The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CEB. Switch to the CEB to read along with the audio.
16 Kinaumagahan(A) (B) ng ikatlong araw ay kumulog at kumidlat. Ang bundok ay nabalot ng makapal na ulap at narinig ang isang malakas na tunog ng trumpeta. Nanginig sa takot ang lahat ng tao sa buong kampo. 17 Pinangunahan ni Moises ang mga tao papunta sa paanan ng bundok upang humarap sa Diyos. 18 Ang Bundok ng Sinai ay nababalot ng usok sapagkat bumabâ si Yahweh sa anyo ng apoy. Tumaas ang usok tulad ng usok ng isang pugon, at nayanig ang bundok. 19 Palakas nang palakas ang tunog ng tambuli. Nagsalita si Moises at sumagot sa kanya ang Diyos sa pamamagitan ng kulog. 20 Bumabâ si Yahweh sa tuktok ng Bundok ng Sinai at pinaakyat niya roon si Moises. 21 Sinabi niya, “Bumabâ ka at sabihin mo sa mga tao na huwag lalampas ng hangganan upang makita ako sapagkat marami ang mamamatay. 22 Pati ang mga paring lalapit sa akin ay kailangang maglinis ng kanilang sarili; kung hindi'y paparusahan ko sila.”
23 Sinabi ni Moises kay Yahweh, “Hindi po aakyat dito ang mga tao sapagkat pinalagyan na ninyo ng hangganan ang paligid ng bundok at itinuturing naming banal ang nakapaloob doon.”
24 Sinabi ni Yahweh, “Bumabâ ka at isama mo rito si Aaron. Ang mga pari at ang mga tao ay huwag mong palalampasin sa hangganan. Sinumang lumampas ay paparusahan ko.” 25 Bumabâ nga si Moises at sinabi ito sa mga tao.
Ang Sampung Utos(C)
20 Ang lahat ng ito'y sinabi ng Diyos: 2 “Ako si Yahweh, ang iyong Diyos na naglabas sa iyo sa Egipto at nagpalaya sa iyo mula sa pagkaalipin.
3 “Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin.
4 “Huwag(D) kang gagawa ng imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin. 5 Huwag(E) mo silang yuyukuran ni sasambahin sapagkat akong si Yahweh na iyong Diyos ay mapanibughuing Diyos. Ang kasalanan ng mga magulang ay sinisingil ko sa kanilang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi. 6 Ngunit ipinadarama ko ang aking pag-ibig sa libu-libong salinlahi ng mga umiibig sa akin at tumutupad sa aking mga kautusan.
7 “Huwag(F) mong gagamitin sa walang kabuluhan ang pangalan ni Yahweh na iyong Diyos. Tiyak na paparusahan ko ang sinumang gumamit nito nang walang kabuluhan.
8 “Lagi(G) mong tandaan at ilaan para sa akin ang Araw ng Pamamahinga. 9 Anim(H) na araw kang magtatrabaho, at tapusin mo ang dapat gawin. 10 Subalit ang ikapitong araw ay para kay Yahweh na iyong Diyos; ito ay Araw ng Pamamahinga. Sa araw na ito'y huwag magtrabaho ang sinuman sa inyo; kayo, ang inyong mga anak, mga aliping lalaki o babae, ang inyong mga alagang hayop, ni ang mga dayuhang nakikipamayan sa inyo. 11 Anim(I) na araw kong nilikha ang langit, ang lupa, ang mga dagat at ang lahat ng nasa mga ito. Ngunit namahinga ako sa ikapitong araw. Kaya't ito'y aking pinagpala at inilaan para sa akin.
12 “Igalang(J) mo ang iyong ama at ina. Sa gayo'y mabubuhay ka nang matagal sa lupaing ibinibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos.
13 “Huwag(K) kang papatay.
14 “Huwag(L) kang mangangalunya.
15 “Huwag(M) kang magnanakaw.
16 “Huwag(N) kang sasaksi nang walang katotohanan laban sa iyong kapwa.
17 “Huwag(O) (P) mong pagnanasaang maangkin ang sambahayan ng iyong kapwa: ang kanyang asawa, mga alilang lalaki o babae, mga baka, asno o ang anumang pag-aari niya.”
Natakot ang mga Israelita(Q)
18 Nanginig sa takot ang mga Israelita nang marinig nila ang dagundong ng kulog at tunog ng trumpeta, at makita ang kidlat at ang usok sa bundok. Nanatili silang nakatayo sa malayo. 19 Nang lumapit sa kanila si Moises, sinabi nila, “Ikaw ang magsalita sa amin at makikinig kami; huwag na ang Diyos at baka kami mamatay.”
20 Sinabi sa kanila ni Moises, “Huwag kayong matakot, sapagkat sinusubok lang kayo ng Diyos. Nais lang niyang magkaroon kayo ng takot sa kanya sapagkat ayaw niya kayong magkasala.” 21 Ngunit nanatili pa rin sa malayo ang mga tao; si Moises lamang ang lumapit sa makapal na ulap na kinaroroonan ng Diyos.
Ang mga Utos tungkol sa mga Altar
22 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo ito sa mga Israelita: Narinig ninyo nang ako'y magsalita mula sa langit. 23 Huwag kayong gagawa ng anumang diyus-diyosan, pilak man o ginto. 24 Gumawa kayo ng altar na yari sa lupa at doon ninyo susunugin ang inyong mga handog para sa kapayapaan; doon din ninyo susunugin ang handog ninyong mga tupa at mga baka. Doon ninyo ako sasambahin sa lugar na ituturo ko sa inyo. Pupunta ako roon at pagpapalain ko kayo. 25 Kung(R) gagamit kayo ng bato sa altar na inyong gagawin, huwag kayong gumamit ng batong tinapyasan ng paet. Ang paggamit ng paet ay isang paglapastangan. 26 Huwag ninyo akong igagawa ng altar na may baytang paakyat upang hindi malantad ang inyong kahubaran.”
Ang Batas sa mga Alipin(S)
21 “Ito ang tuntuning ibibigay mo sa bayang Israel. 2 Kapag(T) ang isang tao'y bumili ng aliping Hebreo, maglilingkod ito sa kanya sa loob ng anim na taon. Sa ikapito, makakalaya na siya nang hindi kailangang tubusin. 3 Kung ang alipin ay walang asawa nang bilhin, aalis siyang walang asawa. Ngunit kung may asawa siya nang mabili, kasama niya sa pag-alis ang kanyang asawa. 4 Kung sa kanyang pagkaalipin ay binigyan siya ng magiging asawa at nagkaanak sila, ang babae at ang mga anak ay maiiwan sa amo; siya lamang ang lalaya. 5 Ngunit kung ayaw na niyang umalis sapagkat mahal niya ang kanyang asawa't mga anak, gayon din ang kanyang amo 6 patutunayan niya ito sa harapan ng Diyos: dadalhin siya sa pintuan, sa tabi ng poste ng pinto at bubutasan ang isa niyang tainga. Sa gayon, magiging alipin siya habang buhay.
7 “Kapag ipinagbili ng ama ang kanyang anak na babae upang maging alipin, hindi ito palalayain tulad ng aliping lalaki. 8 Ngunit kung ang babae'y ipinagbili bilang asawa ng kanyang amo, subalit siya'y hindi nito kinaluguran, siya ay maaaring ipatubos sa kanyang mga kamag-anak. Walang karapatan ang kanyang amo na siya'y ipagbili sa mga dayuhan sapagkat hindi ito naging makatarungan sa babae. 9 Kung ang babae nama'y binili para sa anak ng amo, ituturing siya nito na parang tunay na anak. 10 At kung mag-asawa ng iba ang lalaki, ang babae ay patuloy na bibigyan ng kanyang pagkain, damit at patuloy na sisipingan ng kanyang asawang lalaki. 11 Kapag hindi tinupad ng lalaki ang tatlong bagay na ito, dapat palayain ang babae nang hindi na kailangang tubusin.
Mga Batas tungkol sa mga Karahasan
12 “Sinumang(U) manakit at makapatay sa kanyang kapwa ay dapat ring patayin. 13 Ngunit(V) kung hindi sinadya o binalak ang pagpatay at ito'y hinayaang mangyari ng Diyos, ang nakamatay ay maaaring magtago sa lugar na itatakda ko sa ganitong pangyayari. 14 Ngunit kung ang pagpatay ay sinasadya, darakpin ang pumatay at papatayin kahit magtago pa siya sa aking altar.
15 “Sinumang magbuhat ng kamay sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.
16 “Sinumang(W) dumukot ng kapwa upang ipagbili o alipinin ay dapat patayin.
17 “Sinumang(X) magmura sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.
18-19 “Ang manuntok o mamukpok ng bato sa pag-aaway ay hindi paparusahan kung ang sinuntok o pinukpok ay hindi namatay at muling nakalakad kahit nakatungkod. Ngunit kung ang sinuntok o pinukpok ay maratay, siya ay aalagaan ng nanakit at babayaran pa ang panahong hindi niya naipagtrabaho.
20 “Kapag sinaktan ng isang tao ang kanyang alipin, maging babae o lalaki, at ito'y namatay noon din, paparusahan ang taong iyon. 21 Ngunit kung ang alipin ay mabuhay ng isa o dalawang araw, hindi paparusahan ang amo sapagkat kanyang ari-arian ang alipin.
Tinuligsa ni Jesus ang mga Tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo(A)
13 “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Hinahadlangan ninyo ang mga tao upang hindi sila makapasok sa kaharian ng langit. Hindi na nga kayo pumapasok, hinahadlangan pa ninyo ang mga nais pumasok! [14 Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Inuubos ninyo ang kabuhayan ng mga biyuda at ang idinadahilan ninyo'y ang pagdarasal ng mahahaba! Dahil dito'y lalo pang bibigat ang parusa sa inyo!][a]
15 “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nilalakbay ninyo ang karagatan at ginagalugad ang buong daigdig makahikayat lamang kayo ng kahit isang Hentil sa pananampalatayang Judio. Ngunit kapag ito'y nahikayat na, ginagawa ninyo siyang masahol pa at lalong dapat parusahan sa impiyerno kaysa sa inyo.
16 “Kahabag-habag kayo, mga bulag na taga-akay! Itinuturo ninyo na kung gagamitin ninuman ang Templo sa panunumpa, walang halaga ito. Ngunit kung ang gagamitin niya sa panunumpa ay ang ginto ng Templo, dapat niyang tuparin ang kanyang sumpa. 17 Mga bulag! Mga hangal! Alin ba ang mas mahalaga, ang ginto, o ang Templong nagpapabanal sa ginto? 18 Sinasabi rin ninyo na kung gagamitin ninuman ang dambana sa panunumpa, walang halaga ito. Ngunit kung ang gagamitin niya ay ang handog na nasa dambana, dapat niyang tuparin ang kanyang sumpa. 19 Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang handog o ang dambana na nagpapabanal sa handog? 20 Kaya nga, kapag nanumpa ang sinuman na saksi ang dambana, ginagawa niyang saksi ito at ang lahat ng handog dito. 21 Kapag nanumpa ang sinuman na saksi niya ang Templo, ginagawa niyang saksi ito at ang Diyos na nasa Templo. 22 At(B) kapag nanumpa ang sinuman na saksi niya ang langit, ginagawa niyang saksi ang trono ng Diyos at ang Diyos na nakaupo doon.
23 “Kahabag-habag(C) kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nagbibigay kayo ng ikasampung bahagi ng maliliit na halamang tulad ng yerbabuena, ruda at linga ngunit kinakaligtaan naman ninyong isagawa ang mas mahahalagang turo sa Kautusan: ang katarungan, ang pagkahabag, at ang katapatan. Dapat ninyong gawin ang mga ito nang hindi kinakaligtaan ang ibang utos. 24 Mga bulag na taga-akay! Sinasala ninyo ang kulisap sa inyong inumin, ngunit nilulunok naman ninyo ang kamelyo!
25 “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nililinis ninyo ang labas ng tasa at pinggan, ngunit ang mga iyon ay puno ng kasakiman at pagiging makasarili. 26 Bulag na Pariseo! Linisin mo muna ang nasa loob ng tasa [at pinggan][b] at magiging malinis din ang labas nito!
27 “Kahabag-habag(D) kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Ang katulad ninyo'y mga libingang pinaputi, magaganda sa labas, ngunit ang loob ay bulok at puno ng kalansay. 28 Ganyang-ganyan kayo! Sa paningin ng tao'y mabubuti, ngunit ang totoo'y punung-puno kayo ng pagkukunwari at kasamaan.”
Paparusahan ang mga Mapagkunwari(E)
29 “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nagpapagawa kayo ng libingan para sa mga propeta, at pinapaganda ang mga puntod ng mga taong namuhay nang matuwid. 30 Sinasabi pa ninyo, ‘Kung kami sana'y nabuhay sa kapanahunan ng aming mga ninuno, hindi kami makikiisa sa pagpatay sa mga propeta.’ 31 Sa sinabi ninyong iyan, inaamin ninyong kayo'y mga anak ng mga pumaslang sa mga propeta! 32 Sige! Tapusin ninyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno! 33 Mga(F) ahas! Lahi ng mga ulupong! Hindi kayo makakaiwas na maparusahan sa impiyerno! 34 Kaya nga, magsusugo ako sa inyo ng mga propeta, mga matatalinong tao at mga tagapagturo! Papatayin ninyo ang ilan sa kanila, at ang iba'y ipapako sa krus. Ang iba'y hahagupitin ninyo sa inyong mga sinagoga at uusigin sa bayan-bayan. 35 Kaya(G) nga, paparusahan kayo dahil sa pagkamatay ng lahat ng taong pinatay na walang sala, magmula kay Abel hanggang kay Zacarias na anak ni Baraquias. Pinaslang ninyo si Zacarias sa pagitan ng Templo at ng dambanang sunugan ng mga handog. 36 Tandaan ninyo: ang parusa sa lahat ng mga pagpatay na iyon ay babagsak sa salinlahing ito.”
Ang Pag-ibig ni Jesus sa Jerusalem(H)
37 “Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang mga propeta at binabato ang mga isinugo sa iyo! Ilang ulit kong sinikap na kupkupin ang iyong mga anak, kung paano tinitipon ng isang inahin ang kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, ngunit ayaw ninyo. 38 Kaya't(I) ang inyong Templo ay iiwan na lubusang pinabayaan. 39 Sinasabi(J) ko sa inyo, hindi na ninyo ako makikita hanggang dumating ang oras na sabihin ninyo, ‘Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!’”
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Katha ni David.
28 Tagapagtanggol kong Yahweh, ako'y nananawagan,
sana'y iyong pakinggan itong aking karaingan.
Kung katugunan ay hindi mo ibibigay,
para na rin akong nasa daigdig ng mga patay.
2 Pakinggan mo sana ang paghingi ko ng saklolo,
kapag itinataas ang kamay ko sa iyong banal na Templo.
3 Huwag mo akong ibilang sa mga masasama,
na pawang kalikuan ang mga ginagawa;
kung magsalita'y parang mga kaibigan,
ngunit sa puso'y may pagkamuhing taglay.
4 Parusahan(A) mo sila sa kanilang ginagawa,
pagkat mga gawa nila'y pawang masasama.
Parusa sa kanila'y iyong igawad,
ibigay sa kanila ang hatol na dapat.
5 Mga gawa ni Yahweh ay di nila pinapansin,
mabubuti niyang gawa'y ayaw intindihin;
kaya't sila'y kanyang pupuksain,
at hindi na muling pababangunin.
6 Si Yahweh ay dapat purihin!
Dininig niya ang aking mga daing.
7 Si Yahweh ang lakas ko at kalasag,
tiwala ko'y sa kanya nakalagak.
Tinutulungan niya ako at pinasasaya,
sa awiti'y pinasasalamatan ko siya.
8 Iniingatan ni Yahweh ang kanyang sambayanan;
siya ang kanlungan ng kanyang haring hinirang.
9 Iligtas mo, Yahweh, ang iyong bayan,
ang mga sa iyo, ay iyong basbasan.
Alagaan mo sila magpakailanman,
tulad ng pastol sa kanyang kawan.
7 Aking anak, salita ko sana ay ingatan,
itanim sa isip at huwag kalimutan.
2 Ang utos ko ay sundin mo upang mabuhay nang matagal,
turo ko'y pahalagahan tulad ng iyong mga mata.
3 Ito'y itali mo sa iyong mga kamay,
at sikapin mong matanim sa iyong isipan.
4 Ang karunungan ay ituring mo na babaing kapatid,
at ang pang-unawa nama'y kaibigang matalik.
5 Pagkat ito ang sa iyo'y maglalayo sa babaing mapangalunya,
nang di ka mabighani ng matamis niyang pananalita.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.