Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the ESV. Switch to the ESV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Bilang 26:1-51

Ang Pangalawang Sensus

26 Pagkalipas(A) ng salot, sinabi ni Yahweh kina Moises at Eleazar na anak ni Aaron, “Magsagawa ka ng isang sensus. Bilangin at ilista ninyo ang pangalan ng mga Israelita na maaaring isama sa hukbo upang makipagdigma, mula sa gulang na dalawampung taon pataas.” Dahil dito, tinipon nila ang mga pinuno sa kapatagan ng Moab, sa tabi ng Jordan, sa tapat ng Jerico. Binilang at inilista ang mga Israelita tulad ng iniutos ni Yahweh kay Moises. Ito ang listahan ng mga Israelitang umalis sa Egipto:

Sa lipi ni Ruben na panganay ni Israel ay ang mga angkan nina Hanoc, Fallu, Hesron at Carmi. Ang mga angkang ito ang bumubuo sa lipi ni Ruben. Silang lahat ay 43,730. Ang anak ni Fallu ay si Eliab at ang mga anak ni Eliab ay sina Nemuel, Datan at Abiram. Sina Datan at Abiram, kasama ng pangkat ni Korah, ang nagpasimuno sa mga Israelita ng paghihimagsik laban kina Moises at Aaron, at kay Yahweh. 10 Si Korah naman at ang kanyang 250 kasama ang nilamon ng lupa. Ang mga pangyayaring ito ay nagsilbing babala sa buong bayan. 11 Gayunma'y hindi kasamang namatay ang mga anak ni Korah.

12 Sa lipi naman ni Simeon ay ang mga angkan nina Nemuel, Jamin, Jaquin, 13 Zera at Saul. 14 Ang kabuuang bilang ng lipi ni Simeon ay 22,200.

15 Sa lipi ni Gad ay ang mga angkan nina Zefon, Hagui, Suni, 16 Ozni, Eri, 17 Arod at Areli. 18 Ang kabuuang bilang ng lipi ni Gad ay 40,500.

19 Sa lipi naman ni Juda, hindi kabilang sina Er at Onan na namatay sa Canaan, ay 20 ang mga angkan nina Sela, Fares, Zara, 21 Hezron at Hamul. 22 Ang kabuuang bilang sa lipi ni Juda ay 76,500.

23 Sa lipi ni Isacar ay ang mga angkan nina Tola, Pua, 24 Jasub at Simron. 25 Lahat-lahat sa lipi ni Isacar ay 64,300.

26 Sa lipi ni Zebulun ay ang mga angkan nina Sered, Elon at Jahleel. 27 Silang lahat ay 60,500.

28 Sa lipi ni Jose na may dalawang anak ay ang mga angkan nina Manases at Efraim.

29 Sa lipi ni Manases ay ang angkan ni Maquir at ang anak nitong si Gilead. 30 Ang angkan ni Gilead ay binubuo ng mga sambahayan nina Jezer, Helec, 31 Asriel, Shekem, 32 Semida, at Hefer. 33 Si Zelofehad na anak ni Hefer ay hindi nagkaanak ng lalaki, kundi panay babae: sina Maala, Noa, Hogla, Milca at Tirza. 34 Lahat-lahat sa angkan ni Manases ay 52,700.

35 Sa lipi ni Efraim ay ang mga angkan nina Sutela, Bequer, at Tahan. 36 Ito naman ang bumubuo sa angkan ni Sutela: si Eran at ang kanyang sambahayan. 37 Ang kabuuang bilang sa lipi ni Efraim ay 32,500. Ito ang mga angkang nagmula sa lipi ni Jose.

38 Sa lipi ni Benjamin ay ang mga angkan nina Bela, Asbel, Ahiram, 39 Sufam, at Hufam. 40 Ang bumubuo sa angkan ni Bela ay ang mga sambahayan nina Ard at Naaman. 41 Lahat-lahat sa lipi ni Benjamin ay 45,600.

42 Sa lipi ni Dan ay ang angkan ni Suham 43 na ang kabuuang bilang ay 64,400.

44 Sa lipi ni Asher ay ang mga angkan nina Imna, Isvi, at Beria. 45 Ang angkan ni Beria ay binubuo ng mga sambahayan nina Heber at Malquiel. 46 Si Asher ay may anak na babae na nagngangalang Sera. 47 Lahat-lahat sa lipi ni Asher ay 53,400.

48 Sa lipi ni Neftali ay ang mga angkan nina Jahzeel, Guni, 49 Jezer at Silem. 50 Lahat-lahat sa lipi ni Neftali ay 45,400.

51 Ang kabuuang bilang ng mga Israelita ay 601,730.

Lucas 2:36-52

36 Naroon(A) din sa Templo ang isang propetang babae na ang pangalan ay Ana, anak ni Fanuel at mula sa lipi ni Asher. Siya'y napakatanda na. Pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, 37 at ngayo'y walumpu't apat na taon na siyang biyuda. Lagi siya sa Templo at araw-gabi'y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin. 38 Nang oras na iyon, lumapit siya kina Jose at Maria at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol sa sanggol sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem.

Ang Pagbalik sa Nazaret

39 Nang(B) maisagawa na nila ang lahat ng ayon sa itinatakda ng kautusan ng Panginoon, umuwi na sila sa bayan ng Nazaret sa Galilea. 40 Ang bata'y lumaking malusog, puspos ng karunungan, at kalugud-lugod sa Diyos.

Ang Batang si Jesus sa Loob ng Templo

41 Taun-taon,(C) tuwing Pista ng Paskwa, ang mga magulang ni Jesus ay pumupunta sa Jerusalem. 42 Nang siya'y labindalawang taon na, dumalo sila sa pista, ayon sa kanilang kaugalian. 43 Sila'y umuwi na pagkatapos ng pista. Ang batang si Jesus ay nagpaiwan sa Jerusalem ngunit hindi ito napansin ng kanyang mga magulang. 44 Sa pag-aakalang siya ay kasama ng pangkat, nagpatuloy sila sa maghapong paglalakbay. Pagkatapos, siya ay hinanap nila sa kanilang mga kamag-anak at mga kakilala, ngunit 45 hindi nila natagpuan si Jesus. Kaya't bumalik sila sa Jerusalem upang doon maghanap. 46 Pagkalipas ng tatlong araw, si Jesus ay natagpuan nila sa loob ng Templo. Siya'y nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig siya at nagtatanong sa kanila, 47 at ang lahat ng nakakarinig sa kanya ay hangang-hanga sa kanyang pang-unawa at mga sagot. 48 Namangha rin ang kanyang mga magulang nang siya'y makita. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit mo naman ginawa ito sa amin? Lubha ang aming pag-aalala ng iyong ama sa paghahanap sa iyo.”

49 Sumagot si Jesus, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi po ba ninyo alam na ako'y dapat mamalagi sa bahay ng aking Ama?”[a] 50 Ngunit hindi nila naunawaan ang sinabi niyang ito.

51 Siya'y sumama sa kanila pauwi sa Nazaret, at siya'y naging masunurin sa kanila. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso. 52 Patuloy(D) na lumaki si Jesus sa pangangatawan, lumawak ang kanyang karunungan at lalong naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao.

Mga Awit 60

Panalangin Upang Iligtas

Upang(A) Awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng Shushan Eduth.[a] Isang Miktam ni David, upang magamit sa pagtuturo, nang siya'y nakikipagdigma laban sa mga Arameong mula sa Naharaim at Zoba, at nang mapatay ni Joab sa kanyang pagbabalik ang 12,000 Edomita sa Libis ng Asin.

60 Kami'y iyong itinakwil, O Diyos, kami ay nilupig,
    kami sana'y balikan mo kung ikaw man ay nagalit.
Yaong lupang sinaktan mo'y nanginginig na lupain,
    bago lubos na mawasak, gamutin mo't pagalingin.
Labis na ang paghihirap nitong iyong mga lingkod,
    lasing kami't langung-lango sa alak na iyong dulot.
Silang mga sumasamba, O Diyos, iyong hinudyatan,
    upang sila'y makatakas sa kamay nitong kalaban. (Selah)[b]
Ang dalangin nami'y dinggin, sa lakas mo ay iligtas,
    upang sila na mahal mo'y mahango sa paghihirap.

Sinabi nga nitong Diyos mula sa dako niyang banal,
    “Hahatiin ko ang Shekem tanda ng pagtatagumpay;
    ibibigay ko ang Sucot sa lingkod ko't mga hirang.
Ang Gilead at Manases, ang lugar na yao'y akin;
    ang helmet na gagawin ko ay ang dako ng Efraim;
    samantalang itong Juda ay setrong dadakilain.
Yaong bansa nitong Moab ay gagawin kong hugasan,
    samantalang itong Edom ay lupa kong tatapakan;
    at sa Filistia, tagumpay ko'y ipagsisigawan.”

Sa lunsod na kinutaan, sino'ng kasama, Panginoon?
    Sino kayang magdadala sa akin sa lupang Edom?
10 Itinakwil mo ba kami, kami ba ay iniwan na?
    Paano ang hukbo namin, sino ngayon ang sasama?
11 O Diyos, kami'y tulungan mo, laban sa aming kaaway,
    pagkat ang tulong ng tao ay wala nang kabuluhan;
12 Kung ang Diyos ang kasama, kasama sa panig namin,
    matatamo ang tagumpay, ang kaaway tatalunin.

Mga Kawikaan 11:15

15 Ang nananagot para sa iba, sa gusot ay nasasadlak,
    ngunit ang ayaw gumarantiya ay malayo sa bagabag.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.