The Daily Audio Bible
Ang Haliging Apoy at Ulap
17 Nang payagan na ng Faraon ang mga Israelita, hindi sa daan patungong Filistia sila pinaraan ng Diyos kahit na iyon ang pinakamalapit. Ayaw niyang ang mga Israelita'y mapasubo agad sa labanan, baka magbago pa sila ng isip at magbalik sa Egipto. 18 Kaya, sila'y pinaligid niya sa ilang, patungong Dagat na Pula;[a] sila'y handang-handang makipaglaban. 19 Ang(A) mga buto ni Jose ay dinala ni Moises sa kanilang pag-alis bilang pagtupad sa kahilingan nito. Ang sinabi noon ni Jose, “Tiyak na ililigtas kayo ni Yahweh; pag-alis ninyo rito'y dalhin ninyo ang aking mga buto.”
20 Umalis sila ng Sucot at tumigil muna sa Etam bago pumasok ng ilang. 21 Sa kanilang paglalakbay araw-gabi, patuloy silang pinapatnubayan ni Yahweh: kung araw ay sa pamamagitan ng haliging ulap at kung gabi'y sa pamamagitan naman ng haliging apoy na tumatanglaw sa kanila. 22 Laging(B) nasa unahan nila ang haliging ulap kung araw at ang haliging apoy kung gabi.
Hinabol ng mga Egipcio ang mga Israelita
14 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Pabalikin mo ang mga Israelita at doon mo sila pagkampuhin sa tapat ng Pi Hahirot, ng Baal-zefon, sa pagitan ng Migdol at ng dagat. 3 Aakalain ng Faraon na kayo'y nagkakaligaw-ligaw na sa ilang sapagkat hindi ninyo malaman ang lalabasan. 4 Pagmamatigasin ko ang Faraon at hahabulin niya kayo ngunit ipapakita ko sa kanya at sa kanyang mga tauhan ang aking kapangyarihan. Sa gayo'y malalaman ng mga Egipcio na ako si Yahweh.” Sinunod ng mga Israelita ang sinabi sa kanila.
5 Nang makarating sa Faraon ang balita tungkol sa pag-alis ng mga Israelita, nagbago siya ng isip, pati ang kanyang mga tauhan. Sinabi nila, “Bakit natin pinayagang umalis ang mga Israelita? Wala na ngayong maglilingkod sa atin!” 6 Ipinahanda ng Faraon ang kanyang mga karwaheng pandigma at ang kanyang mga kawal. 7 Ang dala niya'y animnaraang pangunahing karwaheng pandigma, kasama rin ang lahat ng karwahe sa buong Egipto; bawat isa'y may sakay na punong kawal. 8 Pinagmatigas ni Yahweh ang Faraon at hinabol nito ang mga Israelita na noo'y buong pagtitiwalang naglalakbay.[b] 9 Hinabol nga sila ng mga Egipcio, ng mga kawal ng Faraon, sakay ng kanilang karwahe. Inabot nila ang mga Israelita, sa tabing dagat, malapit sa Pi Hahirot sa tapat ng Baal-zefon.
10 Matinding takot ang naramdaman ng mga Israelita nang makita nilang dumarating ang Faraon at ang mga Egipcio. Kaya, dumaing sila kay Yahweh. 11 Sinabi nila kay Moises, “Wala na bang mapaglilibingan sa amin sa Egipto kaya mo kami dinala sa ilang para dito mamatay? Inilabas mo nga kami sa Egipto, ngunit tingnan mo ang nangyari! 12 Hindi ba't bago tayo umalis, sinabi na namin sa iyo na ganito nga ang aming sasapitin? Sinabi na namin sa iyo na huwag mo kaming pakialaman, at pabayaan na lamang kaming manatiling alipin ng mga Egipcio sapagkat mas gusto pa naming maging alipin kaysa mamatay dito sa ilang.”
13 Sumagot si Moises, “Lakasan ninyo ang inyong loob; huwag kayong matakot. Tingnan na lang ninyo kung paano kayo ililigtas ngayon ni Yahweh. Hindi na ninyo muling makikita ang mga Egipciong iyan. 14 Ipagtatanggol kayo ni Yahweh, pumanatag lamang kayo.”
Ang Pagtawid sa Dagat na Pula
15 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Bakit mo ako tinatawag? Palakarin mo ang mga Israelita. 16 Itapat mo sa ibabaw ng dagat ang iyong tungkod; mahahati ang tubig at matutuyo ang lalakaran ninyo. 17 Lalo kong pagmamatigasin ang mga Egipcio at pasusundan ko kayo sa kanila, ngunit doon ko sila lilipulin: ang mga Egipcio, ang mga kawal ng Faraon, pati ang kanilang mga karwahe. Ipapakita ko sa Faraon at sa kanyang hukbo ang aking kapangyarihan. 18 Sa gayon, malalaman ng mga Egipciong iyan na ako si Yahweh.”
19 Ang anghel ng Diyos na pumapatnubay sa paglalakbay ng mga Israelita ay nagpahuli sa kanila, gayundin ang haliging ulap. 20 Ang ulap ay lumagay sa pagitan ng mga Israelita at ng mga Egipcio. Madilim sa panig ng mga Egipcio, maliwanag naman sa mga Israelita. Dumating ang gabi at ang mga Egipcio ay hindi makalapit sa mga Israelita.
21 Itinapat ni Moises ang kanyang tungkod sa ibabaw ng dagat. Magdamag na pinaihip ni Yahweh ang isang malakas na hangin mula sa silangan at nahati ang tubig. 22 Ang(C) mga Israelita'y tumawid sa dagat na ang nilakara'y tuyong lupa, sa pagitan ng tubig na parang pader. 23 Hinabol sila ng mga Egipcio hanggang sa dagat. Ang mga ito'y mga kawal ng Faraon na nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo. 24 Nang magbubukang-liwayway na, ang mga Egipcio'y ginulo ni Yahweh mula sa haliging apoy at ulap. 25 Napabaon[c] ang gulong ng mga karwahe at hindi na sila makahabol nang matulin. Kaya sinabi nila, “Umalis na tayo rito sapagkat si Yahweh na ang kalaban natin.”
26 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Itapat mo ang iyong tungkod sa ibabaw ng dagat at tatabunan ng tubig ang mga Egipcio pati ang kanilang mga karwahe.” 27 Ganoon nga ang ginawa ni Moises, at sa pagbubukang-liwayway, nanumbalik sa dati ang dagat. Ang mga Egipcio'y nagsikap makatakas ngunit pinalakas ni Yahweh ang pagdagsa ng tubig kaya't nalunod silang lahat. 28 Nang bumalik sa dati ang dagat, natabunan ang mga karwahe't kabayo ng Faraon, pati ang kanyang buong hukbo at wala ni isa mang natira. 29 Ngunit ang mga Israelita'y nakatawid sa dagat, na tuyong lupa ang dinaanan, sa pagitan ng tubig na parang pader.
30 Nang araw na iyon ang mga Israelita'y iniligtas ni Yahweh sa mga Egipcio; nakita nila ang bangkay ng mga Egipcio, nagkalat sa tabing dagat. 31 Dahil sa kapangyarihang ipinakita ni Yahweh laban sa mga Egipcio, nagkaroon sila ng takot sa kanya at sumampalataya sila sa kanya at sa lingkod niyang si Moises.
Ang Awit ni Moises
15 Ito(D) ang inawit ni Moises at ng mga Israelita para kay Yahweh:
“Itong si Yahweh ay aking aawitan, sa kanyang kinamtang dakilang tagumpay;
ang mga kabayo't kawal ng kaaway, sa pusod ng dagat, lahat natabunan.
2 Si(E) Yahweh ang aking kapangyarihan at kalakasan,
siya ang sa aki'y nagdulot ng kaligtasan.
Siya'y aking Diyos na aking pupurihin,
Diyos ng aking ama, aking dadakilain.
3 Siya'y isang mandirigma;
Yahweh ang kanyang pangalan.
4 “Mga karwahe't kawal ni Faraon, sa dagat ay kanyang itinapon,
sa Dagat na Pula[d] nailibing, mga pinunong Egipcio na pawang magagaling.
5 Sa malalim na dagat sila'y natabunan,
tulad nila'y batong lumubog sa kailaliman.
6 Ang kanang kamay mo, Yahweh'y makapangyarihan,
dinudurog nito ang mga kaaway.
7 Sa dakila mong tagumpay, nilulupig ang kaaway;
sa matinding init ng iyong poot, para silang dayaming tinutupok.
8 Nang hipan mo ang dagat, tubig ay tumaas,
parang pader na tumayo, kailalima'y tumigas.
9 Wika ng kaaway, ‘hahabulin ko sila't huhulihin,
kayamanan nila'y aking sasamsamin,
at sa tabak kong hawak, sila'y lilipulin.’
10 Ngunit sa isang hinga mo Yahweh, sila'y nangalunod,
parang tinggang sa malalim na tubig ay nagsilubog.
11 “Ikaw Yahweh, sino sa mga diyos ang iyong kagaya?
Sa kabanala'y dakila at kamangha-mangha,
sa mga himala'y di mapantayan, sa kababalaghan ay di matularan?
12 Nang iyong iunat ang kanan mong kamay,
nilamon ng lupa ang aming mga kaaway.
13 Sa iyong katapatan, bayan mong tinubos ay inakay,
tungo sa lupang banal, sila'y iyong pinatnubayan.
14 Maraming bansa ang dito'y nakarinig, at sa takot sila'y nagsipanginig;
doon sa lupain ng mga Filisteo, nasindak ang lahat ng mga tao.
15 Mga pinuno ng Edom ay nangagimbal;
matatapang sa Moab sa takot ay sinakmal,
mga nakatira sa lupain ng Canaan, lahat sila'y naubusan ng katapangan.
16 Takot at sindak ang sa kanila'y dumatal,
para silang bato na hindi makagalaw,
nang kapangyarihan mo'y kanilang namalas,
nang dumaan sa harap nila ang bayang iyong iniligtas.
17 Sila'y dadalhin mo, Yahweh, sa sarili mong bundok.
Sa dakong pinili mo upang maging iyong lubos,
doon sa santuwaryong ikaw ang nagtayo at tumapos.
18 Ikaw, Yahweh, ay maghahari magpakailanpaman.”
Pag-uusisa tungkol sa Karapatan ni Jesus(A)
23 Pumasok si Jesus sa Templo. Habang siya'y nagtuturo doon, lumapit sa kanya ang mga punong pari at ang mga pinuno ng bayan, at siya'y tinanong, “Ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng karapatang gumawa nito?”
24 Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko rin kayo. Kapag sinagot ninyo ang tanong ko, saka ko sasabihin sa inyo kung ano ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito. 25 Kanino nagmula ang karapatan ni Juan upang magbautismo, sa Diyos ba o sa tao?”
Kaya't sila'y nag-usap-usap, “Kung sasabihin nating mula sa Diyos, sasabihin naman niya sa atin, ‘Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?’ 26 Ngunit kung sasabihin nating mula sa tao, baka kung ano ang gawin sa atin ng mga taong-bayan, sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang propeta.” 27 Kaya't sumagot sila kay Jesus, “Hindi namin alam!”
Sinabi naman niya sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan galing ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito.”
Ang Talinghaga tungkol sa Dalawang Anak
28 “Ano ang palagay ninyo rito? May isang taong may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa nakatatanda at sinabi, ‘Anak, pumunta ka ngayon sa ubasan at magtrabaho ka roon.’ 29 ‘Ayoko po,’ tugon nito, ngunit nagbago ito ng pasya at nagtrabaho sa ubasan. 30 Lumapit din ang ama sa ikalawa at ganoon din ang kanyang sinabi. At tumugon ito, ‘Opo,’ ngunit hindi naman pumunta sa ubasan. 31 Sino sa dalawa ang sumunod sa kalooban ng kanyang ama?”
“Ang nakatatanda po,” sagot nila.
Sinabi sa kanila ni Jesus, “Tandaan ninyo: ang mga maniningil ng buwis at ang mga bayarang babae ay nauuna pa sa inyo na makapasok sa kaharian ng Diyos. 32 Sapagkat(B) naparito sa inyo si Juan at itinuro ang pagsunod sa kalooban ng Diyos, at hindi ninyo siya pinaniwalaan, ngunit naniwala sa kanya ang mga maniningil ng buwis at ang mga bayarang babae. Nakita ninyo ito subalit hindi pa rin kayo nagsisi't tumalikod sa inyong mga kasalanan, at hindi rin kayo naniwala sa kanya.”
Ang Talinghaga tungkol sa Ubasan at mga Magsasaka(C)
33 “Pakinggan(D) ninyo ang isa pang talinghaga,” sabi ni Jesus. “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Binakuran niya ang ubasan, nilagyan ng pisaan, at nagtayo ng isang tore. Pagkatapos, ang ubasan ay kanyang pinaupahan sa mga magsasaka at siya'y nagpunta sa ibang lupain. 34 Nang dumating ang panahon ng pitasan ng ubas, pinapunta ng may-ari ng ubasan ang kanyang mga tauhan upang kunin sa mga magsasaka ang kanyang bahagi. 35 Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang mga tauhan; binugbog nila ang isa, pinatay ang ikalawa, at binato naman ang ikatlo. 36 Muling nagpadala ang may-ari ng tauhan, mas marami kaysa una ngunit ganoon din ang ginawa ng mga magsasaka sa mga ito. 37 Sa kahuli-huliha'y pinapunta niya ang kanyang anak na lalaki. Sabi niya sa sarili, ‘Marahil nama'y igagalang nila ang aking anak.’ 38 Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, sila'y nag-usap-usap, ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo! Patayin natin siya upang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’ 39 Kaya't siya'y sinunggaban nila, inihagis sa labas ng ubasan at pinatay.”
40 At tinanong sila ni Jesus, “Pagbalik ng may-ari ng ubasan, ano kaya ang gagawin niya sa mga taong iyon?” 41 Sumagot sila, “Papatayin niya sa kakila-kilabot na paraan ang masasamang iyon at pauupahan ang ubasan sa ibang magsasaka na magbibigay sa kanya ng kanyang bahagi sa panahon ng pamimitas.”
42 Nagpatuloy(E) si Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan?
‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
ang siyang naging batong-panulukan.
Ginawa ito ng Panginoon,
at ito'y kahanga-hangang pagmasdan!’
43 “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, ang kaharian ng Diyos ay kukunin sa inyo at ibibigay sa mga taong masunurin sa kalooban ng Diyos. [44 Ang bumagsak sa batong ito ay magkakadurug-durog at ang mabagsakan nito'y magkakaluray-luray.]”[a]
45 Narinig ng mga punong pari at ng mga Pariseo ang mga talinghaga ni Jesus at naunawaan nilang sila ang tinutukoy niya. 46 Siya'y dadakpin sana nila ngunit natakot sila sa mga tao, sapagkat kinikilala ng mga ito na si Jesus ay isang propeta.
Panalangin ng Isang Mabuting Tao
Katha ni David.
26 Ipahayag mo ako, Yahweh, na walang sala,
pagkat ako'y matuwid at sa iyo'y lubos na umaasa.
2 Yahweh, ako'y siyasatin mo at subukin,
hatulan mo ang iniisip at ang aking hangarin.
3 Pag-ibig mong wagas ang aking patnubay,
ang iyong katapatan ang lagi kong kaagapay.
4 Di ako nakikisama sa walang kuwentang tao,
hindi ako nakikiisa sa mga hipokrito.
5 Ang nakikisama sa kanila ay aking kinamumuhian,
at ang makihalo sa kanila'y aking iniiwasan.
6 Kamay ko'y malinis pagkat ako'y walang kasalanan,
ako'y lumalakad, Yahweh, sa paligid ng iyong altar.
7 Awit ng pasasalamat ay aking inaawit,
gawa mong kahanga-hanga, ay aking sinasambit.
8 Mahal ko, Yahweh, ang Templo mong tahanan,
sapagkat naroroon ang iyong kaluwalhatian.
9 Sa parusa ng masasama, huwag mo akong idamay,
ilayo rin sa parusa ng mahihilig sa pagpatay—
10 mga taong walang magawâ kundi kasamaan,
at palaging naghihintay na sila ay suhulan.
11 Ngunit para sa akin, gagawin ko ang tama,
kaya iligtas mo ako at sa akin ay maawa.
12 Ako ay ligtas sa lahat ng kapahamakan;
pupurihin ko si Yahweh sa gitna ng kapulungan!
16 Ang kinamumuhian ni Yahweh ay pitong bagay,
mga bagay na kanyang kinasusuklaman:
17 kapalaluan, kasinungalingan,
at mga pumapatay sa walang kasalanan,
18 pusong sa kapwa'y walang mabuting isipan,
mga paang ubod tulin sa landas ng kasamaan,
19 saksing sinungaling, mapaglubid ng buhangin,
pag-awayin ang kapwa, laging gusto niyang gawin.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.