The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CEV. Switch to the CEV to read along with the audio.
Ang Tabernakulo ng Diyos(A)
26 “Para sa tabernakulo, gumawa ka ng sampung pirasong tela na yari sa telang lino na ihinabi sa lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula. Ito'y dapat burdahan ng larawan ng kerubin. 2 Ang haba ng bawat piraso ay 13 metro at dalawang metro naman ang lapad. 3 Pagkakabit-kabitin ninyo ito ng tiglilima. 4 Ang tig-isang gilid nito'y lagyan ninyo ng silo na yari sa taling asul. 5 Tiglilimampung silo ang ilagay ninyo sa bawat piraso. 6 Gumawa ka ng limampung kawit na ginto at ang mga ito ang gagamitin ninyo para pagkabitin ang dalawang piraso.
7 “Gumawa ka rin ng labing-isang pirasong kurtina na gawa sa balahibo ng kambing na siyang gagawing takip sa ibabaw ng tabernakulo. 8 Bawat isa nito'y 13 metro ang haba at 2 metro naman ang lapad. 9 Pagkabit-kabitin ninyo ang limang piraso at gayundin ang gawin sa anim na natitira. Ang ikaanim ay ilulupi at siyang ilalagay sa harap ng tolda. 10 Bawat piraso ay palagyan mo ng tiglilimampung silo ang gilid. 11 Gumawa ka ng limampung kawit na tanso at isuot mo sa mga silo para pagkabitin ang dalawang piraso upang maging isa lamang. 12 Ang kalahating bahagi ng tabing ay ilaladlad sa likuran upang maging takip. 13 Ang tig-kalahating metrong sobra sa mga tabi ay siyang takip sa gilid. 14 Ito ay lalagyan pa ng dalawang patong ng pulang balat: ang ilalim ay balat ng tupang lalaki at ang ibabaw ay balat na mainam.
15 “Ang tabernakulo'y igawa mo ng mga patayong haligi na gawa sa akasya; 16 bawat haligi ay 4 na metro ang haba at 0.7 metro naman ang lapad. 17 Bawat haligi ay lagyan mo ng tigalawang mitsa para sa pagdurugtong. 18 Sa gawing timog, dalawampung haligi ang ilagay mo 19 at ikabit sa apatnapung patungang pilak, dalawang patungan sa bawat haligi. 20 Dalawampung haligi rin ang gawin mo para sa gawing hilaga 21 at apatnapung patungan, dalawa rin sa bawat haligi. 22 Sa likod naman, sa gawing kanluran ay anim na haligi ang ilagay mo 23 at dalawa para sa mga sulok. 24 Ang mga haliging panulok ay pagkabitin mo mula sa ibaba hanggang sa may argolya sa itaas. 25 Kaya, walong lahat ang haligi sa likuran at labing-anim naman ang patungan.
26 “Gagawa ka rin ng pahalang na haligi na yari sa akasya, lima sa isang tabi, 27 lima sa kabila, at lima sa likod, sa gawing kanluran. 28 Ang mga pahalang na haliging panggitna ay abot sa magkabilang dulo ng dingding. 29 Ang mga patayong haligi ay balutin mo ng ginto at kabitan ng mga argolyang ginto na pagsusuutan ng mga pahalang na haligi na binalot din ng ginto. 30 Gawin mo ang tabernakulo ayon sa planong ipinakita ko sa iyo sa bundok.
31 “Gumawa ka ng kurtinang yari sa puting lino at lanang asul, kulay ube at kulay pula. Burdahan mo ito ng larawan ng kerubin. 32 Isabit mo ito sa mga kawit na ginto na nakakabit sa apat na haliging akasya na binalot din ng ginto at nakatindig sa apat na patungang pilak. 33 Isabit(B) mo ang tabing na ito sa tapat ng kawit sa bubong ng tabernakulo at ilagay sa likod ng tabing ang Kaban ng Tipan. Ang tabing na ito ang siyang maghihiwalay sa Dakong Banal at sa Dakong Kabanal-banalan. 34 Ang Luklukan ng Awa ay ilagay mo sa ibabaw ng Kaban ng Tipan na nasa Dakong Kabanal-banalan. 35 Ang mesa ay ilagay mo sa labas ng kurtina, sa gawing hilaga ng Dakong Banal at sa gawing timog naman ang patungan ng ilaw.
36 “Ang pintuan ng tabernakulo'y lagyan mo ng kurtinang iba't ibang kulay na hinabi sa lanang asul, kulay ube at kulay pula, at telang lino. Ito'y buburdahan nang maganda. 37 Gumawa ka ng limang posteng akasya para sa tabing. Balutin mo ito ng ginto, kabitan ng argolyang ginto at itayo sa limang tuntungang tanso.
Ang Altar(C)
27 “Gumawa ka ng isang altar na yari sa punong akasya; 2.2 metro ang haba, ganoon din ang lapad, at ang taas ay 1.3 metro. 2 Ang apat na sulok niyon ay lagyan mo ng tulis na parang sungay. Gawin mo itong kaisang piraso ng altar at balutin mo ng tanso. 3 Gumawa ka rin ng mga kagamitang tanso para sa altar: lalagyan ng abo ng sinunog na taba, ng pala, palanggana, malaking tinidor at lalagyan ng apoy. 4 Gumawa ka rin ng parilyang tanso, at ang bawat sulok nito ay kabitan mo ng isang argolyang tanso na siyang bitbitan, 5 at ikabit mo ang parilya sa ilalim ng tuntungan ng altar. 6 Gumawa rin kayo ng pampasan na yari sa punong akasya at babalutin din ng tanso. 7 Isuot mo ang mga ito sa mga argolya ng altar kung ito'y kailangang buhatin. 8 Kaya nga't ang altar na gagawin mo ay may guwang sa gitna, ayon sa planong ipinakita ko sa iyo sa bundok.
Ang Bulwagan ng Tabernakulo(D)
9 “Ang tabernakulo'y igawa mo ng bulwagang tatabingan ng mamahaling lino sa paligid. Sa gawing timog ay 45 metro ang haba ng tabing 10 na isasabit sa dalawampung posteng tanso na nakatindig sa dalawampung patungang tanso. Pilak naman ang mga kawit ng poste, gayon din ang mga baras na sabitan. 11 Ang ilalagay sa gawing hilaga ay tulad din ng nasa gawing timog; 45 metro ang haba ng mga tabing na nakasabit sa dalawampung posteng tanso na nakatindig sa dalawampung patungang tanso. Pilak naman ang mga kawit ng poste, gayon din ang baras. 12 Sa gawing kanluran naman, 22 metro ang haba ng tabing na isasabit sa sampung posteng nakatindig sa sampung patungan. 13 Ang luwang ng harapan sa gawing silangan ay 22 metro rin. 14 Ang isang tabi ng pintuan nito'y lalagyan ng kurtinang may habang 6.6 na metro, na nakasabit sa tatlong posteng nakapatong sa tatlong tuntungan. 15 Ganoon din sa kabilang gilid, 6.6 na metro ang haba ng kurtinang nakasabit sa tatlong posteng may kanya-kanyang tuntungan. 16 Ang kurtina naman sa mismong pinto ay 9 na metro ang haba, yari sa kulay asul, kulay ube at pulang lana, pinong lino na maganda ang burda. Isasabit ito sa apat na posteng nakatuntong sa apat na patungan. 17 Lahat ng poste sa bulwagan ay pagkakabitin ng baras na pilak; pilak din ang mga kawit ngunit tanso ang mga tuntungan. 18 Ang haba ng bulwagan ay 45 metro at 22 metro naman ang luwang. Ang mga tabing na pawang yari sa mamahaling lino ay 2.2 metro ang taas; ang mga patungan ay pawang tanso. 19 Lahat ng kagamitan sa tabernakulo, pati mga tulos ay panay tanso.
Ang Pangangalaga sa Ilawan(E)
20 “Pagdalhin mo ang mga Israelita ng pinakamainam na langis ng olibo para sa mga ilaw upang ito'y manatiling nagniningas. 21 Aalagaan ito ni Aaron at ng kanyang mga anak sa Toldang Tipanan. Ito'y ilalagay sa labas ng tabing, sa tapat ng Kaban ng Tipan. Hindi nila ito pababayaang mamatay mula hapon hanggang umaga at habang panahong gagawin ito ng mga Israelita at ng kanilang buong lahi.
Talinghaga tungkol sa Sampung Dalaga
25 “Ang(A) kaharian ng langit ay maitutulad dito. May sampung dalagang lumabas upang sumalubong sa lalaking ikakasal. Bawat isa'y may dalang ilawan. 2 Ang lima sa kanila'y hangal at ang lima nama'y matatalino. 3 Ang mga hangal ay nagdala ng kanilang mga ilawan ngunit hindi nagbaon ng langis. 4 Ang matatalino nama'y nagbaon ng langis, bukod pa sa nasa kanilang mga ilawan. 5 Naantala ang pagdating ng lalaking ikakasal kaya't inantok at nakatulog sila sa paghihintay.
6 “Ngunit nang hatinggabi na'y may sumigaw, ‘Narito na ang lalaking ikakasal! Lumabas na kayo upang salubungin siya!’ 7 Agad bumangon ang sampung dalaga at inayos ang kanilang ilawan. 8 Sinabi ng mga hangal sa matatalino, ‘Bigyan naman ninyo kami kahit kaunting langis. Aandap-andap na ang aming mga ilawan.’
9 “‘Baka hindi ito magkasya sa ating lahat. Mabuti pa'y pumunta muna kayo sa tindahan at bumili ng para sa inyo,’ tugon naman ng matatalino. 10 Kaya't lumakad ang limang dalagang iyon upang bumili ng langis. Habang wala sila, dumating ang lalaking ikakasal. Ang limang nakahanda ay kasama niyang pumasok sa kasalan, at isinara ang pinto.
11 “Pagkatapos,(B) dumating naman ang iba pang dalaga. ‘Panginoon, panginoon, papasukin po ninyo kami!’ pakiusap nila.
12 “Ngunit tumugon siya, ‘Sino ba kayo? Hindi ko kayo kilala.’”
13 Pagkatapos nito'y sinabi ni Jesus, “Kaya't magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras man.”
Talinghaga tungkol sa Tatlong Alipin(C)
14 “Ang(D) paghahari ng Diyos ay maitutulad sa isang taong maglalakbay. Kaya't tinawag niya ang kanyang mga tauhan at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang ari-arian. 15 Binigyan niya ng salaping ginto[a] ang bawat isa ayon sa kanilang kakayahan. Binigyan niya ang isa ng limanlibong salaping ginto, ang isa nama'y dalawang libong salaping ginto, at ang isa pa ay isanlibong salaping ginto. Pagkatapos nito, siya'y umalis. 16 Kumilos agad ang tumanggap ng limanlibong salaping ginto at ipinangalakal iyon. Kumita siya ng limanlibong salaping ginto. 17 Gayundin naman, ang tumanggap ng dalawang libong salaping ginto ay kumita pa ng dalawang libong salaping ginto. 18 Ngunit ang tumanggap ng isanlibong salaping ginto ay humukay sa lupa at itinago ang salaping ginto ng kanyang panginoon.
19 “Pagkaraan ng mahabang panahon, bumalik ang panginoon ng mga tauhang iyon at sila'y pinag-ulat. 20 Lumapit ang tumanggap ng limanlibong salaping ginto at sinabi, ‘Panginoon, ito po ang limanlibong salaping ginto na iniwan ninyo sa akin. Heto naman po ang limanlibong salaping ginto na tinubo nito.’
21 “Sinabi sa kanya ng panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting lingkod! Halika, samahan mo ako sa aking kagalakan. Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya gagawin kitang tagapamahala ng malaking halaga.’
22 “Lumapit din ang tumanggap ng dalawang libong salaping ginto at ang sabi, ‘Panginoon, ito po ang iniwan ninyo sa aking dalawang libong salaping ginto. Heto naman po ang dalawang libong salaping ginto na tinubo nito.’
23 “Sinabi ng kanyang panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting lingkod! Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya't pamamahalain kita sa malaking halaga. Samahan mo ako sa aking kagalakan!’
24 “Lumapit naman ang tumanggap ng isanlibong salaping ginto at sinabi, ‘Alam ko pong kayo'y mahigpit at pinipitas ninyo ang bunga ng hindi ninyo itinanim at inaani ninyo ang hindi ninyo inihasik. 25 Natakot po ako, kaya't ibinaon ko sa lupa ang inyong salaping ginto. Heto na po ang inyong salapi.’
26 “Sumagot ang kanyang panginoon, ‘Masama at tamad na lingkod! Alam mo palang pinipitas ko ang bunga ng hindi ko itinanim at inaani ko ang hindi ko inihasik, 27 bakit hindi mo na lamang inilagay sa bangko ang aking salapi! Kahit paano'y may tinubo sana ito! 28 Kunin ninyo sa kanya ang isanlibong salaping ginto at ibigay sa may sampung libong salaping ginto. 29 Sapagkat(E) ang mayroon ay bibigyan pa, at magkakaroon ng sagana; ngunit ang wala, pati ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. 30 Itapon(F) ninyo sa kadiliman sa labas ang walang silbing taong iyan! Doo'y mananangis siya at magngangalit ang kanyang mga ngipin.’”
Panalangin ng Pagtitiwala sa Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
31 Lumalapit ako sa iyo, Yahweh, upang ingatan;
huwag mo sana akong ilagay sa kahihiyan.
Ikaw ay isang Diyos na makatuwiran,
iligtas mo ako, ito'ng aking kahilingan.
2 Ako'y iyong dinggin, iligtas ngayon din!
Sana'y ikaw ang aking maging batong kublihan;
matibay na kuta para sa aking kaligtasan.
3 Ikaw ang aking kanlungan at sanggalang;
ayon sa pangako mo, akayin ako't patnubayan.
4 Iligtas mo ako sa nakaumang na patibong;
laban sa panganib, sa iyo manganganlong.
5 Sa(A) iyong kamay, ipinagkakatiwala ko ang aking buhay.
At sa aki'y ibibigay ang iyong kaligtasan;
ikaw ay Diyos na mapagkakatiwalaan.
6 Ikaw ay namumuhi sa mga sumasamba sa mga diyus-diyosang walang halaga,
ngunit sa iyo, Yahweh, ako umaasa.
7 Matutuwa ako at magagalak,
dahil sa pag-ibig mong wagas.
Paghihirap ko'y iyong nakikita,
alam mo ang aking pagdurusa.
8 Di mo ako hinayaan sa kamay ng kaaway;
binigyan pa ng laya sa aking paglalakbay.
Papuri sa Karunungan
8 Hindi(A) mo ba naririnig ang tawag ng karunungan,
at ang tinig ng unawa'y hindi pa ba napakinggan?
2 Nasa dako siyang mataas,
sa tagpuan ng mga landas;
3 nasa mga pintuan siya, sa may harap nitong bayan,
nakatindig sa pagpasok at ito ang kanyang sigaw:
4 “Kayo'y tinatawagan ko, tao ng sandaigdigan,
para nga sa lahat itong aking panawagan.
5 Kayong walang nalalaman ay mag-aral na maingat,
at kayong mga mangmang, pang-unawa ay ibukas.
6 Salita ko ay pakinggan pagkat ito'y mahalaga,
bumubukal sa labi ko ay salitang magaganda.
7 Pawang katotohanan itong aking bibigkasin,
at ako ay nasusuklam sa lahat ng sinungaling.
8 Itong sasabihin ko ay pawang matuwid,
lahat ay totoo, wala akong pinilipit.
9 Ito ay maliwanag sa kanya na may unawa,
at sa marurunong ito ay pawang tama.
10 Payo ko'y pahalagahan nang higit pa sa pilak,
at ang dunong, sa ginto ay huwag sanang itutumbas.
11 “Pagkat(B) akong karunungan ay mahigit pa sa hiyas,
anumang kayamanan ay hindi maitutumbas.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.