Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Bilang 16:41-18:32

41 Kinabukasan, sinumbatan ng buong bayan sina Moises at Aaron. Sabi nila, “Pinatay ninyo ang bayan ni Yahweh.” 42 At nang sila'y nagkakaisa nang lahat laban kina Moises at Aaron, lumingon sila sa Toldang Tipanan at nakita nilang natatakpan ito ng ulap at nagniningning doon ang kaluwalhatian ni Yahweh. 43 Pumunta sina Moises at Aaron sa harapan ng Toldang Tipanan. 44 Sinabi(A) ni Yahweh kay Moises, 45 “Lumayo kayo sa mga taong ito at lilipulin ko sila ngayon din!”

Ngunit nagpatirapa sa lupa sina Moises at Aaron. 46 Sinabi ni Moises kay Aaron, “Magsunog ka ng insenso sa lalagyan nito. Dalhin mo agad ito sa kapulungan at ihingi mo sila ng tawad kay Yahweh sapagkat kumakalat na ang salot dahil sa kanyang poot.” 47 Sinunod nga ni Aaron ang sinabi ni Moises at patakbo siyang nagtungo sa gitna ng kapulungan. Pagdating niya roon ay marami nang patay. Nagsunog siya agad ng insenso at inihingi ng tawad ang sambayanan. 48 At siya'y tumayo sa pagitan ng mga patay at buháy; at tumigil ang salot. 49 Ang namatay sa salot na iyon ay 14,700, bukod pa sa mga namatay na kasama sa paghihimagsik ni Korah. 50 Nang wala na ang salot, nagbalik si Aaron kay Moises sa may pintuan ng Toldang Tipanan.

Ang Tungkod ni Aaron

17 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita na ang pinuno ng bawat lipi ay magbigay sa iyo ng tig-iisang tungkod. Isusulat nila ang kanilang mga pangalan dito. Ang pangalan ni Aaron ang isusulat mo sa tungkod ng lipi ni Levi sapagkat bawat pinuno ng lipi ay dapat magkaroon ng iisa lamang tungkod. Ilalagay mo ang mga tungkod na iyon sa loob ng Toldang Tipanan sa harap ng Kaban ng Tipan, sa lugar kung saan kita kinatatagpo. Ang tungkod ng taong aking pinili ay mamumulaklak. Sa ganoon, matitigil na ang pagrereklamo nila laban sa iyo.”

Ganoon nga ang sinabi ni Moises at nagbigay sa kanya ng tungkod ang mga pinuno ng bawat lipi. Labindalawa lahat pati ang tungkod ni Aaron. Ang mga ito'y inilagay ni Moises sa harapan ni Yahweh, sa loob ng Toldang Tipanan.

Kinabukasan,(B) nang pumasok sa Toldang Tipanan si Moises, nakita niyang may usbong ang tungkod ni Aaron. Bukod sa usbong, namulaklak pa ito at namunga ng hinog na almendra. Inilabas ni Moises ang lahat ng tungkod at ipinakita sa mga Israelita. Nakita nila ang nangyari, at kinuha na ng mga pinuno ang kani-kanilang tungkod. 10 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ibalik mo sa harap ng Kaban ng Tipan ang tungkod ni Aaron upang maging babala sa mga naghihimagsik. Mamamatay sila kung hindi sila titigil ng karereklamo.” 11 Ginawa nga ito ni Moises ayon sa iniutos ni Yahweh.

12 Sinabi ng mga Israelita kay Moises, “Mapapahamak kami! Mauubos kaming lahat! 13 Kung mamamatay ang bawat lumapit sa Toldang Tipanan ni Yahweh, mamamatay kaming lahat!”

Ang Tungkulin ng mga Pari at mga Levita

18 Sinabi ni Yahweh kay Aaron, “Ikaw, ang iyong mga anak na lalaki, at ang lipi ni Levi ang may pananagutan sa lahat ng gawain sa Toldang Tipanan. Ngunit sa mga gawain ng pari, ikaw at ang iyong mga anak na lalaki lamang ang mangangasiwa. Ang mga kamag-anak ninyong mga Levita ang tutulong sa iyo at sa iyong mga anak sa inyong paglilingkod sa loob ng Toldang Tipanan. Subalit hindi sila lalapit sa altar o sa alinmang sagradong kasangkapan sa loob ng santuwaryo. Kapag lumapit sila, kayong lahat ay mamamatay. Liban sa kanila ay wala kayong ibang makakatulong sa anumang gawain sa Toldang Tipanan, at wala ring dapat lumapit sa inyo roon. Ikaw lamang at ang iyong mga anak na lalaki ang gaganap sa mga tungkulin sa Toldang Tipanan at sa altar upang hindi ako muling magalit sa sambayanang Israel. Ako ang pumili sa mga kamag-anak mong Levita upang makatulong mo sa mga gawaing ito. Handog ko sila sa inyo para maglingkod sa akin sa Toldang Tipanan. Ngunit ikaw lamang at ang iyong mga anak na lalaki ang maghahandog sa altar at sa Dakong Kabanal-banalan. Tungkulin ninyo ito. Ikaw lamang ang pinagkalooban ko ng tungkuling ito. Sinumang makialam sa iyo tungkol sa mga sagradong bagay ay dapat patayin.”

Ang Bahagi ng mga Pari

Sinabi ni Yahweh kay Aaron, “Ipinagkakaloob ko sa iyo ang lahat ng tanging handog ng mga Israelita bilang bahagi mo at ng iyong mga anak habang panahon. Ito ang nauukol sa iyo at sa iyong mga anak: lahat ng handog na hindi sinusunog sa altar, maging handog na pagkaing butil, maging handog na para sa kapatawaran ng kasalanan o handog na pambayad sa kasalanan. 10 Ito ay ituturing ninyong ganap na sagrado at kakainin ninyo sa isang banal na lugar. Ang mga lalaki lamang sa inyong sambahayan ang maaaring kumain nito.

11 “Para sa iyo rin at sa iyong sambahayan ang kanilang mga natatanging handog. Lahat ng iyong kasambahay, lalaki at babaing malinis ayon sa Kautusan ay maaaring kumain nito.

12 “Ibinibigay ko rin sa iyo ang pinakamainam sa lahat ng unang bunga ng halaman na ihahandog nila sa akin, gayundin ang langis, alak at pagkain. 13 Ang lahat ng iyan ay para sa inyo at maaaring kainin ng sinumang kasambahay mo na malinis ayon sa Kautusan.

14 “Lahat(C) ng mga bagay na lubos na naialay ng mga Israelita kay Yahweh ay nauukol sa iyo.

15 “Lahat ng panganay, maging tao o hayop na pawang nakatalaga sa akin ay mauuwi sa iyo. Ngunit ang panganay na Israelita at ang panganay ng mga hayop na marurumi ayon sa Kautusan ay tutubusin nila 16 isang buwan matapos isilang. Ang tubos sa bawat isa ay limang pirasong pilak, ayon sa timbangan ng templo. 17 Ang panganay na baka, tupa o kambing ay hindi na tutubusin. Ang mga ito ay ilalaan sa akin. Ang dugo ng mga ito'y iwiwisik mo sa altar. Susunugin mo naman ang kanilang taba upang ang usok nito'y maging mabangong samyo para sa akin. 18 Para sa iyo rin ang pitso at ang kanang hita ng kanilang mga handog.

19 “Lahat ng tanging handog nila sa akin ay nauukol sa iyong sambahayan. Ito'y isang di-masisirang kasunduan ko sa iyo at sa iyong mga anak at sa magiging anak pa nila.”

20 Sinabi pa ni Yahweh kay Aaron, “Hindi ka na bibigyan ng bahagi sa lupaing ibibigay ko sa kanila; ako mismo ang iyong pinakabahagi at ang iyong mana.

Ang Bahagi ng mga Levita

21 “Ang(D) bahagi ng mga Levita ay ang ikasampung bahagi na ibibigay ng Israel, at ito ang nauukol sa kanilang paglilingkod sa Toldang Tipanan. 22 Mula ngayon, ang mga taong-bayan ay hindi na maaaring lumapit sa Toldang Tipanan, kundi'y magkakasala sila at mamamatay. 23 Ang mga Levita lamang ang gaganap ng anumang paglilingkod sa Toldang Tipanan at pananagutan nila ito. Ito ay tuntuning susundin habang panahon sa lahat ng inyong salinlahi. Subalit walang kaparteng lupa ang mga Levita sa Israel 24 sapagkat ang bahagi ng mga Levita ay ang ikasampung bahagi ng buong Israel, kaya ko sinabing wala silang kaparte sa Israel.”

Dapat ding Maghandog ng Ikasampung Bahagi ang mga Levita

25 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 26 “Sabihin mo sa mga Levita, ‘Pagtanggap ninyo sa ikasampung bahagi ng mga Israelita, ihahandog ninyo kay Yahweh ang ikasampung bahagi noon, samakatuwid ay ang ikasampung bahagi ng ikasampung bahagi. 27 Ang handog ninyong ito ay siyang katumbas ng handog ng ibang lipi mula sa ani ng kanilang mga bukirin at ubasan. 28 Sa gayong paraan, kayo man ay maghahandog ng ikasampung bahagi kay Yahweh sa pamamagitan ng ikasampung bahagi ng tinatanggap ninyo sa mga Israelita. Iyon naman ay ibibigay kay Aaron. 29 Ang pinakamainam sa handog na tinatanggap ninyo ang inyong ihahandog para kay Yahweh.’ 30 Kaya, sabihin mo sa kanila na pagkatapos ibukod ang pinakamainam na bahagi ng ikasampung bahagi ng buong Israel, ang matitira'y kanila na. Iyan ang siyang katumbas ng inaani ng ibang lipi sa kanilang mga bukirin at ubasan. 31 At maaari nilang kainin iyon kahit saan, pati ng kanilang sambahayan sapagkat iyon ang kabayaran sa kanila sa paglilingkod nila sa Toldang Tipanan. 32 Hindi kayo magkakasala sa pagkain ng matitira kapag naibukod na ninyo ang pinakamaiinam. Ngunit kung hindi pa naibubukod at naihahandog kay Yahweh ang mga pinakamaiinam, at ito'y kinain ninyo, ituturing na nilalapastangan ninyo ang handog ng mga Israelita, at kayo'y dapat mamatay.”

Marcos 16

Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus(A)

16 Pagkaraan ng Araw ng Pamamahinga, si Maria Magdalena, si Maria na ina ni Santiago at si Salome ay bumili ng pabango upang sila ay magpunta sa libingan at lagyan ng pabango ang bangkay ni Jesus. Kinaumagahan ng Linggo, sa pagsikat ng araw, sila'y nagpunta sa libingan. Ngunit sila ay nagtanong sa isa't isa, “Sino kaya ang maaari nating mapakiusapang maggulong ng batong nakatakip sa pintuan ng libingan?” Nasabi nila iyon dahil napakalaki ng bato. Ngunit nang matanaw nila ito, nakita nilang naigulong na ang bato. At pagpasok nila sa libingan, may nakita silang isang binatang nakasuot ng mahaba at maputing damit, at nakaupo sa gawing kanan. At sila'y natakot.

Ngunit sinabi nito sa kanila, “Huwag kayong matakot. Hinahanap ninyo si Jesus na taga-Nazaret na ipinako sa krus. Wala na siya rito; siya'y binuhay ng Diyos! Tingnan ninyo ang pinaglagyan sa kanya. Bumalik(B) kayo at sabihin ninyo sa kanyang mga alagad at kay Pedro, ‘Mauuna siya sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon, gaya ng sinabi niya sa inyo.’”

Lumabas sila ng libingan at patakbong umalis na nanginginig at litung-lito. At dahil sa matinding takot, wala silang sinabi kaninuman.

ANG MAHABANG PAGWAWAKAS NG MAGANDANG BALITA AYON KAY MARCOS[a]

Nagpakita si Jesus kay Maria Magdalena(C)

[Maagang-maaga ng unang araw ng linggo, matapos na siya'y muling mabuhay, si Jesus ay unang nagpakita kay Maria Magdalena. Pitong demonyo ang pinalayas ni Jesus mula sa kanya. 10 Nagpunta si Maria Magdalena sa mga tagasunod ni Jesus upang ibalita sa mga ito ang kanyang nakita. Sila noon ay kasalukuyang nagluluksa at umiiyak. 11 Ngunit ayaw nilang maniwala nang sabihin ni Maria na si Jesus ay buháy at nakita niya.

Nagpakita si Jesus sa Dalawang Alagad(D)

12 Pagkatapos, nagpakita rin si Jesus sa dalawang alagad na naglalakad papuntang bukid, subalit iba ang kanyang anyo noon. 13 Bumalik agad sila at ibinalita sa kanilang mga kasamahan ang nangyari, ngunit ayaw din silang paniwalaan ng mga ito.

Pinagalitan ni Jesus ang Labing-isa(E)

14 Pagkatapos, nagpakita si Jesus sa labing-isang alagad habang kumakain ang mga ito. Sila ay pinagalitan niya dahil sa hindi nila pananalig sa kanya at dahil sa katigasan ng kanilang ulo, dahil ayaw nilang maniwala sa mga nakakita sa kanya pagkatapos na siya'y muling mabuhay.

15 At(F) sinabi ni Jesus sa kanila, “Humayo kayo sa buong mundo at ipangaral ang Magandang Balita sa lahat ng tao. 16 Ang sinumang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas, ngunit ang ayaw sumampalataya ay paparusahan. 17 Ang mga sumasampalataya ay bibigyan ng kapangyarihang gumawa ng mga himala: sa pangalan ko'y magpapalayas sila ng mga demonyo at magsasalita ng iba't ibang wika. 18 Hindi sila mapapahamak kahit dumampot sila ng ahas o makainom ng lason; at gagaling ang mga maysakit na papatungan nila ng kamay.”

Ang Pag-akyat kay Jesus sa Langit(G)

19 Pagkatapos(H) niyang magsalita sa kanila, ang Panginoong Jesus ay iniakyat sa langit at umupo sa kanan ng Diyos. 20 Humayo nga at nangaral ang mga alagad sa lahat ng dako. Tinulungan sila ng Panginoon sa gawaing ito. Pinatunayan niyang totoo ang kanilang ipinapangaral sa pamamagitan ng mga himala na ipinagkaloob niya sa kanila.]

ANG MAIKLING PAGWAWAKAS NG MAGANDANG BALITA AYON KAY MARCOS[b]

[Pumunta ang mga babae kay Pedro at sa mga kasama niya, at isinalaysay ang lahat ng sinabi ng binatang nasa libingan. 10 Pagkatapos, isinugo ni Jesus ang kanyang mga alagad upang ipangaral sa lahat ng dako ng daigdig ang banal at di lilipas na balita ng walang hanggang kaligtasan.]

Mga Awit 55

Panalangin ng Isang Pinagtaksilan ng Kaibigan

Isang Maskil[a] ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.

55 Ang panalangin ko, O Diyos, pakinggan,
    mga daing ko ay huwag namang layuan.
Lingapin mo ako, ako ay sagipin,
    sa bigat ng aking mga suliranin.
Sa maraming banta ng mga kaaway,
    nalilito ako't hindi mapalagay.
Ang dulot sa akin nila'y kaguluhan,
    namumuhi sila't may galit ngang tunay.

Itong aking puso'y tigib na ng lumbay,
    sa aking takot na ako ay pumanaw.
Sa tindi ng takot, ako'y nanginginig,
    sinasaklot ako ng sindak na labis.
Wika ko, “Kung ako lamang ay may pakpak, parang kalapati, ako ay lilipad;
    hahanapin ko ang dakong panatag.
Aking liliparin ang malayong lugar,
    at doon sa ilang ako mananahan. (Selah)[b]
Ako ay hahanap agad ng kanlungan
    upang makaiwas sa bagyong darating.”

Sila ay wasakin, Yahweh, guluhin mo; pag-uusap nila'y bayaang malito,
    yamang karahasan ang nakikita ko, at sa lunsod nila ay nagkakagulo.
10 Sa lunsod na puno ng sama't ligalig,
    araw-gabi'y doon sila lumiligid;
11 Sa gitna ng lunsod na wasak nang tunay, naghahari pa rin ang katiwalian;
    pati pang-aapi ay nasasaksihan.

12 Kaya kong mabata at mapagtiisan,
    kung ang mangungutya ay isang kaaway;
kung ang maghahambog ay isang kalaban,
    kayang-kaya ko pang siya'y pagtaguan!
13 Ang mahirap nito'y tunay kong kasama,
    aking kaibigang itinuturing pa!
14 Dati'y kausap ko sa bawat sandali
    at maging sa templo, kasama kong lagi.
15 Biglang kamatayan nawa ay dumating,
    ihuhulog ng buháy, sa daigdig ng mga patay;
sa kanilang puso't maging sa tahanan, yaong naghahari'y pawang kasamaan.

16 Kay Yahweh lang ako hihingi ng saklolo;
    aking natitiyak, ililigtas ako.
17 Sa umaga't hapon, maging sa gabi rin.
    Aking itataghoy ang mga hinaing,
    at ang aking tinig ay kanyang diringgin.
18 Ililigtas ako mula sa labanan,
    at pababaliking taglay ang tagumpay,
    matapos gapiin ang mga kaaway.
19 Ang Diyos na hari sa mula't mula pa
    ay diringgin ako, lulupigin sila; (Selah)[c]
pagkat ni sa kanya'y wala silang takot,
    ayaw nang magbago at magbalik-loob.

20 Itong taong dati'y aking kasamahan, mga kaibiga'y kanyang kinalaban;
    at hindi tumupad sa 'ming kasunduan.
21 Ang dulas ng dila'y parang mantekilya,
    ngunit nasa puso pagkapoot niya;
ang mga salita niya'y tulad ng langis,
    ngunit parang tabak ang talas at tulis.

22 Ilagak kay Yahweh iyong suliranin,
    aalalayan ka't ipagtatanggol rin;
    ang taong matuwid, di niya bibiguin.

23 Ngunit ang bulaan at mamamatay-tao,
    O Diyos, sa hukay, sila'y itapon mo.
    Hindi magtatagal, ang buhay nila sa daigdig,
ngunit tanging sa Diyos ako ay mananalig.

Mga Kawikaan 11:7

Ang pag-asa ng masama ay kasama niyang pumapanaw,
    ang umasa sa kayamanan ay mawawalang kabuluhan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.