Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Bilang 32:1-33:39

Ang mga Lipi sa Silangan ng Jordan(A)

32 Napakarami ng hayop ng mga lipi nina Ruben at Gad. Nang makita nila na mainam ang pastulan sa Jazer at sa Gilead, pumunta sila kay Moises, kay Eleazar at sa mga pinuno ng Israel. Sinabi nila, “Ang Atarot, Dibon, Jazer, Nimra, Hesbon, Eleale, Sebma, Nebo at Beon, mga lupaing nilupig ni Yahweh para sa Israel ay mainam na pastulan ng mga hayop. Kaming mga lingkod ninyo ay may mga bakahan. Kung inyong mamarapatin, ito na po lamang ang ibigay ninyo sa amin. Huwag na po ninyo kaming patawirin sa kabila ng Jordan.”

Ngunit ganito ang sagot ni Moises sa lipi ni Ruben at ni Gad, “Hahayaan ba ninyong makipaglaban ang inyong mga kapatid samantalang kayo'y nagpapasarap dito? Gusto ba ninyong panghinaan ng loob ang mga Israelita sa pagpunta sa lupaing ibinigay sa kanila ni Yahweh? Ganyan din ang ginawa ng inyong mga magulang nang sila'y suguin ko upang tiktikan ang Kades-barnea. Nang makaahon sila sa may kapatagan ng Escol at makita ang lupain, sinira nila ang loob ng mga Israelita. 10 Dahil(B) doon, nagalit sa kanila si Yahweh. Kaya't isinumpa niya 11 na dahil sa hindi nila pagsunod sa kanya nang buong puso, isa man sa mga nanggaling sa Egipto na may gulang na dalawampung taon pataas ay hindi makakapasok sa lupain na kanyang ipinangako kina Abraham, Isaac at Jacob. 12 Wala ngang nakarating doon liban kay Caleb na anak ni Jefune na mula sa angkan ng Cenizeo at kay Josue na anak ni Nun, sapagkat sila lamang ang buong pusong sumunod kay Yahweh. 13 Nagalit nga sa kanila si Yahweh, kaya sila'y ginawa niyang mga lagalag sa ilang sa loob ng apatnapung taon, hanggang mamatay na lahat ang mga gumawa ng masama sa kanyang paningin. 14 At ngayon, kayo naman ang pumalit sa inyong mga makasalanang magulang. Gusto ba ninyong tularan ang ginawa nila at lalo pang magalit si Yahweh sa Israel? 15 Kapag tumalikod kayo sa kanya, pababayaan niya sa ilang ang Israel. At kayo ang magiging dahilan ng pagkalipol ng bayang ito.”

16 Lumapit sila kay Moises at sinabi: “Igagawa lang muna namin ng kulungan ang aming mga hayop, at ng tirahan ang aming mga pamilya. 17 Kailangang bago namin sila iwan ay matiyak naming ligtas sila sa mga tagarito. Pagkatapos, makikipaglaban kaming kasama ng mga Israelita hanggang makarating sila sa lupaing titirhan nila. 18 Hindi kami uuwi hanggang hindi nila nakakamtan ang lupaing dapat mapunta sa kanila. 19 At hindi na kami makikihati sa lupang masasakop nila sa kabila ng Jordan sapagkat nakakuha na kami ng parte rito sa silangan ng Jordan.”

20 Sumagot si Moises, “Kung talagang gagawin ninyo iyan, ngayon mismo sa harapan ni Yahweh ay humanda na kayo sa pakikipaglaban. 21 Ang lahat ninyong mandirigma ay tatawid sa Jordan at sa pamumuno ni Yahweh ay sasalakayin nila ang mga kaaway hanggang malipol silang lahat ni Yahweh 22 at masakop ang buong lupain. Kapag nagampanan na ninyo ang inyong tungkulin sa kanya at sa buong Israel, makakauwi na kayo. Pagkatapos, tunay ngang ibinigay na sa inyo ni Yahweh ang lupaing ito na nasa silangan ng Jordan. 23 Ngunit kung hindi ninyo gagawin ang inyong sinabi, magkakasala kayo laban kay Yahweh. At ito ang tandaan ninyo: tiyak na pagbabayaran ninyo ang inyong kasalanan. 24 Sige, igawa na ninyo ng tirahan ang inyong mga pamilya at ng kulungan ang inyong mga tupa. Subalit huwag na huwag ninyong kalilimutan ang inyong pangako.”

25 Sinabi ng mga anak nina Gad at Ruben kay Moises, “Gagawin po namin ang ipinag-uutos ninyo sa amin. 26 Ang aming mga anak, asawa at mga hayop ay iiwan namin dito sa Gilead. 27 At kaming mga lingkod ninyo, lahat kaming maaaring makipaglaban ay tatawid ng Jordan sa pamumuno ni Yahweh at makikipaglaban gaya ng inyong ipinag-uutos.”

28 Kaya't(C) ipinagbilin ni Moises kay Eleazar, kay Josue, at sa mga pinuno ng mga angkan at mga lipi ng Israel, 29 “Kapag ang mga anak nina Gad at Ruben na handang makipaglaban sa ilalim ng pamumuno ni Yahweh ay tumawid ng Jordan at tumulong sa inyo sa pagsakop sa lupaing titirhan ninyo, ibigay ninyo sa kanila ang lupain ng Gilead. 30 Ngunit kapag hindi sila tumawid ng Jordan at hindi nakipaglabang kasama ninyo, sa Canaan din sila maninirahang kasama ninyo.”

31 Sinabi ng mga anak nina Gad at Ruben, “Gagawin po namin ang ipinag-uutos ni Yahweh. 32 Sa pamumuno niya'y tatawid kami ng Jordan at makikipaglaban upang manatiling sa amin ang lupaing nasa silangan ng Jordan.”

33 At ibinigay nga ni Moises sa mga lipi ni Gad, Ruben at sa kalahati ng lipi ni Manases ang mga kaharian ni Haring Sihon ng mga Amoreo, at Haring Og ng Bashan. 34 Itinayong muli ng lipi ni Gad ang Dibon, Atarot, Aroer, 35 Atarot-sofan, Jazer, Jogbeha, 36 Beth-nimra at Beth-haran. Ang mga lunsod na ito'y pinaligiran nila ng pader at nilagyan ng mga kulungan ng kanilang mga hayop. 37 Itinayo naman ng lipi ni Ruben ang Hesbon, Eleale, Kiryataim, 38 Nebo,(D) Baal-meon (ang mga ito'y pinalitan nila ng pangalan) at Sibma. Binigyan nila ng bagong pangalan ang mga lunsod na muli nilang itinayo.

39 Ang Gilead ay sinakop naman ng mga anak ni Maquir, buhat sa lipi ni Manases; itinaboy nila ang mga Amoreo rito. 40 Ang lugar na iyo'y ibinigay ni Moises sa kanila at doon sila nanirahan. 41 Ang mga nayon sa paligid ng Ham ay sinakop ni Jair na anak din ni Manases; tinawag niya itong “Mga Nayon ni Jair.” 42 Ang Kenat at ang sakop nito ay sinakop naman ni Noba na anak din ni Manases. Tinawag niya itong Noba, ayon sa kanyang pangalan.

Ang Paglalakbay ng Israel

33 Ito ang mga yugto ng paglalakbay ng Israel mula sa Egipto, ayon sa kani-kanilang pangkat, sa pangunguna nina Moises at Aaron. Ayon sa utos ni Yahweh, itinala ni Moises ang bawat yugto ng kanilang paglalakbay buhat sa simula.

Umalis ang mga Israelita sa Rameses nang ika-15 araw ng unang buwan, kinabukasan ng Paskwa. Taas-noo silang umalis ng Egipto, kitang-kita ng mga Egipcio habang ang mga ito'y abalang-abala sa paglilibing sa kanilang mga panganay na pinatay ni Yahweh. Ipinakita ni Yahweh na siya'y mas makapangyarihan kaysa mga diyos ng Egipto.

Mula sa Rameses, nagkampo sila sa Sucot. Mula sa Sucot, nagkampo sila sa Etam, sa may gilid ng ilang. Mula sa Etam, nagbalik sila sa Pi Hahirot, silangan ng Baal-zefon, at nagkampo sa tapat ng Migdol. Pag-alis nila ng Pi Hahirot, tumawid sila ng dagat at nagtuloy sa ilang. Tatlong araw silang naglakbay sa ilang ng Etam saka nagkampo sa Mara. Mula sa Mara nagtuloy sila ng Elim. Nakakita sila roon ng labindalawang bukal at pitumpung puno ng palmera, at nagkampo sila roon.

10 Mula sa Elim, nagkampo sila sa baybayin ng Dagat na Pula.[a] 11 Mula sa Dagat na Pula, nagkampo sila sa ilang ng Sin. 12 Mula sa ilang ng Sin, nagkampo sila sa Dofca. 13 Mula sa Dofca, nagtuloy sila ng Alus. 14 Mula sa Alus, nagkampo sila sa Refidim, isang lugar na walang maiinom na tubig.

15-37 Mula sa Refidim hanggang sa bundok ng Hor, sila ay nagkampo sa mga sumusunod na lugar: ilang ng Sinai, Kibrot-hataava, Hazerot, Ritma, Rimon-farez, Libna, Rissa, Ceelata, Bundok ng Sefer, Harada, Maquelot, Tahat, Tare, Mitca, Asmona, Moserot, Bene-yaacan, Hor-haguidgad, Jotbata, Abrona, Ezion-geber, ilang ng Zin na tinatawag na Kades, at sa Bundok ng Hor na nasa may hangganan ng lupain ng Edom.

38-39 Sa utos ni Yahweh, ang paring si Aaron ay umakyat sa Bundok ng Hor. Namatay siya roon sa gulang na 123 taon. Noo'y unang araw ng ikalimang buwan, ika-40 taon mula nang umalis sila sa Egipto.

Lucas 4:31-5:11

Ang Lalaking Sinasaniban ng Masamang Espiritu(A)

31 Mula roon, si Jesus ay nagpunta sa Capernaum sa Galilea at nagturo sa mga tao nang Araw ng Pamamahinga. 32 Namangha(B) sila sa kanyang pagtuturo sapagkat may kapangyarihan ang kanyang pananalita. 33 May isang lalaki noon sa sinagoga na sinasapian ng masamang espiritu. Sumigaw ito nang malakas, 34 “Ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita. Ikaw ang Banal na mula sa Diyos.”

35 Subalit sinaway siya ni Jesus, “Tumahimik ka! Lumabas ka sa taong iyan!” At nang mailugmok ang lalaki sa kanilang kalagitnaan, lumabas ang demonyo sa kanya nang hindi siya sinasaktan.

36 Namangha ang lahat ng nakasaksi kaya't nasabi nila sa isa't isa, “Ano ito? Makapangyarihan at mabisa ang kanyang salita! Nauutusan niyang lumayas ang masasamang espiritu, at lumalayas naman sila!” 37 At kumalat ang balita tungkol kay Jesus sa buong lupaing iyon.

Pinagaling ni Jesus ang Maraming Tao(C)

38 Si Jesus ay umalis sa sinagoga at nagpunta sa bahay ni Simon. Nagkataong ang biyenan ni Simon ay may mataas na lagnat kaya't nakiusap sila kay Jesus na ito'y pagalingin. 39 Tumayo si Jesus sa tabi ng higaan ng babae at iniutos na mawala ang lagnat, at ito'y nawala nga. Kaagad namang tumayo ang babae at naglingkod sa kanila.

40 Pagkalubog ng araw, dinala ng mga tao kay Jesus ang lahat ng mga kasamahan nilang maysakit, anuman ang karamdaman ng mga ito. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa bawat isa, at silang lahat ay gumaling. 41 Lumabas sa marami ang mga demonyo, na sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Ngunit sinaway sila ni Jesus at hindi pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila na siya ang Cristo.

Nangaral si Jesus sa Judea(D)

42 Nang mag-uumaga na, umalis si Jesus at nagpunta sa isang ilang na pook. Hinanap siya ng mga tao, at nang matagpuan ay pinakiusapang huwag muna siyang umalis. 43 Subalit sinabi niya, “Dapat ko ring ipangaral sa ibang mga bayan ang Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos, sapagkat ito ang dahilan kaya ako isinugo.” 44 At nagpatuloy siya ng pangangaral sa mga sinagoga sa buong Judea.

Ang Pagtawag ni Jesus sa Unang Apat na Alagad(E)

Minsan,(F) habang nakatayo si Jesus sa tabi ng Lawa ng Genesaret, nagsiksikan ang napakaraming tao sa paglapit sa kanya upang makinig ng salita ng Diyos. May nakita siyang dalawang bangka sa baybayin; nililinisan ng mga mangingisda ang kanilang mga lambat at wala sila sa kanilang mga bangka. Sumakay siya sa isa sa mga ito na pag-aari ni Simon. Hiniling niya rito na ilayo nang kaunti ang bangka mula sa baybayin. Naupo siya sa bangka at nangaral sa mga tao.

Pagkatapos niyang mangaral, sinabi niya kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat upang manghuli.”

Sumagot(G) si Simon, “Guro, magdamag po kaming nagpagod ngunit wala kaming nahuli! Ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat.” Ganoon(H) nga ang ginawa nila, at nakahuli sila ng maraming isda, kaya't halos mapunit ang kanilang mga lambat. Kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka upang magpatulong. Lumapit naman ang mga ito at napuno nila ang dalawang bangka, anupa't halos lumubog ang mga ito. Nang makita iyon ni Simon Pedro, siya'y lumuhod sa harap ni Jesus at sinabi, “Lumayo kayo sa akin, Panginoon, sapagkat ako'y isang makasalanan.”

Nanggilalas siya at ang kanyang mga kasama dahil sa dami ng kanilang huli, 10 gayundin sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo at mga kasosyo ni Simon. Sinabi ni Jesus kay Simon, “Huwag kang matakot. Mula ngayo'y mga tao na, sa halip na mga isda, ang iyong huhulihin.”

11 Nang maitabi na nila ang mga bangka sa pampang, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus.

Mga Awit 64

Panalangin Upang Ingatan ng Diyos

Awit ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

64 O Diyos, ang hibik ko, ang aking dalangin sana ay pakinggan,
    sa pagkaligalig dahil sa kaaway, huwag akong hayaan;
ipagtanggol ako sa mga pakana't lihim na sabwatan,
    niyong mga pangkat na ang binabalak pawang kasamaan.
Ang kanilang dila'y katulad ng tabak na napakatalas,
    tulad ng palasong iniaasinta kung sila'y mangusap.
Sa kublihan nila, sila'y nag-aabang sa mabuting tao,
    at walang awa nilang tinutudla sa pagdaan nito.
Sa gawang masama ay nagsasabwatan, nag-uusap sila,
    kung saan dadalhin ang patibong nilang di dapat makita.
At ang sasabihin pagkatapos nilang makapagbalangkas,
    “Ayos na ayos na itong kasamaang ating binabalak.”
Damdamin ng tao at ang isip niya'y mahiwagang ganap!

Subalit ang Diyos na may palaso ri'y di magpapabaya,
    walang abug-abog sila'y tutudlai't susugatang bigla.
Dahilan sa sila'y masamang nangungusap, kaya wawasakin,
    at ang makakita sa gayong sinapit sila'y sisisihin;
yaong nakakita'y sisidlan ng takot, ipamamalita
    ang gawa ni Yahweh at isasaisip ang kanyang ginawa.
10 Sa gawa ni Yahweh, ang mga matuwid pawang magagalak,
    magpupuri sila at sa piling niya ay mapapanatag.

Mga Kawikaan 11:22

22 Ang magandang babae ngunit mangmang naman,
    ay tila gintong singsing sa nguso ng baboy.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.