Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the ERV-NE. Switch to the ERV-NE to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Deuteronomio 7-8

Ang Bayang Hinirang ni Yahweh(A)

“Pagdating(B) ninyo sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh at kapag nasakop na ninyo ang pitong bansang nauna sa inyo roon—Heteo, Gergeseo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Hivita at Jebuseo—mga bansang mas malakas at mas makapangyarihan kaysa inyo, at kapag sila'y ipinaubaya na ni Yahweh sa inyo, lipulin ninyo silang lahat. Huwag ninyo silang kaaawaan at huwag kayong gagawa ng kasunduan sa kanila. Huwag kayong papayag na mapangasawa ng inyong mga anak ang kanilang mga anak sapagkat tiyak na ilalayo nila ang inyong mga anak kay Yahweh, at pasasambahin sa kanilang mga diyus-diyosan. Kapag nagkaganoon, magagalit sa inyo si Yahweh at kayo'y kanyang lilipulin agad. Kaya(C) nga, gibain ninyo ang kanilang mga altar, pagputul-putulin ang kanilang mga sinasambang haligi, durugin ang mga imahen ng kanilang diyosang si Ashera, at sunugin ang mga diyus-diyosan. Kayo(D) ay bansang itinalaga kay Yahweh. Hinirang niya kayo sa lahat ng bansa upang maging kanyang sariling bayan.

“Pinili niya kayo at inibig hindi dahil mas marami kayo kaysa ibang mga bansa, sa katunayan, kayo pa nga ang pinakakaunti sa lahat. Pinili niya kayo dahil sa pag-ibig niya sa inyo, at sa kanyang pangako sa inyong mga ninuno. Ito rin ang dahilan kaya niya kayo iniligtas sa kamay ng Faraon sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Kaya't(E) pakatatandaan ninyong si Yahweh na inyong Diyos ay Diyos, at siya ay Diyos na hindi marunong sumira sa pangako. Tapat siya sa lahat ng umiibig sa kanya at sumusunod sa kanyang mga tuntunin. Ipinadarama niya ang kanyang pagmamahal hanggang sa ikasanlibong salinlahi. 10 Subalit nililipol niya ang lahat ng namumuhi sa kanya; hindi makakaligtas sa kanyang parusa ang lahat ng hindi sumusunod sa kanya. 11 Kaya, sundin ninyo ang kautusan at mga tuntuning ito na ibinibigay ko sa inyo ngayon.

Ang Pagpapala ng Pagiging Masunurin(F)

12 “Kung(G) taos-puso ninyong susundin ang mga utos na ito, tutuparin naman ni Yahweh ang kanyang kasunduan, at patuloy niya kayong iibigin, tulad ng ipinangako niya sa inyong mga ninuno. 13 Iibigin, pagpapalain, at pararamihin niya kayo. Magkakaroon kayo ng maraming anak, at bibigyan ng masaganang ani, inumin at langis. Pararamihin niya ang inyong mga hayop. Tutuparin niya ito pagdating ninyo sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninuno. 14 Pagpapalain niya kayo nang higit sa alinmang bansa. Walang magiging baog sa inyo, maging tao o maging alagang hayop man. 15 Ilalayo niya kayo sa mga karamdaman. Alinman sa mga sakit na ipinaranas sa mga Egipcio ay hindi niya padadapuin sa inyo kundi sa inyong mga kaaway. 16 Pupuksain ninyo ang lahat ng bansang ipapasakop ni Yahweh na inyong Diyos sa inyo. Huwag ninyo silang kaaawaan. Huwag din ninyong sasambahin ang kanilang mga diyus-diyosan. Iyan ang patibong na naghihintay sa inyo roon.

17 “Huwag ninyong ikabahala kung paano ninyo matatalo ang mga mas makapangyarihang bansang ito. 18 Huwag kayong matatakot sa kanila. Alalahanin ninyo ang ginawa ni Yahweh sa Faraon at sa buong Egipto, 19 ang malalagim na salot na kanyang ipinadala, at ang mga kababalaghang ipinakita niya nang ilabas niya kayo roon. Ganoon din ang gagawin niya sa mga taong iyan na kinatatakutan ninyo. 20 Maliban diyan, si Yahweh na inyong Diyos ay magpapadala ng kaguluhan[a] sa kanila hanggang sa lubusang malipol pati iyong mga nakapagtago at ang mga pugante. 21 Hindi kayo dapat matakot sa kanila sapagkat kasama ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh, ang dakila at makapangyarihang Diyos. 22 Unti-unti silang lilipulin ni Yahweh. Hindi sila uubusin agad at baka hindi ninyo makaya ang mababangis na hayop. 23 Ngunit tiyak na ipapasakop sila sa inyo ni Yahweh. Sila'y lilituhin niya sa matinding takot hanggang sa lubusang malipol. 24 Ipapabihag niya sa inyo ang kanilang mga hari. Ibabaon ninyo sila sa limot. Isa man sa kanila'y walang makakatalo sa inyo hanggang sa malipol ninyo sila. 25 Sunugin ninyo ang kanilang mga diyus-diyosan. Huwag ninyong pagnanasaan ang mga pilak o gintong ginamit sa mga iyon sapagkat ito ang magiging patibong sa inyo dahil iyon ay kasuklam-suklam kay Yahweh. 26 Huwag kayong mag-uuwi ng anumang bagay na kasuklam-suklam sapagkat iyon ang magiging dahilan ng inyong kapahamakan. Lahat ng tulad ng diyus-diyosan ay sinumpa, kaya, dapat ituring na kasuklam-suklam.

Ang Masaganang Lupain

“Sundin ninyong mabuti ang mga batas na ito na ibinigay ko sa inyo ngayon upang humaba ang inyong buhay, dumami ang inyong lahi, at kayo'y makarating sa lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ninuno. Alalahanin ninyo kung paano niya kayo pinatnubayan sa ilang sa loob ng apatnapung taon upang matuto kayong magpakumbaba. Sinubok niya kayo kung susundin ninyo siya. Tinuruan(H) nga kayong magpakumbaba; ginutom niya kayo bago binigyan ng manna, isang pagkaing hindi ninyo kilala ni ng inyong mga ninuno. Ginawa niya ito upang ipaunawa sa inyo na ang tao'y hindi lamang sa tinapay nabubuhay kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ni Yahweh. Sa loob ng apatnapung taon, hindi nasira ang inyong kasuotan ni hindi namaga ang inyong mga paa sa kalalakad. Itanim(I) ninyo sa inyong isipan na kayo'y dinidisiplina ni Yahweh na inyong Diyos gaya ng pagdidisiplina ng isang ama sa kanyang anak. Kaya, matakot kayo sa kanya at sundin ang kanyang mga utos, sapagkat kayo'y dadalhin niya sa isang mainam na lupain, lupaing sagana sa tubig, maraming batis at bukal na umaagos sa mga burol at mga kapatagan. Sagana rin doon sa trigo, sebada, ubas, igos, bunga ng punong granada, olibo at pulot. Doon ay hindi kayo magkukulang ng pagkain o anumang pangangailangan. Ang mga bato roon ay makukunan ng bakal at makukunan ng mga tanso ang mga burol. 10 Mabubusog kayo roon at pupurihin ninyo si Yahweh na inyong Diyos dahil sa masaganang lupaing ibinigay niya sa inyo.

Babala Laban sa Pagtalikod kay Yahweh

11 “Huwag(J) ninyong kalilimutan si Yahweh na inyong Diyos. Sundin ninyo ang kanyang mga utos at mga tuntunin. 12 Kung kayo'y namumuhay na nang sagana, nakatira na sa magagandang bahay, 13 at marami nang alagang hayop, at marami nang naipong pilak at ginto, 14 huwag kayong magmamalaki. Huwag ninyong kalilimutan si Yahweh na nagpalaya sa inyo mula sa pagkaalipin sa bansang Egipto. 15 Siya ang pumatnubay sa inyo sa inyong paglalakbay sa malawak at nakakatakot na ilang na puno ng makamandag na mga ahas at alakdan. Nang wala kayong mainom, nagpabukal siya ng tubig mula sa isang malaking bato. 16 Kayo'y pinakain niya roon ng manna, isang pagkaing hindi ninyo kilala. Pinaranas niya kayo ng hirap para kayo'y subukin, at turuang magpakumbaba; ang lahat ng iyo'y sa ikabubuti rin ninyo. 17 Kaya, huwag na huwag ninyong iisipin na ang kayamanan ninyo'y bunga ng sariling lakas at kakayahan. 18 Subalit alalahanin ninyong si Yahweh na inyong Diyos ang nagbibigay sa inyo ng lakas upang yumaman kayo. Ginagawa niya ito bilang pagtupad niya sa kanyang pangako sa inyong mga ninuno. 19 Kapag siya'y tinalikuran ninyo at sumamba kayo sa diyus-diyosan, ngayon pa'y binabalaan ko na kayo na malilipol kayo. 20 Kung hindi ninyo papakinggan ang kanyang tinig, malilipol kayo tulad ng nangyari sa mga bansang ipinalipol sa inyo ni Yahweh.

Lucas 7:36-8:3

Binuhusan ng Pabango ang mga Paa ni Jesus

36 Inanyayahan si Jesus ng isa sa mga Pariseo upang makasalo niya. Pumunta naman siya sa bahay nito at dumulog sa hapag. 37 Sa(A) bayang iyon ay may isang babaing makasalanan. Nabalitaan niyang kumakain si Jesus sa bahay ng Pariseo, kaya't nagdala siya ng pabangong nasa sisidlang alabastro. 38 Lumapit siya sa likuran ni Jesus sa gawing paanan. Umiiyak na binasâ niya ng kanyang mga luha ang mga paa ni Jesus. Pinunasan niya ng kanyang sariling buhok, hinalikan, at binuhusan ng pabango ang mga paa nito. 39 Nang ito'y makita ng Pariseong nag-anyaya kay Jesus, nasabi nito sa sarili, “Kung totoong propeta ang taong ito, dapat ay alam niya na ang babaing humahawak sa kanyang paa ay isang makasalanan.”

40 Bilang tugon sa iniisip ni Simon, sinabi ni Jesus, “Simon, may sasabihin ako sa iyo.”

“Ano po iyon, Guro?” sagot niya.

41 Sinabi ni Jesus, “May dalawang taong may utang sa isang nagpapahiram ng pera; limang daang salaping pilak ang inutang ng isa, at limampung salaping pilak naman ang sa ikalawa. 42 Nang hindi sila makabayad, kapwa sila pinatawad. Ngayon, sino kaya sa kanila ang higit na magmamahal sa pinagkautangan?”

43 Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po'y ang pinatawad sa mas malaking utang.”

“Tama ang sagot mo,” tugon ni Jesus. 44 Nilingon niya ang babae at sinabi kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo man lamang ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa; ngunit hinugasan niya ng luha ang aking mga paa at pinunasan ang mga ito ng sarili niyang buhok. 45 Hindi mo ako hinalikan; ngunit siya, mula nang pumasok ay hindi tumigil ng kahahalik sa aking mga paa. 46 Hindi mo nilagyan ng langis ang aking ulo, subalit binuhusan niya ng pabango ang aking mga paa. 47 Kaya't sinasabi ko sa iyo, malaki ang kanyang pagmamahal sapagkat maraming kasalanan ang pinatawad sa kanya; ngunit ang pinatawad ng kaunti ay kaunti rin ang pagmamahal.”

48 At sinabi niya sa babae, “Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.”

49 At ang kanyang mga kasalo sa pagkain ay nagsimulang magtanong sa sarili, “Sino ba itong nangangahas na magpatawad ng kasalanan?”

50 Ngunit sinabi ni Jesus sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya. Umuwi ka na.”

Mga Babaing Naglilingkod kay Jesus

Pagkatapos nito, nilibot ni Jesus ang mga bayan at nayon sa paligid. Nangangaral siya at nagtuturo ng Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos. Kasama niya ang Labindalawa at(B) ilang babaing pinagaling niya sa masasamang espiritu at sa kanilang mga karamdaman: si Maria na tinatawag na Magdalena (mula sa kanya'y pitong demonyo ang pinalayas), si Juana na asawa ni Cusa na katiwala ni Herodes, si Susana, at marami pang iba. Tinustusan ng mga ito mula sa sarili nilang ari-arian ang mga pangangailangan ni Jesus at ng kanyang mga alagad.

Mga Awit 69:1-18

Panalangin Upang Tulungan

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Liryo”.

69 O Diyos! Iligtas mo, iahon sa tubig
    sa pagkalubog kong abot na sa leeg;
lumulubog ako sa burak at putik,
    at sa malalaking along nagngangalit.
Ako ay malat na sa aking pagtawag,
    ang lalamunan ko, damdam ko'y may sugat;
pati ang mata ko'y di na maidilat,
    sa paghihintay ko sa iyong paglingap.

Silang(A) napopoot nang walang dahilan,
    higit na marami sa buhok kong taglay;
mga sinungaling na nagpaparatang,
    ang hangad sa akin, ako ay mapatay.
Ang pag-aari kong di naman ninakaw,
    nais nilang kuni't dapat daw ibigay.
Batid mo, O Diyos, naging baliw ako,
    ako'y nagkasala, di pa lingid sa iyo.

Huwag mo pong tulutan na dahil sa akin,
    ang nagtitiwala sa iyo'y hiyain;
Yahweh, Makapangyarihang Panginoon ng Israel!
    Huwag mo ring itulot, bigyang kahihiyan ang nagsisisamba sa iyong pangalan.
Ako ay nilait nang dahil sa iyo,
    napahiyang lubos sa kabiguan ko.
Sa mga kapatid parang ako'y iba,
    kasambahay ko na'y di pa ako kilala.

Ang(B) malasakit ko sa iyong tahanan, matinding-matindi sa aking kalooban;
    ako ang nakaranas, paghamak sa iyong pangalan.
10 Nagpapakumbaba akong nag-ayuno,
    at ako'y hinamak ng maraming tao;
11 ang suot kong damit, na aking panluksa,
    ay pinagtawana't hinamak na lubha.
12 Sa mga lansanga'y ako ang usapan,
    ang awit ng lasing sa aki'y pag-uyam.

13 Ngunit sa ganang akin, ako'y dadalangin,
    sa iyo, O Yahweh, sana'y iyong dinggin sa mga panahon na iyong ibigin.
Dahil sa dakilang pag-ibig sa akin,
    ang iyong pangakong pagtubos ay gawin.
14 Iligtas mo ako, ako ay sagipin,
    sa putik na ito't tubig na malalim;
    sa mga kaaway, ako'y iligtas din.
15 Huwag mong tulutang ako ay maanod,
    o dalhin sa malalim at baka malunod;
    hahantong sa libing, ako pagkatapos.

16 Yahweh, sa buti mo't pag-ibig sa akin, sa aking pagtawag ako sana'y dinggin,
    sa pagkahabag mo, ako ay lingapin.
17 Ang iyong alipi'y huwag mong pagkublihan,
    ibsan mo na ako sa bigat ng pasan.
18 Iligtas mo ako, ako ay lapitan;
    sagipin mo ako sa mga kaaway.

Mga Kawikaan 12:1

12 Ang(A) taong may unawa ay tumatanggap ng payo,
    ngunit ayaw mapaalalahanan ang matigas ang ulo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.