The Daily Audio Bible
Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.
Ang Kampo at ang Pinuno ng Bawat Lipi
2 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron: 2 Ang mga Israelita'y magtatayo ng kanilang tolda sa paligid ng Toldang Tipanan sa labas ng hanay ng mga Levita, at bawat angkan ay sama-sama sa ilalim ng kanilang watawat.
3-8 Sa gawing silangan magkakampo ang pangkat ng mga lipi ni Juda, Isacar, at Zebulun:
Lipi | Pinuno | Bilang |
---|---|---|
Juda | Naason na anak ni Aminadab | 74,600 |
Isacar | Nathanael na anak ni Zuar | 54,400 |
Zebulun | Eliab na anak ni Helon | 57,400 |
9 Ang kabuuan ng pangkat na ito ay 186,400. Sila ang mauuna sa bawat paglakad.
10-15 Sa gawing timog naman magkakampo ang pangkat ng mga lipi nina Ruben, Simeon, at Gad:
Lipi | Pinuno | Bilang |
---|---|---|
Ruben | Elizur na anak ni Sedeur | 46,500 |
Simeon | Selumiel na anak ni Zurisadai | 59,300 |
Gad | Eliasaf na anak ni Deuel | 45,650 |
16 Ang kabuuan ng pangkat na ito ay 151,450. Ang pangkat na ito ang susunod sa pangkat na pangungunahan ng lipi ni Juda.
17 Maging sa paglilipat ng Toldang Tipanan, ang pangkat ng mga Levita ay mananatili sa gitna ng ibang mga pangkat. Sa pagpapatuloy ng paglalakbay, mananatili ang bawat pangkat sa dating ayos sa ilalim ng kani-kanilang watawat.
18-23 Sa gawing kanluran naman magkakampo ang pangkat ng mga lipi nina Efraim, Manases, at Benjamin:
Lipi | Pinuno | Bilang |
---|---|---|
Efraim | Elisama na anak ni Amiud | 40,500 |
Manases | Gamaliel na anak ni Pedazur | 32,200 |
Benjamin | Abidan na anak ni Gideoni | 35,400 |
24 Ang kabuuan ng pangkat na ito ay 108,100. Sila ang pangatlo sa hanay.
25-30 At sa gawing hilaga naman magkakampo ang pangkat ng mga lipi nina Dan, Asher, at Neftali:
Lipi | Pinuno | Bilang |
---|---|---|
Dan | Ahiezer na anak ni Amisadai | 62,700 |
Asher | Pagiel na anak ni Ocran | 41,500 |
Neftali | Ahira na anak ni Enan | 53,400 |
31 Ang pangkat na ito ay umaabot sa 157,600. Sila ang kahuli-hulihan sa hanay ng mga kawal. 32 Iyon ang bilang ng mga Israelita ayon sa kani-kanilang lipi. Lahat-lahat ay umabot sa 603,550. 33 Hindi kabilang dito ang mga Levita tulad ng ipinagbilin ni Yahweh kay Moises na huwag isasama sa sensus ang mga ito.
34 Ang lahat ay ginawa ng mga Israelita ayon sa utos ni Yahweh. Nagtayo sila ng tolda sa ilalim ng kani-kanilang watawat, at pangkat-pangkat na nagpatuloy sa paglalakbay.
Ang Tungkulin ng mga Levita
3 Ito ang salinlahi nina Aaron at Moises nang kausapin siya ni Yahweh sa Bundok ng Sinai. 2 Ang(A) mga anak ni Aaron ay si Nadab na siyang panganay at sina Abihu, Eleazar at Itamar. 3 Sila ang mga itinalagang pari na magsisilbi sa Toldang Tipanan. 4 Ngunit(B) sina Nadab at Abihu ay namatay sa harap ng altar sa Bundok ng Sinai nang magsunog sila ng handog kay Yahweh sa pamamagitan ng apoy na hindi itinalaga para roon. Wala silang anak kaya sina Eleazar at Itamar ang naglingkod bilang pari habang nabubuhay ang kanilang ama.
5 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 6 “Tipunin mo ang lipi ni Levi at italaga mo sila bilang katulong ni Aaron. 7 Tutulungan nila si Aaron sa mga gawain sa Toldang Tipanan at ang mga mamamayan sa kanilang paghahandog. 8 Sila ang mangangasiwa sa mga kagamitan sa loob ng Toldang Tipanan at sila rin ang tutulong sa mga Israelita sa kanilang pagsamba. 9 Ang tanging tungkulin ng mga Levita ay ang tumulong kay Aaron at sa kanyang mga anak sa gawain nila sa Toldang Tipanan. 10 Si Aaron naman at ang kanyang mga anak na lalaki ay itatalaga mo bilang pari at sila lamang ang gaganap ng mga gawaing kaugnay nito. Sinumang hindi mula sa lipi ni Aaron na gumanap ng tungkulin ng pari ay dapat patayin.”
11 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 12 “Pinili ko ang mga Levita bilang kapalit ng mga panganay na lalaki, kaya sila'y para sa akin. 13 Akin(C) ang lahat ng panganay sapagkat nang lipulin ko ang lahat ng panganay ng Egipto, ibinukod ko para sa akin ang lahat ng panganay, maging tao o hayop. Kaya, sila ay akin, ako si Yahweh.”
14 Sinabi noon ni Yahweh kay Moises sa ilang ng Sinai, 15 “Lahat ng lalaki sa lipi ni Levi, mula sa gulang na isang buwan pataas ay ilista mo ayon sa kani-kanilang angkan at sambahayan.” 16 Kaya, ang lipi ni Levi ay inilista ni Moises ayon sa utos sa kanya ni Yahweh. 17 Ito ang mga anak ni Levi: sina Gershon, Kohat at Merari. 18 Ang mga anak naman ni Gershon ay sina Libni at Simei. 19 Ang mga anak ni Kohat ay sina Amram, Izar, Hebron at Uziel. 20 Ang mga anak naman ni Merari ay sina Mahali at Musi. Ito ang talaan ng lipi ni Levi ayon sa kani-kanilang angkan.
21 Ang angkan ni Gershon na binubuo ng mga sambahayan nina Libni at Simei 22 ay umabot sa 7,500 ang may edad na isang buwan pataas. 23 Nagkampo sila sa gawing kanluran, sa likod ng tabernakulo, 24 at ang pinuno nila ay si Eliasaf na anak ni Lael. 25 Sila ang mangangasiwa sa kaayusan ng Toldang Tipanan, 26 sa bubong at sa tali nito, sa mga kurtina sa pinto at sa bulwagan sa paligid, at ng altar.
27 Ang angkan ni Kohat ay binubuo ng mga sambahayan nina Amram, Izar, Hebron at Uziel, 28 at umabot sa 8,600 ang mga kalalakihang isang buwan pataas ang edad. 29 Sila ay sa gawing timog ng tabernakulo pinagkampo 30 at pinamunuan ni Elizafan na anak ni Uziel. 31 Sila naman ang mangangalaga sa Kaban ng Tipan, sa mesang lalagyan ng handog, sa ilawan, sa mga altar, sa kagamitan ng mga pari at sa mga tabing.
32 Si Eleazar na anak ni Aaron ang magiging pinuno ng mga Levita at mamamahala sa mga katulong sa paglilingkod sa santuwaryo.
33 Ang angkan ni Merari ay binubuo ng mga sambahayan nina Mahali at Musi, 34 at umabot sa 6,200 ang kalalakihang may edad na isang buwan pataas. 35 Ang pinuno nila ay si Zuriel na anak ni Abihail, at ang pinagkampuhan nila ay ang gawing hilaga ng tabernakulo. 36 Sila ang pinamahala sa mga gamit sa tabernakulo tulad ng mga haliging patayo at pahalang, poste, patungan ng mga poste at lahat ng kawit na gamit dito. 37 Sila rin ang pinamahala sa mga poste, sa patungan ng mga poste, sa mga tulos at mga panali sa bulwagan sa labas.
38 Magkakampo naman sa gawing silangan ng tabernakulo, sa harap ng Toldang Tipanan, sina Moises at Aaron at ang mga anak nito. Ang tungkulin nila ay sa loob ng santuwaryo; gawin ang anumang kailangang gawin para sa Israel o paglilingkod para sa mga Israelita. Sinumang lumapit sa Dakong Banal liban sa kanila ay dapat patayin. 39 Ang kabuuang bilang ng mga Levita na naitala nina Moises at Aaron ayon sa utos ni Yahweh ay 22,000.
Ang Pagtubos sa mga Panganay
40 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Bilangin at ilista mo ang pangalan ng mga panganay na lalaki sa buong Israel, mula sa edad na isang buwan pataas. 41 Ibubukod mo ang mga Levita para sa akin, bilang kapalit ng mga panganay na lalaki ng buong sambayanan. Ibubukod mo rin ang mga alagang hayop ng mga Levita bilang kapalit ng panganay ng mga hayop ng buong sambayanan.” 42 At itinala nga ni Moises ang lahat ng panganay na lalaki sa Israel ayon sa utos sa kanya ni Yahweh. 43 Ang naitala niya'y umabot sa 22,273.
44 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 45 “Ilaan mo sa akin ang mga Levita bilang kapalit ng mga panganay na lalaki ng Israel, at ang alagang hayop ng mga Levita bilang kapalit ng mga panganay ng mga hayop ng mga Israelita. Ang mga Levita ay para sa akin. 46 Sapagkat mas marami ng 273 ang panganay ng mga Israelita kaysa mga lalaking Levita, ipatutubos mo 47 ng limang pirasong pilak bawat isa, ayon sa opisyal na timbangan ng santuwaryo (ang isang pirasong pilak ay katumbas ng labindalawang gramo). 48 Lahat ng salaping malilikom ay ibibigay mo kay Aaron at sa kanyang mga anak.” 49 Kinuha nga ni Moises ang pantubos sa mga panganay ng mga Israelita na humigit sa bilang ng mga Levita. 50 Ang kabuuang nalikom ay umabot sa 1,365 pirasong pilak. 51 Ang lahat ng ito'y ibinigay ni Moises kay Aaron at sa mga anak nito bilang pagsunod sa utos ni Yahweh.
Pag-aalinlangan tungkol sa Karapatan ni Jesus(A)
27 Muli silang pumasok sa Jerusalem. Habang si Jesus ay naglalakad sa patyo ng Templo, nilapitan siya ng mga punong pari, ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga pinuno ng bayan. 28 Siya'y tinanong nila, “Ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng ganyang karapatan?”
29 Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko kayo. Sagutin ninyo ito at sasabihin ko sa inyo kung kanino galing ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito. 30 Sabihin ninyo sa akin, kanino galing ang karapatan ni Juan na magbautismo: sa Diyos ba o sa mga tao?”
31 At sila'y nag-usap-usap, “Kung sasabihin nating galing sa Diyos, itatanong naman niya sa atin kung bakit hindi natin pinaniwalaan si Juan. 32 Ngunit kung sasabihin naman nating galing sa tao, baka kung ano naman ang gawin sa atin ng mga tao.” Nangangamba sila sapagkat naniniwala ang marami na si Juan ay isang tunay na propeta. 33 Kaya't ganito ang kanilang isinagot: “Hindi namin alam.”
“Kung gayon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung kanino galing ang karapatan kong gawin ang mga ito,” tugon ni Jesus sa kanila.
Ang Talinghaga tungkol sa mga Masasamang Magsasaka(B)
12 At(C) tinuruan ni Jesus ang mga tao sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sinabi niya, “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Pinabakuran niya ang ubasan, nagpagawa ng pisaan ng ubas at nagpatayo ng isang tore. Pagkatapos, pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at siya'y nagpunta sa ibang lupain. 2 Nang dumating ang panahon ng pag-aani ng ubas, pinapunta niya ang isang alipin upang kunin sa mga magsasaka ang kanyang bahagi. 3 Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang utusan, binugbog at saka pinauwing walang dala. 4 Muling nagsugo ang may-ari ng isa pang alipin, ngunit ito ay hinampas sa ulo at nilait-lait ng mga magsasaka. 5 Nagsugo na naman ang may-ari ng isa pang alipin ngunit pinatay naman nila ito. Ganoon din ang ginawa nila sa marami pang iba, may binugbog at may pinatay. 6 Hindi nagtagal, iisa na lang ang natitirang maaaring papuntahin ng may-ari, ang kanyang minamahal na anak. Kaya't pinapunta niya ito sa pag-aakalang igagalang nila ang kanyang anak. 7 Ngunit nag-usap-usap ang mga magsasaka, ‘Iyan ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya upang mapasaatin lahat ng kanyang mamanahin.’ 8 Kaya't sinunggaban nila at pinatay ito, at pagkatapos ay itinapon ang kanyang bangkay sa labas ng ubasan.
9 “Ano kaya ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Pupuntahan niya at papatayin ang mga magsasakang iyon, at ang ubasan ay ipapamahala niya sa iba. 10 Hindi(D) ba ninyo nabasa ang sinasabi sa kasulatan?
‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
ang siyang naging batong-panulukan.
11 Ito'y ginawa ng Panginoon,
at kahanga-hangang pagmasdan.’”
12 Nang mahalata ng mga pinuno ng mga Judio na sila ang tinutukoy ni Jesus sa mga talinghagang iyon, tinangka nilang dakpin siya. Subalit hindi nila ito magawa sapagkat natatakot sila sa mga tao. Kaya't umalis na lamang sila at iniwan si Jesus.
Ang Pagbabayad ng Buwis(E)
13 Ilang Pariseo at ilan sa mga tagasunod ni Herodes ang pinapunta kay Jesus upang siluin siya sa kanyang pananalita. 14 Kaya lumapit sila sa kanya at sinabi, “Guro, nalalaman po naming kayo'y tapat at walang kinikilingan. Pantay-pantay ang pagtingin ninyo sa lahat ng tao at itinuturo ninyo ang tunay na kalooban ng Diyos para sa tao. Nais po naming itanong kung labag sa Kautusan ang magbayad ng buwis sa Emperador. Dapat po ba kaming magbayad ng buwis o hindi?”
15 Alam ni Jesus na sila'y nagkukunwari lamang, kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit ba ninyo ako sinusubok? Bigyan ninyo ako ng isang salaping pilak.[a]”
16 At siya nga ay binigyan nila ng salaping pilak. “Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit dito?” tanong ni Jesus sa kanila.
“Sa Emperador po,” tugon nila.
17 Sinabi ni Jesus, “Ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Diyos ang para sa Diyos.”
At sila'y labis na namangha sa kanya.
Kataas-taasang Hari
Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit.
47 Magdiwang ang lahat ng mga nilikha!
Pumalakpak kayong may awit at tuwa, bilang pagpupuri sa Diyos na Dakila!
2 Ang Diyos na si Yahweh, Kataas-taasan, ay dakilang haring dapat na igalang;
siya'y naghahari sa sangkatauhan.
3 Tayo'y pinagwagi sa lahat ng tao,
sa lahat ng bansa'y namahala tayo.
4 Siya ang pumili ng ating tahanan,
ang lupang minana ng mga hinirang. (Selah)[a]
5 Lumuklok sa trono si Yahweh na ating Diyos,
sigawan at trumpeta ang siyang tumutunog.
6 Purihin ang Diyos, siya ay awitan,
awitan ang hari, siya'y papurihan!
7 Ang Diyos, siyang hari ng lahat ng bansa;
awita't purihin ng mga nilikha!
8 Maghahari siya sa lahat ng bansa,
magmula sa tronong banal at dakila.
9 Sa mga hinirang ng Diyos ni Abraham,
sasama ang mga pamunuan ng lahat ng bansa sa sandaigdigan.
Ang mga sandata ng lahat ng kawal,
lahat ay sa Diyos na kataas-taasan.
24 Ang kinatatakutan ng masama ay magaganap sa kanya,
ngunit ang hangarin ng matuwid ay matatamo niya.
25 Tinatangay ng hangin ang taong masama,
ngunit ang matuwid ay gusaling di magiba.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.