng tolda, at ang sinumang mapahawak sa libingan ay ituturing din na marumi sa loob ng pitong araw.

17 “Ang mga itinuturing na marumi dahil sa paghawak sa patay, kalansay o libingan ay kukuha ng abo na galing sa sinunog na handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Ilalagay ito sa isang palangganang may sariwang tubig. 18 Pagkatapos, ang isa sa mga itinuturing na malinis ay kukuha ng sanga ng hisopo, ilulubog ito sa tubig at wiwisikan nito ang tolda, ang mga kagamitan dito, at ang lahat ng taong nakahawak ng patay, kalansay o libingan. 19 Sa ikatlo at ikapitong araw, ang itinuturing na marumi ay wiwisikan ng sinumang itinuturing na malinis. Pagkatapos, lalabhan ng itinuturing na marumi ang kanyang kasuotan at siya'y maliligo; sa kinagabihan, ituturing na siyang malinis.

20 “Sinumang itinuturing na marumi ngunit hindi maglinis sa pamamagitan ng tubig na panlinis ay mananatiling marumi. Ititiwalag siya sa sambayanan sapagkat dinudungisan niya ang santuwaryo ni Yahweh. 21 Ang mga ito'y tuntuning susundin ninyo habang panahon. Lalabhan din ang kasuotan ng sinumang magwisik ng tubig na panlinis. At sinumang makahawak sa tubig na ito ay ituturing na marumi hanggang kinagabihan. 22 Anumang mahawakan ng taong itinuturing na marumi ay ituturing ding marumi hanggang kinagabihan, gayundin ang sinumang humipo sa bagay na iyon.”

Ang Bukal Mula sa Malaking Bato(B)

20 Nang unang buwan, nakarating ang buong sambayanan ng Israel sa ilang ng Zin at nagkampo sila sa Kades. Doon namatay at inilibing si Miriam.

Wala(C) silang makuhang tubig doon, kaya nagpulong sila laban kina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Mabuti pa'y namatay na kami sa harap ng Tolda ni Yahweh kasama ng iba naming mga kapatid. Bakit pa ninyo kami dinala rito? Upang patayin ba kasama ng aming mga alagang hayop? Bakit ninyo kami inilabas sa Egipto at dinala sa disyertong ito na wala kahit isang butil na pagkain, igos, ubas o bunga ng punong granada! Wala man lang tubig na mainom!” Nagpunta sina Moises at Aaron sa may pintuan ng Toldang Tipanan at nagpatirapa roon. Nagningning sa kanila ang kaluwalhatian ni Yahweh.

Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Dalhin mo ang tungkod na nasa harap ng Kaban ng Tipan at isama ninyo ni Aaron ang buong bayan sa harap ng malaking bato. Pagdating doon, magsalita ka sa bato at lalabas ang tubig para sa taong-bayan at sa kanilang mga alagang hayop.” Kinuha nga ni Moises ang tungkod mula sa Kaban ng Tipan.

10 Tinipon nina Moises at Aaron sa harap ng malaking bato ang buong bayan. Sinabi niya, “Makinig kayo, mga mapanghimagsik. Gusto ba ninyong magpabukal pa kami ng tubig mula sa batong ito?” 11 Pagkasabi(D) noon, dalawang ulit na pinalo ni Moises ang bato sa pamamagitan ng tungkod. Biglang bumukal ang masaganang tubig at nakainom ang mga tao pati ang kanilang mga alagang hayop.

12 Ngunit pinagsabihan ni Yahweh sina Moises at Aaron. Sabi niya, “Dahil kulang ang inyong pananalig sa akin na maipapakita ko sa mga Israelita na ako'y banal, hindi kayo ang magdadala sa bayang ito sa lupaing ibibigay ko sa kanila.”

13 Nangyari ito sa bukal ng Meriba, kung saan nagreklamo ang Israel laban kay Yahweh at ipinakita niya na siya ay banal.

Hindi Pinaraan sa Edom ang Israel

14 Mula sa Kades, nagpasabi si Moises sa hari ng Edom, “Ito ang ipinapasabi ng bayang Israel na iyong kamag-anak: Hindi kaila sa iyo ang mga kahirapang dinanas namin. 15 Alam mong ang mga ninuno namin ay nagpunta sa Egipto at nanirahan doon nang mahabang panahon, ngunit kami at ang aming mga ninuno ay inapi ng mga Egipcio. 16 Dahil dito, dumaing kami kay Yahweh. Dininig niya kami at isinugo sa amin ang isang anghel na siyang naglabas sa amin mula sa Egipto. At ngayo'y narito kami sa Kades, sa may hangganan ng iyong nasasakupan. 17 Ipinapakiusap kong paraanin mo kami sa iyong lupain. Hindi kami daraan sa alinmang bukirin o ubasan, ni kukuha ng isang patak na tubig sa inyong mga balon. Sa Lansangan ng Hari kami magdaraan at hindi kami lilihis sa kanan o sa kaliwa hanggang hindi kami nakakalampas sa iyong nasasakupan.”

18 Ngunit ganito ang sagot ng mga taga-Edom: “Huwag kayong makadaan-daan sa aming nasasakupan! Kapag kayo'y nangahas, sasalakayin namin kayo.”

19 Sinabi ng mga Israelita, “Hindi kami lilihis ng daan. Sakaling makainom kami o ang aming mga alagang hayop ng inyong tubig, babayaran namin, paraanin lamang ninyo kami.”

20 “Hindi maaari!” sagot ng mga taga-Edom. At tinipon nila ang kanilang buong hukbo upang salakayin ang mga Israelita. 21 Hindi nga pinaraan ng mga taga-Edom sa kanilang nasasakupang lugar ang mga Israelita kaya humanap na lang sila ng ibang daan.

Namatay si Aaron sa Bundok ng Hor

22 Naglakbay ang mga Israelita mula sa Kades at nakarating sa Bundok ng Hor, 23 sa may hanggahan ng lupain ng Edom. Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, 24 “Mamamatay si Aaron at hindi siya makakapasok sa lupaing ibibigay ko sa Israel sapagkat sinuway ninyo ang utos ko sa inyo sa Meriba. 25 Isama mo siya at ang anak niyang si Eleazar sa itaas ng Bundok ng Hor. 26 Pagdating doon, hubarin mo ang kasuotan niya at isuot mo iyon kay Eleazar. At doon na mamamatay si Aaron.” 27 Ganoon nga ang ginawa ni Moises. Umakyat sila sa bundok habang nakatingin ang buong bayan. 28 Pagdating(E) sa itaas ng bundok, hinubad ni Moises ang kasuotan ni Aaron at isinuot kay Eleazar. Doon ay namatay si Aaron, subalit sina Moises at Eleazar ay bumalik sa kapatagan. 29 Nang malaman ng sambayanan na patay na si Aaron, tatlumpung araw silang nagluksa.

Lucas 1:1-25

Paghahandog

Kagalang-galang na Teofilo, marami na po ang nagsikap na sumulat tungkol sa mga bagay na naganap sa kalagitnaan namin. Ang kanilang isinulat ay ayon sa itinuro sa amin ng mga taong buhat pa sa simula ay mga saksi at mga tagapangaral ng Salita ng Diyos. Kaya't matapos kong suriin nang buong ingat ang lahat ng pangyayari buhat pa sa pasimula, minabuti ko pong sumulat din ng isang maayos na salaysay para sa inyo upang lubusan ninyong matiyak ang katotohanan ng mga itinuro sa inyo.

Ang Pahayag tungkol sa Pagsilang ni Juan na Tagapagbautismo

Noong(A) panahong si Herodes ang hari ng Judea, may isang paring Judio na kabilang sa pangkat ni Abias na ang pangala'y Zacarias. Ang kanyang asawang si Elizabeth ay mula naman sa angkan ni Aaron. Kapwa sila kalugud-lugod sa paningin ng Diyos at namumuhay nang tapat sa mga utos at tuntunin ng Panginoon. Wala silang anak dahil baog si Elizabeth at kapwa sila matanda na.

Isang araw, nanunungkulan ang pangkat na kinabibilangan ni Zacarias at ginagampanan niya ang kanyang tungkulin sa harapan ng Diyos bilang isang pari. Nang sila'y magpalabunutan, ayon sa kaugalian ng mga paring Judio, siya ang napiling magsunog ng insenso. Pumasok siya sa Templo ng Panginoon sa oras ng pagsusunog ng insenso, 10 habang nagkakatipon naman sa labas ang mga tao at nananalangin. 11 Nagpakita sa kanya doon ang isang anghel ng Panginoon na nakatayo sa gawing kanan ng altar na sunugan ng insenso. 12 Nasindak si Zacarias at natakot nang makita niya ito. 13 Ngunit sinabi ng anghel sa kanya, “Huwag kang matakot, Zacarias! Dininig ng Diyos ang iyong panalangin. Ang iyong asawang si Elizabeth ay magkakaanak ng isang lalaki, at Juan ang ipapangalan mo sa bata. 14 Ikaw ay matutuwa at magiging maligaya. Marami ang magagalak sa kanyang pagsilang 15 sapagkat(B) siya'y magiging dakila sa paningin ng Panginoon. Hindi siya dapat uminom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Sa sinapupunan pa lamang ng kanyang ina ay mapupuspos na siya ng Espiritu Santo. 16 Sa pamamagitan niya'y maraming Israelita ang magbabalik-loob sa kanilang Panginoong Diyos. 17 Mauuna(C) siya sa Panginoon na taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias upang pagkasunduin ang mga ama at ang kanilang mga anak, at panumbalikin ang mga suwail sa karunungan ng mga matuwid. Sa gayon, ipaghahanda niya ng isang bayan ang Panginoon.”

18 Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano ko matitiyak na mangyayari iyan? Ako'y matanda na at gayundin ang aking asawa.”

19 Sumagot(D) ang anghel, “Ako'y si Gabriel na nakatayo sa harapan ng Diyos. Isinugo niya ako upang dalhin sa iyo ang magandang balitang ito. 20 Ngunit dahil sa hindi ka naniwala sa mga sinasabi kong matutupad pagdating ng takdang panahon, ikaw ay magiging pipi. Hindi ka makakapagsalita hanggang sa araw na maganap ang mga ito.”

21 Samantala, naghihintay naman kay Zacarias ang mga tao. Nagtataka sila kung bakit nagtagal siya nang ganoon sa loob ng Templo. 22 Paglabas niya, hindi na siya makapagsalita, kaya't mga senyas na lamang ang ginagamit niya. Napag-isip-isip ng mga tao na baka nakakita siya ng pangitain sa loob ng Templo. Si Zacarias ay nanatiling pipi.

23 Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod ay umuwi na siya. 24 Hindi nga nagtagal at naglihi si Elizabeth. Hindi ito lumabas ng bahay sa loob ng limang buwan. 25 Sinabi ni Elizabeth, “Ngayo'y kinahabagan ako ng Panginoon. Ginawa niya ito upang alisin ang aking kahihiyan sa harap ng mga tao!”

Mga Awit 56

Panalangin ng Pagtitiwala sa Diyos

Katha(A) ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa tono ng “Isang Tahimik na Kalapati sa Malayong Lugar”. Isang Miktam,[a] nang siya'y dakpin ng mga Filisteo sa Gat.

56 Maawa ka, Panginoon, ako'y iyong kahabagan,
    lagi akong inuusig, nilulusob ng kaaway;
nilulusob nila ako, walang tigil, buong araw,
    O kay rami nila ngayong sa akin ay lumalaban.
Kapag ako'y natatakot, O aking Diyos na Dakila;
    sa iyo ko ilalagak, pag-asa ko at tiwala.
Pangako niyang binitiwa'y pinupuri ko nang lubos,
    tanging sa iyo, umaasa't nananalig ako, O Diyos;
    sa tao ring katulad ko, hindi ako matatakot.
Ang lahat ng kaaway ko'y lagi akong ginugulo,
    ang palaging iniisip ay kanilang saktan ako;
Lagi silang sama-sama sa kublihan nilang dako,
    naghihintay ng sandali upang kitlin ang buhay ko.
Sa masama nilang gawa, O Diyos, sila'y parusahan,
    sa tindi ng iyong galit gapiin mo silang tunay!

Ang taglay kong sulirani'y nababatid mo nang lahat,
    pati mga pagluha ko'y nakasulat sa iyong aklat.
Kapag sumapit ang sandaling tumawag ako sa iyo,
    tiyak na malulupig ang lahat ng kalaban ko;
pagkat aking nalalamang, “Ang Diyos ay nasa panig ko.”
10     May tiwala ako sa Diyos, pangako niya'y iingatan,
    pupurihin ko si Yahweh sa pangakong binitiwan.
11 Lubos akong umaasa't may tiwala ako sa Diyos;
    sa tao ring katulad ko, hindi ako matatakot.

12 Ang anumang pangako ko'y dadalhin ko sa iyo, O Diyos,
    ang alay ng pasalamat ay sa iyo ihahandog.
13 Pagkat ako'y iniligtas sa bingit ng kamatayan,
    iniligtas mo rin ako sa ganap na kasiraan.
Upang ako ay lumakad sa presensya mo, O Diyos,
    sa landas nitong liwanag na ikaw ang nagdudulot!

Mga Kawikaan 11:8

Ang matuwid ay inilalayo sa bagabag,
    ngunit ang masama ay doon bumabagsak.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.