The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CEV. Switch to the CEV to read along with the audio.
Ang Guyang Ginto(A)
32 Nang magtagal si Moises sa bundok, ang mga Israelita'y lumapit kay Aaron. Sinabi nila, “Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin. Hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa Moises na iyan na naglabas sa amin sa Egipto.”
2 “Kung gayon, tipunin ninyo ang mga hikaw na ginto ng inyong asawa't mga anak at dalhin sa akin,” sagot ni Aaron. 3 Ganoon nga ang kanilang ginawa. 4 Kinuha(B) (C) ni Aaron ang mga hikaw at tinunaw; ibinuhos niya sa isang hulmahan at ginawang hugis ng guya.
Pagkayari, sinabi nila: “Israel, narito ang diyos mong naglabas sa iyo sa Egipto!”
5 Nang ito'y makita ni Aaron, gumawa siya ng altar sa harap nito at sinabi sa mga tao, “Ipagpipista natin bukas si Yahweh.” 6 Kinabukasan,(D) maaga silang bumangon at naghandog ng mga hayop at sinunog sa altar. Nagpatay pa sila ng hayop na kanilang pinagsalu-saluhan. Sila'y nagpakabusog, nag-inuman at mahalay na nagkasayahan.
7 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Balikan mo ngayon din ang mga Israelitang inilabas mo sa Egipto, sapagkat itinakwil na nila ako. 8 Tinalikdan nila agad ang mga utos ko. Gumawa sila ng guyang ginto. Iyon ang sinasamba nila ngayon at hinahandugan. Ang sabi nila'y iyon ang diyos na naglabas sa kanila sa Egipto. 9 Kilala ko ang mga taong iyan at alam kong matitigas ang kanilang ulo. 10 Hayaan mong lipulin ko sila at ikaw at ang iyong lahi'y gagawin kong isang malaking bansa.”
11 Nagmakaawa(E) si Moises kay Yahweh: “Huwag po! Huwag ninyong lilipulin ang mga taong inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng inyong dakilang kapangyarihan. 12 Kapag nilipol ninyo sila, masasabi ng mga Egipcio na ang mga Israelita'y inilabas ninyo sa Egipto upang lipulin sa kabundukan. Huwag na po kayong magalit sa kanila at huwag na ninyong ituloy ang inyong parusa sa kanila. 13 Alalahanin(F) ninyo ang mga lingkod ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob. Ipinangako ninyo sa kanila na ang lahi nila'y pararamihing tulad ng mga bituin sa langit at magiging kanila habang panahon ang lupang ipinangako ninyo.” 14 Hindi nga itinuloy ni Yahweh ang balak na paglipol sa mga Israelita.
15 Pagkaraan noon, si Moises ay bumalik mula sa bundok dala ang dalawang tapyas na batong kinasusulatan ng mga utos. 16 Ang Diyos mismo ang gumawa ng dalawang tapyas na bato at nag-ukit ng mga utos na nakasulat doon.
17 Nang pabalik na sila, narinig ni Josue ang sigawan ng mga tao. Sinabi niya kay Moises, “May ingay ng labanan sa kampo.”
18 “Ang naririnig ko'y hindi sigaw ng tagumpay o ng pagkatalo, kundi awitan,” sagot ni Moises.
19 Nang sila'y malapit na sa kampo, nakita ni Moises ang guya at ang mga taong nagsasayawan. Dahil dito, nagalit siya. Ibinalibag niya sa paanan ng bundok ang mga tapyas na bato at ito'y nadurog. 20 Kinuha niya ang guya at sinunog. Pagkatapos, dinurog niya ito nang pino saka ibinuhos sa tubig at ipinainom sa mga Israelita. 21 Hinarap niya si Aaron, “Ano bang ginawa nila sa iyo at pumayag kang gawin ang malaking kasalanang ito?”
22 Sumagot si Aaron, “Huwag ka nang magalit sa akin, kapatid ko. Alam mo naman kung gaano katigas ang kanilang ulo. Ayaw nilang paawat sa paggawa ng kasamaang ito. 23 Sinabi nila sa akin na igawa ko sila ng mga diyos na mangunguna sa kanila sapagkat hindi raw nila alam kung ano na ang nangyari sa iyo. 24 Kaya't tinanong ko sila kung sino ang may ginto. Ibinigay naman nila sa akin ang mga alahas, tinunaw ko sa apoy at lumabas ang guyang iyon.”
25 Nakita ni Moises na nagkakagulo ang mga tao sapagkat sila'y pinabayaan ni Aaron na sumamba sa diyus-diyosan. At naging katawatawa sila sa paningin ng mga kaaway na nakapaligid. 26 Kaya't tumayo si Moises sa pintuan ng kampo at sumigaw, “Lumapit sa akin ang lahat ng nasa panig ni Yahweh!” At lumapit sa kanya ang mga Levita. 27 Sinabi niya sa kanila, “Ipinapasabi ni Yahweh, ng Diyos ng Israel: ‘Kunin ninyo ang inyong mga tabak, galugarin ninyo ang buong kampo at patayin ang lahat ng inyong makita, maging kapatid, kaibigan o sinuman.’” 28 Sinunod ng mga Levita ang utos ni Moises at may tatlong libong katao ang napatay nila nang araw na iyon. 29 Sinabi ni Moises, “Ngayo'y inilaan ninyo ang inyong mga sarili sa paglilingkod kay Yahweh dahil sa pagkapatay ninyo sa inyong mga anak at mga kapatid. Kaya, tatanggapin ninyo ngayon ang kanyang pagpapala.”
30 Kinabukasan, sinabi ni Moises sa mga tao, “Napakalaki ng nagawa ninyong kasalanan. Aakyat ako ngayon sa bundok at mananalangin kay Yahweh, baka sakaling maihingi ko kayo ng tawad.” 31 Umakyat nga sa bundok si Moises at nanalangin kay Yahweh. Sinabi niya, “Napakalaking pagkakasala ang nagawa ng mga tao; gumawa sila ng diyus-diyosang ginto. 32 Ipinapakiusap(G) ko pong patawarin na ninyo sila. Kung hindi ninyo sila mapapatawad, burahin na rin ninyo sa inyong aklat ang aking pangalan.”
33 Sumagot si Yahweh, “Kung sino ang nagkasala sa akin ay siya kong buburahin sa aking aklat. 34 Ngayon, pangunahan mo sila sa lugar na sinabi ko sa iyo at papatnubayan kayo ng aking anghel. Ngunit darating ang araw na paparusahan ko ang mga Israelita dahil sa kanilang mga kasalanan.”
35 At pinadalhan ni Yahweh ng sakit ang mga tao sapagkat pinagawa nila ng guya si Aaron.
Nagpatuloy ng Paglalakbay ang Israel
33 Sinabi(H) (I) ni Yahweh kay Moises, “Umalis na kayo rito at magtuloy sa lupaing aking ipinangako kina Abraham, Isaac at Jacob na ibibigay ko sa kanilang lahi. 2-3 Ang pupuntahan ninyo'y isang mayaman at masaganang lupain. Pauunahin ko sa inyo ang isang anghel upang palayasin ang mga Cananeo, Amoreo, Heteo, Perezeo, Hivita at Jebuseo. Hindi ako ang sasama sa inyo at baka malipol ko lamang kayo sa daan dahil sa katigasan ng inyong ulo.”
4 Nang malaman ito ng mga Israelita, labis silang nalungkot at isa ma'y walang nagsuot ng alahas. 5 Sapagkat sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita na matitigas ang ulo nila. Baka kung ako ang sasama sa kanilang paglalakbay ay malipol ko lang sila. Ipaalis mo ang kanilang mga alahas, at pagkatapos ay magpapasya ako kung ano ang gagawin ko sa kanila.” 6 Kaya't mula sa Bundok ng Sinai,[a] hindi na sila nagsuot ng alahas.
Ang Toldang Tipanan
7 Nakaugalian na ni Moises na itayo ang tabernakulo sa isang lugar na malayu-layo sa kampo; tinawag iyong Toldang Tipanan ng Diyos at ng mga tao. Doon pumupunta ang sinumang nais sumangguni kay Yahweh. 8 Tuwing papasok doon si Moises, ang mga Israelita'y tumatayo sa pintuan ng kanilang tolda at tinitingnan siya hanggang sa siya'y makapasok. 9 Kapag nasa loob na si Moises, bumababa naman sa may pinto ng Toldang Tipanan ang haliging ulap at mula roo'y makikipag-usap sa kanya si Yahweh. 10 Kapag nakita ng mga Israelita na nasa pintuan ng Tolda ang haliging ulap, pumupunta naman sila sa pintuan ng kanilang tolda at doo'y yumuyuko at sumasamba. 11 Ang pakikipag-usap ni Yahweh kay Moises ay harap-harapan, tulad ng pakikipag-usap sa kaibigan. Pagkatapos, si Moises ay bumabalik na sa kampo ngunit naiiwan sa Tolda si Josue, ang lingkod niya.
Nangako si Yahweh na Sila'y Papatnubayan
12 Sinabi ni Moises kay Yahweh, “Iniutos ninyo sa aking pangunahan ko ang bayang ito papunta sa lupaing ipinangako ninyo. Ngunit hindi ninyo sinabi kung sino ang makakatulong ko. Sinabi pa ninyong nalulugod po kayo sa akin at kilalang-kilala ninyo ako. 13 Kung ito'y totoo, ipinapakiusap kong sabihin ninyo sa akin ang inyong mga balak gawin para malaman ko upang patuloy kayong malulugod sa akin. Alalahanin din ninyo na ang bayang Israel ay inyo.”
14 “Sasamahan ko kayo at bibigyan ko kayo ng kapayapaan,” sagot ni Yahweh.
15 Sinabi ni Moises, “Kung hindi ninyo kami sasamahan, huwag na po ninyo kaming paalisin dito. 16 Sapagkat kung hindi kayo sasama sa amin, paano malalaman ng lahat na kami po ay inyong kinalulugdan? Kung sasama kayo sa amin, maliwanag na kami'y naiiba sa lahat ng mga bansa.”
17 “Sige, gagawin ko ang hiling mo sapagkat ako'y nalulugod sa iyo at kilalang-kilala kita,” sabi ni Yahweh.
18 Kaya't hiniling ni Moises, “Yahweh, ipakita po ninyo sa akin ang inyong kaluwalhatian!”
19 “Makikita mong lahat ang aking kaluwalhatian at bibigkasin ko sa iyo ang aking pangalan: Yahweh. Mahahabag ako sa nais kong kahabagan at maaawa ako sa nais kong kaawaan, 20 ngunit hindi mo maaaring makita ang aking mukha sapagkat tiyak na mamamatay ang sinumang makakita niyon. 21 Dito sa tabi ko'y may matatayuan kang bato. 22 Pagdaan ng aking maningning na kaluwalhatian, ipapasok kita sa siwang ng batong ito at tatakpan kita ng aking kamay. 23 Pagkalampas ko'y aalisin ko na ang aking kamay at makikita mo ang likod ko, ngunit hindi ang aking mukha,” sagot ni Yahweh.
Ikinaila ni Pedro si Jesus(A)
69 Samantala, si Pedro ay nakaupo noon sa patyo. Nilapitan siya ng isang utusang babae at sinabi sa kanya, “Kasamahan ka rin ni Jesus na taga-Galilea, hindi ba?”
70 Ngunit nagkaila si Pedro sa harap ng lahat. “Wala akong nalalaman sa sinasabi mo,” sagot niya.
71 Pumunta siya sa may pintuan at nakita siya ng isa pang utusang babae. Sinabi nito sa mga naroon, “Ang taong ito'y kasamahan ni Jesus na taga-Nazaret.”
72 Muling nagkaila si Pedro, “Isinusumpa ko, hindi ko kakilala ang taong iyon!”
73 Makalipas ang ilang sandali, lumapit kay Pedro ang mga naroon. Sabi nila, “Isa ka nga sa mga tauhan niya. Nahahalata ka sa punto ng iyong pagsasalita.”
74 Sumagot si Pedro, “Parusahan nawa ako ng Diyos kung nagsisinungaling ako! Hindi ko kilala ang taong iyan.” Pagkasabing-pagkasabi nito, tumilaok ang manok. 75 Naalala ni Pedro ang sinabi ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok, tatlong beses mo akong ikakaila.” Lumabas siya at tumangis nang buong kapaitan.
Dinala si Jesus kay Pilato(B)
27 Kinaumagahan, nagpulong ang mga punong pari at mga pinuno ng bayan[a] kung paano nilang maipapapatay si Jesus. 2 Siya'y kanilang iginapos at dinala kay Pilato na gobernador.
Ang Pagkamatay ni Judas(C)
3 Nang(D) malaman ng taksil na si Judas na si Jesus ay nahatulang mamatay, nagsisi siya at isinauli sa mga punong pari at mga pinuno ng bayan ang tatlumpung pirasong pilak. 4 Sinabi niya, “Nagkasala ako! Ipinagkanulo ko ang dugo ng taong walang kasalanan.”
“Ano ang pakialam namin sa iyo? Bahala ka sa buhay mo!” sagot nila.
5 Inihagis ni Judas sa loob ng Templo ang tatlumpung pirasong pilak, at pagkaalis doon, siya'y nagbigti.
6 Pinulot ng mga punong pari ang mga pirasong pilak. Sinabi nila, “Labag sa Kautusan na ilagay ang salaping ito sa kabang-yaman ng Templo sapagkat bayad ito sa buhay ng isang tao.” 7 Nagkaisa sila na ang salaping iyon ay ibili ng bukid ng isang magpapalayok, upang gawing libingan ng mga dayuhan. 8 Mula noon hanggang ngayon, ang bukid na iyon ay tinatawag na “Bukid ng Dugo.”
9 Sa(E) gayon, natupad ang sinabi ni propeta Jeremias: “Kinuha nila ang tatlumpung pirasong pilak, ang halagang katumbas niya ayon sa mga Israelita, 10 at ginamit ito upang bilhin ang bukid ng isang magpapalayok, ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon.”
Si Jesus sa Harap ni Pilato(F)
11 Iniharap si Jesus sa gobernador at siya'y tinanong nito, “Ikaw nga ba ang Hari ng mga Judio?”
Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang may sabi.” 12 Ngunit nang paratangan siya ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan, hindi siya umimik.
13 Kaya't sinabi sa kanya ni Pilato, “Hindi mo ba naririnig ang marami nilang paratang laban sa iyo?” 14 Ngunit hindi pa rin siya umimik kaya't labis na nagtaka ang gobernador.
Awit ng Pagpupuri
33 Lahat ng matuwid dapat na magsaya,
dahil sa ginawa ng Diyos sa kanila;
kayong masunuri'y magpuri sa kanya!
2 Ang Diyos na si Yahweh ay pasalamatan,
tugtugin ang alpa't awit ay saliwan;
3 Isang bagong awit, awiting malakas,
kasaliw ang tugtog ng alpang marilag!
4 Si Yahweh ay tapat sa kanyang salita,
at maaasahan ang kanyang ginawa.
5 Ang nais niya ay kat'wira't katarungan,
ang pag-ibig niya sa mundo'y laganap.
6 Sa utos ni Yahweh, nalikha ang langit,
ang araw, ang buwa't talang maririkit;
7 sa iisang dako, tubig ay tinipon,
at sa kalaliman ay doon kinulong.
8 Matakot kay Yahweh ang lahat sa lupa!
Dapat katakutan ng buong nilikha!
9 Ang buong daigdig, kanyang nilikha,
sa kanyang salita, lumitaw na kusa.
10 Ang binabalangkas niyong mga bansa,
kanyang nababago't winawalang-bisa.
11 Ngunit ang mga panukala ni Yahweh,
hindi masisira, ito'y mananatili.
33 Upang maging matalino, ang turo ko ay dinggin mo,
huwag mong pababayaan ni lalayuan ito.
34 Mapalad ang taong sa akin ay nakikinig,
sa akin ay nag-aabang at palaging nakatitig.
35 Pagkat ang makasumpong sa akin ay nakasumpong ng buhay,
at ang kalooban ni Yahweh ay kanyang nakakamtan.
36 Ngunit ang di makasumpong sa akin, sarili ang sinasaktan,
ang napopoot sa akin, iniibig ay kamatayan.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.