Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CEV. Switch to the CEV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Exodo 23:14-25:40

Ang Tatlong Pangunahing Pista

14 “Ipagpipista ninyo ako nang tatlong beses isang taon. 15 Ipagdiriwang(A) ninyo ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Tulad ng sinabi ko sa inyo, pitong araw na huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa. Ito'y gagawin ninyo sa takdang araw ng unang buwan, ang buwan ng pag-alis ninyo sa Egipto. Walang haharap sa akin nang walang dalang handog.

16 “Ipagdiriwang(B) din ninyo ang Pista ng Pag-aani tuwing aanihin ninyo ang unang bunga ng inyong mga bukirin.

“At ipagdiriwang din ninyo ang Pista ng mga Tolda sa pagtatapos ng taon, sa pitasan ng ubas at ng mga bungangkahoy. 17 Tatlong beses isang taon, lahat ng lalaki ay haharap sa Panginoong Yahweh.

18 “Huwag ninyong sasamahan ng tinapay na may pampaalsa ang mga hayop na ihahandog ninyo sa akin, at huwag ninyong hahayaang matira sa kinabukasan ang taba ng mga hayop na handog ninyo sa pagpipista para sa akin.

19 “Dadalhin(C) ninyo bilang handog sa bahay ni Yahweh na inyong Diyos ang mga pinakamainam na unang ani ng inyong mga bukirin.

“Huwag kayong maglalaga ng tupa o batang kambing sa gatas ng sarili nitong ina.

Mga Pangako at mga Tagubilin

20 “Magpapadala ako ng anghel na mangunguna sa inyo. Pangangalagaan niya kayo sa inyong paglalakbay at papatnubayan hanggang sa lupaing inihanda ko sa inyo. 21 Papakinggan ninyo siya at susundin ang lahat ng sasabihin niya sa inyo. Huwag ninyo siyang susuwayin sapagkat lahat ng ginagawa niya'y sa pangalan ko at hindi niya kayo patatawarin kapag nagrebelde kayo sa kanya. 22 Kung susundin ninyo siya at gagawin ninyo ang mga sinasabi ko, ipaglalaban ko kayo sa inyong mga kaaway. 23 Pangungunahan kayo ng aking anghel patungo sa lupain ng mga Amoreo, Heteo, Perezeo, Cananeo, Hivita at Jebuseo, at sila'y lilipulin ko. 24 Huwag ninyong yuyukuran o sasambahin ang kanilang mga diyus-diyosan, ni tutularan ang kanilang ginagawa. Durugin ninyo ang kanilang mga diyus-diyosan pati mga haliging ginamit nila sa pagsamba. 25 Akong si Yahweh ang siya lamang ninyong paglilingkuran. Pasasaganain ko kayo sa pagkain at inumin, at ilalayo sa anumang karamdaman. 26 Isa man sa mga babaing Israelita ay walang makukunan o mababaog. At bibigyan ko kayo ng mahabang buhay.

27 “Dahil sa gagawin ko, masisindak ang lahat ng haharap sa inyo. Malilito ang mga bansang makakalaban ninyo at magtatakbuhan dahil sa takot. 28 Habang kayo'y papalapit, guguluhin ko ang inyong mga kaaway[a] at palalayasin ko ang mga Hivita, Cananeo at Heteo sa kanilang lupain. 29 Hindi ko muna sila paaalising lahat sa loob ng isang taon para hindi mapabayaan ang lupain at nang hindi dumami ang mga maiilap na hayop. 30 Unti-unti ko silang paaalisin hanggang sa dumami ang inyong mga anak. 31 Ang magiging hangganan ng inyong lupain ay mula sa Dagat na Pula[b] hanggang sa Dagat Mediteraneo, at mula sa ilang hanggang sa Ilog Eufrates. Ipapalupig ko sa inyo ang mga tagaroon at sila'y inyong palalayasin. 32 Huwag kayong makikipagtipan sa kanila o sa kanilang mga diyus-diyosan. 33 Huwag ninyo silang patitirahing kasama ninyo sa lupaing sasakupin ninyo, at baka mahikayat nila kayong magkasala sa akin. Kapag pinaglingkuran ninyo ang kanilang mga diyus-diyosan, iyon ang magiging simula ng inyong kapahamakan.”

Pinagtibay ang Kasunduan

24 Pagkatapos, sinabi naman ni Yahweh kay Moises, “Umakyat ka rito sa bundok. Isama mo sina Aaron, Nadab, Abihu at ang pitumpu sa mga pinuno ng Israel. Sumamba kayo sa lugar na malayo sa akin. Ikaw lamang ang makakalapit sa akin. Sabihin mo naman sa mga taong-bayan na huwag aakyat sa bundok.”

Lahat ng iniutos ni Yahweh ay sinabi ni Moises sa mga Israelita. Ang mga ito nama'y sabay-sabay na sumagot, “Lahat ng iniuutos ni Yahweh ay susundin namin.” Isinulat ni Moises ang lahat ng utos ni Yahweh. Kinabukasan, maagang-maaga siyang nagtayo ng altar sa paanan ng bundok. Nagtayo rin siya ng labindalawang bato, na kumakatawan sa labindalawang lipi ni Israel. Pagkatapos, inutusan niya ang ilang kabataang lalaki na magdala sa altar ng mga handog na susunugin. Sila rin ang inutusan niyang pumatay ng mga hayop na gagamitin bilang handog sa pakikipagkasundo kay Yahweh. Ang kalahati ng dugo ng pinatay na hayop ay inilagay niya sa malalaking mangkok at ang kalahati'y ibinuhos niya sa altar. Kinuha niya ang aklat ng tipan at binasa nang malakas. Sabay-sabay namang sumagot ang mga Israelita, “Susundin namin ang lahat ng utos ni Yahweh.”

Pagkatapos,(D) kinuha ni Moises ang mga mangkok ng dugo at winisikan ang mga tao. Sinabi niya, “Ang dugong ito ang siyang katibayan ng pakikipagtipang ginawa sa inyo ni Yahweh sa pagbibigay sa inyo ng kautusang ito.”

Umakyat nga sa bundok sina Moises, Aaron, Nadab, Abihu at ang pitumpung pinuno ng Israel. 10 Doo'y nakita nila ang Diyos ng Israel. Ang kanyang tuntungan ay parang bughaw na safiro at nakakasilaw na parang langit. 11 Ngunit walang masamang nangyari sa kanila kahit nakita nila ang Diyos. At sila'y kumain doon at uminom.

Si Moises sa Bundok ng Sinai

12 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Umakyat ka rito. Maghintay ka at ibibigay ko sa iyo ang mga tapyas ng batong kinasusulatan ng mga kautusan at ng mga tagubilin. Sinulat ko ito upang maging tuntuning ituturo mo sa mga tao.” 13 Umakyat nga si Moises, kasama ang lingkod niyang si Josue. 14 Bago siya lumakad, sinabi niya sa mga pinuno ng Israel, “Hintayin ninyo kami rito. Kasama ninyong maiiwan sina Aaron at Hur; sila ang inyong lapitan sakaling magkaroon ng anumang usapin sa inyo.”

15 Umakyat si Moises sa bundok at ito'y natakpan ng ulap. 16 Ang Bundok ng Sinai ay nalukuban ng kaluwalhatian ni Yahweh; anim na araw itong nabalot ng ulap. Nang ikapitong araw, si Moises ay tinawag ni Yahweh mula sa gitna ng ulap. 17 Nakita rin ng mga Israelita ang kaluwalhatian ni Yahweh na parang nagniningas na apoy sa taluktok ng bundok. 18 At(E) unti-unti siyang natakpan ng ulap habang umaakyat; nanatili siya sa bundok sa loob ng apatnapung araw at gabi.

Mga Handog para sa Santuwaryo(F)

25 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita na maghandog sila ng kaloob sa akin at tanggapin mo ang mga buong pusong inihandog nila. Ito ang kanilang ihahandog: ginto, pilak, tanso; lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula; mga pinong telang lino at hinabing balahibo ng kambing; balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, mainam na balat, at kahoy na akasya; langis para sa ilawan at pabangong panghalo para sa langis na pampahid at para sa insenso. Maghahandog din sila ng mga alahas na kornalina at mga mamahaling alahas na pampalamuti sa efod at sa pektoral ng pinakapunong pari. Ipagpagawa mo ako ng santuwaryo na titirhan kong kasama nila. Ang santuwaryo at ang lahat ng kagamitang ilalagay roon ay gagawin mo ayon sa planong ibibigay ko sa iyo.

Ang Kaban ng Tipan(G)

10 “Gumawa kayo ng isang kaban na yari sa akasya: 1.1 metro ang haba, 0.7 metro ang luwang, at 0.7 metro ang taas. 11 Balutin ninyo ito ng lantay na ginto sa loob at labas, ang mga labi naman ay lagyan ninyo ng muldurang ginto. 12 Gagawa rin kayo ng apat na argolyang ginto na ikakabit sa apat na paa ng kaban, tigalawa sa magkabila. 13 Gumawa rin kayo ng kahoy na pampasan na yari sa akasya, babalutin din ito ng ginto 14 at isuot ninyo ang mga ito sa mga argolya sa magkabilang gilid ng kaban upang maging pasanan nito. 15 Huwag ninyong aalisin sa argolya ang mga pasanan. 16 Ang dalawang tapyas na bato ng kasunduang ibibigay ko sa iyo ay ilalagay mo sa kaban.

17 “Gumawa(H) ka ng Luklukan ng Awa na yari sa purong ginto. Ang haba nito'y 1.1 metro, at 0.7 metro naman ang luwang. 18 Lalagyan mo ng dalawang kerubing ginto ang dalawang dulo nito, 19 tig-isa sa magkabilang dulo. Ihihinang ang mga kerubin upang ito at ang Luklukan ng Awa ay maging iisang piraso. 20 Gawin mong magkaharap ang dalawang kerubin na parehong nakatungo, at nakabuka ang mga pakpak na nilulukuban ang Luklukan ng Awa. 21 Ilalagay mo ito sa ibabaw ng kaban na kinalalagyan ng dalawang tapyas na bato ng kautusang ibibigay ko sa iyo. 22 Doon tayo magtatagpo sa Luklukan ng Awa, sa pagitan ng dalawang kerubin; doon ko ibibigay sa iyo ang kautusan ko sa mga Israelita.

Ang Mesa ng Tinapay na Handog sa Diyos(I)

23 “Gagawa ka rin ng isang mesang yari sa akasya na 0.9 metro ang haba, 0.5 metro ang lapad, at 0.7 metro ang taas. 24 Balutan mo ito ng purong ginto at paligiran mo ng muldurang ginto. 25 Lagyan mo ang gilid nito ng sinepa na singlapad ng isang palad at paligiran din ng muldurang ginto. 26 Gumawa ka ng apat na argolyang ginto at ikabit mo sa apat na sulok, sa may tapat ng paa nito. 27 Ang mga argolyang pagkakabitan ng mga kahoy na pampasan ay malapit sa sinepa. 28 Gumawa rin kayo ng pampasan na yari sa akasya at babalutin din ito ng ginto. 29 Gumawa rin kayo ng mga kagamitang ginto: plato, tasa, banga at mangkok para sa mga handog na inumin. 30 Ang(J) mga tinapay na handog ninyo sa akin ay ilalagay ninyo sa mesa sa harapan ko.

Ang Lalagyan ng Ilaw(K)

31 “Gumawa kayo ng ilawang yari sa purong ginto. Ang patungan at tagdan nito'y yari sa pinitpit na purong ginto. Ang mga palamuti nitong bulaklak, ang buko at mga talulot ay parang iisang piraso. 32 Lalagyan mo ito ng anim na sanga, tatlo sa magkabila. 33 Bawat sanga'y lagyan mo ng tatlong magagandang bulaklak na parang almendra, may usbong at may talulot. 34 Ang tangkay naman ay lagyan mo rin ng apat na bulaklak na tulad ng nasa sanga. 35 Lalagyan mo ng usbong sa ilalim ng mga sanga, isa sa ilalim ng bawat dalawang sanga. 36 Ang mga usbong, mga sanga, at ang tagdan ng ilawan ay gagawin ninyong isang piraso na gawa sa purong ginto. 37 Gagawa kayo ng pitong ilaw para sa mga patungang ito. Iayos ninyo ito upang ang liwanag nito'y nasa harap ng ilawan. 38 Ang pang-ipit ng mitsa at ang patungan ay dalisay na ginto rin. 39 Sa lahat ng ito ay 35 kilong purong ginto ang gagamitin ninyo. 40 Sundin(L) mong mabuti ang planong ipinakita ko sa iyo sa bundok.

Mateo 24:29-51

Ang Pagparito ng Anak ng Tao(A)

29 “Pagkatapos(B) ng kapighatian sa mga araw na iyon, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, malalaglag mula sa langit ang mga bituin, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa kalawakan. 30 Pagkatapos,(C) lilitaw sa langit ang tanda ng Anak ng Tao at mananangis ang lahat ng mga bansa sa daigdig. Makikita nila ang Anak ng Tao na nasa alapaap at dumarating na may dakilang kapangyarihan at kadakilaan. 31 Sa hudyat ng malakas na tunog ng trumpeta, susuguin niya ang kanyang mga anghel sa apat na sulok ng daigdig at titipunin nila ang mga hinirang mula sa lahat ng dako.”

Ang Aral mula sa Puno ng Igos(D)

32 “Unawain ninyo ang aral mula sa puno ng igos; kapag ang mga sanga nito ay umuusbong at nagkakadahon na, alam ninyong malapit na ang tag-araw. 33 Gayundin naman, kapag nakita ninyo ang lahat ng ito, malalaman ninyong malapit na siyang[a] dumating, halos naririto na. 34 Tandaan ninyo, magaganap ang lahat ng mga ito bago maubos ang salinlahing ito. 35 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga sinasabi ay tiyak na mananatili.”

Walang Nakakaalam ng Araw o Oras(E)

36 “Ngunit tungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit [o maging ang Anak man].[b] Ang Ama lamang ang nakakaalam nito. 37 Ang(F) pagdating ng Anak ng Tao ay tulad noong panahon ni Noe. 38 Nang mga araw na iyon, bago bumaha, ang mga tao'y nagsisikain, nag-iinuman, at nagsisipag-asawa hanggang sa araw na pumasok si Noe sa barko. 39 Hindi(G) nila namamalayan ang nangyayari hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat. Gayundin ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao. 40 Sa panahong iyon, may dalawang lalaking nagtatrabaho sa bukid, kukunin ang isa at iiwan ang ikalawa. 41 May dalawang babaing nagtatrabaho sa gilingan, kukunin ang isa at iiwan ang ikalawa. 42 Kaya't maging handa kayo dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang inyong Panginoon. 43 Unawain(H) ninyo ito: kung alam ng may-ari ng bahay kung anong oras sa gabi darating ang magnanakaw, siya'y maghahanda at hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. 44 Kaya't lagi kayong maging handa, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.”

Dapat Palaging Maging Handa(I)

45 “Sino ang tapat at matalinong alipin? Hindi ba't ang pinamamahala ng kanyang panginoon upang magpakain sa iba pang mga alipin sa takdang oras? 46 Pinagpala ang aliping iyon kapag dinatnan siyang tapat na naglilingkod sa pagbabalik ng kanyang panginoon! 47 Sinasabi ko sa inyo, gagawin siyang tagapamahala ng kanyang panginoon sa lahat ng mga ari-arian nito. 48 Ngunit kung masama ang aliping iyon, sasabihin niya sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa ang pagbabalik ng aking panginoon.’ 49 Kaya't sisimulan niyang bugbugin ang kanyang kapwa alipin, at makikipagkainan at makikipag-inuman sa mga lasenggo. 50 Babalik ang panginoon ng aliping iyon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. 51 Bibigyan siya ng kanyang panginoon ng matinding parusa,[c] at pagkatapos ay isasama sa mga mapagkunwari. Doo'y tatangis siya at magngangalit ang ngipin.”

Mga Awit 30

Panalangin ng Pagpapasalamat

Katha ni David; isang Awit para sa pagtatalaga ng Templo.

30 Pinupuri kita, Yahweh, pagkat ako'y iyong iniligtas,
    mga kaaway ko'y di mo hinayaang magmataas.
Sa iyo, Yahweh, aking Diyos, ako'y dumaing,
    at ako nama'y iyong pinagaling.
Hinango mo ako mula sa libingan,
    at mula sa hukay, ako'y muli mong binuhay.

Purihin si Yahweh, siya'y inyong awitan,
    ninyong bayang hinirang, siya ay pasalamatan,
pasalamatan ninyo ang banal niyang pangalan!
Ang kanyang galit, ito'y panandalian,
    ngunit panghabang-buhay ang kanyang kabutihan.
Sa buong magdamag, luha ma'y pumatak,
    pagsapit ng umaga, kapalit ay galak.

Sinabi ko sa sarili pagkat ako'y panatag,
    “Kailanma'y hindi ako matitinag.”
Kay buti mo, Yahweh, ako'y iyong iningatan,
    tulad sa isang muog sa kabundukan.
Ngunit natakot ako, nang ako'y iyong iwan.

Sa iyo, Yahweh, ako'y nanawagan,
    nagsumamo na ako ay tulungan:
“Anong halaga pa kung ako'y mamamatay?
    Anong pakinabang kung malibing sa hukay?
Makakapagpuri ba ang mga walang buhay?
    Maipapahayag ba nila ang iyong katapatan?
10 Pakinggan mo ako, Yahweh, at kahabagan,
    O Yahweh, ako po sana'y tulungan!”

11 Pinawi mo itong aking kalungkutan, pinalitan mo ng sayaw ng kagalakan!
    Pagluluksa ko ay iyong inalis,
    kaligayahan ang iyong ipinalit.
12 Aawit sa iyo ng papuri at hindi ako tatahimik,
    O Yahweh, aking Diyos, pasasalamat ko'y walang patid.

Mga Kawikaan 7:24-27

24 Kaya nga ba, aking anak, sa akin ay makinig,
    at dinggin mo ang salitang mula sa aking bibig.
25 Huwag mo ngang hahayaang ang puso mo ay maakit,
    ng babaing ang tuntunin ay landasing nakalihis,
26 sapagkat marami na ang kanyang naipahamak,
    at hindi na mabibilang, nabuwal sa kanyang yapak.
27 Sa bahay niya'y nagmumula ang landas ng kasawian,
    tiyak na patungo sa malagim na kamatayan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.