The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
7 Kay(A) Aaron nama'y sinabi ni Moises, “Lumapit ka sa altar at ialay mo roon ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan, at ang handog na susunugin para sa iyo at sa iyong sambahayan. Dalhin mo rin ang handog ng mga tao upang sila'y matubos din sa kanilang mga kasalanan; iyan ang iniutos ni Yahweh.”
8 Lumapit nga si Aaron sa altar at pinatay ang guya bilang handog para sa kapatawaran ng kanyang kasalanan. 9 Ang dugo nito'y dinala ng mga anak ni Aaron sa kanya. Inilubog naman niya sa dugo ang kanyang daliri at nilagyan ang mga sungay ng altar at ibinuhos sa paanan nito ang natira. 10 Ngunit ang taba, mga bato at ang ibabang bahagi ng atay ng handog para sa kapatawaran ng kasalanan ay sinunog niya sa altar, gaya ng utos ni Yahweh. 11 Ang laman at balat nito ay sinunog naman niya sa labas ng kampo.
12 Pinatay rin ni Aaron ang handog na susunugin. Ibinigay sa kanya ng kanyang mga anak ang dugo nito at ibinuhos sa paligid ng altar. 13 Ibinigay din sa kanya ang kinatay na handog, at kasama ng ulo'y sinunog niya ang mga ito sa altar. 14 Hinugasan niya ang laman-loob, ang mga hita at sinunog din sa altar, kasama ng iba pang bahagi ng handog na susunugin.
15 Pagkatapos, inilapit sa kanya ang lalaking kambing at pinatay niya ito bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan ng buong sambayanan. 16 Ang handog na susunugin ay inihandog din niya ayon sa utos. 17 Kumuha siya ng isang dakot na harina mula sa handog na pagkaing butil at sinunog ito sa altar kasama ng handog na sinusunog sa umaga. 18 Sa(B) kahuli-huliha'y pinatay niya ang toro at ang lalaking tupa, ang handog ng mga tao para sa kapayapaan. Ang dugo nito ay dinala kay Aaron ng kanyang mga anak, at ito nama'y ibinuhos niya sa paligid ng altar. 19 Ang taba naman ng mga ito, ang nasa buntot, ang bumabalot sa laman-loob, mga bato at ang ibabang bahagi ng atay, 20 ay ipinatong niya sa mga dibdib ng mga handog. Pagkatapos, ang mga taba ay sinunog niya sa ibabaw ng altar. 21 Ang dibdib at kanang hita ng mga hayop ay ginawang natatanging handog para kay Yahweh, ayon sa iniutos ni Moises.
22 Itinaas(C) ni Aaron ang kanyang mga kamay at binasbasan ang mga tao. Pagkatapos, bumabâ siya mula sa altar na pinaghandugan niya. 23 Sina Moises at Aaron ay pumasok sa Toldang Tipanan. Paglabas doon, binasbasan nila ang mga tao at nakita ng lahat ang maningning na kaluwalhatian ni Yahweh. 24 Sa harapan niya, nagkaroon ng apoy at tinupok ang handog na susunugin pati ang taba na nasa altar. Nang makita ito ng mga tao, sila'y napasigaw at nagpatirapa.
Ang Kasalanan nina Nadab at Abihu
10 Ang dalawang anak ni Aaron na sina Nadab at Abihu ay kumuha ng sunugan ng insenso, nilagyan nila ito ng apoy at nagsunog ng insenso at humarap kay Yahweh. Ngunit gumamit sila ng apoy na hindi nararapat, sapagkat hindi ito iyong iniutos sa kanila ni Yahweh. 2 Kaya't mula kay Yahweh ay lumabas ang apoy at tinupok sila. 3 Sinabi ni Moises kay Aaron, “Ito ang kahulugan ng sinabi ni Yahweh: ‘Dapat akong kilalaning banal ng sinumang lumalapit sa akin at dapat akong parangalan sa harapan ng mga tao.’” Hindi nakaimik si Aaron.
4 Kaya't ipinatawag ni Moises sina Misael at Elzafan, mga anak ni Uziel na tiyo ni Aaron at sinabi sa kanila, “Alisin ninyo sa harap ng santuwaryo ang bangkay ng inyong mga pinsan at ilabas ninyo sa kampo.” 5 Lumapit ang dalawa at inilabas nga nila ang mga bangkay na suot pa rin ang kanilang mahabang panloob na kasuotan.
6 Sinabi ni Moises kay Aaron at sa dalawang anak nitong sina Eleazar at Itamar, “Huwag ninyong guluhin ang inyong buhok ni punitin man ang inyong damit bilang pagluluksa dahil sa nangyari kung ayaw ninyong mamatay at magalit ang Diyos sa mga tao. Ngunit sila'y maaaring ipagluksa ng bayan dahil sa kanilang sinapit. 7 Huwag kayong lalayo sa pintuan ng Toldang Tipanan sapagkat kayo ay itinalaga na ng langis ni Yahweh. Baka kayo ay mamatay kapag di kayo sumunod.” At sinunod naman nila ang iniutos ni Moises.
Mga Tuntunin tungkol sa Pagkain ng mga Pari
8 Sinabi ni Yahweh kay Aaron, 9 “Kung ikaw at ang iyong mga anak ay pupunta sa Toldang Tipanan, huwag kayong iinom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Mamamatay kayo kapag ginawa ninyo iyon. Ito ay tuntunin na dapat tuparin ng lahat ng inyong salinlahi. 10 Dapat ninyong malaman kung alin ang sagrado o hindi at kung alin ang malinis o marumi. 11 Ang lahat ng iniuutos ko kay Moises ay dapat ninyong ituro sa sambayanang Israel.”
12 Sinabi(D) ni Moises kay Aaron at sa dalawa pang anak niyang natitira, sina Eleazar at Itamar, “Kunin ninyo ang natira sa handog na pagkaing butil kay Yahweh at gawing tinapay na walang pampaalsa. Kakainin ninyo ito sa tabi ng altar sapagkat ito'y ganap na sagrado. 13 Kakainin ninyo ito sa isang banal na lugar sapagkat ito ang bahaging para sa inyo at sa inyong mga anak na lalaki mula sa pagkaing inihandog kay Yahweh. Ito ang iniutos niya sa akin. 14 Ngunit(E) ang dibdib at hita ng handog na susunugin ay para sa iyo at sa iyong mga anak na lalaki at babae. Kakainin ninyo iyon sa isang sagradong lugar ayon sa tuntunin sapagkat iyo'y kaloob sa inyo bilang bahagi mula sa handog pangkapayapaan ng mga Israelita. 15 Ang dibdib at ang hitang binanggit ay dadalhin nila sa altar kasama ng mga tabang susunugin at iaalay bilang natatanging handog kay Yahweh. Pagkatapos, ito'y ibibigay sa inyo. Ang tuntunin na ito ay panghabang panahon, ayon sa utos ni Yahweh.”
16 Nang siyasatin ni Moises ang tungkol sa kambing na inihandog para sa kapatawaran ng kasalanan, natuklasan niyang iyo'y nasunog na. Nagalit siya kina Eleazar at Itamar at ang sabi, 17 “Bakit(F) hindi ninyo kinain sa banal na lugar ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan? Hindi ba ninyo alam na ganap na sagrado iyon at ibinigay sa inyo para kumatawan kayo sa buong bayan ng Israel sa harapan ni Yahweh upang sila'y patawarin niya sa kanilang kasalanan? 18 Sapagkat ang dugo niyon ay hindi dinala sa loob ng santuwaryo, dapat sana'y kinain ninyo roon ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan, gaya ng ipinag-utos ko.”
19 Ngunit sumagot si Aaron, “Sa araw na ito'y naghain sila ng handog para sa kapatawaran ng kasalanan at handog na susunugin, ngunit ito pa ang aking sinapit. Kung ako ba'y kumain ngayon ng handog para sa kasalanan, ako ba'y magiging karapat-dapat sa paningin ni Yahweh?” 20 Sumang-ayon si Moises sa mga sinabing ito ni Aaron.
Ang Talinghaga ng Binhing Tumutubo
26 Sinabi pa ni Jesus, “Ang kaharian ng Diyos ay maitutulad sa isang taong naghasik ng binhi sa kanyang bukid. 27 Natutulog siya kung gabi at bumabangon kung araw. Samantala, ang binhi ay tumutubo at lumalago ngunit hindi alam ng naghasik kung paano. 28 Ang lupa ang nagpapasibol at nagpapabunga sa mga pananim; usbong muna ang lumilitaw, saka ang tangkay; pagkatapos, nahihitik ito sa butil. 29 Kapag(A) hinog na ang mga butil, agad itong ginagapas ng taong naghasik sapagkat panahon na para ito'y anihin.”
Ang Talinghaga ng Butil ng Mustasa(B)
30 “Saan pa natin maihahambing ang kaharian ng Diyos? Anong talinghaga ang gagamitin natin upang mailarawan ito?” tanong ni Jesus. 31 “Ang katulad nito ay butil ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng binhi. 32 Ngunit kapag itinanim, ito'y lumalago at nagiging pinakamalaki sa lahat ng tanim; ito'y nagkakasanga nang mayabong, kaya't ang mga ibon ay nakakapamugad sa lilim nito.”
Ang Paggamit ng mga Talinghaga
33 Ipinangaral ni Jesus sa mga tao ang mensahe sa pamamagitan ng maraming talinghagang tulad ng mga ito, hanggang sa makakaya pa nilang makinig. 34 Tuwing nangangaral siya sa kanila ay gumagamit siya ng talinghaga, ngunit ipinapaliwanag niya ang mga ito sa kanyang mga alagad kapag sila-sila na lamang.
Pinatigil ni Jesus ang Bagyo(C)
35 Kinagabiha'y sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Tumawid tayo sa ibayo.” 36 Kaya't iniwan nila ang mga tao at sumakay sila sa bangkang sinasakyan ni Jesus upang tumawid ng lawa. May iba pang mga bangkang nakisabay sa kanila. 37 Habang naglalayag, inabot sila ng malakas na bagyo kaya't ang bangkang sinasakyan nila'y hinampas ng malalaking alon at ito'y halos mapuno na ng tubig. 38 Si Jesus ay natutulog noon sa may hulihan ng bangka, nakahilig sa isang unan. Ginising siya ng mga alagad at sinabi, “Guro, balewala ba sa inyo kung mapahamak kami?”
39 Bumangon si Jesus at sinaway ang hangin, “Tigil!” at sinabi sa lawa, “Tumahimik ka!” Tumigil nga ang hangin at tumahimik ang lawa.
40 Pagkatapos, sinabi niya sa mga alagad, “Bakit kayo natatakot? Hanggang ngayon ba'y wala pa rin kayong pananampalataya?”
41 Natakot sila nang labis at namangha. Sabi nila sa isa't isa, “Anong klaseng tao ito? Pati hangin at lawa ay sumusunod sa kanya!”
Ang Pagpapagaling sa Gerasenong Sinasapian ng Masasamang Espiritu(D)
5 Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay dumating sa kabilang ibayo, sa lupain ng mga Geraseno.[a] 2 Pagkababa ni Jesus sa bangka, siya'y sinalubong ng isang lalaking sinasapian ng masamang espiritu. 3 Ang lalaking ito'y nakatira sa mga libingan. Hindi na siya maigapos, kahit tanikala pa ang gamitin. 4 Bagama't madalas siyang gapusin ng tanikala sa kamay at paa, nilalagot lamang niya ang mga ito. Wala nang nakakapigil sa kanya. 5 Araw-gabi'y nagsisisigaw siya sa mga libingan at sa kabundukan, at sinusugatan din niya ng matalas na bato ang kanyang sarili.
6 Malayo pa'y natanaw na nito si Jesus. Patakbo itong lumapit at lumuhod sa harapan niya. 7 Sumigaw siya nang malakas, “Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos, ano'ng pakay mo sa akin? Ipangako mo sa ngalan ng Diyos na hindi mo ako pahihirapan!” 8 Sinabi niya ito sapagkat iniutos ni Jesus, “Masamang espiritu, lumabas ka sa taong ito!”
9 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?”
“Batalyon,[b] sapagkat marami kami,” tugon niya. 10 At nakiusap siya kay Jesus na huwag silang palayasin sa lugar na iyon.
11 Samantala, sa libis ng bundok ay may malaking kawan ng mga baboy na nagsisikain. 12 Nagmakaawa kay Jesus ang masasamang espiritu, “Papasukin mo na lamang kami sa mga baboy.” 13 Pinahintulutan niya sila kaya't lumabas nga sa lalaki ang masasamang espiritu at pumasok sa mga baboy. Ang kawan na may dalawang libo ay nagtakbuhan sa gilid ng matarik na bangin hanggang sa nahulog ang mga ito sa lawa at nalunod.
14 Tumakbo ang mga tagapag-alaga ng kawan ng baboy at ibinalita sa bayan at sa karatig-pook ang mga pangyayari. Kaya't ang mga tao ay nagpuntahan doon upang alamin ang nangyari. 15 Paglapit nila kay Jesus, nakita nila ang lalaking dating sinasapian ng mga demonyo; nakaupo ito, nakadamit at matino na ang isip, at sila'y natakot. 16 Isinalaysay sa kanila ng mga nakakita ang nangyari sa dating sinasapian ng demonyo at sa mga baboy.
17 Dahil dito, nakiusap ang mga tao kay Jesus na umalis siya sa kanilang lupain.
18 Nang pasakay na si Jesus sa bangka, nakiusap ang dating sinasapian ng mga demonyo na siya'y isama niya, 19 ngunit hindi pumayag si Jesus. Sa halip ay sinabi niya sa lalaki, “Umuwi ka na at sabihin mo sa iyong mga kamag-anak ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon, at kung paano siya nahabag sa iyo.”
20 Umalis ang lalaki at ipinamalita sa buong Decapolis ang ginawa sa kanya ni Jesus. At namangha ang lahat ng nakarinig noon.
30 Sa bibig ng matuwid namumutawi'y karunungan;
at sa labi nila'y pawang katarungan.
31 Ang utos ng Diyos ang laman ng puso,
sa utos na ito'y hindi lumalayo.
32 Ang taong masama'y laging nag-aabang,
sa taong matuwid nang ito'y mapatay;
33 ngunit hindi naman siya hahayaang mahulog sa kamay ng mga kaaway;
di rin magdurusa kahit paratangan.
34 Manalig ka kay Yahweh, utos niya'y sundin;
ikaw ay lalakas upang ang lupain ay kamtin,
at ang mga taksil makikitang palalayasin.
35 Ako'y may nakitang taong abusado,
itaas ang sarili ang kanyang gusto; kahoy sa Lebanon ang tulad nito.
36 Lumipas ang araw, ang aking napuna, nang ako'y magdaan, ang tao'y wala na;
hinanap-hanap ko'y di ko na makita.
37 Ang taong matuwid ay inyong pagmasdan,
mapayapang tao'y patuloy ang angkan.
38 Ngunit wawasaking lubos ang masama,
lahi'y lilipulin sa balat ng lupa.
39 Ililigtas ni Yahweh ang mga matuwid,
iingatan sila kapag naliligalig.
40 Sasaklolohan sila't kanyang tutulungan
laban sa masama, ipagsasanggalang;
sapagkat si Yahweh ang kanilang sandigan.
6 Ang matuwid ay mag-aani ng pagpapala't kabutihan,
ngunit ang bibig ng masama ay nagtatakip ng karahasan.
7 Ang alaala ng matuwid, mananatili kailanman,
ngunit pangalan ng masama ay tiyak na mapaparam.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.