The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CEV. Switch to the CEV to read along with the audio.
Ang Kasuotan ng mga Pari(A)
28 “Ipatawag mo ang kapatid mong si Aaron at ang mga anak niyang sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar. Ibukod mo sila sa karamihan ng mga Israelita upang maglingkod sa akin bilang mga pari. 2 Ipagpagawa mo ang kapatid mong si Aaron ng maganda at marangal na kasuotang nararapat sa kanyang banal na gawain. 3 Ang mga kasuotang ito ay ipagawa mo sa mga taong binigyan ko ng kahusayan sa paggawa nito. Kailangan ito ni Aaron sa paglilingkod sa akin bilang pari. 4 Ito ang kasuotang ipapagawa mo: pektoral, efod, abito, mahabang panloob na kasuotan, turbante at pamigkis. Ipagpagawa mo ng sagradong kasuotan si Aaron at ang mga anak niyang lalaki upang magamit nila sa paglilingkod sa akin bilang mga pari. 5 Ang mga kasuotang ipapagawa mo ay gagamitan ng ginto, lanang asul, murado at pula, at pinong sinulid na lino.
Ang Efod
6 “Ang efod ay gagawin nilang yari sa ginto, lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula, at hinabing telang lino at buburdahan nang maganda. 7 Palagyan mo ito ng dalawang tali sa balikat na siyang magdudugtong sa harap at likod. 8 Kabitan ito ng pamigkis na yari din sa ginto, lanang asul, kulay ube at pula, at hinabing telang lino.
9 “Kumuha ka ng dalawang batong kornalina at ipaukit mo roon ang pangalan ng labindalawang anak na lalaki ni Israel, 10 tig-anim sa bawat bato ayon sa pagkakasunod ng kanilang kapanganakan. 11 Ipagawa mo ito sa mahusay na platero at ipakabit mo ito sa lalagyang ginto. 12 Ikakabit ito sa tali sa balikat ng efod bilang tagapagpaalala sa labindalawang anak na lalaki ni Israel. Sa ganitong paraan, dadalhin ni Aaron sa kanyang mga balikat ang mga pangalan ng labindalawang lipi ni Israel upang sila'y maalala ni Yahweh.
13 “Magpapagawa ka rin ng dalawa pang patungang ginto, 14 at dalawang nilubid na ginto na ikakabit mo sa dalawang patungan.
Ang Pektoral(B)
15 “Gumawa ka rin ng pektoral na gagamitin ng pinakapunong pari sa pag-alam ng kalooban ni Yahweh. Buburdahan ito nang maganda, tulad ng sa efod. Ang gagamitin dito'y ginto, lanang kulay asul, kulay ube at pula, at telang lino. 16 Gawin mo itong parisukat at magkataklob: 0.2 metro ang haba, at ganoon din ang lapad. 17 Lagyan ito ng apat na hilera ng mga mamahaling bato. Sa unang hilera ay rubi, topaz at karbungko. 18 Sa ikalawang hilera naman ay esmeralda, safiro at brilyante. 19 Sa ikatlong hilera ay jacinto, agata at ametista. 20 At sa ikaapat na hilera ay berilo, kornalina at jasper. Ang mga ito'y ikakabit sa patungang ginto. 21 Labindalawa lahat ang batong gagamitin upang kumatawan sa labindalawang anak ni Israel. Tulad ng isang pantatak, sa bawat bato'y nakaukit nang maganda ang pangalan ng bawat anak na lalaki ni Israel. 22 Gumawa ka ng dalawang maliliit na lubid na ginto at ikabit mo sa pektoral. 23 Kabitan mo ito ng dalawang argolyang ginto sa mga sulok sa itaas, 24 at dito itatali ang dalawang lubid na ginto. 25 Ang kabilang dulo ng mga ito ay ikakabit naman sa dalawang patungang ginto na nasa tali sa balikat ng efod, sa gawing harapan. 26 Kabitan mo rin ng tig-isang argolyang ginto sa magkabilang sulok sa ibaba, sa bandang loob, malapit sa efod. 27 Gumawa ka ng dalawa pang argolyang ginto, ikabit mo ito sa tali sa balikat ng efod, sa harapan, sa tabi ng dugtungan, sa gawing itaas ng pamigkis. 28 Ang argolya ng pektoral at ang argolya ng efod ay pagkakabitin ng lubid na asul para huwag magkahiwalay.
29 “Kaya, pagpasok ni Aaron sa Dakong Banal na suot ang pektoral, dala niya, sa tapat ng kanyang puso, ang pangalan ng mga lipi ng Israel upang sila'y maalala ni Yahweh. 30 Ilalagay(C) naman sa pektoral ang Urim at Tumim upang ito'y nasa tapat din ng puso ni Aaron pagharap niya kay Yahweh. Tuwing siya'y haharap kay Yahweh, dala niya sa tapat ng kanyang puso ang kagamitan sa pag-alam ng kalooban ko para sa Israel.
Ang Iba pang Kasuotan ng Pari(D)
31 “Gumawa rin kayo ng damit na ilalagay sa ilalim ng efod. Ito'y yari sa telang kulay asul. 32 Lalagyan ito ng butas sa suotan ng ulo at lalagyan ng tupi ang paligid ng butas tulad ng karaniwang baro, upang hindi matastas. 33 Gagawa(E) ka ng palawit na parang bunga ng punong granada na yari sa lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula, at ikakabit mo sa laylayan. Pagkatapos, lagyan mo ng kampanilyang ginto ang pagitan ng mga palawit. 34 Ang magiging ayos nito ay isang hanay ng magkasalit na kampanilya at palawit sa buong laylayan. 35 Ito'y isusuot ni Aaron tuwing gaganap ng tungkulin bilang pari upang marinig ang tunog ng kampanilya tuwing siya'y papasok at lalabas sa Dakong Banal ni Yahweh. Sa gayon, hindi siya mamamatay.
36 “Gumawa ka rin ng isang palamuting ginto na may nakaukit na ganito: ‘Inilaan kay Yahweh.’ 37 Itali mo ito ng asul na lubid sa turbante, 38 sa tapat ng noo ni Aaron; siya ang magdadala ng anumang pagkukulang ng mga Israelita sa kanilang paghahandog kay Yahweh. Sa gayo'y magiging kalugud-lugod sa kanya ang kanilang mga handog.
39 “Ipagpagawa mo si Aaron ng mahabang panloob na kasuotan at turbanteng yari sa telang lino at pamigkis na buburdahan nang maganda.
40 “Ang mga anak naman ni Aaron ay ipagpapagawa mo ng mahabang panloob na kasuotan, pamigkis at karaniwang turbante upang sila'y maging kagalang-galang at maayos tingnan. 41 Ipasuot mo ito sa kapatid mong si Aaron at sa kanyang mga anak na lalaki. Buhusan mo sila ng langis, italaga at ilaan sa paglilingkod sa akin bilang mga pari. 42 Ipagpapagawa mo rin sila ng linong salawal na hanggang hita para hindi makita ang kanilang kahubaran. 43 Si Aaron at ang mga anak niyang lalaki ay magsusuot nito pagpunta sa Toldang Tipanan o paglapit sa altar sa Dakong Banal para hindi magkasala at nang hindi sila mamatay. Mananatili itong tuntunin para kay Aaron at sa kanyang salinlahi.
Ang Paghuhukom
31 “Sa(A) maluwalhating pagdating ng Anak ng Tao, kasama ang lahat ng anghel, uupo siya sa kanyang trono ng kaluwalhatian. 32 Tipunin sa harapan niya ang lahat ng mga bansa at sila'y kanyang pagbubukud-bukurin, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at mga kambing. 33 Ilalagay niya sa kanyang kanan ang mga tupa, at sa kaliwa naman ang mga kambing. 34 Kaya't sasabihin ng hari sa mga nasa kanan niya, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok kayo at tanggapin ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang daigdig. 35 Sapagkat(B) ako'y nagugutom at ako'y inyong pinakain; ako'y nauuhaw at ako'y inyong pinainom. Ako'y isang dayuhan at inyong pinatuloy. 36 Ako'y hubad at ako'y inyong dinamitan, nagkasakit at inyong dinalaw, nabilanggo at inyong pinuntahan.’
37 “Sasagot ang mga matuwid, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? 38 Kailan po kayo naging dayuhan at aming pinatuloy, o kaya'y hubad at aming dinamitan? 39 At kailan po namin kayo nakitang nagkasakit o nabilanggo at kayo'y aming dinalaw?’
40 “Sasabihin ng Hari, ‘Tandaan ninyo, nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, sa akin ninyo ito ginawa.’
41 “Sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, ‘Lumayo kayo sa harapan ko, kayong mga isinumpa! Doon kayo sa apoy na di namamatay na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. 42 Sapagkat hindi ninyo ako pinakain noong ako'y nagugutom; hindi ninyo ako pinainom noong ako'y nauuhaw. 43 Hindi ninyo ako pinatuloy noong ako'y isang dayuhan. Hindi ninyo ako dinamitan noong ako'y hubad. Hindi ninyo ako dinalaw noong ako'y may sakit at noong ako'y nasa bilangguan.’
44 “At sasagot din sila, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, walang matuluyan, hubad, may sakit, o nasa bilangguan, na hindi namin kayo tinulungan?’
45 “At sasabihin sa kanila ng Hari, ‘Tandaan ninyo, nang pagkaitan ninyo ng tulong ang isa sa pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.’ 46 Itataboy(C) ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan, ngunit ang mga matuwid ay pupunta sa buhay na walang hanggan.”
Ang Balak Laban kay Jesus(D)
26 Matapos ituro ni Jesus ang lahat ng ito, sinabi niya sa kanyang mga alagad, 2 “Gaya(E) ng alam ninyo, dalawang araw na lamang at Paskwa na. Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo upang ipako sa krus.”
3 Ang mga punong pari at ang mga pinuno ng bayan[a] ay nagkakatipon noon sa palasyo ng pinakapunong pari na si Caifas. 4 Binalak nilang ipadakip si Jesus nang lihim at ipapatay. 5 Ngunit sinabi nila, “Huwag sa kapistahan, baka magkagulo ang mga tao.”
Binuhusan ng Pabango si Jesus(F)
6 Noong nasa Bethania si Jesus, sa bahay ni Simon na ketongin, 7 lumapit(G) sa kanya ang isang babaing may dalang sisidlang alabastro na puno ng napakamahal na pabango. Ibinuhos ito sa ulo ni Jesus habang siya'y nakaupo sa may hapag. 8 Nagalit ang mga alagad nang makita ito. “Bakit inaksaya ang pabango?” tanong nila. 9 “Naipagbili sana iyon sa malaking halaga at naibigay sa mga mahihirap ang pinagbilhan!”
10 Alam ni Jesus ang iniisip nila kaya't sinabi niya, “Bakit ninyo ginugulo ang babaing ito? Mabuting bagay ang ginawa niya sa akin. 11 Sapagkat(H) palagi ninyong makakasama ang mga dukha, ngunit ako'y hindi ninyo makakasama palagi. 12 Binuhusan niya ako ng pabango bilang paghahanda sa paglilibing sa akin. 13 Tandaan ninyo, saan man ipangaral ang Magandang Balita sa buong mundo, babanggitin ang ginawa niyang ito bilang pag-alaala sa kanya.”
9 O Yahweh, sana'y iyong kahabagan,
sapagkat ako ay nasa kaguluhan;
namamaga na ang mata dahil sa pagluha,
buong pagkatao ko'y mahinang mahina!
10 Pinagod ako ng aking kalungkutan,
dahil sa pagluha'y umikli ang aking buhay.
Pinanghina ako ng mga suliranin,
pati mga buto ko'y naaagnas na rin.
11 Nilalait ako ng aking mga kaaway,
hinahamak ako ng mga kapitbahay;
mga dating kakilala ako'y iniiwasan,
kapag ako'y nakasalubong ay nagtatakbuhan.
12 Para akong patay na kanilang nakalimutan,
parang sirang gamit na hindi na kailangan.
13 Maraming mga banta akong naririnig,
mula sa mga kaaway sa aking paligid;
may masama silang binabalak sa akin,
plano nilang ako ay patayin.
14 Subalit sa iyo, Yahweh, ako'y nagtitiwala,
ikaw ang aking Diyos na dakila!
15 Ikaw ang may hawak nitong aking buhay,
iligtas mo ako sa taga-usig ko't mga kaaway.
16 Itong iyong lingkod, sana ay lingapin,
sa wagas mong pag-ibig ako ay sagipin.
17 Sa iyo, Yahweh, ako'y nananawagan,
huwag hayaang malagay ako sa kahihiyan.
Ang masasamang tao ang dapat na mapahiya,
sa daigdig ng mga patay, tahimik silang bababâ.
18 Patahimikin mo ang mga sinungaling,
ang mga palalong ang laging layunin,
ang mga matuwid ay kanilang hamakin.
12 Ako ay nagbibigay ng talas ng kaisipan,
itinuturo ko ang landas ng hinaho't karunungan.
13 Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay naglalayo sa kasamaan.
Ako ay namumuhi sa lahat ng kalikuan,
sa salitang baluktot, at sa diwang kayabangan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.