The Daily Audio Bible
Today's audio is from the ESV. Switch to the ESV to read along with the audio.
Ang Anghel at ang Asno ni Balaam
21 Kinabukasan ng umaga, inihanda ni Balaam ang kanyang asno at sumama sa mga pinuno ni Balac, 22 kasama ang dalawa niyang utusan. Nagalit ang Diyos dahil sa pangyayaring ito kaya't hinadlangan ng anghel ni Yahweh ang daraanan ni Balaam. 23 Nakatayo sa daan ang anghel, hawak ang kanyang tabak. Nang makita ng asno ang anghel, lumihis ito ng daan at nagpunta sa bukirin. Kaya, pinalo ito ni Balaam at pilit na ibinabalik sa daan. 24 Ang anghel naman ni Yahweh ay tumayo sa makitid na daan sa pagitan ng ubasan at ng pader. 25 Nang makita siya ng asno, sumiksik ito sa pader at naipit ang paa ni Balaam. Kaya't muli itong pinalo ni Balaam. 26 Ngunit ang anghel ay humarang muli sa lugar na wala nang malilihisan ang asno. 27 Nang makita na naman siya ng asno, nahiga na lamang ito. Kaya, nagalit si Balaam at muling pinalo ang asno. 28 Ngunit pinagsalita ni Yahweh ang asno. Itinanong nito kay Balaam, “Ano bang kasalanan ko sa iyo? Bakit tatlong beses mo na akong pinapalo?”
29 Sinabi ni Balaam sa asno, “Pinalo kita sapagkat ginagawa mo akong hangal. Kung may tabak lang ako, baka napatay na kita.”
30 Sinabi ng asno kay Balaam, “Hindi ba't ako ay iyong asno at sa simula pa'y ako lang ang sinasakyan mo? Ginawa ko na ba ito sa iyo?”
“Hindi!” sagot ni Balaam.
31 Sa sandaling ito'y ipinakita ni Yahweh kay Balaam ang anghel na nakatayo sa daan at may hawak pa ring tabak. Kaya't nagpatirapa si Balaam. 32 Tinanong siya ng anghel ni Yahweh, “Bakit tatlong beses mo nang pinalo ang iyong asno? Sadyang humaharang ako sa daan sapagkat mali ang binabalak mong gawin. 33 Tuwing makikita ako ng asno mo ay lumilihis ito. Pangatlong beses na niyang ginagawa ito. Kung hindi siya lumihis baka napatay na kita, ngunit siya'y hindi ko sasaktan.”
34 Sinabi ni Balaam sa anghel, “Nagkasala ako. Hindi ko alam na nakatayo kayo sa aking daraanan. Babalik na ako kung hindi ayon sa inyong kalooban ang lakad kong ito.”
35 Sumagot ang anghel, “Huwag ka nang bumalik. Sumama ka sa kanila ngunit ang sinabi ko sa iyo ang sabihin mo sa kanila.” At sumama si Balaam sa mga sugo ni Balac.
Si Balaam at si Balac
36 Nang malaman ni Balac na dumarating si Balaam, sinalubong niya ito sa lunsod ng Ar sa may Ilog Arnon sa may hangganan ng Moab. 37 Sinabi niya kay Balaam, “Kailangang-kailangan kita kaya kita ipinatawag. Bakit ngayon ka lang? Akala mo ba'y hindi kita kayang gantimpalaan?”
38 Sumagot si Balaam, “Naparito nga ako ngunit wala akong maaaring sabihin liban sa ipinapasabi sa akin ng Diyos.” 39 At sila'y magkasamang nagpunta sa lunsod ng Huzot. 40 Pagdating doon, si Balac ay naghandog ng baka at tupa. Pagkatapos, pinakain niya si Balaam at ang mga pinunong kasama nila.
41 Kinabukasan, isinama ni Balac si Balaam sa Bamot-Baal kung saan ay abot-tanaw na ang ilang mga Israelita.
23 Sinabi ni Balaam kay Balac, “Magpagawa ka rito ng pitong altar at magdala ka rito ng pitong toro at pitong tupa.” 2 Ganoon nga ang ginawa ni Balac. At silang dalawa ay naghandog ng isang toro at isang lalaking tupa sa bawat altar. 3 Sinabi ni Balaam kay Balac, “Bantayan mo ang mga handog na ito. Aalis muna ako at baka sakaling makipagkita na sa akin si Yahweh. Anumang sabihin niya sa akin ay sasabihin ko sa iyo.” At nagpunta siyang mag-isa sa tuktok ng isang burol.
Pinagpala ni Balaam ang Israel
4 Nakipagkita nga kay Balaam ang Diyos. Sinabi ni Balaam, “Nagpagawa po ako ng pitong altar at bawat isa'y pinaghandugan ko ng isang toro at isang lalaking tupa.” 5 May sinabi kay Balaam si Yahweh. Pagkatapos, pinabalik ito kay Balac. 6 Nadatnan niya si Balac at ang mga pinuno sa paligid ng handog na sinusunog. 7 Sinabi ni Balaam,
“Mula sa Aram, sa bulubundukin sa silangan,
ipinatawag ako ni Balac na hari ng Moab.
Ang sabi niya sa akin, ‘Halika't ang bansa ni Jacob ay iyong sumpain.
Halika't itakwil mo ang bansang Israel!’
8 Ang pinagpala ng Diyos ay paano ko susumpain?
Ang binasbasan ni Yahweh, paano ko nga itatakwil?
9 Mula sa tuktok ng mga bundok sila'y aking natatanaw,
nakikita ko silang lahat mula sa kaburulan.
Sila'y isang bansang namumuhay na mag-isa,
alam nilang sila'y mapalad kaysa mga iba!
10 Ang lahi ni Jacob, alabok ang kagaya;
kung ang Israel ay bilangin, ito ba'y makakaya?
Mamatay nawa akong gaya ng anak ng Diyos;
sa kapayapaan ng matuwid, buhay ko nawa'y matapos!”
11 Itinanong ni Balac kay Balaam, “Bakit ganyan ang ginagawa mo? Di ba't tinawag kita para sumpain ang aking mga kaaway? Ngunit sa halip ay binabasbasan mo pa sila!”
12 Sumagot siya, “Hindi maaaring di ko sabihin ang ipinapasabi ni Yahweh.”
13 Sinabi sa kanya ni Balac, “Pumunta tayo sa ibang lugar, sa lugar na hindi mo makikita ang lahat ng mga Israelita. Doon mo sila sumpain.” 14 At nagpunta sila sa bukirin ni Zofim, sa taluktok ng Pisga. Nagpagawa sila roon ng pitong altar at bawat isa'y hinandugan ng tig-iisang toro at tig-iisang tupa.
15 Sinabi ni Balaam kay Balac, “Dito ka lang sa may mga handog na sinusunog at pupunta ako sa dako roon para makipagkita kay Yahweh.”
16 Pagkalayo niya nang kaunti, nagpakita si Yahweh sa kanya at sinabi kung ano ang dapat niyang sabihin kay Balac. 17 Pagbalik niya, nakita niya si Balac at ang mga pinunong kasama nito na nakatayo sa paligid ng handog. Tinanong siya ni Balac, “Ano ang sabi ni Yahweh?”
18 Sinabi ni Balaam,
“Makinig ka, Balac, dinggin mo ako,
anak ni Zippor, may sasabihin ako sa iyo:
19 Ang Diyos ay di sinungaling na tulad ng tao.
Anumang sabihin niya'y kanyang gagawin,
kung mangako man siya, ito'y kanyang tutuparin.
20 Ang utos sa akin, sila'y pagpalain;
ang pagpapala ng Diyos, di ko kayang bawiin.
21 Sa Israel ay wala akong makitang kasawian,
sa kanila ay wala ring kapahamakan.
Ang Diyos nilang si Yahweh ang kanilang kasama,
ipinapahayag nilang siya ang hari nila.
22 Ang Diyos ang naglabas sa kanila sa Egipto,
sila'y ipinaglaban niya nang tulad sa mailap na toro.
23 Si Jacob ay hindi makakayang kulamin,
ang Israel ay hindi maaaring sumpain.
Tungkol sa Israel, ito ang sasabihin ng mga tao:
‘Ito ang gawa ng Diyos at pagmasdan ninyo!’
24 Ang Israel ay kasinlakas ng isang leon,
hindi tumitigil hanggang kaaway ay di nalalamon
at hanggang ang dugo nito ay di niya naiinom.”
25 Sinabi ni Balac kay Balaam, “Kung ayaw mo silang sumpain, huwag mo naman sanang pagpalain.”
26 Ngunit ang sagot ni Balaam, “Hindi ba't sinabi ko na sa iyong gagawin ko lamang ang lahat ng sinabi sa akin ni Yahweh?”
27 Sinabi ni Balac, “Halika. Lumipat tayo ng lugar at baka ipahintulot na ng Diyos na sumpain mo roon ang mga Israelita.” 28 At magkasama silang nagpunta sa tuktok ng Peor, kung saan natatanaw nila ang ilang.
29 Sinabi ni Balaam kay Balac, “Magpagawa ka rito ng pitong altar at magpakuha ng pitong toro at pitong tupa.” 30 Gayon nga ang ginawa ni Balac. Bawat altar ay hinandugan niya ng tig-iisang toro at tig-iisang lalaking tupa.
Isinilang si Juan na Tagapagbautismo
57 Dumating ang oras ng panganganak ni Elizabeth at nagsilang siya ng isang sanggol na lalaki. 58 Nang mabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na siya'y labis na pinagpala ng Panginoon, nakigalak sila sa kanya.
59 Makalipas(A) ang isang linggo, dumalo sila sa pagtutuli ng sanggol. Zacarias sana ang itatawag nila sa bata, gaya ng pangalan ng kanyang ama, 60 ngunit sinabi ni Elizabeth, “Hindi! Juan ang ipapangalan sa kanya.”
61 “Subalit wala naman kayong kamag-anak na may ganyang pangalan,” tugon nila. 62 Sinenyasan nila ang kanyang ama upang itanong kung ano ang ibig nitong itawag sa sanggol.
63 Humingi si Zacarias ng masusulatan at ganito ang kanyang isinulat, “Juan ang pangalan niya.” Namangha ang lahat. 64 Noon din ay nakapagsalita si Zacarias, at siya'y nagpuri sa Diyos. 65 Natakot ang lahat ng tagaroon, at naging usap-usapan sa buong bulubundukin ng Judea ang mga bagay na iyon. 66 Pinag-isipan ito ng mga nakabalita, anupa't naging tanong nilang lahat, “Magiging ano kaya ang batang ito?” Sapagkat nasa kanya ang kapangyarihan ng Panginoon.
Ang Awit ni Zacarias
67 Si Zacarias na ama ng bata ay napuspos ng Espiritu Santo, at nagpahayag ng mensahe mula sa Diyos:
68 “Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel!
Tinulungan niya at pinalaya ang kanyang bayan.
69 Nagsugo siya sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas,
mula sa angkan ni David na kanyang lingkod.
70 Ito'y ayon sa ipinangako niya noong una sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta,
71 na ililigtas niya tayo mula sa ating mga kaaway,
mula sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin.
72 Ipinangako niyang kahahabagan ang ating mga ninuno,
at aalalahanin ang kanyang banal na tipan.
73 Iyan ang sumpang binitiwan niya sa ating amang si Abraham,
74 na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway,
upang tayo'y makapaglingkod sa kanya nang walang takot,
75 at maging banal at matuwid sa kanyang paningin habang tayo'y nabubuhay.
76 Ikaw,(B) anak ko, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasang Diyos;
sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang daraanan,
77 at upang ipaalam sa kanyang bayan ang kanilang kaligtasan,
ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.
78 Mapagmahal at mahabagin ang ating Diyos.
Magbubukang-liwayway na sa atin ang araw ng kaligtasan.
79 Tatanglawan(C) niya ang mga nasa kadiliman at nasa lilim ng kamatayan,
at papatnubayan tayo sa daan ng kapayapaan.”
80 Lumaki ang bata at naging malakas ang kanyang espiritu. Siya'y nanirahan sa ilang, hanggang sa araw na nakilala siya ng bansang Israel.
Panalangin para Parusahan ng Diyos ang Masasama
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Huwag Mong Sirain”. Isang Miktam.[a]
58 Tama ba ang hatol ng mga pinuno?
Ang hatol ba ninyo'y pantay at totoo?
2 Hindi! Pagkat ang inyong binabalangkas
pawang karahasa't gawaing di tama.
3 Iyang masasama sa mula't mula pa,
mula sa pagsilang ay sinungaling na.
4 Sila'y makamandag, ahas ang kaparis,
katulad ay kobrang ang tainga ay may takip;
5 itong mga tawak at salamangkero,
di niya dinirinig, hindi pansin ito.
6 Bungiin ang ngipin nila, O Panginoon,
alisin ang pangil niyong mga leon.
7 Itapon mo silang katulad ng tubig,
sa daa'y duruging parang mga yagit.
8 Parang mga susô, sa dumi magwakas,
batang di nabuhay sa sangmaliwanag.
9 Puputulin silang hindi nila batid,
itatapon ng Diyos sa tindi ng galit;
bagaman buháy pa'y iyon na ang sinapit.
10 Ang mga matuwid nama'y magagalak kung ang masasama'y parusahang ganap;
pagkakita nila sa dugong dumanak, hindi mangingiming doon na tumahak.
11 Saka sasabihin ng mga nilalang, “Ang mga matuwid ay gantimpalaan;
tunay ngang may Diyos, na hukom ng lahat!”
12 Ang kapos sa kaalaman ay humahamak sa kapwa,
ngunit laging tahimik ang taong may unawa.
13 Walang maitatago sa bibig ng madaldal,
ngunit ang tunay na kaibigan, iyong mapagkakatiwalaan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.