Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Bilang 4-5

Ang Tungkulin ng mga Levitang Mula sa Angkan ni Kohat

Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Bilangin at ilista ninyo ang angkan ni Kohat ayon sa kani-kanilang angkan at sambahayan. Ibukod ninyo ang lahat ng maaari nang maglingkod sa Toldang Tipanan, ang mga lalaking may edad na tatlumpu hanggang limampung taon. Sila ang maglilingkod sa mga bagay na ganap na sagrado sa loob ng Toldang Tipanan.

“Kung aalis na ang mga Israelita sa lugar na kanilang pinagkakampuhan, si Aaron at ang kanyang mga anak ang magtatanggal sa mga tabing ng Toldang Tipanan at ibabalot ito sa Kaban ng Tipan. Pagkatapos, papatungan ito ng balat ng kambing, at babalutin ng telang asul saka isusuot ang mga pasanan sa mga argolya nito.

“Ang mesang lalagyan ng handog na tinapay ay lalatagan naman ng asul na tela, saka ipapatong sa ibabaw nito ang mga plato, mga lalagyan ng insenso, mga mangkok at mga pitsel. Hindi na aalisin ang tinapay na handog na naroroon. Pagkatapos, tatakpan ang lahat ng ito ng pulang tela at ng balat ng kambing, saka isusuot sa mga argolya ang mga pasanan.

“Ang ilawan pati ang mga ilaw, pang-ipit, sisidlan ng abo at ang mga sisidlan ng langis ay babalutin din ng telang asul 10 at ng balat ng kambing, kasama ang lahat ng kagamitan at saka ilalagay sa sisidlan.

11 “Ang altar na ginto ay tatakpan din ng asul na tela, at babalutin ng balat ng kambing saka isusuot sa mga argolya ang mga pasanan nito. 12 Ang iba pang kagamitan sa Toldang Tipanan ay babalutin ng telang asul saka tatakpan ng balat ng kambing, at ilalagay sa sisidlan. 13 Ang abo sa altar ay aalisin bago ito takpan ng damit na pula. 14 Pagkatapos, ipapatong dito ang mga kagamitan sa altar tulad ng mga kawali, panusok, pala at palanggana. Tatakpan ito ng balat ng kambing saka isusuot sa argolya ang mga pasanan nito. 15 Kapag ang Toldang Tipanan at ang lahat ng kagamitan dito'y naibalot na nina Aaron at ng kanyang mga anak, ang lahat ng ito'y dadalhin ng mga anak ni Kohat. Ngunit huwag nilang hahawakan ang mga sagradong bagay sapagkat mamamatay ang sinumang humawak sa mga sagradong kagamitang ito.

“Ito ang mga tungkulin ng mga anak ni Kohat tuwing ililipat ang Toldang Tipanan.

16 “Si Eleazar na anak ni Aaron ang mangangalaga sa langis para sa ilawan, sa insenso, sa karaniwang handog na pagkaing butil at sa langis na pantalaga. Siya rin ang mamamahala sa buong Toldang Tipanan at sa lahat ng kagamitan dito.”

17 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, 18 “Huwag ninyong pababayaang mapahamak ang sambahayan ni Kohat 19 sa paglapit nila sa mga ganap na sagradong kasangkapan. Para hindi sila mamatay, ituturo sa kanila ni Aaron at ng mga anak nito kung ano ang dapat nilang dalhin at kung ano ang dapat nilang gawin. 20 Ngunit huwag na huwag silang papasok upang tingnan kahit sandali lang ang mga sagradong bagay doon sapagkat tiyak na mamamatay sila sa sandaling gawin nila iyon.”

Tungkulin ng mga Levitang Mula sa Lahi ni Gershon

21 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 22 “Bilangin at ilista mo rin ang mga anak ni Gershon ayon sa kani-kanilang angkan at sambahayan, 23 at ilista mo ang lahat ng lalaking maaaring maglingkod sa Toldang Tipanan, mula sa edad na tatlumpu hanggang limampu. 24 Ito ang tungkuling ibibigay mo sa kanila: 25 Dadalhin nila ang mga balat na asul at ang balat na yari sa balahibo ng kambing, at mga mainam na balat na itinatakip sa Toldang Tipanan, at ang tabing sa pintuan nito; 26 ang mga tali at balat na nakatabing sa bulwagan sa paligid ng tabernakulo at ng altar, ang tabing sa pasukan ng bulwagan, at ang lahat ng kagamitang kasama nito. Sila rin ang gaganap ng lahat ng gawaing kaugnay ng mga bagay na ito. 27 Ang lahat ng gagawin ng sambahayan ni Gershon ay pamamahalaan ni Aaron at ng kanyang mga anak. Ikaw ang magtatakda ng dapat nilang gawin. 28 Ito ang magiging gawain ng mga anak ni Gershon sa pangangasiwa ni Itamar na anak ni Aaron.

Tungkulin ng mga Levitang Mula sa Lahi ni Merari

29 “Bilangin at ilista mo rin ang mga anak ni Merari ayon sa kani-kanilang angkan at sambahayan, 30 at ilista mo ang mga lalaking maaari nang maglingkod sa Toldang Tipanan, ang mga may edad mula sa tatlumpu hanggang limampung taon. 31 Ito naman ang dadalhin nila bilang paglilingkod sa Toldang Tipanan: ang mga haliging pahalang at patayo, mga patungan ng haligi, 32 ang mga haligi ng tabing sa paligid ng bulwagan, pati mga patungan niyon, mga tulos, mga tali at ang lahat ng kagamitang kasama ng mga ito. Sasabihin mo sa kanila kung anu-ano ang kanilang dadalhin. 33 Ito ang tungkulin ng mga anak ni Merari patungkol sa Toldang Tipanan. Gagawin nila ito sa pangangasiwa ni Itamar.”

Ang Talaan ng mga Levita

34 Ang mga anak ni Kohat ay inilista nga nina Moises at Aaron sa tulong ng mga pinuno ng Israel. 35 Ang nailista nila na makakapaglingkod sa Toldang Tipanan, mula sa tatlumpu hanggang limampung taon, 36 ayon sa kani-kanilang sambahayan ay umabot sa 2,750. 37 Ito ang bilang ng mga anak ni Kohat na naitala nina Moises at Aaron bilang pagsunod sa utos ni Yahweh. Ang mga ito ay tumulong sa paglilingkod sa Toldang Tipanan.

38-40 Ang bilang ng mga anak ni Gershon, ayon sa kanilang sambahayan, mula sa tatlumpung taon hanggang limampu, samakatuwid ay lahat ng maaaring makatulong sa mga gawain sa Toldang Tipanan ay 2,630. 41 Ito ang bilang ng mga anak ni Gershon na naitala nina Moises at Aaron bilang pagsunod sa utos ni Yahweh. Ang mga ito ay tumulong sa paglilingkod sa Toldang Tipanan.

42-44 Ang bilang naman ng mga anak ni Merari, ayon sa kanilang angkan at sambahayan, mula sa tatlumpu hanggang limampung taon, lahat ng maaaring makatulong sa gawain sa Toldang Tipanan ay 3,200. 45 Ito ang bilang ng mga anak ni Merari na nailista nina Moises at Aaron ayon sa kani-kanilang sambahayan, bilang pagsunod sa utos ni Yahweh.

46 Inilista nga nina Moises at Aaron sa tulong ng mga pinuno ng Israel ang lahat ng Levitang 47 makatutulong sa mga gawain sa Toldang Tipanan, samakatuwid ay may edad na tatlumpu hanggang limampung taon. 48 Ang kabuuang bilang nila'y umabot sa 8,580. 49 Ginawa ito ni Moises ayon sa utos ni Yahweh at sila'y inatasan niya ng kani-kanilang gawain.

Ang mga Itinuturing na Marumi

Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Paalisin mo sa kampo ng Israel ang lahat ng may sakit sa balat na parang ketong, ang mga may tulo at ang lahat ng naging marumi dahil napahawak sila sa patay. Wala kayong itatangi maging lalaki o babae. Lahat ng mga ito ay palalabasin upang hindi maging marumi ang kanilang kampo. Ako'y naninirahang kasama ng aking bayan.” Tulad ng utos ni Yahweh kay Moises, lahat ng may sakit sa balat na parang ketong, may tulo, at naging marumi dahil sa pagkahawak sa patay ay pinalabas nila sa kampo.

Ang Pagbabayad sa Nagawang Masama

Sinabi(A) ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo ito sa mga Israelita: Sinumang magtaksil kay Yahweh at makagawa ng masama sa kanyang kapwa ay dapat umamin sa kasalanang kanyang nagawa, pagbabayaran niya ito nang buo maliban pa sa dagdag na ikalimang bahagi nito. Ito'y ibibigay niya sa ginawan niya ng masama o sa pinakamalapit na kamag-anak nito. Kung wala itong malapit na kamag-anak, ang halagang ibabayad ay mapupunta kay Yahweh at ibibigay sa mga pari, bukod sa tupang ibibigay ng nagkasala upang ihandog bilang pantubos sa kanyang kasalanan. Lahat ng natatanging handog ng mga Israelita para kay Yahweh ay mauuwi sa paring tumanggap niyon. 10 Kukunin ng bawat pari ang handog na ibinigay sa kanya.”

Ang Tuntunin tungkol sa Pagtataksil at Pagseselos

11 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 12 “Ito ang sabihin mo sa mga Israelita: Kung ang isang babae'y nagtaksil sa asawa, 13 nakipagtalik sa ibang lalaki ngunit walang katibayang maipakita laban sa kanya sapagkat hindi siya nahuli sa akto, 14 o kaya nama'y ang asawang lalaki'y naghihinala sa kanyang asawa kahit wala itong ginagawang masama, 15 ang babae ay dadalhin ng lalaki sa pari. Ang lalaki'y maghahandog ng kalahating salop ng harinang sebada. Ang handog na ito'y hindi bubuhusan ng langis ni sasamahan ng insenso sapagkat ito'y handog tungkol sa pagseselos, handog upang hilinging lumabas ang katotohanan.

16 “Ang babae ay dadalhin ng pari sa harap ng altar. 17 Ang pari ay maglalagay ng sagradong tubig sa isang tapayan at hahaluan ng kaunting alikabok mula sa sahig ng tabernakulo. 18 Pagkatapos, ilulugay ang buhok ng babae at pahahawakan sa kanya ang handog na harina. Samantala, ang mangkok na naglalaman ng mapait na tubig na magpapalitaw sa katotohanan ay hawak naman ng pari. 19 Ang babae'y panunumpain ng pari. Sasabihin niya, ‘Kung hindi ka nagtaksil sa iyong asawa, hindi tatalab sa iyo ang sumpang taglay ng tubig na ito. 20 Ngunit kung nagtaksil ka sa iyong asawa, 21 paparusahan ka ni Yahweh upang maging halimbawa sa iyong mga kababayan: Patutuyuin ni Yahweh ang iyong bahay-bata at pamamagain ang iyong tiyan. 22 Tumagos nawa ang tubig na ito sa kaloob-looban ng iyong tiyan, pamagain ito at patuyuin ang iyong bahay-bata.’

“Ang babae'y sasagot ng ‘Amen. Ako'y sumasang-ayon.’

23 “Ang mga sumpang ito ay isusulat ng pari sa isang sulatan, huhugasan ito sa mapait na tubig, 24 at ipapainom sa babae ang pinaghugasan. Ito'y magdudulot ng matinding sakit sa babae. 25 Pagkatapos, ang handog na harinang hawak pa ng babae ay kukunin ng pari, iaalay kay Yahweh at ilalagay sa altar. 26 Ang pari ay kukuha ng isang dakot na harina mula sa handog at susunugin ito sa altar. Pagkatapos, ipapainom sa babae ang mapait na tubig. 27 Kung nagtaksil nga siya sa kanyang asawa, makakaramdam siya ng matinding sakit, matutuyo ang kanyang balakang at mamamaga ang kanyang tiyan. Sa ganitong paraan, hindi siya pamamarisan ng kanyang mga kababayan. 28 Ngunit kung hindi siya nagtaksil, hindi tatalab sa kanya ang sumpa at maaari pa siyang magkaanak.

29 “Ito ang tuntunin tungkol sa babaing nagtaksil sa asawa, 30 o kaya, kung naghihinala ang lalaki sa katapatan ng kanyang asawa: ang babae'y ihaharap sa altar, at isasagawa naman ng pari ang lahat ng dapat gawin ayon sa Kautusan. 31 Ang asawang lalaki ay hindi madadamay sa kasalanan ng babae, kundi ang babae lamang, kung talagang nagkasala, ang magdurusa sa ginawa niyang masama.”

Marcos 12:18-37

Ang Tanong tungkol sa Muling Pagkabuhay(A)

18 May(B) ilang Saduseo na lumapit kay Jesus upang magtanong. Ang mga ito ay nagtuturo na hindi muling mabubuhay ang mga patay. Sinabi nila, 19 “Guro,(C) isinulat po ni Moises para sa atin, ‘Kapag namatay ang isang lalaki at naiwang walang anak ang kanyang asawa, ang kapatid ng lalaki ay dapat pakasal sa biyuda upang magkaanak sila para sa namatay.’ 20 Mayroon pong pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, subalit siya'y namatay na walang anak. 21 Pinakasalan ng pangalawang kapatid ang biyuda subalit namatay rin ang lalaki na walang anak. Ganoon din ang nangyari sa pangatlo. 22 Isa-isang napangasawa ng babae ang pitong magkakapatid at silang lahat ay namatay na walang anak. Sa kahuli-huliha'y ang babae naman ang namatay. 23 [Kapag binuhay na muli ang mga patay][a] sa araw ng muling pagkabuhay, sino po ba sa pitong magkakapatid ang kikilalaning asawa ng babaing iyon, sapagkat silang lahat ay napangasawa niya?”

24 Sumagot si Jesus, “Maling-mali kayo dahil hindi ninyo nauunawaan ang itinuturo ng Kasulatan at ang kapangyarihan ng Diyos. 25 Sa muling pagkabuhay, ang mga tao'y hindi na mag-aasawa; sila'y magiging katulad na ng mga anghel sa langit. 26 Tungkol(D) naman sa muling pagkabuhay, hindi ba ninyo nabasa sa aklat ni Moises, sa kasaysayan ng nagliliyab na mababang puno, ang sinabi ng Diyos sa kanya? Ito ang sinabi niya, ‘Ako ang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob.’ 27 Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay; siya ang Diyos ng mga buháy. Talagang maling-mali kayo!”

Ang Dalawang Pinakamahalagang Utos(E)

28 Ang(F) kanilang pagtatalo ay narinig ng isa sa mga tagapagturo ng Kautusan na naroon. Nakita niyang mahusay ang pagkasagot ni Jesus sa mga Saduseo kaya siya naman ang lumapit upang magtanong, “Alin po ba ang pinakamahalagang utos?”

29 Sumagot(G) si Jesus, “Ito ang pinakamahalagang utos: ‘Pakinggan mo, Israel! Ang Panginoon na ating Diyos—siya lamang ang Panginoon. 30 Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, buong kaluluwa mo, buong pag-iisip mo at buong lakas mo.’ 31 Ito(H) naman ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.’ Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito.”

32 Wika(I) ng tagapagturo ng Kautusan, “Tama po, Guro! Totoo ang sinabi ninyo. Iisa nga ang Diyos at wala nang iba liban sa kanya. 33 At(J) higit na mahalaga ang umibig sa kanya nang buong puso, buong pag-iisip at buong lakas, at ang umibig sa kapwa gaya ng pag-ibig sa sarili, kaysa magdala ng lahat ng handog na susunugin at iba pang mga alay.”

34 Nakita ni Jesus na maganda ang sagot nito kaya't sinabi niya, “Hindi ka na nalalayo sa kaharian ng Diyos.” At mula noon ay wala nang nangahas na magtanong kay Jesus.

Ang Tanong ni Jesus tungkol sa Anak ni David(K)

35 Habang si Jesus ay nagtuturo sa Templo, sinabi niya, “Bakit sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na ang Cristo ay anak ni David? 36 Hindi(L) ba't si David na rin ang nagpahayag ng ganito nang siya'y gabayan ng Espiritu Santo:

“Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
    ‘Maupo ka sa kanan ko,
    hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.’”

37 Si David na rin ang tumawag sa kanya ng Panginoon; paano siya magiging anak ni David?”

Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan(M)

Napakaraming tao ang malugod na nakikinig sa kanya.

Mga Awit 48

Zion, ang Bayan ng Diyos

Awit na katha ng angkan ni Korah.

48 Dakila si Yahweh, dapat papurihan, sa lunsod ng Diyos, bundok niyang banal.
Ang(A) Bundok ng Zion, tahanan ng Diyos ay dakong mataas na nakalulugod;
bundok sa hilaga na galak ang dulot, sa lahat ng bansa nitong sansinukob.
Sa piling ng Diyos ligtas ang sinuman,
    sa loob ng muog ng banal na bayan.

Itong mga hari ay nagtipun-tipon,
    upang sumalakay sa Bundok ng Zion.
Sila ay nagulat nang ito'y mamasdan,
    pawang nagsitakas at nahintakutan.
Ang nakakatulad ng pangamba nila
    ay pagluluwal ng butihing ina.
Tulad ng malaking barkong naglalayag, sa hanging silangan dagling nawawasak.

Sa banal na lunsod ay aming namasid
    ang kanyang ginawa na aming narinig;
    ang Diyos na si Yahweh, Makapangyarihan,
siyang mag-iingat sa lunsod na banal, iingatan niya magpakailanman. (Selah)[a]

Sa loob ng iyong templo, aming Diyos,
    nagunita namin pag-ibig mong lubos.
10 Ika'y pinupuri ng lahat saanman,
    sa buong daigdig ang dakila'y ikaw,
at kung mamahala ay makatarungan.
11     Kayong taga-Zion, dapat na magalak!
At ang buong Juda'y magdiwang na lahat,
    dahilan kay Yahweh sa hatol niyang tumpak.

12 Ang buong palibot ng Zion, lakarin, ang lahat ng tore doon ay bilangin;
13     ang nakapaligid na pader pansinin, mga muog nito'y inyong siyasatin;
upang sa susunod na lahi'y isaysay,
14     na ang Diyos, ay Diyos natin kailanman,
    sa buong panahon siya ang patnubay.

Mga Kawikaan 10:26

26 Kung paanong ang usok ay nakakaluha, ang suka ay nakakangilo,
    gayon ang tamad na alipin, sa kanilang mga amo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.