Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Bilang 10:1-11:23

Ang Trumpetang Pilak

10 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Magpagawa ka ng dalawang trumpetang yari sa pinitpit na pilak. Gagamitin mo ang mga ito sa pagtawag ng pagpupulong ng taong-bayan o kung kailangan nang magpatuloy sa paglalakbay ang buong Israel. Kapag hinipan nang sabay, ang buong Israel ay magtitipun-tipon sa harap ng Toldang Tipanan. Kapag isa ang hinipan, ang mga pinuno ng bawat angkan ang haharap sa iyo. Pag-ihip ng unang hudyat, lalakad ang mga liping nagkampo sa gawing silangan. Sa ikalawang ihip, lalakad naman ang mga nakahimpil sa gawing timog. Kapag dapat tipunin ang kapulungan, hihipan mo nang matagal ang trumpeta. Ang iihip ng trumpeta ay ang mga anak ni Aaron. Susundin ninyo ang tuntuning ito habang panahon. Kapag nilulusob kayo ng inyong kaaway, hipan ninyo ang trumpeta bilang hudyat upang tulungan at iligtas kayo ng Diyos ninyong si Yahweh. 10 Sa inyong mga pagdiriwang, tulad ng Pista ng Bagong Buwan at iba pang kapistahan, hihipan din ninyo ang trumpeta habang inihahain ang handog na susunugin at handog pangkapayapaan. Sa gayon, aalalahanin ko kayo at tutulungan. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.”

Ang Unang Yugto ng Paglalakbay ng mga Israelita

11 Nang ika-20 araw ng ikalawang buwan ng ikalawang taon mula nang umalis sila sa Egipto, ang ulap ay pumaitaas mula sa ibabaw ng tabernakulo. 12 Dahil dito, nagpatuloy sa paglalakbay ang mga Israelita hanggang ang ulap ay tumigil sa ilang ng Paran. 13 Ito ang una nilang paglalakbay mula nang ibigay ni Yahweh kay Moises ang mga tuntunin ukol dito.

14 Nauuna ang pangkat sa ilalim ng watawat ni Juda ayon sa kani-kanilang lipi at sa pamumuno ni Naason na anak ni Aminadab. 15 Si Nathanael naman na anak ni Zuar ang pinuno ng lipi ni Isacar 16 at si Eliab na anak ni Helon ang nangunguna sa lipi ni Zebulun.

17 Kapag nakalas na at naihanda na sa pag-alis ang tabernakulo, susunod ang mga anak ni Gershon at ni Merari, na siyang nagpapasan ng binaklas na tabernakulo.

18 Kasunod ang pangkat nina Ruben ayon sa kanya-kanyang angkan, at pinangungunahan ni Elizur na anak ni Sedeur. 19 Ang lipi naman ni Simeon ay pinangungunahan ni Selumiel na anak ni Zurisadai 20 at ni Eliasaf na anak ni Deuel naman sa lipi ni Gad.

21 Kasunod ng pangkat nina Ruben ang mga Levita mula sa angkan ni Kohat, dala ang mga sagradong bagay. Pagdating nila sa susunod na pagkakampuhan, muli nilang itatayo ang tabernakulo.

22 Kasunod naman ang pangkat ni Efraim ayon sa kani-kanilang angkan sa ilalim ng pamumuno ni Elisama na anak ni Amiud. 23 Ang lipi ni Manases ay pinamumunuan ni Gamaliel na anak ni Pedazur, 24 at ang lipi ni Benjamin ay pinangungunahan naman ni Abidan na anak ni Gideoni.

25 Ang pangkat nina Dan ang kahuli-hulihan at siyang nagsisilbing tanod na nasa huling hanay. Sila'y pangkat-pangkat din ayon sa angkan at pinangungunahan ni Ahiezer na anak ni Amisadai. 26 Ang pinuno ng lipi ni Asher ay si Pagiel na anak ni Ocran 27 at ang pinuno naman ng lipi ni Neftali ay si Ahira na anak ni Enan. 28 Ganito nga ang ayos ng buong Israel tuwing sila'y magpapatuloy sa paglalakbay.

29 Kinausap ni Moises si Hobab na anak ni Ruel na Midianita, isang kamag-anak ng asawa ni Moises. Ang sabi niya, “Sumama ka sa amin patungo sa dakong ibinibigay sa amin ni Yahweh at bibigyan ka namin ng kasaganaang ipinangako niya sa amin.”

30 “Hindi na ako sasama sa inyo sapagkat nais kong bumalik sa aking mga kamag-anak,” sagot niya.

31 “Sumama ka na sa amin sapagkat kabisado mo ang pasikut-sikot sa ilang. Maituturo mo sa amin kung saan kami maaaring magkampo. 32 Pagdating natin doon, babahaginan ka namin ng anumang pagpapalang ibibigay sa amin ni Yahweh,” sabi ni Moises.

33 At mula sa Bundok ni Yahweh, naglakbay sila nang tatlong araw. Ang Kaban ng Tipan ay iniuna sa kanila nang tatlong araw para ihanap sila ng lugar na pagkakampuhan. 34 Kung araw, nilililiman sila ng ulap ni Yahweh habang naglalakbay.

35 Tuwing(A) ilalakad ang Kaban ng Tipan, ito ang sinasabi ni Moises:

“Magbangon ka, Yahweh, kaaway ay pangalatin.
Itaboy mo ang iyong mga kaaway
    at magtatakbuhan sa takot ang lahat ng napopoot sa iyo.”

36 At kapag inihihinto na nila sa paglalakbay ang Kaban ng Tipan, ito naman ang sinasabi niya:

“Manumbalik ka, Yahweh, sa libu-libong angkan ng Israel.”[a]

Ang Lugar na Tinawag na Tabera

11 Dahil sa hirap na dinaranas, nagreklamo ang mga Israelita. Dahil dito, nagalit si Yahweh at pinaulanan ng apoy ang isang bahagi ng kanilang kampo. Kaya, nagmakaawa kay Moises ang mga Israelita at agad naman siyang dumulog kay Yahweh. Dininig naman siya at namatay ang apoy. At ang lugar na iyo'y tinawag nilang Tabera[b] sapagkat nagliyab doon ang apoy mula kay Yahweh.

Pumili si Moises ng Pitumpung Pinuno

Ang mga dayuhang sumama sa paglalakbay ng mga Israelita ay nanabik sa dati nilang pagkain at nagaya sa kanila ang mga Israelita. Kaya, nagreklamo na naman sila. Ang sabi nila, “Kailan pa ba tayo makakatikim ng karne? Mabuti pa sa Egipto! Doon, nahihingi lang ang isda. At naaalaala ba ninyo ang pipino, pakwan, sibuyas, bawang at gulay na kinakain natin noon? Nanghihina na tayo ngayon. Walang makain dito kundi ang mannang ito!”

Ang(B) manna ay parang buto ng kulantro at kakulay ng bedelio. Ito ang laging pinupulot ng mga tao. Ginigiling nila ito o binabayo. Kapag niluto, ito'y lasang tinapay na sinangkapan ng langis. Ito'y(C) kasama ng hamog na bumabagsak kung gabi.

10 Narinig ni Moises ang reklamo ng lahat ng sambahayan na nakatayo sa pintuan ng kani-kanilang tolda. Nagalit nang labis si Yahweh, kaya't nanlumo si Moises. 11 Itinanong ni Moises kay Yahweh, “Bakit ninyo ako ginaganito? Anong ikinagagalit ninyo sa akin? Bakit ninyo ako binigyan ng ganito kabigat na pasanin? 12 Ako ba ang nagsilang sa kanila? Aalagaan ko ba sila tulad ng pag-aalaga ng ina sa kanyang anak, hanggang makarating kami sa lupaing ipinangako ninyo sa aming mga ninuno? 13 Ayaw nila akong tigilan sa kahihingi ng karne. Saan ako kukuha ng karne para sa ganito karaming tao? 14 Hindi ko sila kayang alagaang mag-isa. Napakabigat ng pasaning ito para sa akin! 15 Kung ganito rin lamang ang gagawin ninyo sa akin, mabuti pa'y mamatay na ako ngayon din kaysa maghirap nang matagal.”

16 Dahil dito, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumili ka ng pitumpung matatandang pinuno sa Israel, iyong mga kinikilala ng kanilang lipi, at isama mo sa Toldang Tipanan. 17 Pagdating ninyo roon, bababâ ako at makikipag-usap sa iyo. Babahaginan ko sila ng espiritung ibinigay ko sa iyo upang makatulong mo sila. 18 Sabihin mo naman sa buong bayan na ihanda nila ang kanilang mga sarili sapagkat bukas ay makakakain na sila ng karne. Nagrereklamo na naman sila. Itinatanong nila kung kailan pa sila makakatikim ng karne. Sinabi pang mabuti pa sa Egipto at marami silang pagkain. Kaya, bukas, ibibigay ko sa kanila ang pagkaing gusto nila. 19 Hindi lamang para sa isa, dalawa, lima, sampu, dalawampung araw ang ibibigay ko sa kanila, 20 kundi para sa isang buong buwan. Laging ito ang kakainin nila hanggang sa magsawa sila at magkandasuka sa pagkain nito sapagkat itinakwil nila ako at sinabi pa nilang mabuti pang hindi na sila umalis sa Egipto.”

21 Sumagot si Moises, “Lahat-lahat ng kasama ko'y 600,000, at sinasabi mong bibigyan mo sila ng karne para sa isang buong buwan? 22 Kahit na patayin ang lahat naming hayop o mahuli ang lahat ng isda sa dagat ay hindi sasapat sa ganito karaming tao.”

23 Sinabi ni Yahweh, “Moises, mayroon ba akong hindi kayang gawin? Ngayon di'y ipapakita ko sa iyo kung totoo o hindi ang aking sinasabi.”

Marcos 14:1-21

Ang Masamang Balak Laban kay Jesus(A)

14 Dalawang(B) araw na lamang at Pista na ng Paskwa at ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Ang mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan ay patuloy na naghahanap ng paraan upang maipadakip si Jesus nang palihim at maipapatay. “Huwag sa kapistahan at baka magkagulo ang mga tao,” sabi nila.

Binuhusan ng Pabango si Jesus(C)

Nasa(D) Bethania noon si Jesus, sa bahay ni Simon na may ketong.[a] Habang siya'y kumakain, dumating ang isang babaing may dalang isang sisidlang alabastro na puno ng napakamahal na pabango mula sa katas ng purong nardo. Binasag niya ang sisidlan at ibinuhos ang pabango sa ulo ni Jesus. Nagalit ang ilang naroroon at sila'y nag-usap-usap, “Bakit niya inaksaya ang pabango? Maaaring ipagbili iyon nang mahigit sa tatlong daang salaping pilak at maibigay sa mga dukha ang pinagbilhan!” At pinagalitan nila ang babae.

Ngunit sinabi naman ni Jesus, “Bakit ninyo siya ginugulo? Pabayaan ninyo siya! Isang mabuting bagay ang ginawa niyang ito sa akin. Sapagkat(E) habang panaho'y kasama ninyo ang mga dukha, at anumang oras ninyong naisin ay makakagawa kayo sa kanila ng mabuti. Ngunit ako'y hindi ninyo kasama habang panahon. Ginawa niya ang kanyang makakaya; hindi pa ma'y binuhusan na niya ng pabango ang aking katawan bilang paghahanda sa paglilibing sa akin. Tandaan ninyo, saanman sa buong mundo ipangaral ang Magandang Balita, ang ginawa ng babaing ito ay ipahahayag bilang pag-alaala sa kanya.”

Nakipagsabwatan si Judas(F)

10 Si Judas Iscariote, na kabilang sa Labindalawa, ay pumunta sa mga punong pari upang ipagkanulo si Jesus. 11 Natuwa sila nang marinig nila ang alok ni Judas at nangakong bibigyan siya ng salapi. Mula noo'y humanap na si Judas ng pagkakataong maipagkanulo si Jesus.

Ang Huling Hapunan(G)

12 Unang araw noon ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, araw ng paghahain ng korderong pampaskwa. Tinanong si Jesus ng kanyang mga alagad, “Saan po ninyo nais na maghanda kami ng hapunang pampaskwa?”

13 Inutusan niya ang dalawa sa kanyang mga alagad, “Pumunta kayo sa bayan at may masasalubong kayong isang lalaking may dalang banga ng tubig. Sundan ninyo siya 14 sa bahay na kanyang papasukan at sabihin ninyo sa may-ari, ‘Ipinapatanong po ng Guro kung mayroon kayong silid na maaaring magamit niya at ng kanyang mga alagad para sa hapunang pampaskwa.’ 15 At ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na mayroon nang kagamitan. Doon kayo maghanda para sa atin.”

16 Nagpunta nga sa bayan ang mga alagad at natagpuan nila roon ang lahat, gaya ng sinabi ni Jesus sa kanila. At inihanda nila ang hapunang pampaskwa.

17 Kinagabihan, dumating si Jesus na kasama ang Labindalawa. 18 Habang(H) sila'y kumakain, sinabi ni Jesus, “Tandaan ninyo ito: isa sa inyo na kasalo ko ngayon ay magkakanulo sa akin.”

19 Nalungkot ang mga alagad, at ang bawat isa ay nagtanong sa kanya, “Hindi ako iyon, di po ba, Panginoon?”

20 Sumagot siya, “Isa siya sa inyong labindalawa, na kasabay ko sa pagsawsaw ng tinapay sa mangkok. 21 Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa nasusulat tungkol sa kanya, subalit kahabag-habag ang taong magkakanulo sa kanya! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak.”

Mga Awit 51

Panalangin ng Paghingi ng Kapatawaran

Awit(A) na katha ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit, nang siya ay pagwikaan ni Propeta Natan tungkol kay Batsheba.

51 Ako'y kaawaan, O mahal kong Diyos,
    sang-ayon sa iyong kagandahang-loob;
mga kasalanan ko'y iyong pawiin,
    ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Linisin mo sana ang aking karumhan,
    at patawarin mo'ng aking kasalanan!

Mga pagkakasala ko'y kinikilala,
    di ko malilimutan, laging alaala.
Sa(B) iyo lang ako nagkasalang tunay,
    at ang ginawa ko'y di mo kinalugdan;
kaya may katuwiran ka na ako'y hatulan,
    marapat na ako'y iyong parusahan.
Ako'y masama na buhat nang isilang,
    makasalanan na nang ako'y iluwal.

Nais mo sa aki'y isang pusong tapat;
    puspusin mo ako ng dunong mong wagas.
Ako ay linisin, sala ko'y hugasan
    at ako'y puputi nang lubus-lubusan.
Sa galak at tuwa ako ay puspusin;
    butong nanghihina'y muling palakasin.
Ang kasalanan ko'y iyo nang limutin,
    lahat kong nagawang masama'y pawiin.

10 Isang pusong tapat sa aki'y likhain,
    bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
11 Sa iyong harapa'y huwag akong alisin;
    iyong banal na Espiritu'y paghariin.
12 Ang galak na dulot ng iyong pagliligtas,
    ibalik at ako po'y gawin mong tapat.
13 Kung magkagayon na, aking tuturuang
    sa iyo lumapit ang makasalanan.

14 Ingatan mo ako, Tagapagligtas ko
    at aking ihahayag ang pagliligtas mo.
15 Tulungan mo akong makapagsalita,
    at pupurihin ka sa gitna ng madla.

16 Hindi mo na nais ang mga handog;
    di ka nalulugod, sa haing sinunog;
17 ang handog ko, O Diyos, na karapat-dapat
    ay ang pakumbaba't pusong mapagtapat.

18 Iyong kahabagan, O Diyos, ang Zion;
    at ang Jerusalem ay muling ibangon.
19 At kung magkagayon, ang handog na haing
    dala sa dambana, torong susunugin,
    malugod na ito'y iyong tatanggapin.

Mga Kawikaan 10:31-32

31 Ang salita ng matuwid ay nagpapakilala ng karunungan,
    ngunit ang dilang sinungaling ay puputulin naman.
32 Ang salita ng matuwid ay palaging angkop,
    ngunit ang salita ng masama ay puro paninira.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.