The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CEB. Switch to the CEB to read along with the audio.
Ang Labanan ng mga Israelita at ng mga Amalekita
8 Nang ang mga Israelita'y nasa Refidim, sinalakay sila ng mga Amalekita. 9 Sinabi ni Moises kay Josue, “Pumili ka ng ilang tauhan natin at pangunahan mo sa pakikipaglaban sa mga Amalekita. Hahawakan ko naman ang tungkod na ibinigay sa akin ng Diyos at tatayo ako sa ibabaw ng burol.” 10 Sinunod ni Josue ang utos ni Moises at hinarap niya ang mga Amalekita. Si Moises naman, kasama sina Aaron at Hur ay nagpunta sa burol. 11 Kapag nakataas ang mga kamay ni Moises, nananalo ang mga Israelita; kapag nakababa, nananalo naman ang mga Amalekita. 12 Nangawit na si Moises kaya sina Aaron at Hur ay kumuha ng isang bato at pinaupo roon si Moises habang hawak nilang pataas ang mga kamay nito hanggang sa lumubog ang araw. 13 Dahil dito'y natalo ni Josue ang mga Amalekita.
14 Sinabi(A) ni Yahweh kay Moises, “Isulat mo ang pangyayaring ito upang hindi ninyo malimutan, at sabihin mo naman kay Josue na lilipulin ko ang mga Amalekita.” 15 Nagtayo si Moises ng isang altar at tinawag niya itong, “Si Yahweh ang aking Watawat.” 16 At sinabi niya sa mga tao, “Itaas ninyo ang watawat ni Yahweh! Patuloy niya tayong pangungunahan sa ating pakikipaglaban sa mga Amalekita.”
Dinalaw ni Jetro si Moises
18 Nabalitaan ni Jetro, biyenan ni Moises at pari sa Midian, ang mga ginawa ni Yahweh para kay Moises at sa mga Israelita, kung paanong inilabas niya ang mga ito sa lupain ng Egipto. 2 Si(B) Jetro ang nag-aruga kay Zipora nang ito'y pauwiin ni Moises sa Midian 3 kasama(C) ang dalawa nilang anak. Gersom[a] ang pangalan ng una sapagkat ang sabi ni Moises nang ito'y isilang: “Ako'y dayuhan sa lupaing ito.” 4 Ang pangalawa nama'y Eliezer,[b] sapagkat ang sabi niya: “Tinulungan ako ng Diyos ng aking mga ninuno; iniligtas niya ako sa tabak ng Faraon.” 5 Isinama ni Jetro ang asawa ni Moises at ang dalawang anak nito, at pumunta sa pinagkakampuhan nina Moises sa ilang, sa tabi ng Bundok ng Diyos. 6 Pagdating doon, ipinasabi niya kay Moises: “Darating ako riyan, kasama ang iyong asawa't dalawang anak.” 7 Kaya't sinalubong sila ni Moises. Nagbigay-galang siya sa biyenan, niyakap ito, at isinama sa kanyang tolda; doon sila nagkumustahan at masayang nagbalitaan. 8 Isinalaysay ni Moises ang lahat ng ginawa ni Yahweh sa Faraon at sa mga Egipcio, at kung paano iniligtas ni Yahweh ang mga Israelita. Isinalaysay rin niya ang mga hirap na inabot nila sa paglalakbay at kung paano sila tinulungan ni Yahweh. 9 Natuwa si Jetro sa kabutihang ginawa sa kanila ni Yahweh at sa pagliligtas nito sa kanila sa mga Egipcio. 10 Sinabi niya, “Purihin si Yahweh na nagligtas sa inyo mula sa kamay ng Faraon at ng mga Egipcio! Purihin si Yahweh na nagpalaya sa mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Egipto! 11 Napatunayan ko ngayon na siya ay higit sa ibang mga diyos dahil sa ginawa niya sa mga Egipcio na umapi sa mga Israelita.” 12 At si Jetro ay nagdala ng handog na susunugin at iba pang handog para sa Diyos. Dumating naman si Aaron at ang mga pinuno ng Israel, at kumain sila, kasalo ng biyenan ni Moises.
Ang Paghirang sa mga Hukom(D)
13 Kinabukasan, naupo si Moises upang mamagitan at humatol sa mga usapin ng mga tao. Inabot siya ng gabi sa dami ng taong lumalapit sa kanya. 14 Nang makita ni Jetro ang hirap na inaabot ni Moises sa kanyang ginagawa, tinanong niya ito, “Ano ba ang ginagawa mo sa mga tao? Bakit mag-isa mong ginagawa ito at ang mga tao'y maghapong nakapaligid sa iyo?”
15 Sumagot si Moises, “Mangyari po lumalapit sila sa akin para alamin ang kalooban ng Diyos. 16 Kapag may dalawang taong may pinagtatalunan, lumalapit sila sa akin at sinasabi ko naman sa kanila kung sino ang may katuwiran. Bukod doon, ipinaliliwanag ko sa kanila ang mga utos at tuntunin ng Diyos.”
17 Sinabi ni Jetro, “Hindi ganyan ang dapat mong gawin. 18 Pinahihirapan mo ang iyong sarili pati ang mga tao. Napakalaking gawain iyan para sa iyo at hindi mo iyan kayang mag-isa. 19 Pakinggan mo itong ipapayo ko sa iyo at tutulungan ka ng Diyos. Ikaw ang lalapit sa Diyos para sa kanila at magdadala sa kanya ng kanilang mga usapin. 20 Ikaw ang magtuturo sa kanila ng mga kautusan at mga tuntunin, at ikaw rin ang magpapaliwanag sa kanila kung ano ang dapat nilang gawin. 21 Ngunit pumili ka ng mga taong may kakayahan, may takot sa Diyos, mapagkakatiwalaan at di masusuhulan. Gawin mo silang tagapangasiwa sa libu-libo, daan-daan, lima-limampu at sampu-sampu. 22 Sila na ang bahalang humatol sa maliliit na usapin, at ang mabibigat na kaso lamang ang ihaharap sa iyo. Sa gayon, hindi ka masyadong mahihirapan sapagkat matutulungan ka nila sa iyong gawain. 23 Kung ganoon ang gagawin mo, na siya namang utos ng Diyos, hindi ka mahihirapan at madali pang maaayos ang anumang suliranin ng taong-bayan.”
24 Pinakinggan ni Moises ang payo ng kanyang biyenan at sinunod niya ito. 25 Pumili nga siya ng mga lalaking may kakayahan at ginawa niyang tagapangasiwa sa Israel: para sa libu-libo, sa daan-daan, sa lima-limampu at sa sampu-sampu. 26 Sila ang naging palagiang hukom ng bayan. Ang malalaking usapin na lamang ang dinadala nila kay Moises at sila na ang lumulutas sa maliliit na kaso.
27 Pagkatapos nito'y nagpaalam na si Jetro kay Moises at umuwi sa sariling bayan.
Ang mga Israelita sa Bundok ng Sinai
19 Ang mga Israelita'y nakarating sa ilang ng Sinai noong unang araw ng ikatlong buwan buhat nang umalis sila sa Egipto. 2 Mula sa Refidim, nagpatuloy sila sa ilang ng Sinai at nagkampo sa tapat ng bundok. 3 Si Moises naman ay umakyat sa bundok upang makipag-usap sa Diyos.
Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Ito ang sabihin mo sa angkan ni Jacob, sa mga Israelita. 4 ‘Nakita ninyo ang ginawa ko sa mga Egipcio. Nakita rin ninyo kung paanong dinala ko kayo rito tulad ng isang agilang nagdala sa kanyang mga inakay. 5 Kung(E) (F) susundin ninyo ako at magiging tapat sa ating kasunduan, kayo ang magiging bayang hinirang. Ang buong daigdig ay akin ngunit kayo'y aking itatangi. 6 Kayo'y(G) gagawin kong isang kaharian ng mga pari at isang bansang banal.’ Iyan ang sabihin mo sa mga Israelita.” 7 Kaya tinipon ni Moises ang mga pinuno ng Israel at sinabi ang lahat ng iniutos sa kanya ni Yahweh. 8 Sila nama'y sabay-sabay na sumagot, “Susundin namin ang lahat ng iniutos ni Yahweh.” Si Moises ay nagbalik kay Yahweh at sinabi ang tugon ng mga tao.
9 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Magsasalita ako sa iyo mula sa makapal na ulap upang marinig ng mga tao at nang sila'y maniwala sa iyo habang panahon.”
At sinabi ni Moises kay Yahweh ang pasya ng mga tao. 10 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga tao na ihanda nila ang kanilang sarili mula sa araw na ito hanggang bukas. Kailangang labhan nila ang kanilang mga damit 11 at humanda sa makalawa, sapagkat akong si Yahweh ay bababâ sa Bundok ng Sinai para makita ng mga tao. 12 Lagyan(H) mo ng hangganan ang paligid ng bundok, at sabihin mo sa kanilang huwag aakyat sa bundok ni hahawakan ang anumang nasa loob ng hangganan. Sinumang gumawa nito ay papatayin 13 sa pamamagitan ng bato o sibat, maging tao man o hayop. At sinumang patayin sa ganitong dahilan ay huwag ding hahawakan. Kapag narinig na ninyo ang mahabang tunog ng trumpeta, saka pa lamang kayo makaaakyat sa bundok.”
14 Mula sa bundok, bumabâ si Moises at pinahanda ang mga tao upang sumamba; at nilinis nila ang kanilang mga damit. 15 Sinabi sa kanila ni Moises, “Humanda kayo sa ikatlong araw; at huwag muna kayong magsisiping.”
Ang Pinakamahalagang Utos(A)
34 Nagtipun-tipon ang mga Pariseo nang mabalitaan nilang napatahimik ni Jesus ang mga Saduseo. 35 Isa(B) sa kanila, na dalubhasa sa Kautusan, ang nagtanong kay Jesus upang subukin ito. 36 “Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?” tanong niya.
37 Sumagot(C) si Jesus, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, buong kaluluwa mo, at buong pag-iisip mo. 38 Ito ang pinakamahalagang utos. 39 Ito(D) naman ang pangalawa: Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. 40 Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang katuruan ng mga propeta.”
Ang Tanong tungkol sa Anak ni David(E)
41 Tinanong naman ni Jesus ang mga Pariseong nagkakatipon doon. 42 “Ano ang pagkakilala ninyo tungkol sa Cristo? Kanino siyang anak?”
“Kay David po,” sagot nila.
43 Sabi ni Jesus, “Kung gayon, bakit siya tinawag ni David na ‘Panginoon’ noong pinapatnubayan siya ng Espiritu? Ganito ang kanyang sinabi,
44 ‘Sinabi(F) ng Panginoon sa aking Panginoon:
Maupo ka sa kanan ko,
hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.’
45 Ngayon, kung si David ay tumawag sa kanya ng ‘Panginoon,’ paanong masasabing anak ni David ang Cristo?” 46 Isa man sa kanila'y walang nakasagot, at mula noo'y wala nang nangahas magtanong sa kanya.
Ang Katuruan tungkol sa Pagpapakumbaba(G)
23 Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad, 2 “Ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises.[a] 3 Kaya't gawin ninyo ang itinuturo nila at sundin ang kanilang iniuutos, ngunit huwag ninyong tularan ang kanilang ginagawa sapagkat hindi nila isinasagawa ang kanilang ipinapangaral. 4 Nagpapataw sila ng mabibigat na pasanin sa mga tao, ngunit ni daliri ay ayaw nilang igalaw upang tumulong sa pagpasan ng mga iyon. 5 Pawang(H) pakitang-tao ang kanilang mga gawa. Nilalaparan nila ang mga lalagyan ng talata sa kanilang noo at braso, at hinahabaan ang palawit sa laylayan ng kanilang mga damit.[b] 6 Ang nais nila ay ang mga upuang pandangal sa mga handaan at ang mga pangunahing upuan sa sinagoga. 7 Gustung-gusto nilang binabati sila sa mga palengke, at tawaging ‘guro.’ 8 Ngunit, huwag kayong patawag na ‘guro,’ sapagkat iisa ang inyong Guro at kayong lahat ay magkakapatid. 9 Huwag ninyong tawaging ama ang sinumang tao sa lupa sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Ama na nasa langit. 10 Huwag kayong patawag na tagapagturo, sapagkat iisa ang inyong tagapagturo, ang Cristo. 11 Ang(I) pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo. 12 Ang(J) nagmamataas ay ibababa, at ang nagpapakumbaba ay itataas.”
7 Pakinggan mo ako, Yahweh, sa aking panawagan,
sagutin mo ako at iyong kahabagan.
8 Nang sabihin mo, Yahweh, “Lumapit ka sa akin,”
sagot ko'y, “Nariyan na ako at kita'y sasambahin.”
9 Huwag ka sanang magagalit sa akin;
ang iyong lingkod, huwag mo sanang palayasin.
Tinulungan mo ako, Diyos ng aking kaligtasan,
huwag mo po akong iwan, at huwag pabayaan!
10 Itakwil man ako ng aking ama at ina,
si Yahweh ang sa akin ay mag-aaruga.
11 Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kagustuhan,
sa ligtas na landas ako'y iyong samahan,
pagkat naglipana ang aking mga kaaway.
12 Sa mga kaaway ay huwag akong ipaubaya,
na kung lumulusob ay mga pagbabanta at kasinungalingan ang dalang sandata.
13 Naniniwala akong bago ako mamatay,
kabutihan ni Yahweh'y aking masasaksihan.
14 Kay Yahweh tayo'y magtiwala!
Manalig sa kanya at huwag manghinawa.
Kay Yahweh tayo magtiwala!
27 Kung ang tao ba'y magkandong ng apoy,
kasuotan kaya niya'y di masusunog niyon?
28 Kung ang tao ay tumapak sa uling na nagbabaga,
hindi kaya malalapnos itong kanyang mga paa?
29 Ganoon din ang taong sisiping sa asawa ng kapwa,
tiyak siyang magdurusa pagkat ito ay masama.
30 Ang sinumang magnakaw ay tiyak na nagkasala,
kahit iyon ay pamawi sa gutom na taglay niya.
31 Ang bayad ay makapito kung siya'y mahuli,
ang lahat niyang pag-aari ay kulang pang panghalili.
32 Ngunit ang nangangalunya ay isang taong mangmang,
sinisira ang sarili, buhay niya at pangalan.
33 Ang tangi niyang mapapala ay pahirap sa sarili,
ang kanyang kahihiyan, hindi na niya mababawi.
34 Sapagkat ang panibugho sa tao ay nag-uudyok,
ang puri nga ay ibangon, kahit buhay ay malagot.
35 Wala kang itutumbas para kamtin ang patawad,
kahit gaano pa kalaki ang sa kanya ay ibayad.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.