Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Bilang 15:17-16:40

17 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 18 “Sabihin mo ito sa mga Israelita: Pagdating ninyo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, 19 magbubukod kayo ng handog kay Yahweh tuwing kayo'y kakain ng mga pagkain doon. 20 Magbubukod kayo ng tinapay mula sa harinang una ninyong minasa at inyong ihain bilang handog mula sa ani. 21 Ihahandog ninyo kay Yahweh ang unang masa ng harina; ito'y tuntunin sa habang panahon.

22 “Subalit kung sakaling nakaligtaan ninyong tuparin ang alinman sa utos ni Yahweh na sinabi kay Moises, 23 buhat sa pasimula hanggang sa wakas, 24 ang buong bayan ay maghahandog ng isang toro bilang handog na susunugin kalakip ng handog na pagkaing butil, at isang kambing na lalaki bilang handog ukol sa kasalanan. 25 Ipaghahandog sila ng pari para sa kanilang kasalanan. Kapag nagawa na ito, patatawarin sila sapagkat ito'y pagkakamaling hindi sinasadya, at naghandog na sila para dito. 26 Ang buong Israel at ang mga nakikipamayan sa inyo ay patatawarin sapagkat ito'y pagkakamali nilang lahat.

27 “Kung(A) ang isang tao'y nagkasala nang hindi sinasadya, magdadala siya ng isang babaing kambing na isang taóng gulang bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan. 28 Siya'y ipaghahandog ng pari upang patawarin ni Yahweh. 29 Iisa ang tuntuning susundin tungkol sa hindi sinasadyang pagkakasala ng isang Israelita at ng isang dayuhan.

30 “Ngunit ititiwalag sa sambayanan ang sinumang magkasala nang sinasadya, maging siya'y katutubong Israelita o dayuhang nakikipamayan, sapagkat iyon ay paglapastangan kay Yahweh. 31 Dahil nilabag niya ang kautusan ni Yahweh, siya ang dapat sisihin sa kanyang kamatayan.”

Pinarusahan ang Namulot ng Kahoy sa Araw ng Pamamahinga

32 Nang sila'y nasa ilang, may nakita silang nangangahoy sa Araw ng Pamamahinga. 33 Iniharap nila ito kina Moises, Aaron at sa buong kapulungan. 34 Ikinulong muna siya habang hindi pa tiyak kung ano ang gagawin sa kanya. 35 Kaya't sinabi ni Yahweh kay Moises, “Dalhin siya sa labas ng kampo at pagbabatuhin ng buong kapulungan hanggang mamatay.” 36 Ganoon nga ang ginawa nila.

Ang Palawit sa Damit ng mga Israelita

37 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 38 “Sabihin(B) mo sa mga Israelita na habang panahon silang maglalagay ng palawit sa laylayan ng kanilang mga damit. Susuksukan nila ito ng asul na tali. 39 Gagawin ninyo ito upang maalala ninyo at sundin ang mga kautusan ni Yahweh tuwing makikita ninyo ang mga palawit na iyon. Sa ganoon, masusunod ang salita ni Yahweh at hindi ang inyong sariling nasa at kagustuhan. 40 Sundin ninyong lagi ang aking mga utos at kayo'y lubos na magiging nakalaan sa akin. 41 Ako si Yahweh na inyong Diyos. Ako ang naglabas sa inyo sa Egipto upang maging Diyos ninyo. Ako si Yahweh na inyong Diyos.”

Ang Paghihimagsik nina Korah, Datan at Abiram

16 Naghimagsik(C) (D) laban kay Moises si Korah na anak ni Izar at apo ni Kohat na anak ni Levi. Kasama niya sa paghihimagsik na ito sina Datan at Abiram na mga anak ni Eliab, at si On na anak ni Pelet na pawang buhat sa lipi ni Ruben. May kasama pa silang 250 katao na pawang kilala sa bayan at mga pinuno ng kapulungan. Hinarap nila sina Moises at Aaron at sinabi, “Sobra na 'yang ginagawa ninyo! Lahat ng nasa kapulungang ito ay nakalaan kay Yahweh at siya ay nasa kalagitnaan natin! Bakit itinataas ninyo ang inyong sarili higit pa sa kapulungang ito?”

Nang marinig ito ni Moises, nagpatirapa siya sa lupa. Sinabi niya kina Korah, “Bukas ng umaga, ipapakita sa inyo ni Yahweh kung sino ang tunay na nakalaan sa kanya at kung sino lamang ang maaaring lumapit sa kanya. Ang makakalapit lamang sa kanya ay ang kanyang pinili.” At sinabi niya kina Korah, “Ganito ang gawin ninyo: Kumuha kayo ng lalagyan ng insenso bukas, at lagyan ninyo ito ng baga sa harapan ni Yahweh, saka lagyan ng insenso. Kung sino ang tunay na nakalaan kay Yahweh ang siyang pipiliin niya. Kayong mga Levita ay sumosobra na.”

Sinabi rin ni Moises sa kanila, “Makinig kayong mga Levita! Hindi pa ba kayo nasisiyahan na kayo'y pinili ni Yahweh upang maglingkod sa kanya sa tabernakulo upang paglingkuran ang bayang Israel? 10 Kayong mga Levita'y ibinukod na ni Yahweh upang maglingkod sa harapan niya, bakit nais ninyong agawin pati ang pagiging pari? 11 Dahil sa hangad ninyong iyan ay naghihimagsik kayo laban kay Yahweh. Sino ba si Aaron upang inyong paghimagsikan?”

12 Ipinatawag ni Moises sina Datan at Abiram na anak ni Eliab ngunit sinabi nila, “Ayaw namin! 13 Hindi pa ba sapat sa iyo na inalis mo kami sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay upang patayin ng gutom dito sa ilang? Bakit gusto mo pang ikaw ay kilalanin naming pinuno? 14 Hanggang ngayo'y hindi mo pa kami nadadala sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay, ni nabibigyan ng bukirin at ubasan na aming mana. Akala mo ba'y malilinlang mo pa kami? Hindi kami pupunta!”

15 Dahil dito, nagalit nang husto si Moises at sinabi kay Yahweh, “Huwag mo po sanang tanggapin ang handog ng mga taong ito. Wala akong kinuha sa kanila kahit isang asno man lang. Wala rin akong ginawang masama ni isa man sa kanila.”

16 Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Korah, “Humarap kayo bukas kay Yahweh: ikaw, pati ang mga kasamahan mo. Pupunta rin doon si Aaron. 17 Kayo ng mga kasama mo ay magdala ng tig-iisang lalagyan ng insenso, at magsunog kayo ng insenso sa harapan ni Yahweh. Ganoon din ang gagawin ni Aaron.”

18 Kinabukasan, nagdala nga sila ng insenso at lalagyan nito. Pumunta sila sa may pintuan ng Toldang Tipanan, kasama sina Moises at Aaron. 19 Si Korah at ang kanyang mga kasamahan ay tumayo sa harap ng Toldang Tipanan at tinipon nila doon ang buong bayan sa harap nina Moises at Aaron. Walang anu-ano'y nagningning ang kaluwalhatian ni Yahweh sa harap ng buong bayan. 20 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, 21 “Lumayo kayo sa kanila para malipol ko sila agad.”

22 Ngunit nagpatirapa sina Moises at Aaron. Sinabi nila, “O Diyos, ikaw ang nagbibigay-buhay sa lahat ng tao. Lilipulin mo ba ang buong bayan dahil sa kasalanan ng isang tao lamang?”

23 Sumagot si Yahweh kay Moises, 24 “Sabihin mo sa mga taong-bayan na lumayo sa mga tolda nina Korah, Datan at Abiram.”

25 Kaya't tumayo si Moises at pinuntahan sina Datan at Abiram; kasunod niya ang matatandang namumuno sa Israel. 26 Sinabi niya sa kapulungan, “Lumayo kayo sa mga tolda ng masasamang taong ito. Huwag ninyong hihipuin ang anumang ari-arian nila at baka kayo'y malipol na kasama nila dahil sa mga kasalanan nila.” 27 Lumayo nga sila sa mga tolda nina Korah, Datan at Abiram.

Sina Datan at Abiram ay nakatayo sa pintuan ng kanilang tolda, kasama ang kani-kanilang pamilya. 28 Sinabi ni Moises, “Malalaman ninyo ngayon na isinugo ako ni Yahweh upang gawin ang mga bagay na ito, at ito'y hindi ko sariling kagustuhan. 29 Kapag ang mga taong ito'y namatay sa sakit o sa karaniwang paraan, nangangahulugang hindi ako ang isinugo ni Yahweh. 30 Ngunit kapag may ginawang di-pangkaraniwan ang Diyos at bumuka ang lupa at sila'y nilulon nang buháy kasama ang lahat ng may kaugnayan sa kanila, at sila'y nalibing nang buháy sa daigdig ng mga patay, nangangahulugang naghimagsik ang mga taong ito kay Yahweh.”

31 Hindi pa halos natatapos sa pagsasalita si Moises ay bumuka na ang lupa, 32 at nilulon nang buháy sina Korah pati ang kanilang mga pamilya at mga ari-arian. 33 Silang lahat ay nalibing nang buháy. Muling nagsara ang lupa at hindi na sila nakita ng mga Israelita. 34 Dahil dito, nagtakbuhan ang mga taong-bayan dahil sa kanilang nasaksihan. “Lumayo tayo rito!” ang sigawan nila. “Baka pati tayo'y lamunin ng lupa.”

35 Pagkatapos nito'y nagpaulan ng apoy si Yahweh at sinunog ang 250 kasamahan ni Korah na nagsunog ng insenso.

36 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 37 “Sabihin mo kay Eleazar na anak ni Aaron na kunin ang mga lalagyan ng insenso at ikalat sa paligid ang mga baga. Kailangang gawin ito sapagkat sagrado ang mga lalagyan ng insenso. 38 Naging sagrado ang mga ito nang iharap sa altar ni Yahweh. Kaya't kunin ninyo ang mga lalagyan ng insenso ng mga taong pinatay dahil sa kanilang kasalanan at pitpitin ninyo nang manipis at gawing panakip sa altar. Ang mga iyon ay sagrado sapagkat inihandog na sa akin. Maging babala sana ito sa sambayanang Israel.” 39 Kinuha nga ni Eleazar ang mga lalagyan ng insenso na pawang tanso, ipinapitpit nang manipis, at itinakip sa altar. 40 Ito'y babala sa mga Israelita na ang sinumang hindi pari o hindi kabilang sa angkan ni Aaron ay hindi dapat mangahas magsunog ng insenso sa harapan ni Yahweh. Baka matulad sila kay Korah at sa mga kasamahan nito. Ang lahat ng ito'y ginawa ni Eleazar ayon sa iniutos ni Yahweh kay Moises.

Marcos 15

Sa Harapan ni Pilato(A)

15 Kinaumagahan, nagpulong agad ang mga punong pari, mga pinuno ng bayan, mga tagapagturo ng Kautusan, at iba pang bumubuo ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio. Ipinagapos nila si Jesus, at dinala kay Pilato.

“Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” tanong sa kanya ni Pilato.

“Ikaw na ang may sabi,” tugon naman ni Jesus.

Nagharap ng maraming paratang ang mga punong pari laban kay Jesus kaya't siya'y muling tinanong ni Pilato, “Wala ka bang isasagot? Narinig mo ang marami nilang paratang laban sa iyo.”

Ngunit hindi pa rin sumagot si Jesus, kaya't nagtaka si Pilato.

Hinatulang Mamatay si Jesus(B)

Tuwing Pista ng Paskwa ay nagpapalaya si Pilato ng isang bilanggo, sinumang hilingin sa kanya ng mga taong-bayan. May isang bilanggo noon na ang pangalan ay Barabbas. Kasama siya sa mga nagrebelde, at nakapatay siya noong panahon ng pag-aalsa. Nang lumapit ang mga tao kay Pilato upang hilingin sa kanya na gawin niya ang dati niyang ginagawa, tinanong sila ni Pilato, “Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?” 10 Sinabi niya ito sapagkat batid ni Pilato na inggit lamang ang nag-udyok sa mga punong pari upang isakdal si Jesus.

11 Ngunit sinulsulan ng mga punong pari ang mga tao na si Barabbas ang hilinging palayain. 12 Kaya't muli silang tinanong ni Pilato, “Ano naman ang gagawin ko sa taong ito na tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?”

13 “Ipako siya sa krus!” sigaw ng mga tao.

14 “Bakit, ano ba ang kasalanan niya?” tanong ni Pilato. Ngunit lalo pang sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!”

15 Sa paghahangad ni Pilato na mapagbigyan ang mga tao, pinalaya niya si Barabbas at si Jesus naman ay kanyang ipinahagupit, at pagkatapos ay ibinigay sa kanila upang ipako sa krus.

Hinamak ng mga Kawal si Jesus(C)

16 Dinala ng mga kawal si Jesus sa bakuran ng palasyo ng gobernador, at kanilang tinipon doon ang buong batalyon. 17 Sinuotan nila si Jesus ng balabal na kulay ube. Kumuha sila ng halamang matinik, ginawa iyong korona at ipinutong sa kanya. 18 Pagkatapos, sila'y pakutyang nagpugay at bumati sa kanya, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 19 Siya'y pinaghahampas sa ulo, pinagduduraan at pakutyang niluhud-luhuran. 20 Matapos kutyain, hinubad nila sa kanya ang balabal na kulay ube, sinuotan ng sarili niyang damit, at inilabas upang ipako sa krus.

Ipinako sa Krus si Jesus(D)

21 Nasalubong(E) nila sa daan ang isang lalaking galing sa bukid, si Simon na taga-Cirene na ama nina Alejandro at Rufo. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. 22 Kanilang dinala si Jesus sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ang ibig sabihi'y “Pook ng Bungo.” 23 Siya'y binibigyan nila ng alak na may kahalong mira, ngunit hindi niya ito ininom. 24 Ipinako(F) siya sa krus at saka pinaghati-hatian ang kanyang damit sa pamamagitan ng palabunutan. 25 Ikasiyam ng umaga nang ipako siya sa krus. 26 Isinulat sa itaas ng krus ang paratang laban sa kanya, “Ang Hari ng mga Judio.” 27 May(G) dalawang tulisang kasama niyang ipinako sa krus, isa sa kanan at isa sa kaliwa. [28 Sa gayon ay natupad ang sinasabi sa kasulatan, “Ibinilang siya sa mga kriminal.”][a]

29 Ininsulto(H) siya ng mga nagdaraan at pailing-iling na sinabi, “O ano? Di ba ikaw ang gigiba sa Templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? 30 Bumabâ ka sa krus at iligtas mo ngayon ang iyong sarili!” 31 Kinutya rin siya ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Sabi nila sa isa't isa, “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi mailigtas ang sarili! 32 Makita lamang nating bumabâ sa krus ang Cristo na iyan na Hari daw ng Israel, maniniwala na tayo sa kanya!”

Nilait din siya ng mga nakapakong kasama niya.

Ang Pagkamatay ni Jesus(I)

33 Nagdilim sa buong lupain mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon. 34 Nang(J) ikatlo na ng hapon, sumigaw si Jesus, “Eloi, Eloi, lema sabachthani?” na ang kahulugan ay, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”

35 Narinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon at kanilang sinabi, “Pakinggan ninyo, tinatawag niya si Elias!” 36 May(K) tumakbo upang kumuha ng isang espongha; ito'y isinawsaw sa maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang patpat at ipinasipsip kay Jesus. “Tingnan nga natin kung darating si Elias upang iligtas siya,” sabi niya.

37 Sumigaw nang malakas si Jesus at pagkatapos ay nalagutan ng hininga.

38 At(L) napunit sa gitna ang tabing ng Templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. 39 Nakatayo sa harap ng krus ang opisyal ng mga kawal. Nang makita kung paano namatay si Jesus, sinabi niya, “Tunay ngang Anak ng Diyos ang taong ito!”

40 Naroon(M) din ang ilang babaing nakatanaw mula sa malayo. Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Salome, at si Maria na ina ng nakababatang si Santiago at ni Jose. 41 Mula pa sa Galilea ay sumusunod na sila at naglilingkod kay Jesus. Naroon din ang iba pang mga babaing kasama ni Jesus na pumunta sa Jerusalem.

Ang Paglilibing kay Jesus(N)

42-43 Nang dumidilim na, dumating si Jose na taga-Arimatea, isang iginagalang na kasapi ng Kapulungan. Siya rin ay naghihintay sa pagdating ng kaharian ng Diyos. Dahil iyon ay Araw ng Paghahanda, o bisperas ng Araw ng Pamamahinga, naglakas-loob siyang lumapit kay Pilato upang hingin ang bangkay ni Jesus. 44 Nagtaka si Pilato nang marinig niyang patay na si Jesus kaya't ipinatawag niya ang opisyal at tinanong kung matagal na siyang namatay. 45 Nang malaman niya sa kapitan na talagang patay na si Jesus, pumayag siyang kunin ni Jose ang bangkay. 46 Ibinabâ mula sa krus ang bangkay ni Jesus at binalot sa telang lino na binili ni Jose. Pagkatapos, ang bangkay ay inilagay sa isang libingang hinukay sa bato, at iginulong ni Jose ang isang malaking bato sa pintuan ng libingan. 47 Nagmamasid naman sina Maria Magdalena at Maria na ina ni Jose, at nakita nila kung saan inilibing si Jesus.

Mga Awit 54

Panalangin Upang Saklolohan

Isang Maskil[a] (A) ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.

54 Makapangyarihang Diyos, ako'y iligtas,
    ipagsanggalang mo ng iyong lakas.
Dinggin mo, O Diyos, aking panalangin,
    iyo ngang pakinggan, aking mga daing.
Ang nagmamataas ay laban sa akin,
    hangad ng malupit ang ako'y patayin,
    kanilang nilimot na ang Diyos ay sundin. (Selah)[b]

Batid kong ang Diyos ang siyang tutulong,
    tagapagsanggalang ko, aking Panginoon.
Ang hinahangad ko ay maparusahan sa gawang masama ang mga kaaway;
    ang Diyos na matapat, sila'y wawakasan.

Buong galak naman akong maghahandog
    ng pasasalamat kay Yahweh,
    dahilan sa kanyang kagandahang-loob.
Iniligtas ako sa kabagabagan, iniligtas niya sa mga kaaway,
    at aking nakitang sila ay talunan!

Mga Kawikaan 11:5-6

Mas panatag ang landas ng tapat ang pamumuhay,
    ngunit nabubuwal ang masama sa sariling kabuktutan.
Ang katuwiran ng mga matuwid ang nagliligtas sa kanya,
    ngunit ang masama ay bilanggo ng kanyang masamang nasa.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.