The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Ang Pagpapala ng Pagsunod kay Yahweh
11 “Kaya nga, ibigin ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh at sundin ninyong lagi ang lahat ng kanyang bilin, tuntunin, batas, at utos. 2 Tandaan ninyo ngayon ang kanyang mga pagtutuwid sa inyo. Alam ninyo ito sapagkat nasaksihan mismo ninyo (hindi tulad ng inyong mga anak na hindi dumaan sa mga ito). Nakita ninyo ang kanyang kadakilaan at kapangyarihan, 3 ang(A) mga kababalaghan, at lahat ng ginawa niya sa Faraon at sa buong Egipto. 4 Nasaksihan(B) din ninyo ang ginawa niya sa buong hukbo ng Egipto pati sa kanilang mga karwahe't kabayo; nilunod sila ni Yahweh sa Dagat na Pula[a] nang kayo'y habulin nila. 5 Hindi rin kaila sa inyo ang ginawa niya nang kayo'y nasa ilang hanggang makarating kayo sa lugar na ito. 6 Nakita(C) ninyo ang ginawa niya kina Datan at Abiram, mga anak ni Eliab at apo ni Ruben. Pinabuka ni Yahweh ang lupa at ipinalamon sila nang buháy, pati na ang kanilang mga kasama at sambahayan, at lahat ng bagay na kaugnay ng kanilang ginawa. 7 Kitang-kita ng inyong mga mata ang lahat ng mga kababalaghang ginawa ni Yahweh.
Ang mga Pagpapala sa Lupang Pangako
8 “Kaya't sundin ninyo ang lahat ng utos niya na ipinapaalala ko sa inyo ngayon upang magkaroon kayo ng lakas na sakupin at ariin ang lupaing papasukin ninyo. 9 Dahil dito, mabubuhay kayo nang matagal sa lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ninuno, at sa kanilang magiging lahi—ang lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay. 10 Ang lupaing titirhan ninyo ay hindi tulad ng lupaing iniwan ninyo sa Egipto. Doon, ang hinahasikan ninyo ay kailangang patubigan at diligin tulad ng hardin. 11 Ngunit ang lupaing pupuntahan ninyo ay laging inuulan, maraming burol at malawak ang mga kapatagan. 12 Ang lupaing iyon ay palaging inaalagaan at binabantayan ng Diyos ninyong si Yahweh.
13 “Kaya(D) nga, kung susundin lamang ninyo ang utos na sinasabi ko sa inyo ngayon: Ibigin ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh at paglingkuran nang buong puso't kaluluwa, 14 sa tamang panahon ay pauulanin niya sa lupaing iyon, at magiging sagana kayo sa pagkain, inumin at langis. 15 Pananatilihin niyang sariwa ang damo para sa inyong mga alagang hayop upang kayo'y sumagana sa lahat ng bagay. 16 Ngunit mag-ingat kayo! Huwag kayong padadaya. Huwag kayong sasamba ni maglilingkod sa mga diyus-diyosan. 17 Kapag tinalikuran ninyo si Yahweh, kapopootan niya kayo. Isasara niya ang langit at hindi ito pauulanin. Kapag nangyari ito, mamamatay ang inyong mga pananim, at malilipol kayo sa mabuting lupaing ibinigay niya sa inyo.
18 “Itanim(E) nga ninyo ang mga utos na ito sa inyong mga puso't kaluluwa. Ipulupot ninyo ito sa inyong mga kamay bilang tanda, at itali sa inyong noo. 19 Ituro ninyo ito sa inyong mga anak; pag-aralan ninyo ito sa inyong tahanan, sa inyong paglalakbay, sa inyong pagtulog sa gabi, at sa inyong pagbangon sa umaga. 20 Isulat ninyo ito sa mga hamba ng pintuan ng inyong bahay at tarangkahan 21 upang kayo at ang inyong mga anak ay mabuhay nang matagal sa lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ninuno. Mananatili kayo roon hangga't ang langit ay nasa ibabaw ng lupa.
22 “Kapag sinunod ninyong mabuti ang kanyang mga utos, inibig siya nang tapat, sinundan ang kanyang mga landas, at nanatili kayo sa kanya, 23 palalayasin niya ang mga tao sa lugar na titirhan ninyo. Masasakop ninyo ang lupain ng mga bansang mas malalaki at malalakas kaysa inyo. 24 Kung(F) magkaganoon, ibibigay niya sa inyo ang lahat ng lupang matapakan ninyo; masasakop ninyo mula sa ilang hanggang Lebanon, at mula sa Ilog Eufrates sa gawing silangan hanggang Dagat Mediteraneo sa gawing kanluran. 25 Walang makakatalo sa inyo. Tulad ng pangako ng Diyos ninyong si Yahweh, sisidlan niya ng matinding takot ang lahat sa lupaing pupuntahan ninyo.
26 “Sa araw na ito, binibigyan ko kayo ng pamimilian: pagpapala o sumpa. 27 Pagpapala kapag sinunod ninyo ang kanyang mga utos, 28 ngunit sumpa kapag sumamba kayo sa ibang diyos sa halip na sumunod sa kanyang mga utos. 29 Kapag(G) nadala na kayo ni Yahweh sa lupaing inyong sasakupin at aariin, ang pagpapala ay bibigkasin ninyo sa Bundok ng Gerizim at ang sumpa'y sa Bundok ng Ebal. 30 Ang mga ito'y nasa silangan ng Jordan, sa tapat ng Gilgal, sa tabi ng Encinar ng Moreh, sa lansangang pakanluran, sa lupain ng mga Cananeo sa Araba. 31 Malapit na kayong tumawid ng Jordan upang sakupin ang lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh. Pagdating ninyo roon, 32 sundin ninyong mabuti ang lahat ng mga utos at tuntuning inilahad ko ngayon sa inyo.
Ang Tanging Lugar ng Pagsamba
12 “Ito ang mga tuntunin na kailangan ninyong sundin sa buong panahon ng inyong paninirahan sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno. 2 Gibain ninyo ang lahat ng lugar na pinagdarausan ng pagsamba ng mga tao roon sa kanilang mga diyus-diyosan: sa itaas ng mga bundok, sa mga burol, at sa lilim ng mga punongkahoy. 3 Gibain(H) ninyo ang kanilang mga altar, pagputul-putulin ang kanilang mga sinasambang haligi, sunugin ang mga imahen ng kanilang diyosang si Ashera, durugin ang kanilang mga diyus-diyosan, at alisin sa lugar na iyon ang anumang bakas nila.
4 “At sa pagsamba ninyo sa Diyos ninyong si Yahweh, huwag kayong tutulad sa kanila na sumasamba sa kanilang mga diyus-diyosan kahit saan maibigan. 5 Sa halip, hanapin ninyo ang lugar na pipiliin ni Yahweh sa lupain ng isa sa inyong mga lipi; doon lamang niya ipahahayag ang kanyang pangalan at iyon ang ituturing niyang tahanan. 6 Doon ninyo siya sasambahin at doon iaalay ang inyong mga handog na susunugin at iba pang handog tulad ng ikasampung bahagi, handog mula sa inyong ani, pangakong handog, kusang handog, ang mga unang bunga ng pananim, at ang panganay na anak ng inyong mga alagang hayop. 7 Doon din kayo magsasalu-salo sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos bilang pasasalamat sa mga pagpapala niya sa inyo.
8 “Hindi na ninyo magagawa roon ang ginagawa ninyo rito ngayon. Nagagawa ninyo ngayon ang anumang magustuhan ninyo, 9 sapagkat wala pa kayo sa lupaing ibinigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh. 10 Ngunit pagkatawid ninyo ng Jordan, kapag kayo'y nasa lupaing inyong pupuntahan, nalipol na ninyo ang inyong mga kaaway, at panatag na ang inyong pamumuhay, iba na ang inyong gagawin. 11 Ialay ninyo sa lugar na pipiliin ni Yahweh ang inyong mga handog na susunugin at iba pang handog, tulad ng ikapu, handog mula sa inyong mga ani, at mga pangakong handog. 12 Magdiwang kayo sa harapan ni Yahweh, kasama ang inyong mga anak at mga alipin. Isama rin ninyo ang mga Levita, sapagkat hindi sila kasama sa paghahati ng lupain. 13 Ngunit huwag na huwag kayong magsusunog ng handog kahit saan ninyo maibigan. 14 Doon lamang ninyo iaalay ang mga handog na susunugin at gagawin ang lahat ng iniuutos ko sa inyo sa lugar na pipiliin ni Yahweh mula sa lupain ng isa sa inyong mga lipi.
15 “Kahit saan ay maaari kayong magpatay ng hayop at maaaring kumain ng karne nito hanggang gusto ninyo, katulad ng pagkain ng usa. Maaaring kumain nito pati ang mga itinuturing na marumi. 16 Ngunit(I) huwag ninyong kakainin ang dugo; kailangang patuluin ito sa lupa. 17 Hindi rin ninyo maaaring kainin sa inyong mga tirahan ang mga ito: ang ikasampung bahagi ng inyong mga ani, alak at langis, ang panganay na anak ng inyong mga hayop, ang pangakong handog, kusang handog, at iba pang handog. 18 Ang mga ito ay maaari lamang ninyong kainin sa harapan ng Diyos ninyong si Yahweh, sa lugar na pipiliin niya. Maaari ninyong makasalo ang inyong mga anak, mga alipin at ang mga Levita bilang pagdiriwang dahil sa pagpapala sa inyo ni Yahweh. 19 Huwag ninyong pababayaan ang mga Levita habang kayo'y nasa inyong lupain.
20 “Kapag napalawak na ni Yahweh ang lupaing nasasakop ninyo at ibig na ninyong kumain ng karne, maaari kayong kumain hanggang gusto ninyo. 21 Kung kayo'y malayo sa lugar ng pagsamba na pinili niya, maaari ninyong patayin ang isa sa inyong mga hayop, 22 at kainin tulad ng pagkain ng usa. Lahat ay maaari nang kumain, maging ang taong itinuturing na malinis o marumi. 23 Ngunit(J) huwag ninyong kakainin ang dugo sapagkat nasa dugo ang buhay; ang sangkap ng buhay ay hindi dapat kainin. 24 Huwag na huwag ninyong kakainin ang dugo, sa halip ay patuluin ito sa lupa. 25 Huwag ninyong kakainin iyon; magiging maganda ang buhay ninyo at ng inyong mga anak kung gagawin ninyo ang naaayon sa kagustuhan ni Yahweh. 26 Ang lahat ng handog na dapat ninyong ibigay at ang inyong pangakong handog ay dadalhin ninyo sa lugar na pipiliin niya. 27 Ang inyong mga handog na susunugin, laman at dugo, ay ihahain ninyo sa altar niya. Ibubuhos ninyo sa altar ang dugo, at ang laman ay maaari ninyong kainin. 28 Sundin ninyong mabuti ang mga tagubilin ko sa inyo at magiging maganda ang buhay ninyo at ng inyong mga anak sa habang panahon, sapagkat ang pagsunod na ito'y tama at katanggap-tanggap kay Yahweh na inyong Diyos.
Babala Laban sa Pagsamba sa Diyus-diyosan
29 “Kapag napalayas na ng Diyos ninyong si Yahweh ang mga tao sa lupaing iyon at kayo na ang nakatira roon, 30 huwag ninyong tutularan ang kasuklam-suklam nilang gawain. Huwag na ninyong alamin pa kung paano sila sumamba sa mga diyos nila, baka gayahin pa ninyo ang mga iyon. 31 Huwag ninyong gagawin kay Yahweh ang karumal-dumal na gawain nila sa pagsamba sa kanilang diyus-diyosan gaya ng pagsusunog ng kanilang anak bilang handog.
32 “Sundin(K) ninyong mabuti ang lahat ng iniutos ko sa inyo. Huwag ninyo itong daragdagan ni babawasan.
Pinatigil ang Bagyo(A)
22 Isang araw, sumakay sa isang bangka si Jesus at ang kanyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa ibayo.” At ganoon nga ang ginawa nila. 23 Nang sila ay naglalayag na, nakatulog si Jesus. Bumugso ang isang malakas na unos at ang bangka ay pinasok ng tubig, kaya't sila'y nanganib na lumubog. 24 Nilapitan siya ng mga alagad at ginising. “Panginoon, Panginoon, mamamatay tayo!” sabi nila.
Bumangon si Jesus at sinaway ang hangin at ang malalaking alon. Tumahimik ang mga ito at bumuti ang panahon. 25 Pagkatapos, sinabi niya, “Nasaan ang inyong pananampalataya?”
Ngunit sila'y natakot at namangha. Sinabi nila sa isa't isa, “Sino kaya ito? Inuutusan niya pati ang hangin at ang tubig, at sinusunod naman siya ng mga ito!”
Ang Pagpapagaling sa Geraseno(B)
26 Dumaong sila sa lupain ng mga Geraseno,[a] katapat ng Galilea sa kabilang ibayo ng lawa. 27 Pagbaba ni Jesus sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking tagaroon na sinasapian ng mga demonyo. Matagal na itong hindi nagsusuot ng damit, ni ayaw ring tumira sa bahay kundi sa mga kuwebang libingan namamalagi. 28 Nang makita si Jesus ay nagsisisigaw ang lalaki, nagpatirapa at sinabi nang malakas, “Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos, ano ang pakialam mo sa akin? Nakikiusap ako sa iyo, huwag mo akong pahirapan!” 29 Ganoon ang sinabi nito sapagkat inutusan ni Jesus na lumabas ang masamang espiritu. Madalas itong sinasapian ng masasamang espiritu, at kahit ito'y bantayan at tanikalaan ang paa't kamay, pinaglalagut-lagot lamang nito ang mga iyon. Siya'y dinadala ng demonyo sa mga liblib na pook.
30 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?”
“Batalyon,” sagot niya, sapagkat marami ang demonyong pumasok sa kanya. 31 Nagmakaawa kay Jesus ang mga demonyo na huwag silang itapon sa kalalimang walang hanggan.
32 Samantala, may malaking kawan ng baboy na nagsisikain sa isang bundok na malapit doon. Nakiusap ang mga demonyo na papasukin sila sa mga iyon, at pinahintulutan naman sila ni Jesus. 33 Lumabas sa tao ang mga demonyo at pumasok sa mga baboy. Ang kawan ay biglang tumakbo papunta sa bangin at tuluy-tuloy na nahulog sa lawa at nalunod.
34 Nang makita ito ng mga tagapag-alaga ng mga baboy, tumakbo sila at ipinamalita ito sa bayan at sa mga nayon. 35 Lumabas ang mga tao upang tingnan ang nangyari. Paglapit nila kay Jesus, nakita nila ang taong dating sinasapian ng mga demonyo. Nakaupo siya sa paanan ni Jesus, nakadamit na at matino na ang isip. Sila'y lubhang natakot. 36 Isinalaysay sa kanila ng mga nakakita kung paanong gumaling ang dating sinasapian ng mga demonyo. 37 Kaya't nakiusap kay Jesus ang mga Geraseno[b] na umalis na lamang siya sa kanilang lupain, sapagkat sila'y takot na takot. Kaya't sumakay siya sa bangka at umalis sa pook na iyon. 38 Nakiusap kay Jesus ang taong inalisan ng mga demonyo na siya'y isama nito.
Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus, 39 “Umuwi ka na at ipamalita mo ang dakilang bagay na ginawa sa iyo ng Diyos.”
Umuwi nga ang lalaki at ipinamalita sa buong bayan ang ginawa sa kanya ni Jesus.
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos(A)
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit. Inaawit tuwing mag-aalay ng handog pang-alaala.
70 Iligtas mo ako ngayon, Yahweh, ako ay iligtas,
tulungan mo ako, O Diyos, nang di mapahamak!
2 Mga taong nagtatangkang kumitil sa aking buhay,
bayaan mong mangalito't mag-ani ng kabiguan;
iyon namang natutuwa sa taglay kong kahirapan,
bayaan mong mapahiya at magapi ng kalaban.
3 Sila namang ang layunin ay magtawa at mangutya,
sa kanilang pagkatalo, bayaan ding mapahiya.
4 Ang lahat ng lumalapit sa iyo ay magkatuwa,
gayon din ang nagmamahal sa pagtubos mong ginawa,
at sabihing lagi nila: “O Diyos, ikaw ay dakila!”
5 Lubos akong naghihirap, tunay na nanghihina,
lumapit ka sana agad, O Diyos, sana'y lumapit ka;
O aking tagapagligtas, katulong ko sa tuwina,
huwag mo akong paghintayin, Yahweh, sana'y mahabag ka!
4 Ang mabuting babae ay karangalan ng asawa,
ngunit kanser sa buto ang masamang asawa.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.